Ang Diyos ay kaalaman  

Magandang Balita

Pag-aaral ng Bibliya sa Mateo 27-28 talata bawat talata

  1-10      11-20      21-26      27      28  

Source: Het evangelie naar Mattheüs ISBN 9026607660; New Testament Commentary ISBN 0851511929

Mateo 27 - Ang Pagpapako kay Hesus sa Krus

Mga Talata 1-2 Ang hindi-wastong paghahatol na patayin si Hesus sa umaga ay inilipat sa isang legal at wastong paraan, sa kamay ng Roma. Nagpasiya ang lahat ng mga punong saserdote, eskriba (Lucas 22:66) at mga pinuno ng bayan na dalhin si Kristo kay Pilato na gobernador.
Noong 6 B.C., isang Romanong Gobernador ang hinirang sa Judea na nilimitahan ang sakop ng pagpapatakbo ng Sanhedrin (ang pinakamataas na awtoridad ng mga Hudyo) sa parehong espirituwal at sekular na mga bagay, kabilang ang paghatol ng parusang kamatayan. Ang paghahatol at pagpápatupád ng parusang kamatayan ay nasa kamay ng Romanong gobernador o prokurador (Juan 18:31) na nanirahan sa Caesarea, hindi sa Jerusalem. Inayos ng Sanhedrin ang mga lokal na gawain, habang ang pinakamataas na awtoridad ng batas ay nanatili sa kapangyarihan ng gobernador alinsunod sa umiiral na alituntuning Romano noon. Si Poncio Pilato ay prokurador (kanyang opisyal na titulo) ng A.C. 26-36 ng Judea. Ginamit ni Flavius ​​Josephus (históryadór) ang titulong gobernador kay Pilato upang ipahiwatig na siya'y kumander ng militar. Dahil sa malaking bilang ng mga Hudyo sa loob at labas ng Judea at posibleng paghihimagsik at kaguluhan, si Pilato ay nakabase sa Jerusalem. Posible sa kuta ng Antonia sa Hilaga ng liwasan ng templo o sa Palasyo ni Herodes sa hilagang-silangan ng Jerusalem (ang huling lugar ay malamang hindi ayon sa Lucas 23:7).
Ang desisyon ng Sanhedrin na patayin si Hesus ay hindi nila nagawang gawin. Kaya naman, si Hesus ay iginapos at inilipat kay Pilato upang ang gobernador ang magkumpirma at magsagawa ng paghatol.

Mga Talata 3-4 Ang pagkailâ ni Pedro na kilala't kasama siya ni Hesus ay humantong sa kanyang taos na pagsisisi. Samantala, ang pagtataksil ni Hudas ay humantong sa kanyang pagpapakamatay. Hindi ba nabanggit kung kailan nangyari ang pagbabagong isip ni Hudas, pagkatapos ba ito ng gabi ng paghahtol ng Sanhedrin o pagkadala kay Hesus kay Pilato? Anuman ang nangyari, bumalik siya sa mga punong saserdote at mga pinuno, at sinabing; "NAGKASALA AKO! Ipinagkanulo ko ang dugo ng taong walang kasalanan.". Malamang ay tinawanan lang siya ng mga naroon. Naabot na nila ang kanilang diyabólikóng layunin at hindi na ito mababaligtad kahit isauli pa ni Hudas ang binayad sa kanya. Ang hatol bunga ng pagtataksil niya sa isang inosenteng Tao (si Hesukristo) ay pinal na. Hindi na mababago ni Hudas ang desisyong patayin si Hesus. At batay sa reaksyón niya, alam ni Hudas na malaki ang pananagutan at sala niya sa pagkakanulô kay Kristo. Aral: Ang bawat tao ay may pananagutan sa kanyang mga aksyon. Sa kabila ng katotohanan na ang mga propesiya ay natupad patungkol kay Hudas at siya'y sinaniban ni satanas upang magtaksíl kay Hesus, ang kanyang (lihim na) pamumuhay (magnanakaw, sakiman, traidor) ay humantong sa kanyang sariling desisyon at aksiyón. Ayon sa Banal na Kasulatan, ang pagsisisi ng isang nagnakaw o nanlamang ay may obligasyon na itama ang mali o magbáyad-pinsalà (restitution). Basahin ang Lucas 19:1-10 na isang malinaw na halimbawa nito nang nakilala ni Zaqueo si Hesus.
Ang pagbuhos ng inosenteng dugo ay isang napakaseryosong kasalanan sa Lumang Tipan. Dapat na muling buksan ang kaso, dahil kung babalewalain, hindi lamang ang traydor ang may sala kundi pati na rin ang mga hukom na humatol sa pagkondena. Ngunit ang mga hukom dito ay hindi iginagalang ang kanilang sariling mga batas at sumagot kay Hudas ng; "Ano ang pakialam namin sa iyo? Bahala ka sa buhay mo!" Ang mga nagpapanggap na iginagalang at pinananatili ang mga batas ni Moises ay silang hindi nagpapahalaga sa Kautusan.
Aral: Gaano kapanganib kapag ang mga minorya, ay gustong magpataw ng kanilang kalooban sa karamihan. Ang minorya na gustong baguhin ang mga batas at ikinalulungkot na nagtatagumpay na itala ang kanilang kalooban sa mga batas (na labag sa mga utos ng Diyos) na ang kalahatan ay kailangang sumunod. Isipin na lang ang payagan ang pakikipagtalik sa mga bata at hayop, pagkulong sa mga taong nagbabala laban sa homosexualidad o kaibahan ng kasarian ng lalaki't babae. Ang lipunan ay dapat maging mapagbantay at hindi magpaubaya, magprotesta laban sa mga batas na ito na nais ipatupad ng gobyerno at bóykotín ang mga produkto't serbisyo ng mga kumpanyang nagtataguyod nito.

Talata 5 Hindi nais ng Sanhedrin na tanggapin ang pera ng dugo (blood money) na sinasauli ni Hudas. Dapat niyang maibalik ang bayad kahit na sa anong paraan, ngunit inayawan na ito ng mga pinuno. Kaya pumunta si Hudas sa templo (kung saan ginanap ang mga sakripisyo) at itinapon ang pera sa templo. Ito'y katuparan ng nakasulat sa Zacarias 11:11-13.
Nakakalungkot na wakas; umalis si Hudas at nagbigti. Sa salaysay ni Lucas sa Gawa 1:18-19, kanyang naisulat ang patutoo ni Pedro ukol sa huling kinahinatnan ni Hudas. Ito'y karagdagang detalye ng kanyang wakas mula sa perspektibo ng kapwa disipulo ni Hesus.
Maging aral ito para sa mananampalataya. Nais ng Diyos na magsisi ang tao at humingi ng kapatawaran. Nakasulat sa 1 Timoteo 2:3-4 na ang; "Diyos na ating Tagapagligtas. Nais niyang maligtas ang lahat ng tao at malaman ang katotohanan." Kahit gaano pa kabigat ang ating mga kasalanan, posible ang pagpapatawad ng Diyos para sa sinomang manalig sa Kanyang Anak na si Hesukristo.

Talata 6 Alam ng mga punong saserdote kung saan ginamit ang tatlumpung pirasong pilak na itinapon ni Hudas sa templo. Batid nilang labag sa Kautusan (Deuteronomio 23:18) na ilagay ang pera sa kabang-yaman ng templo sapagkat ibinayad iyon upang ipapatay ang isang Tao (si Hesukristo). Hindi nila maikakaila dahil inamin nilang dugong salapi (blood money) ang binayad nila kay Hudas kapalit ng buhay ng walang kadungis-dungis na Kordero ng Diyos.

Mga Talata 7-8 Nagpasya silang bumili ng isang bukid para sa sementeryo ng mga dayuhan, para sa mga paganong bisita sa Jerusalem; pera para sa isang maruming lugar para sa mga taong marumi. Ang bukid ba na ito ng isang magpapalayok ay lugar kung saan kumukuha ng putik pero nasaid na kaya wala ng silbi kaya pinagbili na lang para maging libingan? Ang lugar na ito ay tinawag na Akeldama (field of blood) sa Gawa 1:19 na hanggang ngayon ay naroroon pa rin sa Lambak ng Hinom, Timog Jerusalem.

Mga Talata 9-10 Natupad ang mga propesiya sa Jeremias 18-19 at Zacarias 11. Hindi literal na ginamit ni Mateo ang mga teksto ngunit malinaw na ang tinatayang halaga ng tatlumpung pirasong pilak at ang pagbili ng lupain ng magpapalayok ay nangyari dito.

Talata 11-14 Si Hesus ay dinala kay Pilato na gobernador, hindi sa paratang ng mga punong saserdote ng kalapastanganan kundi sa bintáng ng kaguluhan o rebelyon bilang Hari ng mga Hudyo. Si Pilato ay hindi nakikiramay sa mga pinuno ng mga Hudyo. Para sa kanya ay dinala ang isang lalaki na pinaparatangang naghahayag na Siya ang Hari ng mga Hudyo. Iba ang tingin niya sa pulitika ng kanyang nasasakupan kaysa sa mga Israelita. Hindi tiyak kung malalim ang kanyang kaalaman sa Hudaismo at sa paniniwala nito sa isang Mesiyas. Sa isang banda, tungkulin ni Pilato na ipatupad ang hustisya at hindi nais na hatulan ang isang inosenteng tao. Ngunit ang kanyang posisyon bilang gobernador ay nakita niyang mas mahalaga at sa gayon ay handa siyang makipagkompromiso kahit na humantong ito sa pagsasakripisyo ni Hesus.
Sa sagot ni Hesus: "Ikaw na ang may sabi." (Sa Juan 18:37; "Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari.") ay hindi nakatulong sa pag-uusisa ni Pilato dahil ito'y hindi direktang pagtatapat. Nagtaka si Pilato, para sa kanya, dinala sa kanyang harapan ang isang tao na maraming akusasyon at hindi man lang ipinagtatanggol ang Kanyang sarili at nananatiling tahimik. Malinaw na hawak ni Hesus ang sitwasyon at hindi Siya nangangamba. Alam Niyang walang kapangyarihan si Pilato o ang Sanhedrin sa Kanya (Juan 18:36). Sinulat sa Juan 19:10-11 na batid ni Hesus na Kanyang kailangan pagdaanan ang Kalbaryo ayon sa kalooban ng Ama; "Muling nagtanong si Pilato, 'Ayaw mong magsalita sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?' Sumagot si Jesus, 'Hindi ka magkakaroon ng kapangyarihan sa akin kung hindi iyan ibinigay sa iyo mula sa langit, kaya't mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito sa harapan mo.'"
Pagninilay-nilay: Bilang Kristiyano kapag ikaw ay pinaparatangan nang hindi tutoo, ikaw ba'y: 1) pinagtatanggol ang sarili, 2) nananatiling tahimik at hinahayaan ang Banal na Espiritu na kumilos? Sa Gawa 16:22-23; 36-37, pinahintulutan ni Pablo na siya'y paghahaguputin at pagkatapos ay nagreklamo't umangal sa ginawang ínhustisya dahil siya ay isang mamamayang Romano.
Gusto ni Pilatong maging patas sa paghahatol sa pagtitimbang ng panig ng mga pinuno ng mga Hudyo at ng kanilang akusado. Kung tutoo ang paratang ay maaaring ilagay sa panganib ng Hari ng mga Hudyo ang kanyang posisyon at sinasakupan sa nakaambang na paghihimagsik at kaguluhan upang palayain ang Israel mula sa pamatok ng Roma. Ngunit malaking palaisipan na kung ang kalayaan ng Israel mula sa mga mananakop ang pakay ni Hesus, hindi ba dapat ay mas panigan Siya ng Sanhedrin bilang kapwa Hudyo na makabayan? Kaya nakakapanghinala ang nais ng mga pinuno na ipapatay ang kanilang Hari maliban na lamang kung lubos ng pagkamuhi at ganid nila sa Kanya. Kaya sa talata 18 sinulat na; "Alam ni Pilato na pagkainggit ang nagtulak sa pamunuan ng mga Hudyo na dalhin sa kanya si Hesus." Nagpasya si Pilato na ipinadala si Hesus kay Herodes (Lucas 23:8-12) dahil sa hurisdiksyón, ngunit ibinalik din ni Herodes ang kaso kay Pilato.

