Ang Diyos ay kaalaman  

Magandang Balita

Pag-aaral ng Bibliya sa Mateo 11-20 talata sa talata

Source: Het evangelie naar Mattheüs ISBN 9026607660; New Testament Commentary ISBN 0851511929

Pagsunod kay Hesus - Mateo 11

Talata 1 Ibinigay ni Hesus ang Kanyang mga turo at tagubilin sa mga disipulo. Ang sumusunod ay utos na ipahayag ito sa buong Judea at isagawa ito.

Mga Talata 2-3 Si Juan Bautista ay nasa bilangguan, Mateo 14:3-5 dahil sinabi ni Juan kay Herodes na mali na angkinin niya ang asawa ng kanyang kapatid. Pinapunta ni Juan ang kanyang mga alagad na magtanong: “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?” Ang pagdududa na ito ay malamang nagmula sa paniniwala ni Juan nang ipinangaral niya na ang Mesiyas ay isang hukom (Mateo 3:7) kayat nanawagan siya na magsisi sa kasalanan, at hindi bilang isang manggagawa ng himala.

Mga Talata 4-6 Ang sagot ni Hesus ay mula sa Isaiah 35:5-6; "Ang mga bulag ay makakakita, at makakarinig ang mga bingi. Ang mga pilay ay lulundag na parang usa, aawit sa galak ang mga pipi." Ipinaalala ni Hesus kay Juan, tingnan ang mga propesiya na ito tungkol sa Mesiyas ay natutupad Ko. Ibig sabihin, Ako ang Mesiyas. Oo, higit pa nga sa mga hula, dahil binuhay din ni Hesus ang mga patay.

Mga Talata 7-8 Habang ang mga alagad ni Juan ay bumalik sa bilangguan dala ang sagot ni Hesus, Siya'y bumalik sa mga tao. Marami ang nagdududa kay Juan, na isa lamang siyang tambo, isang mahinang tao kaya nakakulong siya. Sa kabaligtaran, mahigpit na nanawagan si Juan para sa pagsisisi sa kasalanan, tinawag niyang lahi ng mga ulupong ang mga Pariseo at Saduceo, pinagsabihan ang Haring Herodes sa pagkuha sa asawa ng kanyang kapatid.

Mga Talata 9-10 Bakit maraming pumunta kay Juan galing sa iba't ibang panig ng Judea? Oo tama, siya ang nangaral tungkol sa pagdating ng Kaharian ng Diyos, at ng pagsisisi sa kasalanan. Oo tama din, siya ang katuparan ng Malakias 3:1 ang sugo upang ihanda ang daan bago ang Mesiyas.

Talata 11 Natupad ni Juan ang kanyang misyon bilang propeta at mensahero sa pagdating ng Mesiyas, tingnan ang Juan 1:29; "Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan." Siya ang pinakadakila sa mga propeta bilang Propeta at Tagapanguna ng Mesiyas.

Talata 12 Itinuro ni Juan si Hesus bilang Mesiyas, ang pagdating ng Kaharian ng Langit. Ang Kaharian na ito ay para lamang sa mga tao (taong mararahas) na kinikilala ang kanilang pagiging makasalanan, nagsisisi sa kanilang makamundong buhay at baguhin ito sa paglilingkod kay satanas, tungo sa isang buhay na nagpapasailalim sa Diyos. Ito ay nangangailangan ng karahasan, isang mulat na pagpili at paglaban sa mundo. Isang ganap na pagsuko sa Banal na Espiritu upang gawin ang kalooban ng Diyos. Sa kabilang banda, maiisip natin ang Sanhedrin (Punong saserdote, Pariseo at Saduceo) na gustong pigilin ng puwersahan ang pagsulong ng kaharian ng Diyos.

Talata 13 Ang mga propeta at ang kautusan ay nagsalita tungkol sa taong makasalanan, ang pangangailangang kilalanin ang pagkakasala, pagsisisi at pagbaligtad ng buhay mula sa paglilingkod sa mga diyus-diyosan.

Talata 14-15 Si Juan ay ang propetang si Elijah, na darating sa Araw ng PANGINOON, Malakias 4:5, ayon kay Hesus. Bagama't ang Araw ng Panginoon ay nasa hinaharap pa, si Juan ay isang pasimula. Sa Pahayag 11:3 ang dalawang saksi (si Moises at Elijah) ang Malakias 4:5 ay matutupad.