Mga Talata 15-18 Nakaugalian ng gobernador tuwing Paskwa na magpalaya ng isang bilanggo sa hiling ng mamamayan. Ginamit ni Pilato ang nakasanayang amnestiya tuwing pista para pampalúbag-loób sa mga sinasakupan nila. Dahil dito, maaaring nababawasan ang galit at tensyon sa mga Romano ng mga Hudyong nagtitipon sa Jerusalem sa panahon ng Paskuwa. Kahit ngayon ang mga pinuno ng bansa ay minsa'y nagkakaloob ng indulto (pardon) sa mga nahatulan at binibigyan ng laya.
Si Barabas ay isang mandirigma para sa kalayaan na nasa bilangguan dahil sa pagpatay (Lucas 23:19) at naghihintay ng paglilitis sa kanya. Alam ni Pilato (èidei) na si Hesus ay ipinasa dahil sa inggit (dia phthonon; talata 18). Batid niya na nasa harapan niya ay isang inosenteng Tao (Kristo) na hindi niya kayang hatulan, ngunit natatakot siya sa posibleng kaguluhan at sinubukang mapalaya si Hesus sa pamamagitan ng amnestiya, sa pag-asang Siya ang pipiliin ng mga tao. Sa kasamaang-palad, nabigo ang plano ni Pilato sapagkat si Barabas ang pinili ng mga Hudyo. Siya ay may awtoridad bilang gobernador at dapat malinaw niyang inihayag sa publiko na wala siyang nakitang krimen kay Hesus at pinalaya Siya.
Pagninilay-nilay: Naaayon ba sa tamang kahulugan (accuracy) at katotohanan ang ating paghahayag ng Salita ng Diyos?

Talata 19 Habang si Pilato ay nakaupo sa luklukan ng paghatol na naghihintay na marinig ang pasiya ng mga tao, nagparating ng mensahe ang kanyang asawa; "Huwag kang makialam sa usapin ng taong iyan. Wala siyang kasalanan. Labis akong nahirapan dahil sa aking panaginip kagabi tungkol sa kanya."
Ayon sa apokripal na salaysáy, sasabihin sana ni Pilato sa mga Hudyo: "Alam ninyo na ang aking asawa ay may takot sa Diyos at sumusunod sa pananampalataya ng mga Hudyo, at nabubuhay na kasama ninyo." At sumagot ang mga tao ng: "Oo, alam namin iyon." Pagkatapos nito sinabi niya ang mensahe ng kanyang asawa sa kanila, ngunit ang tugon nila: "Ito ay isang panaginip ng demonyo na ipinadala sa kanya ni Hesus sapagkat siya'y isang mapanlinlang na salamangkero." Sa ganitong paratang, ang asawang babae ay nasa panig ng diyablo. Kaya para kay Pilato, tiyak na nais ng mga tao na tanggalin si Hesus sa anumang paraan.
Dahil ang mensahe tungkol sa panaginip ay mula sa kanyang asawa, nararapat lamang na ituring ito ni Pilato bilang seryosong babala. Yaong panaginip ay kapahayagang mula sa Diyos na ang Tao (si Hesus) na nakasakdal ay inosente't matuwid. Na mabuting umiwas na magkaroon si Pilato ng kinalaman sa paghahatol at sa pagdanak ng inosenteng dugo.
Aral para sa mga taong may tungkuling humatol (mga hukom, abogado, atbp.) iniisip ba nila ang kanilang mga partikular na interes at sariling kapakinabangan, o naninindigan silang itaguyod ang katotohanan, ang katarungan at katuwiran?

Hesus at ang mga taoTalata 20 Ang mga punong saserdote at mga pinuno ng bayan ang nanghikayat sa mga tao. Napakalaking pananagutan ng mga taong relihiyosong ito na naghahayag na sila'y sumasamba at naglilingkod sa Diyos. Noong panahong iyon, kahit na nasasakupan ng Roma ang Israel, napakalaki pa rin ng impluwensiya ng mga relihiyosong pinuno sa sambayanan ng mga Hudyo. Sa kasalukuyan, makikita din ito sa daigdig ng pulitika na hindi mapagkakailang madumi. Karaniwan na ang panlilinlang sa mga tao para sa pansariling kapakanan ng mga pulitiko na karamihan ay may tinatagong layunin. Sa kaso ng mga pinunong Hudyo, ang makasarili't pulitikang layunin nila ay ang ipapatay si Hesukristo. Ang lipon na naroon ay ganap na nabulag at nalinlang. Kahit na nasa harap nila ang Taong nagpagaling sa marami, nagpalayas sa mga demonyo, nagpakain sa libo-libong tao, bumuhay sa mga namatay at gumawa ng maraming tanda't himala sa Ngalan ng Diyos na nasaksihan at nabalitaan ng Israel, nahikayat pa rin sila ng kanilang mga pinuno na ayawan si Kristo at piliin si Barabas.

Talata 21 Sa muling pagtanong ng gobernador kung; "Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko?" Ang sigaw ng tao ay; "Si Barabas!" Madaling nakumbinsí ng mga pinuno ang mga mamamayan. Si Barabas ang mandirigma ng kalayaan na naghimagsik laban sa pamatok ng mga Romano. Hangad niyang palayain ang Judea, samantalang si Hesus na kanilang inaasahang Mesiyas ay walang layon na palayain ang bayan mula sa Roma. Dahil ang Kanyang mensahe ay tungkol sa kasalanan, pagsisisi, pagbabalik-loob sa Panginoon at ang parating na Kaharian ng Diyos, sa mata ng tao nabigo ni Kristo na patunayan ang inaasahan nila sa kanilang Mesiyas; ang palayain ang Israel mula sa mga Romano.

Talata 22 Binalikan ni Pilato ang mga Hudyo at muling tinanong; "Ano ngayon ang gagawin ko kay Hesus na tinatawag na Kristo?" Ayon sa Juan 19:6 ang mga punong saserdote at mga kawal ang unang sumigaw; "Ipako siya sa krus! Ipako sa krus!" Ang Juan 19:6-12 ay nagbibigay ng karagdagang ulat ukol dito. Ayon sa mga Hudyo dapat Siyang mamatay ayon sa Kautusan dahil sinabi ni Hesus na Siya ay Anak ng Diyos, na lalong ikinatakot ni Pilato. Bakit mas natakot ang gobernador nang marinig ito? Nang una niyang pinakinggan ang akusasyon kay Hesus, Siya'y hinabla sa paghahayag na Siya ang Hari at Mesiyas (Tagapagligtas) ng Israel. Samakatuwid, pulitika ang ugat ng asunto, ngunit nang marinig ni Pilato na Siya ay Anak ng Diyos, lalong lumalim ang kaso. Lumalabas na hindi lamang ito pulitikal, kundi espirituwál.
Ang mga punong pari ay may pananagutan sa pagpapa-alab ng galit ng mga tao, ngunit hindi pa rin ligtas ang mga mamamayan sa sagutin sanhi ng kanilang pakikilahok at pakikipagsabwatan. Aral: Mag-ingat sa mga pinuno (pulitikal at espirituwál) at laging suriin kung mayroon silang makasariling layunin at interes. Dapat maging mapagbantay at siyasatin ang mga pakay upang hindi maging kasabwat at magkasala sa harap ng Diyos.

Si Pilato ang may pananagutan sa pagkamatay ni Hesus

Mga Talata 23-25 Si Pilato ay duwag, siya ay HUKOM. Siya ay ganap na Romanong may awtoridad at gobernador na may responsibilidad. Gayunpaman, siya'y takot na sumiklab ang paghihimagsik at mapaalis sa kanyang katungkulan ng Emperador sa Roma. Nanganlong siya sa paghuhugas ng kanyang mga kamay mula sa kaso na kilalang kaugalián ng mga Hudyo (Deuteronomio 21:6-7). Malinaw sa paglilitis ng gobernador sa harapan ng lahat na idineklara ni Pilato na inosente si Hesus; "Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya!" (Juan 19:4). Subalit kahit na naghugas siya ng mga kamay at hinayag na; "Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Kayo ang dapat managot. Malinis ang kamay ko sa bagay na ito.", siya ay may mananagót pa rin sa hukuman ni Kristo, hindi lang singbigat ng sa mga pinuno ng mga Hudyo. Matatandaang sinabi ni Hesus kay Pilato sa Juan 19:11; "Hindi ka magkakaroon ng kapangyarihan sa akin kung hindi iyan ibinigay sa iyo mula sa langit, kaya't mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito sa harapan mo." Kaya kahit na ang tugon ng mga tao sa pagpatay kay Hesus ay; "Pananagutan namin at ng aming mga anak ang dugo niya.", bilang awtoridad may kakayahan siyang palayain si Kristo ngunit mas pinili niyang pangalagaan ang sarili niyang interes. Gaya ng sinabi ng Panginoong Hesus, mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa Kanya kay Pilato, pero hindi ibig sabihin nito hindi mananagot ang gobernador pagdating ng oras ng paghahatol ng Haring Hesukristo.
Hindi tama na ipataw ang sisi sa mga Hudyo at Romano ng pagpapako kay Kristo sa krus. Maling sabihin ninoman, lalo na ng mga Kristiyano, na dahil sa ginawa kay Hesus ang poot ng Diyos ang kapalit ng kanilang kalupitan. Nawa'y hindi natin makalimutan na ang Diyos ay soberano at ang lahat ng nangyayari sa sanlibutan ay naaayon sa Kanyang kalooban, kaya sinulat sa Gawa 2:23; "Sa mula't mula pa'y alam na at ipinasya na ng Diyos na ibigay sa inyo si Hesus. At ipinako ninyo siya sa krus at ipinapatay sa mga makasalanan." Dapat maunawaan ng tao na kung wala ang pagpapako kay Kristo sa krus, walang kabayaran ng ating mga kasalanan. Magandang alalahanin natin ang konklusyón ng pangaral ni Apostol Pedro; "Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Hesukristo upang kayo'y patawarin; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, sa bawat taong tatawagin ng ating Panginoong Diyos." (Gawa 2:38-39).

Ang pagpapako kay Hesus sa krus ay isang mapait na pangangailangan para sa kapatawaran ng kasalanan.

Ang bawat nilalang ay dapat magkaroon ng kamalayan sa kasalanan at mapagtanto na tayo ang tunay na dahilan kung bakit kailangang mamatay si Hesus sa krus. "Pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Kristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa." (Roma 5:8). Kay Hesus lamang matatagpuan ang tanging daan tungo sa ganap na kapatawaran at kaligtasan.

Paghahampas kay Hesus

Paghahampas kay HesusRomanong LatigoTalata 26 Bumigay si Pilato sa sigaw ng tao at pinalaya si Barabas. Ang paglalatigo ay isang paunang pagpapahirap ng mga Romano bago ang pagpapako sa krus. Ang Romanong latigo ay binubuo ng isang maikling hawakang kahoy kung saan nakakabit ang ilang balat na kurdon (leather straps). Ang bawat kurdon ay may mga piraso ng tingga, tanso at buto na may matatalas na dulo para lubusin ang pananakit ng sinumang hampasin nito. Kinailangang yumuko ang biktima. Karaniwang may tig-isang sundalong tagahampas sa kaliwa't kanan ng biktima, kaya't ang mga latay ay tumagos nang malalim sa laman. Isang kapitan ang bumibilang at nagbibigay ang utos sa paghampas na nilimitahán sa 40 dahil sa karamihang namamatay sa ilalim ng paghahagupit nito.

Koronang tinikIskarlatang balabalMga Talata 27-30 Dinala ng mga Romanong sundalo si Hesus sa palasyo (praetorium) ng gobernador at tinipon ang isang batalyon (600 kawal) sa paligid Niya. Dito ay sinimulan nilang kutyain si Kristo. Nagsimula ang mga sundalo sa isang kakila-kilabot na pangungutya. Hinubaran nila Siya at sinuotan ng matingkad na pulang balabal, ginawan ng koronang gawa sa matinik na baging at ipinutong sa kanya, at ipinahawak sa kanang kamay Niya ang tangkay ng tambo bilang setro. Niluluhuran nilang may pangungutya sinasabi; "Mabuhay ang Hari ng mga Hudyo!" Bilang tao, hirap akong isipin ang lalim ng pagtitimpi ng Anak ng Diyos sa Kanyang pinagdaanan. Maaari naman Niyang ipamalas ang Kanyang sariling kapangyarihan o tumawag ng kahit isang mandirigmang anghel (2 Hari 19:35) upang parusahan ang mga sundalo, ngunit tinanggap Niya ang pangiinsulto at nagpatuloy Siya sa pagtupad sa kalooban ng Kanyang Ama. Sa mapagkunwaring pagpapatirapa ng mga Romanong kawal, sa aking palagay, ay parang sinasabi nilang; Nasaan ang iyong kapangyarihan, nasaan ang iyong mga sundalo bilang isang hari? Kami ang may kapangyarihan sa iyo. Kasabay nito'y dinuduraan Siya at hinahampas sa ulo ng tangkay ng tambo na kinuha sa Kanyang kanang kamay. Marahil sa isip ng mga sundalong Romano ito, pagkakataon na nilang ipaghiganti ang mga nasawi nilang kapwa kawal sa pananambang ng mga rebeldeng Hudyo dahil nasa kamay nila ngayon "ang Hari ng mga Hudyo", si Hesus.
Ang hindi sinasadyang napakahalaga ang ginawa ng mga sundalo. Ang koronang tinik ay sumisimbolo sa sumpa ng kasalanan ng sangkatauhan na inilagay sa ulo ni Hesus. Ito ay tumutukoy pabalik sa Genesis 3:18; bunga ng KASALANAN ang sumpa ng mga tinik at dawag sa mundo. Ito ay nagpapaalala sa atin kung bakit si Hesus ay pumunta sa krus, para akuin ang parusa sa kasalanan bilang ating KAPALIT. Sabi nga sa 2 Corinto 5:21; "Hindi nagkasala si Kristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos."

Talata 31 Pagkatapos ng malupit na panghahamak ng mga kawal, si Hesus ay dinala sa labas upang ipako sa krus. Subalit matatagpuan sa Juan 19:4-16 ang mga karagdagang pangyayari sa pagitan ng pagmamaltrato ng mga sundalo at ng pagpapako sa krus, kung saan sinabi ni Pilato na ilalabas niya si Hesus (na duguang inalipusta) sa mga nagaakusa sa Kanya; "Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya!" Ngunit pagkakita kay Hesus sa halip na awa o hinahon lalong nagsisigaw ang mga punong pari't opisyal na; "Ipako siya sa krus! Ipako sa krus!" Kahit na walang nakitang dahilan ang gobernador upang hatulan si Kristo ng kamatayan, patuloy ang paggigiit ng mga Hudyong ipapatay Siya at ginamit ang mga dahilang inaangkin Niyang Siya (si Hesus) ay Anak ng Diyos, at sinumang nagsasabing Siya'y Hari ay kalaban ng Emperador. Kaya sa huli ay napuwersa si Pilato na ibigay si Hesus sa mga Hudyo upang ipapako.
Maaalala natin ang mga salita ni Hesus tungkol sa pagtataksil ni Hudas, kaysaklap ng sasapitin ng taong magkakanulo sa Kanya. Maaaring ilapat ang babalang ito sa mga pinuno ng mga Hudyo at kay Pilato sa kanilang mga ginawa laban sa Anak ng Diyos.
Puwedeng sabihing natakot si Pilato sa banta ng kaguluhan kung hindi niya pagbigyan ang isinisigaw ng mga Hudyo o sa pananakot nilang (magsumbong na) hindi siya tapat sa Emperador kapag pinalaya niya ang Isang Taong nagaangkin na Siya ay Hari sa loob ng imperyo ng Roma. Subalit sa pahayag na mismo ni Kristo, mas matimbang ang pagkákasalà ng nagdala sa Kanya kay Pilato (Juan 19:11). Sa gayon, sa pagharap sa hukuman ng Panginoong Hesukristo, higit na mabigat ang pananagutan ng mga pinunong Hudyo kaysa sa gobernador.

Ang pagpapako kay Hesus sa krus

Talata 32 Posibleng ang mga sundalong Romano ay natakot na si Hesus ay hindi makayanang pasanin ang krus patungo sa Golgota dahil sa labis na pagpapahirap nila. Kung magkagayon ay hindi nila magagawa ang paghatol ng pagpapako sa krus. Marahil ito ang dahilan, kaya naman naghanap sila ng magpapasan ng krus para sa Kanya. Nakita nila si Simon na taga-Cyrene na sapilitan nilang ipinapasan ang krus ni Hesus.

Mga Talata 33-36 Ang Golgotha ​​na ang kahulugan ay "Pook ng Bungo", ay posibleng isang bato na hugis bungo. Gayunpaman, ang tamang lugar ay kontrobersyal. Ayon sa paggamit ng panahong iyon, si Hesus ay binigyan ng alak na may halong apdo para pangpamanhid at maibsan ang matinding sakit, ngunit nang matikman Niya, hindi niya ininom. Tandaan na nais ni Hesus sundin ang kalooban ng Ama, kaya malamang ay pinili Niyang sumailalim sa pagdurusa nang buong kamalayan bilang Kordero ng Diyos.
(Pinagmulán: Wikipedia) Sa ngayon, ipinapalagay na ang pagtali ng mga biyas gamit ang lubid ay ang pinaka-karaniwang ginagamit na paraan sa paggapos sa nahatulan, at ang pagpapako sa krus ay nakalaan para sa mga pinaka-seryosong kaso. Sa pagpapako sa krus, mayroong ilang mga posibleng dahilan ng kamatayan; kadalasan ang biktima kalaunan ay namamatay sa hirap ng paghinga o mabulunan (asphyxiation) dahil ang buong bigat ng katawan ay nakabitin sa mga braso kaya pagnaglaon ay nagiging mahirap nang huminga. Marahil ang biktima ay maaaring mamatay mula sa pag-aresto sa puso, pagkasindak o pagkatuyo ng tubig sa katawan. Ang pagkawala ng dugo dahil sa mga sugat ay maliit na dahilan. Ang pagpapahirap sa krus ay nagsisimula sa matinding paghahagupit upang pahinain ang mga kalamnan. Ang balikat ng biktima ay itinatali sa pahalang na poste (ng krus) at kinailangang maglakad patungo sa pook ng pagbitay. Dahil sa bigat, pagod at pahirap, lalong nanghihina ang katawan, lalong-lalo na ang mga baga. Pagdating sa lugar, saka lamang ikinakabit ang pahalang na poste sa kapares nitong patayong poste kaya nagkokorteng krus. Habang nakabayubay, napipigilan ng biktima ang mabulunan sa pamamagitan ng pagtulak pataas gamit ang kanyang mga paa. Gayunpaman, ito ay nakakaubos ng lakas at lubhang masakit kaya hindi nakakayanang gawin ng matagalan at pagnaglaon ay nalalagutan ng hininga dahil sa hirap nang makahinga. Depende sa kondisyon ng biktima, sa paraan kung saan siya ipinako at sa iba pang kadahilanan, ang kamatayan ay nangyayari sa loob ng ilang oras ngunit minsan ay tumatagal ng ilang araw.
Ayon sa Kautusan ng Diyos (Deuteronomio 21:23) kapag ibinitin sa punongkahoy ang isang pinarusahan, hindi dapat abutan ng magdamag ang bangkay sa puno. Ang dalawang kriminal na ipinako sa magkabilang tabi ni Hesus ay binalian ng mga buto (sa paa) para hindi na sila makatulak at makahinga upang sa gayon ay mamatay na kaagad. Sa oras na iyon ay patay na si Kristo kaya walang binali sa Kanyang mga buto ayon sa mga propesiya (Exodo 12:46, Bilang 9:12, Awit 34:20).
Kung ang isang biktima ay hindi nakagapos ng lubid, siya ay ipinapako sa krus. Ang mga pakong gamit ay maaaring 13 hanggang 18 sentimetro ang haba at isang parisukat na sentimetro ang lapad. Taliwas sa tanyag na pag-iisip (at nakalarawan din sa maraming mga kuwadro at imahen ng krusipiho), ang mga pako ay hindi binabaon sa palad kundi sa may pulso. Ang mga pagsusuri sa mga bangkay, ilang siglo na ang nakalilipas, ay nagpakita na ang taong pinako sa kamay ay mapupunitan ng palad at hindi mananatili sa krus dahil sa timbang niya. Nang maglaon, ang pananaliksik ng National Geographic Channel, tila nagpapakita na ang pagpapako ng paa ay kayang magdala ng bigat ng katawan, na ang mga palad ay walang panganib na maghiwalay kayat ang biktima ay nagdurusa pa rin sa sakit. Ang pako na ibinabaon sa pulso ay dumaan sa mga nerbiyo (nerves) na ginagawang napakasakit ang paghila pataas dahil nagagasgas ng pako ang kahabaan ng mga ugat (wakas ng pinagmulan).
Ang mga damit ni Hesus ay ipinamahagi alinsunod sa Awit 22. Nangangahulugan ito na si Hesus ay ipinako sa krus nang walang damit ayon sa wastong kaugalian noon. Ang patayong poste ay inilagay nang diretso sa lupa kung saan ang pahalang na poste ay nakakabit. Ayon sa Deuteronomio 21:22-23; "Kapag ibinitin ninyo sa punongkahoy ang bangkay ng isang taong pinatay bilang parusa sa nagawang kasalanan, hindi dapat abutan ng gabi ang bangkay na iyon sa ganoong kalagayan. Kailangan siyang ilibing sa araw ding iyon, sapagkat ang ibinitin sa punongkahoy ay isinumpa ng Diyos. Kapag hindi ninyo inilibing agad, madadamay sa sumpa ang lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh." Kapag ang pagpapako sa krus ay hindi pinaikli, ang kamatayan ay maaaring tumagal ng maraming oras, minsan araw. Alalahanin bilang karagdagan sa pisikal na pagpapahirap at sakit, nakabilad sa santing ng araw ang binibitay. Ayon sa Marcos 15:25 nagsimula ang pagpapako sa krus sa ikatlong oras (ika-siyam ng umaga), at isinuko ni Hesus ang kanyang Espiritu (Marcos 15:33) sa ikaanim na oras (alas dose ng tanghali).
May grupo ng mga kawal ang nakabantay kay Hesus upang pigilan ang sinumang mangahas na kunin at iligtas si Kristo sa krus.