Mga Talata 16-19 Naglaro ang mga bata sa palengke at tinawag ang iba pang kalaro para makipaglaro sa kanila. Ang mga bata ay tumugtog ng plauta at sumayaw, subalit ang mga tinawag na kalaro ay hindi nais sumayaw. Sa isang libing naman, ang mga panaghoy ay inaawit, gayunpaman ayaw din nilang makidalamhati. Ang grupong inanyayahan ay ayaw makisama sa mga nangimbita sa kanila. Malinaw na tinutukoy ni Hesus ang mga Hudyo noong panahon nila ni Juan Bautista. Ipinadala ng Diyos ang Kanyang mga mensahero para bigyang babala ang mga henerasyon at makisali ngunit ayaw nila. Ang pamumuhay ni Juan Bautista ay kakaiba, hindi pangkaraniwan ang kanyang kasuotan at dieta, siya'y nag-ayuno, namuhay ng di man lang nakatikim ng alak at nawagang magsisi, habang ang mga Hudyo't kanilang mga pinuno ang gusto ay magdiwang. Si Hesus ay kakaiba din ang pamumuhay, dahil nakipag-ugnayan Siya maging sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan, na kinasusuklaman ng mga relihiyosong Hudyo't Sanhedrin. Hindi nila nais na masangkot kay Juan, at inakusahang sinasaniban siya ng masamang espiritu. Pero ayaw din nilang makilalang kasamahan ni Hesus, bagamat pawang puro kabutihan, pangangaral at himala ang Kanyang ginawa, Siya'y pala-kaibigan din sa mga taong makasalanan. Parehong silang tinanggihan ng karamihan ng mga Hudyo, lalo na ang Sanhedrin. Mas ginusto ng henerasyong iyon na huwag makisali, kayat walang pagkilala't pagsisisi sa kasalanan. Subalit ang karunungan ng Diyos ay napatunayang tama sa pamamagitan ng mga mensahe at gawang ipinakita nina Juan Bautista at Hesus kahit na tinanggihan sila ng nakararami.

Mga Talata 20-24 Nagsimula si Hesus sa pagbanggit ng mga lungsod kung saan pinamalas Niya ang maraming himala. Ang Chorazin (Katzrin) ay posibleng isang bayan na ngayon ay wala na, tatlong kilometro sa hilagang-silangan ng Capernaum.

Capernaum
Bethsaida Matatagpuan sa hilaga sa bukana ng Ilog Jordan sa Dagat ng Galilea. Ang Tiro at Sidon ay sikat sa kanilang pangangalakal, mga barko (pagpapadala) at kayamanan, ngunit gayundin sa kanilang kawalan ng katarungan sa kalakalan. Gayunpaman, kung ang mga himala ni Hesus ay nangyari doon, sila'y malamang ay nagsisi kaagad. Ang paghatol ng Diyos tungkol sa Tiro at Sidon ay inilarawan sa Isaias 23 at Ezekiel 26-28.
Capernaum, ang lungsod kung saan "nanirahan" si Hesus, nangaral sa sinagoga at nagsagawa ng maraming himala. Inakala nilang itataas sila hanggang sa langit, ngunit dahil tinanggihan ng mga taga-Capernaum si Hesus, ang hatol sa kanila ay magiging mas masahol pa kaysa sa paganong Sodoma na winasak ng Diyos noong panahon ni Abraham. Sa Araw ng Paghuhukom, ang Diyos ay manghahatol batay sa nalalaman ng tao. Ang Sodoma ay hindi nasaksihan ang mga himala at turo ni Hesus, samantalang ang mga Hudyo ay walang palusot. Samakatuwid ang kanilang kaparusahan ay magiging mas malala kaysa sa mga taga-Sodoma.
Aral: Ang mga tao noong unang panahon na hindi nakarinig ng Salita ng Diyos ay hahatulan nang naaayon sa kanilang nalalaman at budhi. Ang taong nakarinig ng Ebanghelyo kahit sa anumang paraan, ay mas pananagutin ng Diyos kaysa sa mga hindi narating ng Kanyang Salita. Ang mga tao sa ating kasalukuyang panahon ay mahihirapang gumawa ng dahilan kasi laganap at abot-kamay ang mga pinagmumulan at magpagkukunan ng Salita ng Diyos; nandyan ang internet, telebisyon, radio, mga panitikan atbp.