Talata 37 Ayon sa mga Romano ang dahilan kung bakit pinapako ang isang tao sa krus ay isinusulat sa isang puting plaka. Juan 19:19-22 Si Pilato ang nagpahintulot na isulat sa Hebreo, Latin at Griyego ang teksto: "Hesus ng Nazaret, ang Hari ng mga Hudyo".

Talata 38 Ang Isaias 53:12 ay nagkatotoo; Siya ay "nakibahagi sa parusa ng masasama" (mga kriminal). Posibleng unang ipinako si Hesus at pagkatapos ay ang mga magnanakaw bilang isang pangungutya kung saan pinapagitnaan ng dalawang kriminal ang kanilang kapitan. Palagay ko, yaong dalawang magnanakaw (lèistès) ay puwedeng kasapi ng mga mandirigma ng kalayaan tulad ni Barabas.

Mga Talata 39-43 Ang mga napapadaan (marami mula sa loob at labas ng Judea) ay tinutuya si Hesus kasama ng mga miyembro ng Sanhedrin. Walang tinag at disidido si Hesus na sundin ang kalooban ng Diyos Ama at tapusin ang Kanyang misyon sa lupa. Napakadali para sa Anak ng Diyos na ipamalas ang Kanyang kapangyarihan, bumaba sa krus, balikan ang mga nangiinsulto't kaaway Niya at patunayan na Siya nga ang Dakilang Diyos na nagkatawang-Tao at Hukom ng sansinukob. Ngunit kung hindi Siya magtitimpi at pagdaanan na bayaran ang ating pagkakautang, tahasan Niyang susuwayin ang kalooban ng Kanyang Ama. Hindi Niya magagampanan ang pagiging Kordero ng Diyos, mawawalan ng Tagapagligtas ang sankatauhan, at lubusang magsasaya si satanas. Malamang alam ng kaaway na ang pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesukristo ay ang umpisa ng wakas ng kanyang paghahari't panlilinlang sa mundo (Pahayag 20:7-10).
Alam ng mga pinuno ng mga Hudyo, ang mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno, na maraming iniligtas si Hesus sa Kanyang tatlong taong pagmiministro sa bayan ng Israel. Kayat sa kanilang espirituwal na kabulagan sinabi nilang; "Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang sarili! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!"
Hinahamon ng Sanhedrin si Hesus na patunayan na Siya ang Mesiyas (Hari ng Israel) at ang Anak ng Diyos; "Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya!" Kung Siya ay Anak ng Diyos, hayaan Siyang magpaligtas sa Diyos Ama, kung hindi ay malinaw na Siya ay nagsinungaling at ang Diyos ay walang pakialam sa Kanya.
Ang pangungutya ng mga tao ay maaaring resulta ng pagbuyo ng mga pinunong Hudyo o dahil sa pagkabigo sa kanilang inaasahang bersyon ng Mesiyas na kanilang tinanggap sa Jerusalem na nakasakay sa asno, sa isang bisirong asno.

Talata 44 Sa Mateo, ang pangatlong pinagmulan ng pangungutya ay maikli, galing sa mga tulisang nasa parehong tabi ni Kristo. Kung ipapalagáy na sila'y mga mandirigma ng kalayaan na nakipaglaban para sa pagpapalaya ng Judea, posible na ang kanilang pang-iinsulto ay palayain din sila ni Hesus bilang Mesiyas (ang pinuno ng kanilang himagsikan) mula sa pagkapako sa krus.
Magandang pumunta sa Lucas 23:39-43 na nagbigay ng karagdagang salaysay tungkol sa dalawang magnanakaw. Sa talatang 41 kinilala ng isang kriminal na dapat lang na parusahan sila dahil sa ginawang kasalanan, pero ang taong ito (si Hesus) ay walang ginawang masama. Isang kakaibang pagbabago ang naganap sa isa sa mga ipinako sa krus noong unang Biyernes Santo. Isang radikal na pagbabago ng puso ang nangyari sa taong ito, dahil ilang sandali lamang ayon sa Mateo ang dalawang tulisan ay parehong nilalait Siya. Para sa ating kapakinabangan, buti na lang at naisulat ni Lucas ang mahalagang maikling pag-uusap sa pagitan ni Kristo at ng magnanakaw na ito kung saan ang kinalabasan ay kamanghanga-hanga, nakapagpapatibay ng pananampalataya at katiyakan ng kaligtasan sa sinumang manalig kay Hesukristo. Bagamat napakakaunti ang naisulat tungkol sa taong ito, maaari nating subukan na makatwiran na isipin kung ano ang nangyari sa kanya sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri. Makatuwiran na ipagpalagay na hindi siya tagasunod ni Kristo. Ang indibidwal na ito, malamang, ay hindi isang relihiyosong Hudyo. Malinaw na hindi siya isang mamamayang masunurin sa batas at marahil ay naghihirap at walang pinag-aralan. Gayunpaman sa kabila ng mga ito, posibleng narinig niya si Hesus ng Nazaret noon. Isipin mo na lang, paano ang isang taong kanina lamang ay lantarang iniinsulto si Kristo, ngayon ay bumaligtad (180 degrees) at ipinagkatiwala ang kanyang kaligtasan sa isang Taong mamatay sa krus tulad niya? Sa kanyang pagsusumamo, ang tulisang ito ay lubos na naniwala sa Kaharian ng Diyos kaya't isinuko niya ang kanyang kinabukasan sa kamay ng Hari ng walang hanggan. Kaya ang batayan kung bakit ko sinabi na ang magnanakaw na ito ay nakarinig ng pangangaral ni Hesus – personal man o sa pamamagitan ng iba – ay ang prinsipyo ng Bibliya na; "Sasampalataya lang ang tao kung maririnig niya ang mensahe tungkol kay Kristo, at maririnig lang niya ito kung may mangangaral sa kanya." (Roma 10:17). Nang mapagtanto niya ang katotohanan ukol sa kaligatasan kay Kristo ay masasabing tunay na himala't katibayan ng eksaktong tiyempo at grasya ng Diyos. Kaya nga minsan sa kanyang nakaraan - marahil sa panahon ng pampublikong pagmiministeryo ni Hesus - narinig ng nakapakong kriminal na ito ang Mabuting Balita ng Kaharian; ang Ebanghelyo ni Kristo. Ang ganitong uri ng pananampalatayang nagliligtas ay hindi lamang umusbong mula sa kung saan, ito ay nag-ugat sa pakikinig ng Ebanghelyo (Roma 1:16). At sa pagiging soberano ng Diyos, itinakda Niya na ang puso ng taong ito ay mabuksan para tanggapin ang katotohanan ng Diyos at ang libreng regalo ng buhay na walang hanggan habang nakapako sa krus katabi ng kanyang Mesiyas. O kay ganda ng kwentong ito ukol sa di-masusukat na mga awa ng Diyos! Ang kamanghanga-hangang biyaya na ipinagkaloob sa isang hindi karapat-dapat [tulad natin] na walang ginawa - ni isang bagay - upang makamit ang langit, sa halip ay nagtiwala kay Kristo lamang at napagkalooban ng pakikipag-isa sa Kanya nang walang-hanggan. Nakikita mo ba? Sana makita mo. Dalangin ko na makita mo ang katotohanan na hindi ang ating sariling mga gawa ang makapagdadala sa atin sa Kanyang kaharian kundi sa pamamagitan lamang ng ginawa ni Hesus. Ang Kanyang buhay (katuwiran), ang Kanyang kamatayan (sakripisyo) at ang Kanyang muling pagkabuhay (tagumpay) ay naging posible para sa atin na makasama ang dating magnanakaw sa Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos Anak sa Kanyang nakamit upang bigyang-katwiran ang ating pagpasok sa Kanyang langit.
Talata Lucas 23:42 ipinakita ang pananampalataya ng kriminal na kumilala sa kanyang pagkakautang (mga sala). Napakalaking ng pananampalataya niya. Isipin mo, naniwala siya sa isang kaharian (kinabukasan) pagkatawid niya mula kamatayan; "Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na." Alam niyang mamamatay sila ni Hesus, ngunit naniniwala siyang hindi ito ang wakas. DARATING ang Kaharian ni Hesukristo sa kabila ng lahat..
Ang sumusunod ay napakahalagang pahayag ni Hesus sa Lucas 23:43; "Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso." Nangangahulugan, pagkatapos ng kamatayan nila ni Hesus, papapasukin siya ni Kristo ora mismo (ngayon) sa paraiso. Pagkatapos ng Kanyang kamatayan sa krus, pumunta si Hesus sa paraiso ng tatlong araw at HINDI sa Langit. Ang pagbabalik Niya sa Langit ay nakatala sa Lucas 24:48-51. Sa aking pananaw, ang paraiso kung saan nananatili ang mga namatay kay Hesukristo hanggang sa Pagsundo (Rapture) ni Kristo. Kung bakit napunta si Hesus sa paraiso, hindi ipinapaalam ng Bibliya. Posibleng upang ihayag sa mga naniniwalang Hudyo na natapos Niya ang Kanyang gawain (misyon) sa lupa. Nangaral ba Siya ng Ebanghelyo? Malinaw na hindi Siya napunta sa impiyerno para sa mangaral doon ukol sa kaligtasan at pagsisisi. Pagkatapos ng kamatayan, wala nang pagkakataong magsisi tulad ng sa mayamang kasabay na namatay ni Lazaro. Sa impiyerno, ang mga patay ay naghihintay sa huling parusa ng Diyos sa ikalawang kamatayan (Pahayag 20:11-15).

Talata 45 Simula sa ika-anim na oras (ika-labindalawa ng tanghali) hanggang sa ika-siyam na oras (ikatlo ng hapon) may dumating na kadiliman sa buong lupain (buong mundo?). Kapag ang Araw ay nasa pinakamataas na punto nito, ang Israel ay halos nasa ekwador, ito ay ganap na madilim sa loob ng tatlong oras. Sinasabi ng ilan na ito ay eklipse, gayunpaman hindi ito maaaring mangyari, dahil ang Paskuwa ay ipinagdiriwang sa panahon ng kabilugan ng buwan at ang pagtatakip sa araw noon ay imposible. Subalit ito ang sinasabi sa https://science.nasa.gov/eclipses/history/ ng pagkatuklás sa larangan ng agham; "Binanggit ng mga Kristiyanong teksto na ang buwan ay naging kulay-dugo pagkatapos ng pagpapako kay Hesus - posibleng tumutukoy sa isang eklipse ng buwan kung saan ito'y nagiging mapula-pula ang kulay. Gamit ang textual na mapagkukunang ito, tinukoy ng mga iskolar ang posibleng petsa ng pagpapako ni Kristo sa krus sa Biyernes, Abril 3, 33 C.E. dahil naganap ang isang eklipse ng buwan sa araw na iyon." At sa Amos 8:9 sinulat ang propesiyang ito; "'Sa araw na iyon,' sabi ng Panginoong Yahweh, 'Lulubog ang araw sa katanghaliang-tapat, at magdidilim sa buong maghapon.'", isang palatandaang apokalíptiko na mauulit sa hinaharap. Malinaw na ito ay isang kaganapan gawa ng kamay ng Diyos, tingnan ang talata 54. Sa kabila nito, ang Sanhedrin at ang karamihan ay hindi kinilalang itong kababalaghan ay may kinalaman sa Anak ng Diyos.