Mga Talata 25-26 Pagkatapos ng mga naunang mga talata kung saan kinagalitan ni Hesus ang mga taga-lungsod na hindi nanalig, ibinaling Niya ang kanyang tuon sa Kanyang Ama. Nagpasalamat at pinuri Niya ang Diyos sa paghayag ng katotohanan (ng Banal na Kasulatan) sa mga taong pinili Niya.
Ang mga matalino at marunong ay ang mga iskolar, ang mga taong may pinag-aralan, mga dalubhasa sa Bibliya. Mga taong dapat may alam, ngunit ang kanilang pagkakaunawa batay sa sarili nilang karunungan ay naghahatid sa kamalian at kawalang tiwala.
Ang mga sanggol dito ay ang mga may kaloobang tulad ng sa bata. Sila yuong aminado na sila'y mahina, dukha sa harapan ng Diyos at nangangailangan ng tulong, habag at kapatawaran Niya. Kinikilala nila na hindi nila matutubos ang kanilang sarili mula sa paghatol ng Diyos kaya kailangan nila ng Tagapagligtas.
Sa pasasabi ng "Oo Ama", tinatapos ni Hesus ang Kanyang panalangin sa kaalamang kasiyahan ng Diyos Ama na ipagkaloob na maunawaan ng mga taong mabababang-loob - tulad ng mga bata - ang misteryo ng Ebanghelyo. Sila ang kinikilala ang kanilang pagiging makasalanan at ang pangangailangan nila kay Hesus.

Talata 27 Ang Ama at Hesus ay parehong Diyos at mga miyembro ng Banal na Trinidad. Ang Ama ang Siyang nagbigay ng lahat ng bagay kay Hesus. At dahil sa Kanyang tungkulin bilang Mesiyas, ang lahat ng paghahatol at kapangyarihan ay binigay kay Kristo. Sa talatang ito, sinabi ni Hesus na kilala Nila (ng Diyos Ama at ng Diyos Anak) ang Isa't isa, at Siya ang namimili kung kanino Niya ilalahad at ipapakilala ang Kanyang Ama sa mga alagad Niya.

Mga Talata 28-30 Hindi ang mga matalino at marunong, kundi ang nahihirapan at lubhang nabibigatan sa buhay ang inanyayahan ni Hesus na lumapit sa Kanya. Nakakapagod ang mapang-aping pasanin ng 613 tuntunin ng batas ng mga Hudyo, ang pamatok sa kautusan, na hindi nagdudulot ng kalayaan at kagalakan. Dahil ayon sa mga eskriba at mga Pariseo ang batas kasama ng kanilang nilikhang tradisyon ay dapat sundin hanggang sa huling titik.
Ang isang pamatok ay inilagay sa balikat at leeg, at pagkatapos ay may mga lubid o tanikala na ikinakabit sa magkabilang dulo. Ito ay dumudiin sa balikat at leeg na kadalasan ay nagdudulot ng matinding sakit lalo na kung mabigat ang karga. Isipin mo ang pamatok na ginagamit ng mga hayop, halimbawa sa pag-aararo ng mga baka o kalabaw.
Kunin ang pamatok ni Hesus, ibig sabihin, sundin ang mga yapak ni Kristo. Ang pamatok Niya ay ang pagkilala sa pagiging makasalanan, ang pagsuko ng iyong buhay sa Kanya, at pagsasabuhay sa tunay na kahulugan ng Torah na unang ibigin ang Diyos higit sa lahat at ikalawa ay ibigin ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Ito'y posible lamang sa ilalim ng patnubay ng Banal na Espiritu.
Pagkatapos ay darating ang kapahingahan at kapayapaang dulot ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, na SIYANG nagbibigay ng lakas gawin ang kalooban ng Diyos. Ang pamatok Niya ay nananatili sa buhay na ito, gayunpaman ang pinangako ni Hesus ay "kapahingahan sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.".
Matuto mula sa AKIN, Aking paraan ng pamumuhay, Aking mga tagubilin, Aking mga pangaral, Aking mga Salita; ang Bibliya.
Bakit? Dahil si Hesus ay malumay at may mababang loob. Ang kanyang mapagpakumbabang saloobin bilang Lingkod ng Diyos ay ipinamalas Niya sa mga taong nakasalamuha Niya; naawa Siya sa mga taong nabibigatan sa batas, nakiramay at pinalaya ang mga taong may sakit at inaalihan ng demonyo, at nagpasyang sumailalim sa krus para dalhin ang bigat ng kasalanan ng sangkatauhan.
Kapahingahan para sa iyong kaluluwa: Pagkatapos ng pagsuko mo kay Hesus, ang pagkilala sa natapos Niyang misyon para sa iyong kapatawaran na nagbigay daan sa pakikipagkasundo mo sa Diyos Ama, at ang pagkakaloob ng kapangyarihan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na kung wala ay hindi maisasakatuparang kayaning panatiliin ang magandang kaugnayan sa Diyos.
Ang pamatok ni Hesus ay madali at magaan. Ang kalooban ng Diyos ang pinakamabuti para sa iyo, hindi lamang sa mundong ito kundi magpasa-walang wakas. Maaari kang dumaan sa kahirapan, pag-uusig, pagkabilanggo at maging kamatayan dahil sa iyong pananampalataya kay Hesukristo, ngunit ito'y iyong pakatandaan; si Hesus ay kasama mo palagi. Nangako Siyang "Hinding-hindi kita iiwan o pababayaan." (Hebreo 13:5). Siya ang magbibigay sa iyo ng Kanyang lakas.

Balik sa MenuBalik sa itaas


Nagtatrabaho sa Sabbath - Mateo 12

Mga Talata 1-2 Ang kahulugan ng Sabbath para sa mga Hudyo noong panahon ni Hesus at maging sa pangkasalukuyang henerasyon ay hindi nagbabago't ganoon pa rin kastrikto. Isipin mo na lang ang elebetor sa mga hotel sa Israel ay awtomatikong gumagana tuwing Sabbath dahil sa kanila ang pagpindot ng butones ay uri ng paggawa, kaya bawal. At para sa mga Hudyo, pati ang pagsindi ng apoy o pagbukas ng ilaw ay pinagbabawal din sa Sabbath. Napakalinaw ng Exodo 35:1-3; “Ito ang iniuutos sa inyo ni Yahweh: Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit ang ikapitong araw ay Araw ng Pamamahinga na nakalaan sa akin. Papatayin ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon. Sa Araw ng Pamamahinga, huwag kayong magsisindi ng apoy sa lahat ng inyong mga tahanan.” Ang parusang kamatayan ay ginagawa sa pamamagitan ng pagbabato. Ang mga Pariseo ay laging nagmamasid kay Hesus at sa kanyang mga alagad upang hulihin sila sa paglabag sa batas. Tinitignan nila kung hahayaan lang ba ni Hesus ang Kanyang mga alagad sumalungát sa batas at pagkatapos ay hindi sila parusahan.

Mga Talata 3-4 Spagkat ang mga Pariseo ay alam ang Lumang Tipan, sumagot si Hesus gamit ang ginawang paglabag ni Haring David. Siya, sa pagkakataong iyon ay pinahintulutan bang lumihis sa batas dahil si David ay itinalang maging hari at minamahal ng Diyos? Bagamat siya'y pili ng Diyos, mahigpit na ipinagbabawal na kumain ng tinapay ng Presensya ang hindi miyembro ng kaparian. Ang tinapay ng Presensya ay inilaan lamang kainin ng mga pari. Sa 1 Samuel 21:1-6, si David kasama ang kanyang mga tauhan ay tumatakas kay Haring Saul. Sila'y nagugutom ng lumapit sa pari ngunit walang siyang maialok na pagkain, tanging ang tinapay ng Presensya ang nandoon. Sinigurado ng pari na sila ay malinis, ibig sabihin, hindi nakipagtalik sa mga babae ng mga panahong iyon. Ang tinapay na ito ng Presensya ay inalis, pagkatapos mapalitan ng sariwang tinapay ng Presensya. Gayunpaman, si David at ang kanyang mga tauhan ay hindi namatay pagkatapos kumain ng tinapay na sa kanila'y ipinagbabawal.