Talata 46 Sumailalim sa poot ng Diyos ang Kanyang Anak sa loob ng tatlong oras (ika-anim hanggang ika-siyam na oras) upang akuin ang kasalanan ng tao bilang Kordero ng Diyos. At "Nang mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Hesus, 'Eli, Eli, lema sabachthani?' na ang ibig sabihi'y 'Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?'" Itong mga salita ay mula sa Awit 22:1. Ukol dito maaaring itanong kung bakit walang tugon ang Diyos sa tawag ng Kanyang Anak. Dalawa ang makatwiran sagot dito. Una, ayon sa 2 Corinto 5:21, sa mga oras na nakabayubay sa krus si Hesus itinuring ng Ama ang Kanyang Anak na makasalanan para sa pamamagitan Niya (sa nagawa't nakamit ni Kristo sa Kalbaryo) ay maging matuwid tayo sa mga mata ng Diyos. At dahil Siya ay ginawang "kasalanan" sa krus (1 Pedro 2:24), natiis ng Ama ang Kanyang Anak. Tulad ng sinabi sa Habakuk 1:13 patungkol sa Diyos; "Napakabanal ng inyong paningin upang masdan ang kasamaan." Pangalawa, tandaan na tinutuya si Hesus ng mga Hudyo habang nakapako Siya, kasi hindi iyon ang inaasahan nilang kauuwian ng Mesiyas batay sa kanilang paniniwala. Ngunit sa pagsigaw ng unang talata ng Awit 22, itinuturo ni Kristo sa Kanyang mga kalahi na balikan ninyo't alalahanin ang mga lírikó ng ika-22 Salmo at mababasa niyo na akma sa pinagdadaanan Niya ang pagsasalarawan ng Mesiyas sa Mesyánikóng Awit na iyon. Kahit na nakapako na sa krus, patuloy pa rin si Hesus sa pangangaral sa mga Hudyo ng katotohanan ng Banal na Kasulatan.
Kapag ang mananampalataya ay dumaan sa lambak ng kadiliman, isipin na sa soberanong plano ng Diyos ay pinahintulutan Niya ito ayon sa Kanyang layunin. Tandaan na maging ang Anak ng Diyos mismo ay hinayaan at kinailangang danasin ang kadilimang mawalay sa Ama para sa katuparan ng disenyo ng Diyos sa kaligtasan ng Kanyang mga pinili.

Mga Talata 47-49 Inakala ng mga naroroon na parang tinawag Niya si Elias, na inaasahan ng mga Hudyo na darating bago ang Mesiyas, talata 49.
Ang maasim na alak ay isang murang alak na kadalasang iniinom ng mga magsasaka at mga sundalo para malasing. At sa mainit-init na klima ay nagdudulot ng kapreskuhan at nakakapawi din ng uhaw. Maaaring dahil sa awa na iniabot kay Hesus ang espongha na may maasim na alak.
Ang ibang walang malasakit ay pumugil sa nag-alok ng maasim na alak para tignan kung darating nga si Elias upang iligtas Siya. Sa propesiya ng Lumang Tipan, mauuna ang dating ni Elias at pagkatapos ay ang Mesiyas.

Ibinigay ni Hesus ang Kanyang Espiritu. Natapos na ni Hesus ang Kanyang gawain (Tapos na)

Talata 50 Ito ay isang napakahalagang talata na madalas hindi napapansin ng tao: ISINUKO NI HESUS ​​ANG KANYANG ESPIRITU. Ayon sa plano ng Diyos, sa pagtatapos ng Kanyang sakripisyo't kusang pag-aalay ng Kanyang buhay sinuko ni Hesus ang Kanyang Espiritu. Sa Mateo, ang sinulat ay; "Muling sumigaw si Hesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga." Pero sa Lucas 23:46 naitala kung ano ang malakas na isinigaw ni Kristo bago ang huli Niyang paghinga; "Ama, sa mga kamay mo'y ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!" Ang nakuhang isulat ni Juan sa kabanata 19 talata 30 bago iniyuko ni Hesukristo ang kanyang ulo't namatay ay; "Tapos na!" Kung susuriing maigi ang sanhi ng Kanyang pagkamatay, ito'y hindi ang pagpapako sa krus, sa halip ang buong laya Niyang pagbigay ng Kanyang buhay para sa kaligtasan ng sanlibutan. Gaya ng sinabi ni Hesus sa Juan 10:18; "Walang makakakuha ng aking buhay; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at mayroon akong kapangyarihang kunin itong muli. Ang utos na ito'y tinanggap ko mula sa aking Ama." Sa krus ay tinupad ni Hesus ang Kanyang salita. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay at binawi Niya ito sa Kanyang sariling kapangyarihan makalipas ang tatlong araw ayon sa Kanyang sinabi.
Tinapos ni Hesus ang Kanyang misyon sa Kalbaryo, namatay Siya para bayaran ang utang ng tao. Alam ni satanas na siya'y talunan at unti-unting nalalapit ang kanyang katapusan.

Ano ang TINAPOS ni Hesus?

  1. Ang gawain ni Hesus sa lupa. Ipinahayag Niya ang Kaharian ng Langit: Ipanangaral ang pagsisisi sa iyong kasalanan, kilalanin na ikaw ay makasalanan, at maniwala ka sa Akin bilang iyong Tagapagligtas sa kasalanan.
  2. HINDI sumuko si Hesus sa anumang tukso ni satanas. Si Adan ay naging biktima ni satanas sa pagkain niya ng ipinagbabawal na bunga. Sa pamamagitan niya, ang kasalanan ay dumating sa mundo. Si Hesus ay nalantad sa mga tukso ng mundo at ni satanas ngunit hindi sumuko sa anumang bitag.
  3. Ang pinakamalaking pagsubok ay sa huling araw: Hinatulan Siya bilang huwad na Hari ng mga Hudyo na isinaad sa plaka sa ibabaw ng Kanyang krus, sa gayon HINDI kinilalang namatay Siya para sa kasalanan ng mga tao. Nilabanan Niya ang panunuya at hamon ng mga Hudyo habang nakabayubay sa krus, pero hindi Siya humingi ng saklolo sa Kanyang Ama o sa mga anghel.
  4. Sa krus, inako ni Hesus ang mga utang ng tao at ang poot ng Diyos Ama na naka-atang dahil sa kasalanan ng tao
  5. Nagawa ni Hesus ang lahat ng ito hanggang sa wakas sa pag-aalay ng Kanyang buhay. Ang gawaing iniatas ng Ama sa Anak ay naisakatuparan. Ang kamatayan ang kabayaran sa kasalanan, kayat sa Kanyang boluntaryong alay tinapos ni Kristo ang misyon. "Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon." (Roma 6:23)

Talata 51 Natapos na. Ang hidwaan na dala nina Adan at Eba sa pagkain nila ng ipinagbabawal na prutas ay binigyang kalutasan na ng Diyos. Ang paghihiwalay sa pagitan ng Diyos at ng tao dahil sa kasalanan ay ginawan na ng Panginoon ng tulay upang muling makalapit ang makasalanang tao sa kanyang Banal na Tagapaglikha. Ang kurtina ng Banal na Kabanal-banalan na tanging ang mataas na saserdote lamang ang pinahihintulutang dumaan isang beses bawat taon sa Araw ng Pagtubos sa Kasalanan (Yom Kippur), napunit sa dalawang piraso mula sa itaas hanggang sa ibaba. Dahil sa natapos na gawain ni Hesus, ang Diyos Mismo ang nagpunit sa kurtina sa templo Niya. Sa pamamagitan ng bagong walang hanggang Mataas na Saserdote na si Kristo ang daan ay nabuksan KAILANMAN patungo sa Diyos Ama. Maaari nang lumapit muli ang makasalanang tao direkta sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Anak. Gaya ng sinulat ni Pablo sa 1 Timoteo 2:5-6; "Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Kristo Hesus. Inihandog niya ang kanyang buhay upang tubusin ang lahat mula sa kasalanan. Ang katotohanang ito ay pinatunayan sa takdang panahon."
Tiyak na nakita ng mga saserdoteng nakatoka sa templo sa may Banal na Kabanal-banalan ang pagkapunit ng kurtina at iniulat ito sa Sanhedrin. Gayunpaman, sila ay nagpatuloy sa kanilang sariling pagkamakatwiran at hindi namalayang tanda't paalala iyon ng Diyos na tumutukoy sa Kanyang Anak upang kilalanin bilang Mesiyas at magsisi. Pagnilay-nilayan: Ano ang iyong tugon sa Diyos; sa lahat ng Kanyang ginawa upang dalhin ang tao sa kamalayan na kailangan niya ng Tagapagligtas dahil sa sarili niyang gawa ay hindi niya mararating o maaarok ang pamantayan ng Diyos para papasukin sa Kanyang kaharian? Tanging sa pamamagitan lamang ni Hesukristo makakamit ang kapatawaran at katuwiran upang maging katanggap-tanggap ka sa Panginoong Diyos.

Mga Talata 51-54 Nayanig ang lupa at nahati ang mga bato. Kahanga-hanga ang lahat ng ito, una ang pambihirang kadiliman sa loob ng tatlong oras sa hapon na sinundan ng lindol. Tiyak na ito ay sa Diyos lamang! Gayunpaman, ang mga tao at ang Sanhedrin ay hindi nagsisi at nagkaroon ng kamalayan na mga ito'y tanda na galing sa Panginoon.
Ang mga libingan noon ay inukit sa bato at ang daan ay tinatakpan ng malaking bato. Sa pamamagitan ng lindol, ang mga batong ito ay maaaring gumulong at pagbuksan ang daanan upang makalabas sa kanilang libingan ang mga binuhay ng Diyos na mga banal ng Lumang Tipan. Nang muling mabuhay si Hesus, nagpunta ang mga binuhay-muli sa Banal na Lunsod (Jerusalem) at marami ang nakakita sa kanila. Isang karagdagang patunay ng mga aksyon ng Diyos at si Hesus ay ang Anak ng Diyos tulad ng sinambit ng kapitan at kanyang mga kawal sa talata 54; "Tunay na siya'y Anak ng Diyos!". Hindi malinaw kung ang pagsabi ng mga sundalo ay dahil sila'y sumampalataya kay Hesus o isang reaksiyón lamang dahil sa mga kababalaghang nasaksihán nila sa krusipiksyon. Aral: Nakikita ng mundo ang mga gawa ng Diyos; ang kapangyarihan Niya sa kalikasan, ang ebidensya mula sa mga natuklasang arkeolohiko't siyentipiko, gayunpaman, itinatanggi ng tao ang pagkakaroon ng isang Diyos at hindi nais malaman na siya'y makasalanang nangangailangan ng Manunubos.

Mga Talata 55-56 Binanggit ang mga babaeng sumunod at naglingkod kay Hesus mula pa sa Galilea na nakatanaw mula sa malayo. Hindi na dapat punahín kung bakit sila nanonood sa may distánsiyá. Ang higit na mahalaga't kahanga-hanga sa mga kababaihang ito ay naroroon sila hanggang sa huli. Masakit man sa kanila na makitang nagdurusa ang kanilang Panginoon, pero nandoon sila upang paglingkuran pa rin Siya hanggang sa Siya'y ilibing (talata 61). Isipin na lang kung nasaan ang Kanyang sampung disipulo, bukod tanging si Juan (Juan 19:25-27) lamang ang binanggit na alagad na naroon.

Tatlong araw at tatlong gabi sa libingan

Mga Talata 57, 62 Namatay si Hesus sa araw ng Paghahanda (Marcos 15:42), bago mag-Sabbath. Sa batayan ng Deuteronomio 21:23 sa araw ding iyon, ang katawan ni Hesus (at ang mga kriminal) ay kailangang ilibing.

source www.bijbelengeloof.com Ngunit mababasa natin sa Levitico 23 ang isang bagay na mahalaga. Hindi pinapahalagahan ng batas ang lingguhang Sabbath lamang, ang ikapitong araw bilang araw ng pahinga (Levitico 23:3), ngunit ang batas ay mayroon pa ring ilang Sabbath na nauugnay sa mga kapistahan ng Panginoon. Sa Levitico 23:4 ang tawag sa kanila ay "ang mga takdang kapistahan ng Panginoon". Ang araw ng Paskuwa ay hindi nakatakdang araw, ito ay isang takdang petsa na ipinagdiriwang tuwing ika-14 ng buwan ng Nisan. Nangangahulugan na ang Paskuwa ay maaaring mahulog sa ibang araw kada taon. Pagkatapos ng Paskuwa ay nagsisimula sa ika-15 ng Nisan ang kapistahan ng tinapay na walang lebadura. Ang Pista na ito ay tumatagal ng pitong araw, ang unang araw ay Sabbath ayon sa talatang 7; "Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpupulong; huwag kayong gagawa ng anumang matrabahong gawain". Ang alituntuning ito ay naaangkop din sa ikapitong araw (Levitico 23:8), sa mga araw ng kapahingahan (Sabbath). Ang pagdiriwang ng Araw ng Pagbabayad-sala (Levitico 23:27) ay natakda ang petsa, sa ikasampung araw ng ikapitong buwan, samakatuwid ay posibleng mahulog sa ibang araw bawat taon. Ngunit ang Araw ng Pagbabayad-sala na nakapaloob sa "panahon ng Panginoon", Levitico 23:32 ay malinaw na "dapat magpahinga at huwag nga kayong magtatrabaho". Kapag pinag-uusapan ang isang kapistahan sa loob ng isang linggo, gaya ng Paskuwa at ang kapistahan ng tinapay na walang lebadura, maaaring sa loob ng isang linggo ay mayroong maraming araw ng pahinga, higit sa isang Sabbath. Napakahalagang panatiliin ito. Nakita na natin ngayon na sa isang linggong serye, tulad ng kapistahan ng tinapay na walang lebadura, ay maaaring magkaroon sa maraming Sabbath! Ang Sabbath na dumating, pagkatapos ng pagpapako sa krus ng Panginoong Hesus, ay ang unang araw ng Sabbath ng ika-15 Nisan, ng kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura! Bakit ito naging Sabbath? Dahil ang Panginoong Hesus noong gabi bago ang pagpapako sa krus ay ipinagdiwang kasama ng kanyang mga alagad ang Paskuwa. Sa Mateo 26:17 mababasa natin; "Dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, 'Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?'". At pagkatapos ay mababasa natin sa talata 20; "Nang gabing iyon, dumulog sa hapag si Hesus, kasama ang Labindalawa." Ang katotohanang ipinagdiwang ng Panginoong Hesus sa gabing iyon ng araw ng Paskuwa, ay nangangahulugan na sa oras na iyon ang ika-14 ng Nisan, ang Paskuwa ng mga Hudyo ay dumating na! Ang huling hapunan ay ginanap noong gabing iyon, nang gabi ding iyon ay inaresto Siya bilang bilanggo (Mateo 26:21–75), at dinala Siya kinabukasan kay Pilato (Mateo 27:1–2). Mula roon, ang Panginoong Hesus ay ipinako sa krus (Mateo 27:33–56). Ang paglilibing sa Panginoong Hesus ay inilarawan sa Mateo 27:57-61, Juan 19:31–42 ay nagbibigay ng karagdagang impormasyon, na si Hesus ay kailangang ilibing dahil ang Sabbath na iyon ay isang mataas na araw ng Sabbath. Sa talata 31; "Kaya't hiniling nila kay Pilato na ipabali ang mga binti ng mga ipinako sa krus at alisin ang mga bangkay.", upang ang mga katawan ay hindi manatili sa krus sa araw ng Sabbath. At pagkatapos ng libing sa talata 42; "Dahil noon ay bisperas ng Araw ng Pamamahinga, at dahil malapit ang libingang ito, doon nila inilibing si Hesus." Si Hesukristo ay inilagay sa libingan sa gabi ng araw ding iyon bago magsimula ang Sabbath. Ang lahat ng ito ay naganap sa araw, sa araw pagkatapos ng hapunan. Ito ay ang parehong araw ng mga Hudyo ayon sa batas ng Diyos; ang ika-14 ng Nisan. Sa Marcos 16:1, mababasa natin ang sumusunod; "Pagkaraan ng Araw ng Pamamahinga, si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at si Salome ay bumili ng pabango upang sila ay magpunta sa libingan at lagyan ng pabango ang bangkay ni Hesus." Noong panahon ni Hesus, ang mga patay ay pinapahiran at nilalagyan ng pabango. Hindi inililibing o binabaon sa lupa noon ang bangkay, kayat sa ganitong paraan nalalabanan ang malakas na amoy ng pag-agnas ng katawan. Dahil bago ilibing ang bangkay ni Hesus sa Sabbath, hindi nakabili ng mga pabango ang mga babae kaya ginawa nila ito pagkatapos ng Sabbath!
Kung titingnan natin ngayon ang Lucas 23:55–56, may isang bagay na namumukod-tangi; "Sumunod kay Jose ang mga babaing sumama kay Hesus mula pa sa Galilea. Nakita nila ang libingan at ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Hesus. Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira. Pagsapit ng Araw ng Pamamahinga, nangilin sila ayon sa Kautusan." Dito ay nakasulat upang maghanda sila ng mga pabango at mira bago ang Sabbath at pagkatapos ay nagpahinga! Makikita dito ang dalawang Sabbath. Isang lingguhang Sabbath, at isang taunang mataas na araw ng Sabbath! Kapag pinagsama natin ang Marcos 16 at Lucas 23, kailangan makakarating tayo sa konklusyon na ang mga babae ay naghanda ng mga pabango pagkatapos ng mataas na araw ng Sabbath (ang sinabi ni Marcos), at pagkatapos ay nagpahinga sila sa lingguhang Sabbath (na sinabi ni Lucas). Ang dalawang Sabbath ay pinaghihiwalay ng isang araw ng trabaho! Pagkatapos ng lingguhang Sabbath na iyon ay natuklasan nilang bukas ang libingan (Lucas 24:2). Ang alam natin ngayon ay sa unang araw ng linggo (Linggo) ay walang laman ang libingan, at kung bibilang nang paatras, lohikál na ang nakaraang araw ay Sabbath. Ang araw bago ito ay Biyernes na isang araw ng trabaho kung saan ang mga pabango ay binili at inihanda ng mga kababaihan. Ang Huwebes ay nataong ang mataas na araw ng Sabbath, at ang araw bago ito (isang Miyerkules!) ay ipinako at inilibing si Hesus! Ang huling hapunan ay ginanap noong Martes ng gabi! Ngayon nakikita natin na ang Salita ng Diyos ay totoo sa titik, dahil may tatlong araw at tatlong gabi na ang Panginoong Hesus ay nasa libingan o nasa puso ng lupa!
Tama ang Salita ng Diyos: tatlong araw at tatlong gabi!
Miyerkules ng gabi = unang (1) gabi. Huwebes ng umaga = unang (1) araw.
Huwebes ng gabi = pangalawang (2) gabi. Biyernes ng umaga = pangalawang (2) araw.
Biyernes ng gabi = pangatlong (3) gabi. Sabado ng umaga = ikatlong (3) araw. (wakas ng pinagmulan)

Namatay ba talaga si Hesus?

Mga Talata 57-61 Si Jose ay isang disipulo ni Hesus na mayaman at mula sa Arimatea. Sa Marcos 15:43, sinabing siya ay iginagalang na miyembro ng Konseho, at sa Lucas 23:50-51 hindi siya pumayag sa kanilang (Konseho) layunin at ipapatay si Hesus. Siya ay direktang pumunta kay Pilato upang humingi ng pahintulot na kunin at ilibing ang bangkay ni Hesus.
Sa Marcos 15:44-45, kinumpirma ng senturyón na si Hesus ay patay na. Sa Juan 19:33-34, tinusok ng sibat ng isang kawal ang Kanyang tagiliran at kaagad na lumabas ang dugo at tubig.