Talata 5 Ipinagpatuloy ni Hesus ang kanyang sagot at itinukoy ang nakasulat sa Mga Bilang 28:9-10 kung saan tuwing Sabbath, ang handog ay sinusunog ng mga pari. Sa Levitico 24:5-8 naman, bawat Sabbath ang mga pari ay nagluluto ng labindalawang tinapay at purong kamangyan sa bawat hanay. Kaya't ang mga saserdote ay gumagawa sa Sabbath at nagniningas ng apoy. Sa Juan 7:22-23, ang pagtutuli ay naganap sa Sabbath, gayunpaman, ang batas ay hindi nilalabag ng mga pari sa mga gawaing ito.
"Tois sabbatois" (pangmaramihan) at hindi "to sabbaton" (isahan), ay tumuturo sa bawat Sabbath, at hindi sa iisang Sabbath.

Talata 6, 8 Kung pinahintulutan ni David ang kanyang mga tauhan na kumain ng tinapay ng Presensya, gaano pa kaya ang Anak ni David, ang ipinangakong Mesiyas, na payagan ang Kanyang mga alagad na pumitas ng trigo at kumain sa Sabbath. Si Hesus ay higit pa kay Haring David, kaya sa isa niyang salmo (Mga Awit 110:1) sa ilalim ng inspirasyon ng Banal na Espiritu, sinulat niya; "Sinabi ni Yahweh, sa aking Panginoon". Tinawag niyang Panginoon ang Mesiyas (Hesus) na manggagaling sa kanyang lipi. Bukod sa pagiging Panginoon at Hari, si Hesus ay Siyang Punong Pari. Kaya kung ang isang pari ay napapanatiling inosente sa paggawa ng kanyang tungkulin tuwing Sabbath, sa gayon ang Mataas na Saserdoteng Hesus ay maaaring kumilos ng Sabbath dahil Siya ang Panginoon ng Sabbath.

Talata 7 Tinukoy ni Hesus ang Oseas 6:6 "Sapagkat wagas na pag-ibig ang nais ko at hindi handog, pagkilala sa Diyos sa halip na handog na sinusunog." Mas nalulugod ang Diyos kapag ang mga tao ay nagmamalasakit sa kanyang kapwa gaya ng pagmamalasakit ng Diyos sa atin. Mas ninanais ito ng Panginoon kaysa sa pagdadala ng handog o pagsunod sa tuntunin habang ang iba'y naghihirap. Ang Diyos ay higit na nalulugod sa pagsasabuhay ng espiritu ng Kasulatan, kaysa sa sundin ang batas ayon sa ritwal ng tao. Ang pagtupad ng Kautusan ay dapat magsilbing patotoó ng iyong pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Hindi gusto ng Diyos na magdusa ang taong nagugutom, nais Niyang idulot ang pangangailangang pangkatawán at espirituwál ng tao.

Talata 9 Nagpatuloy si Hesus sa Kanyang layunin at pumunta sa isang sinagoga.

Talata 10 Binanggit sa Lucas 6:6 na ang lalaking ito ay paralisado ang kanang kamay, ang kamay na kadalasang ginagamit sa pagtátrabaho. Malamang ang taong ito ay hindi makahanap ng trabaho at napilitang manglimos. Ang mga Pariseo ay gustong gusto na dalhin si Hesus sa harap ng Sanhedrin (ang Hudyong Hukuman) upang Siya'y ihabla dahil sa paglabag sa utos ng Sabbath. Kaya ang kanilang tanong na tila patibong; “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling ng maysakit kung Araw ng Pamamahinga?” Ayon sa paliwanag NILA, makatuwiran lang na iligtas ang isang tao kung may agarang panganib sa buhay, ngunit hindi sa ibang mga kaso.

Mga Talata 11-12 Nakita ni Hesus ang katigasan ng kanilang puso at unang tumugon gamit ang tanong; "Kung kayo'y may tupang nahulog sa balon sa Araw ng Pamamahinga, hindi ba ninyo ito iaahon?" Sa madaling salita, hindi ba mas mahalaga ang tao kaysa sa hayop? O kayo ba ay mga mapagkunwari at itinuturing ang ari-arian (isang hayop) na mas mahalaga kaysa sa isang tao?
Sa tugon na ito ni Hesus, walang dudang nasagot ang kanilang tanong; ang tao ay higit na mahalaga kaysa sa isang hayop, kaya't wala silang magawang pigilan na magpatuloy na gumawa ng kabutihan at magpagaling ang Panginoon kahit na Sabbath.