(source http://www.ontdekislam.nl) Maraming karanasan ang mga Romano sa pagpatay at pagpapako sa mga tao. Kung sinabi nila na patay na si Hesus, wala nang dahilan para magduda.
Sa ibaba ng isang medikal na ulat ng pagpapako sa krus:
Nagsimula ang pisikal at mental na pagdurusa ni Hesukristo sa Getsemani. Ang pagpapawis ng dugo ay tanda ng lubhang paghihinagpis sa hinaharap Niyang matinding pagsubok. Nagdasal siya buong gabi at pumatak sa lupa ang Kanyang dugo na parang pawis. Ang pagpapawis ng dugo ay napatunayang tutoo sa larangang medikal at tinatawag itong hematidrosis. Hindi ito pangkaraniwan at nangyayari lamang kung may matinding pagkabagabag ng emosyon. Sa gayon ang pinakamaliit na daluyan ng dugo ay sumabog sa mga glandula ng pawis. Ang pawis at dugo ay nagkahalo at ito ay lumilikha ng matinding panghihina at dagok.
Matapos ipagkanulo at hatulan si Hesus, sinundan ng paghagupit. Nakatali ang Kanyang mga kamay sa itaas ng kanyang ulo sa isang poste at hinampas ng latigo (flagrum). Ito ay isang maikling latigo na may mga hibla ng balat ng hayop kung saan nakakabit ang mga piraso ng tingga at mga piraso ng buto. Kaya pagkatapos ng ilang hagupit ay bumubuka ang balat at nabubugbog ang epitelyo (tissue). Pagnaglaon, natatamaan din ang mga kalamnan at arterya na nagiging sanhi ng malakas na pagdurugo.
Pagkatapos ng apatnapung hagupit, ang likod ay hindi na maaaninag kundi isang madugong masa sanhi ng pinsala. Dahil sa tindi ng sakit at hirap ng paghahampas, posibleng mawalan ng malay ang biktima. Pagkatapos ng paglalatigo kay Hesus, nagpatuloy ang mga kawal sa pagputong ng koronang tinik sa Kanyang ulo at binigyan Siya ng eskárlatáng balabal habang kinukutya't pinapalo ang ulo, kaya't ang mga tinik ay bumaon pa sa Kanyang anit. Nang sapat na ang kanilang malupit na laro ay pinunit ang balabal sa Kanyang likod. Tandaan na ito'y parang nahurno na sa mga namuong dugo at likido ng Kanyang sugat (ulat medikal) sa likod. At ang magaspang na pagtanggal ng balabal ay muling pumunit sa Kanyang mga latay upang panariwain ulit ang mga sugat Niya; sanhi ng matinding sakit na maitutulad sa naunang paghahampas.
Sa paglalakbay paakyat sa Golgota, kinailangan ni Hesus na pasanin ang pahigang poste ng Kanyang krus. Tumitimbang ito ng humigit-kumulang 50 kilo. Dahil si Hesus ay napakahina na, nagkaroon ng pagkabigla at maraming pagkawala ng dugo, Siya ay natisod at ang poste na limampung kilo ay dumiin sa mga punit na kalamnan at balat sa Kanyang balikat. Hindi na siya makabangon dahil hindi na gumagana ng maayos ang kanyang mga paa. Samakatuwid, pinilit ng senturyón mula sa mga nanonood ang isang lalaking mula sa Hilagang Aprika, si Simon na taga-Cyrene, upang buhatin ang poste para kay Hesus.
Pagdating sa Golgota, hinubaran si Kristo ng kanyang damit. Inihiga Siyang nakahandusay sa krus at sinumulan ng mga Romanong kawal na ipako Siya sa pagitan ng mga karpo sa pulso ng mga kamay ni Hesus.
Pinatong ang talampakan ng kaliwang paa at idiniin sa kanang paa. Iniunat ang Kanyang mga biyas habang ang dalawang tuhod ay bahagyang nakaliko at isang mahabang pako ang ibinaon sa magkapatong na paa nang tagusan sa patayong poste para ipirmi si Kristo sa kanyang krus. Nakapako na ngayon ang biktima. Dahil sa Sariling timbang at grabidad, dahan-dahan Siyang bumababa na lalong nagdidiin sa mga pako sa Kanyang mga pulso. Nagdudulot ito ng matinding pananakit ng mga daliri at braso hanggang sa ulo. Ang mga pako sa mga pulso ay nagdidiin sa mga ugat sa braso. Upang maibsan ang sakit na ito, ilalagay Niya ang buo Niyang bigat sa Kanyang mga nakapakong paa at pilit na iuunat ang Kanyang mga tuhod. Sa paglagay ang Kanyang buong bigat sa pako sa Kanyang mga paa, bahagyang naiibsan ang sakit sa itaas na bahagi ng Kanyang katawan. Nagreresulta ito ng matinding sakit dahil sinisira ng pako ang mga nérbiyó sa pagitan ng mga butong metatarsal. (Isinulat ni Dr. Pierre Barbet, French surgeon na gumawa ng malalim, historikal, at eksperimentong medikal na pananaliksik para sa kaalamang medikal ukol sa krusipiksiyón ni Hesukristo.)
Sa paglipas ng panahon ay pagod na ang mga braso ni Hesus at nagsimula nang pulikatin ang Kanyang mga kalamnan. Nagbibigay ito ng matinding sakit na pumipintig. Ang pagbuga ng hangin (exhaling) ay halos imposible. Sa mga huling oras ng krusipiksiyón, bukod sa hindi makataong pananakit, nararanasan ang matinding pananakit ng kalamnan, bahagyang pagkasakal, pananakit sa likod at pagkatapos ay sinusundan ng pakikibaka sa kamatayan (death struggle). May malalim na pananakit sa dibdib, ang pakiramdam na parang dinudurog Siya, ang lamad sa paligid ng puso (pericardium) ay dahan-dahang napupuno ng likido mula sa mga tisyu at ang puso ay nadidiin (Dr. Pierre Barbet).
Ang pagkawala ng likido mula sa mga tisyu ay bumibilis. Ang puso ay talagang nasa masamang kalagayan dahil ito ay pinipiga, sinubukan nito nang buong lakas na i-bomba pa rin ang maliit na malapot na dugo sa katawan. Napakaraming tisyu ang natuyo na at nagpapadala ng mga estimulo sa utak. Ipinapaliwanag din nito ang katotohanan ng sitwasyon ni Hesus nang sinabi Niyang; "Nauuhaw ako". Nakakatanggap pa rin ng kaunting hangin ang mga baga. Nalalapit nang malagutan ng hininga ang Kanyang katawan nang sabihin Niya; "Tapos na."
Pagkatapos nito, namatay na si Kristo. Nais ng sundalo na matiyak na si Hesus ay patay na at tinusok niya ang kanyang sibat sa pagitan ng ikalima at ikaanim na tadyang ng pericardium ng puso. Sabay na umagos palabas ang dugo at tubig sa Kanya, na nagpapahiwatig na Siya ay talagang patay na.
Mula sa medikal na ulat na ito tungkol sa paghihirap ni Hesukristo, napakalinaw na imposibleng makaligtas sa krusipiksiyón.

Binali ng mga sundalo ang mga buto ng mga kriminal upang sila ay mamatay, gayunpaman nang ang sundalo ay dumating kay Hesus at nakita na Siya ay namatay na, hindi na niya binali ang mga buto ni Hesus. Natupad ang Kasulatan sa Awit 34:20; "Lahat nitong mga buto ay iniingatan niya, sa mga iyon ay hindi nababali ni isa."
Kay Pilato ay kinumpirma ng kapitan na si Hesus ay talagang patay na. At pinahintulutan ng gobernador na ibigay ang bangkay ni Hesus kay Jose na taga-Arimatea upang ilibing. Isa itong bagong libingan na inukit sa bato. Isang malaking bato ang inilagay sa harap ng libingan. Sa ilalim ng pangangasiwa ni Jose, ang lahat ay isinasagawa ng maayos ayon sa kaugalian ng mga Hudyo, tanda ng kanyang pagmamahal at respeto sa kanyang Panginoon. Binanggit din sa Juan 19:39 na kasama ni Jose si Nicodemo na may dalang pabango, mga tatlumpung kilong pinaghalong mira at aloe, na nagkakahalaga ng halos isang daang libra. Sinulat sa Juan 19:41 na; "Malapit sa pinagpakuan kay Hesus ay may isang halamanan, at dito'y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan." Napanood ng dalawang Maria ang lahat habang nakaupo sa tabi ng libingan.

Talata 62-66 Kinabukasan, pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, ang mga punong saserdote at mga Pariseo ay pumunta kay Pilato. Mahusay silang nakinig at naalala ang mga salita ni Hesus na pagkatapos ng tatlong araw Siya ay muling mabubuhay. Tila mas naniniwala pa ang Sanhedrin sa binitawang salita ni Kristo kaysa sa Kanyang mga alagad(?). Natatakot ang mga pinunong Hudyo na baka kunin ng mga alagad ni Hesus ang Kanyang bangkay at pagkatapos ay ipamalitang Siya'y muling nabuhay mula sa mga patay. At kapag nangyari nga ay mas magiging masahol pa ang panlilinlang na ito kaysa sa noong una.
Pinapahintulutan ni Pilato na selyuhan ang libingan at para sa seguridad, ilang bantay ang inilagay sa libingan ni Hesus upang bantayan araw at gabi. Ang mga kawal kasama ang mga punong saserdote at mga Pariseo ay pumunta sa libingan upang selyuhan.

Balik sa itaasBalik sa itaas


Mateo 28 - Ang muling pagkabuhay ni Hesus mula sa mga patay

Talata 1 Ang umpisa ng Mateo 2:22 ay nagsimula kay Jose na pumunta sa Galilea at magtatapos sa Mateo 28:7, 10 ng pumunta sa Galilea doon nila Ako makikita.
Ngayon pagkatapos ng Araw ng Pamamahinga, iyon ay Sabbath para sa mga Hudyo, at para sa atin ang gabi mula Sabado hanggang Linggo kung saan ang Linggo ang unang araw ng linggo. Ang dalawang Maria ay pumunta ng bukang-liwayway upang makita ang libingan. Sa Juan 20:1; habang madilim pa, sa Marcos 16:2; sila'y pumunta nang sumikat ang araw.

Mga Talata 2-3 Isang malakas na lindol ang nangyari at isang anghel ng Panginoon ang bumaba mula sa Langit. Iginulong ng anghel ang malaking bato na sinelyuhan ng mga pinunong Hudyo upang alisin ang takip sa libingan. Tinanggal niya ang bato hindi para makalabas si Hesus sa libingan, wala na Siya doon bago pa bumaba ang anghel (talata 6). Ginulong ng anghel ang bato para makita ng mga alagad ni Kristo mismo na wala nga ang kanilang Panginoon sa Kanyang libingan. Ang Diyos ang naghahari at nakamit ni Hesus ang tagumpay laban sa kamatayan at kay satanas pagkat nabuhay Siya muli! Sa salaysay sa Lucas 24:2-4, may biglang lumitaw sa tabi nila ang dalawang lalaking nakakasilaw ang damit. Ang anyo ng anghel ay parang kidlat, kaya't nakakasilaw ang liwanag, at ang kaniyang damit ay maputi gaya ng niyebe. Ang puti ay nagpapahiwatig ng ganap na kalinisan at walang kasalanan.

Talata 4-6 Ang mga sundalo nagbabantay sa libingan ay nanginig sa takot nang makita ang anghel at sila'y hinimatay. Dito nagpakita ng kababalaghan ang Diyos para sa kanila, at ipinamalas ang higit sa karaniwan sa pagpadala ng malakas na lindol at ng Kanyang anghel. Ang mga buhay na kailangang bantayan ang isang patay ay silang naging parang mga patay. At ang Patay na kanilang binabantayan ay Siyang nabuhay na mag-uli. Ang kidlat ay lubhang nakakasindak kahit na kadalasa'y isang segundo lang ang tinatagal nito. Pero dito sa deskripsiyón sa anghel ay waláng-puknát siyang nakakasilaw kaya hindi kataka-taka na ang mga kawal ay nawalan ng malay. Sinabi ng anghel sa mga kababaihan; "Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang hinimlayan niya." Sila ang unang nakasaksi sa walang laman na libingan. Sa Juan 20:6-7, ang katawan ni Hesus ay hindi ninakaw dahil ang mga telang lino at panyong ibinalot sa ulo ni Hesus ay natagpuan sa loob ng libingan. Kung ang katawan Niya ay ninakaw, ang mga telang lino at panyo ay hindi dapat makita sa libingan. Wala na si Hesukristo sa puntod na binabantayan ng mga sundalo. Naganap ang mga propesiya ng mga sinaunang mga propeta at ng Panginoong Hesus mismo patungkol sa Kanyang pagkabuhay muli; ang Kanyang tagumpay sa kasalanan, sa kamatayan at sa mga kaaway. Siya ang Soberano!

Talata 7 Tulad ng sa simula ng Mateo, si Jose ay nakatanggap ng mensahe sa pamamagitan ng isang anghel, sa pagtatapos ng Mateo, ang mga babae ay nakatanggap ng mensahe sa pamamagitan ng isang anghel; "Magmadali kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay! Mauuna na siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Iyan ang balitang hatid ko sa inyo."