Talata 13 Ngayon, may kakaibang nangyayari sa pagpapagaling. HINDI SINABI direkta ni Hesus na ang kamay ay gumaling, sa halip Kanyang inutos sa paralisado na; “iunat mo ang iyong kamay.” Maaari nating ipalagáy na ang pag-unat ng kamay ay isang simpleng gawain, pero sa isang taong tuyo't lanta ang braso ito ay hindi posible. Subalit ang lalaking ito ay masunurin at inunat nga ang kanyang kanang kamay bilang pagtalima sa utos ni Kristo, at dahil doon gumaling siya.
Ipinakita ni Hesus na Siya ang Panginoon ng Sabbath, ngunit mayroong higit pa dito, ipinapakita rin Niya na Siya ang Panginoong may kapangyarihan higit sa diablo. Ang pagkahulog ng ating ninuno, na sanhi ng panlilinlang ni satanas, ay nagdala ng kasalanan sa mundo. Ang paralisadong kanang kamay na dahilan ng limitasyón sa pagtatrabaho ay isang kinahinatnan ng paninira ni satanas at kanyang kampon. Ang pagpapagaling ni Hesus ay patunay ng Kanyang kapangyarihan laban sa mga kaaway. Sa Kanyang pagbibigay kabuuan sa kanang kamay ng lalaki, binaliktad ng Panginoon ang paninira ng kalaban. Ang paralisado ay gumaling nang manalig siya kay Kristo, at hindi sa mga huwad na Pariseo at kanilang mga maling paniniwala't turo.

Talata 14 Ang mga Pariseo ay mahigpit na pinanghahawakan ang kanilang mga turo ngunit wala silang lakas ng loob na dalhin si Hesus sa Sanhedrin dahil sa mga tao na nagalak sa kabutihang-loob ni Hesus. Hinahangad nila ang maipapapatay si Hesus na kumikitil sa kanilang mga paniniwala't tradisyon.

Talata 15 Si Hesus dahil sa Kanyang banal na kaalaman ay nakakabasa ng isip at nakita niya ang intensyon ng mga Pariseo. Siya mismo ay umalis sa sinagoga at maraming tao ang sumunod sa Kanya. Isipin ang kakaibang sitwasyóng ito, inaakusahan ng mga Pariseo si Hesus na lumalabag sa batas, samantalang maraming tao ang sumusunod sa Kanya upang sila'y pagalingin ni Hesus kahit na araw iyon ng kapahingahan. Ibig sabihin ang madla ay walang problema na si Hesus ay gumagawa sa Sabbath kahit na ang kanilang mga guro ay nagngingitngit sa inggít at galit.

Talata 16 Tila sa Kanyang mahigpit na tagubilin na huwag nilang ipamalita kung sino Siya, parang ayaw ni Hesus sa puntong iyon na kumalat ang balita ng Kanyang mga ginawa. Ayaw kaya ni Hesus na makilala Siya bilang manggagamot lamang? Sa kabuuan, ang Kanyang tagubilin ay isang mensahe ng pagsisisi at pananalig sa Diyos.

Mga Talata 17-18 Sinipi ni Mateo ang mga salita ng propeta Isaias 42:1-4. Si Hesus ang Mesiyas, hindi lang Siya manggagamot at tagapagpalaya ng pamatok ng mga mapang-apí't mánanakop, kundi ang tagapagpalaya mula sa kasalanan at parusang nakaatang dito ng Diyos. Nang isinulat na ang Mesiyas ay lingkod ng Diyos ay ipinahihiwatig na nakapatong sa mga balikat ni Hesus ang kabigatan ng pasanin para sa kaligtasan ng tao. Matatandaan na noong bininyagan si Hesus ni JUan Bautista (Mateo 3:16-17), bumaba ang Banal na Espiritu sa anyo ng isang kalapati kay Hesus at ang tinig ng Ama mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!” Sa gayon, ang propesiya ni Isaias ay natupad.

Talata 19 Si Hesus ay hindi nakipagtalo sa mga Pariseo at mga eskriba, hindi rin Siya nagtataas ng boses sa kalye. Maging aral iyan sa ating mga mananampalataya na nakikipagtalo at pala-sigaw. Gayahin ang halimbawa ni Kristo, nagsalita Siya gamit ang normal na tono kaya naintindihan SIYA. Sa pagsigaw, ang mensahe ay hindi nagiging katanggap-tanggap lalo na't pagsinamahan pa ng malakas na musika na puwedeng lumunod sa Ebanghelyo at maaaring pang nakawin ng kaaway.