Talata 8 Ang mga babae ay dali-daling umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pinuntahan ang mga disipulo upang ibalita ang nangyari. Walang pahingang nagmadali silang sabihin ang masayang balita.
Kumusta tayo bilang Kristiyano? Ipinagpapaliban ba natin na ibahagi sa iba ang Mabuting Balita ng kapatawaran sa kasalanan, ang bagong buhay, ang buhay na walang hanggan na maaaring hingin sa Diyos sa pamamagitan ni Hesukristo? Sa kasamaang palad ang mundo ay ayaw makinig sa ating mensahe at mas hinahangad ang pansariling kasiyahan na humahantong sa walang hanggang pagkawalay sa Diyos. Ngunit kahit makinig sila o hindi, tayo ay inutusan at inatasan ng Panginoon Hesukristo na ihayag ang Ebanghelyo ng pakikipagkasundô sa Diyos sa Ngalan Niya. At yoon ang dapat nating gawin, tanggapin nila o tanggihan man ang kapahayagan ng Salita ng Diyos.

Talata 9 Sa pagmamadali ng mga babaeng puntahan ang mga alagad, sinalubong sila ni Hesus, niyakap nila ang Kanyang mga paa at sinamba Siya. Malinaw na hindi isang espiritu ang bumati sa kanila sapagkat hinawakan nila ang Kanyang mga paa. Kanilang nayakap ang mga paa ng niluwalhating katawan ng nabuhay na muling Panginoong Hesus. Ito ay tumutugma sa pangakong isinulat sa 1 Corinto 15:51-54. Ang mga mananampalataya kay Hesukristo ay babaguhin Niya. "Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi nabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay." Isang katawan na walang kasalanan, dahil walang makasalanan ang mabubuhay sa presensya ng Diyos. Nakilala si Hesus sa Kanyang niluwalhating katawan, kaya makikilala din natin ang ating mga kapwa mananampalataya sa buhay na walang hanggan.

Talata 10 Pagkatapos sabihan ng anghel na huwag matakot ang mga babae, nang makita nila si Hesus ay ganoon din ang Kanyang sinabi sa kanila; "Huwag kayong matakot." Na parang pinapanatag Niya ang kanilang magkahalong takot at masayang kalooban. Takot, dahil ipinamalas sa kanila ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan; ang malakas na lindol, ang nakakasilaw na anghel at ngayon sa kanilang harapan at nahahawakan ang dating malamig na bangkay ay pinatunayang Siya ang Panginoon ng Buhay. Masaya, dahil ang kanilang kalungkutan at kawalang-pagasa ay napawi sa katuparan ng mga salitang binitawan ni Hesus patungkol sa Kanyang Sarili. Isipin na lang, yakap-yakap nila ang mga paa ng Diyos Anak. Sinong hindi magagalak at sasamba kapag nakasalubong Siya? Inuulit ni Hesus ang mensahe ng anghel na ibalita sa Kanyang mga alagad na Siya ay buhay at nakita niyo, at pumunta sila sa Galilea dahil doon sila magkikita.

Talata 11 Ang ilan sa mga bantay, tila iilan lamang sa mga kawal ang may lakas ng loob na sabihin ang nangyari sa mga namamahalang pari. Tandaan na ang mga sundalong ito ay may napakalaking pananagutan. Ang sundalong nabigo sa kanyang tungkulin ay may mabigat na parusang naghihintay. Tingnan ang Gawa 16:27-28 kung saan ninais tapusin ang kanyang sariling buhay ng isang tagapagbantay dahil sa posibleng malagim na parusang nakalaan dahil sa kapabayaan sa tungkulin.

Mga Talata 12-15 Nagpatawag ng pagpupulong ang mga punong saserdote sa mga pinuno ng bayan. Ang nakaraang plano ng Sanhedrin ay pinagisipang maigi, maglagay ng mga kawal sa libingan upang mapigilan ang pagnanakaw ng bangkay, na kung mangyari ay posibleng pagmulan ng sabwatan ng mga alagad niya at ikalat ang kasinungalingang nabuhay muli si Hesus. Ngunit ngayon, ang mga itinalaga nilang bantay ay silang mga buhay na saksi sa mga himalang naganap sa libingan. Gaano kahirap ang kanilang kawalan ng pananampalataya! Napakalaki ng problema nila. Pinapatay nila si Hesus subalit binuhay Siya ng Diyos. Pagkumalat ang balitang ito sa bayan, hindi na sila pagkakatiwalaan ng mga tao. Mawawala ang kanilang kredibilidad at posibleng batuhin sila ng taong bayan. Nagkasundo ang konseho na suhulan nang malaki ang mga kawal at ipakalat sa bayan na; "Habang natutulog kami kagabi, dumating ang mga alagad ni Hesus at ninakaw ang kanyang bangkay." At kung makarating kay Pilato ang balita, ang mga pinuno na ang bahalang magpaliwanag para hindi sila mapahamak. Isang malaking kasinungalingan at sabwatan na nagmula sa mga pinuno ng mga Hudyo. Pero kamanghanga-hanga kung paniwalaan ng mga tao ang kuwento nila at hindi mahalatang kasinungalingan. Una, sinanay ang mga sundalong maging alerto sa oras ng kanyang tungkulin. Ang lahat ba ng mga itinalagang guwardiya ay nakatulog ng sabay-sabay? Sobra bang mahimbing ang tulog ng lahat kaya hindi sila nagising sa tunog ng gumugulong na mabigat na bato? Pangalawa, sa kuwento nila ay inakusahan nila na mga disipulo ni Hesus ang nagnakaw ng Kanyang bangkay. Paano nila nalaman na mga alagad ni Kristo nga ang nagnakaw kung tulog sila? Kung nagising sila sa oras na iyon, bakit hindi nila napigilan? Ganoon ba sila kawalang-silbi na nalusotan sila ng mga sibilyán? Pangatlo, alam ng taong bayan na mabigat ang parusa sa sundalong mahuling natutulog sa serbisyo. Paano nila malayang naikakalat ang kanilang salaysay na sila'y nakatulog at hindi napaparusahan? Bakit hinahayaan ng pamunuang hindi sila panagutin sa pagpapabaya nila sa kanilang tungkulin?
Noong panahong isinulat ang Ebanghelyong ito, ang bersyón ng kuwento ng mga kawal ang mas pinaniwalaan ng mga Hudyo. Ngunit kahit ngayon sa Israel o maging sa buong mundo, mahigit 2,000 taon na nakakalipas, maraming tao ang naniniwala sa salaysay ng mga sundalo. Pero kung makatuwirang isipin gamit ang tatlong punto, ang kuwento nila ay hindi kapani-paniwala.

Talata 16-17 Ang mga disipulo ay sumunod sa utos ni Hesus, umalis patungong Galilea sa bundok na sinabi sa kanila sila'y magkikita. At ng makita ng labing-isang alagad si Hesus, Siya'y sinamba nila ngunit may ilan na nagduda. Sa Lucas 24:36-43 nang nagpakita si Hesus sa kanila, ang akala nila ay nakakita sila ng isang espiritu (multo). Kaya sabi Niya; "Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ako nga ito. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Ang multo ay walang laman at buto, ngunit AKO'Y MAYROON, tulad ng NAKIKITA ninyo." At sa harap ng lahat, kinain ni Hesus ang inihaw na isdang bigay nila. Sa Juan 20:24-29, sa una Niyang pagpapakita sa Kanyang mga alagad wala si Tomas. Nanindigan siya sa kanyang pagdududa kahit na ikinuwento ng mga kapwa niyang disipulo ang pagbisita ni Kristo. Subalit nang magpakita si Hesus kay Tomas at hinayaan siyang makita't hawakan ng kanyang mga daliri ang mga sugat at tagiliran ni Hesus, "sumagot si Tomas, 'Panginoon ko at Diyos ko!' Sinabi sa kanya ni Hesus, 'Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Pinagpala silang hindi nakakita gayunma'y naniniwala.'"
Aral: Kahit ba nakikita ng ating mga mata ang katotohanan ay nananatili pa rin tayo sa kawalan ng tiwala sa Panginoong Diyos?

Talata 18 Ang gawain ni Hesus sa lupa ay natapos na, at napagtagumpayan Niya ang kapangyarihan ni satanas at mga demonyo. Ibinigay ng Diyos Ama ang lahat ng kapangyarihan sa langit, sa lupa at maging sa ilalim ng lupa sa Kanyang Anak na si Hesus. Siya ang Hukom na hahatol sa mga buhay at sa mga patay. Ang nakasulat sa Daniel 7:14 ay maisasakatuparan sa hinaharap pagkatapos ng Dakilang Kapighatian at ng isang milenyong Kaharian ni Hesus.

Ang pangmisyong utos ni Hesus

Talata 19 Kaya't HUMAYO KAYO; ang utos ni Hesus na ipahayag sa Ebanghelyo, ang Mabuting Balita ng kapatawaran at pagpapalaya sa kasalanan, ang bagong buhay kay Kristo Hesus, at buhay na walang hanggan na nakalaan sa mga sumampalataya sa Kanya.
gawin ninyong ALAGAD KO ang mga tao; ang unang hakbang ay akayin ang taong maging mananampalataya ni Hesus. Pero hindi dapat magtapos doon ang panghihikayat ng isang Kristiyano, patuloy na alalayan ang mga bagong mananampalataya upang lumago't tumibay sa kanilang relasyon sa Diyos at maging mga mabungang DISIPULO ni Hesukristo. Mga tagasunod ni Hesus na nakikitaang nabubuhay si Kristo sa kanila araw-araw, puspos ng Espiritu Santo, at nagbabahagi ng Ebanghelyo.
sa LAHAT NG MGA BANSA; sa mga Hudyo at mga Hentil, sa buong mundo, lahat ng tao sa daigdig ay dapat maabot, para sa lahat ang Ebanghelyo, walang sinuman ang hindi kasama sa pagtawag ng Diyos.
BAUTISMUHAN ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo (Banal na Trinidad); Ang bautismo ay isang malayang desisyon ng isang sumasampalataya sa Panginoon. Na kinikilala niya na siya ay isang makasalanan at natatanggap lamang ang kapatawaran ng kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesukristo. Ngunit nagpapatunay din ito na nais ng taong maging alagad ni Hesus, sundin ang mga utos ng Diyos at ang Kanyang paraan ng pamumuhay. Ang pagbibinyag ay hindi isang bagay na walang kabuluhan at maaari lamang gawin ng taong may kamalayan sa kanyang inaaniban anuman ang edad niya. Ito ay pampublikong pagpili ng tao na nais niyang sundin si Hesukristo.
TURUAN NINYO silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo; Ang buhay Kristiyano ay HINDI sapilitan. Ang naguudyok sa taong isabuhay ito ay ang pag-ibig niya sa Diyos. At ang pagmamahal sa Diyos ay dapat dumadaloy sa kapwa dahil nilikha ang tao sa wangis ng Diyos. Kaya ang pananalig sa Panginoon ay kalakip ang pagsunod sa Kanyang kalooban, at ang pagtuturo ng Kanyang mga utos ay iniatang sa lahat ng Kanyang disipulo. Kung ika'y tunay na alagad ng Panginoon, ituturo mo sa iyong mga kapatid sa pananampalataya ang katuruan ng Diyos na nakasulat sa Banal na Kasulatan (Lumang Tipan at Bagong Tipan) para sa kanilang ikalalago.

Talata 20 Narito ang pangako ni Hesukristo na Siya ay kasama natin palagi. Hindi lamang noong panahonng nabubuhay ang Kanyang mga disipulo, kundi hanggang sa ngayon. Ito'y mapanghahawakang pangako Niya sa bawat mananampalataya, "hanggang sa katapusan ng panahon."

Balik sa itaasBalik sa itaas