Mga Talata 20-21 Dumating si Hesus para sa mahihinang tao, sa mga taong nahihirapan, sa mga maysakit, sa maliliit ang pananampalataya, sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan. Buong pag-ibig Niyang ipinahayag ang mensahe ng kapatawaran at kaligtasan ng Diyos. Pagkatapos ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, ang Ebanghelyo ay mas lalong kumalat sa mga hentil. Ipinamalita ang pag-asa ng kaligtasan at pakikipagkasundo sa Diyos, hindi lamang sa mga Hudyo kundi maging sa mga hentil. Ang kaligtasan ay binuksan na at inialok sa buong mundo. Sa pamamagitan ni Kristo ang kapatawaran ng Diyos ay maabot na ng sinumang maniniwala kay Hesukristo bilang sarili niyang Tagapagligtas at Panginoon.

Paghuhukom sa tao - Mateo 12

Talata 22 Marami na ang pinagaling ni Hesus, sa pagkakataong ito dinala sa Kanya ang isang lalaking bulag at pipi na sinasapian ng demonyo. Alam natin na dahil sa pagkahulog ni Adan at Eba, ang mundo'y sinumpa dahil sa kasalanan. Ang paniniíl ng mga demonyo ay isang sanhi ng sakit at paghihirap, pero hindi lahat ng panlulupig ay dulot ng kaaway. Ang lahat ng ito ay bunga rin ng pagkahulog at kasalanan ng tao. May mga karamdaman na dahil sa sariling kasalanan, meron ding mula sa sumpa na minana sa pamilya, at nandyan ang pang-aapi ng mga demonyo sanhi ng mga bagay-bagay na nagbukas ng pagkakataon para sila'y makapanira sa buhay ng tao.
Si Hesus ay Panginoon ng lahat at may kapangyarihan higít kay satanas at mga demonyo. Dito ay ipinakita ni Kristo ang Kanyang lakas nang pinalayas Niya ang demonyo at pinalaya ang lalaking pipi't bulag kayat siya'y nakapagsalita at nakakita na.

Talata 23 Nakita ng mga tao ang himalang nangyari't namangha sa nasaksihan nila. Paano ito posible? Aling kapangyarihan ang gumagana dito? Siya ba ang ipinangakong Mesiyas, ang anak ni David? Ngunit sa isipan ng mga Hudyo, ang anak ni David (ang Mesiyas) ay dapat isang mandirigmâ na magliligtas sa kanilang bansa mula sa pananakop ng Roma. Sa halip, si Hesus ay pinalalaya sila sa kasalanan, sa panunupil ng karamdaman at ng mga masasamang espiritu, at inihahayag ang pagdating ng Kaharian ng Diyos. Sa kasamaang palad, ang katotohanang ito ay hindi nakikita ng mga Hudyo, dahil iba ang inaasam nila. Ang magkaibang mga pananaw na ito kaya ang dahilan kung bakit ang kani-kanilang tanong ay, “Ito na kaya ang Anak ni David?” O kaya'y, naitanong nila ito dahil nakita nila ang pagsasakatuparan ng mga propesiya tungkol sa Mesiyas sa katauhan ni Hesus.

Talata 24 Dahil kamatayan ang parusang pinapataw sa mga nahuhuling nangkukulam at nanggagaway, taktika ng mga Pariseong akusahang si Hesus na may salang gumagawa nito. Ang katanyagan ni Hesus ay dapat masira sa pagbibintang sa Kanya na Siya'y may sapi ng prinsipe ng mga demonyo, kaya nagagawa Niyang ng magpalayas ng mga masasamang espiritu. Kung mapatunayan ang akusasyong ito ay maaaring ngang hatulan ng kamatayan si Kristo.

Mga Talata 25-26 Sumagot si Hesus na kung nagpapalayas Siya ng mga masasamang espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo, nangangahulugang naglalaban-laban ang kampo ni satanas. Paano mapapanatili ng diablo ang kaharian niya kung kinakalaban niya ang kanyang sariling kampon, babagsak silang sawi.

Talata 27 Ang mga alagad ng mga Pariseo ay nagpalayas din ng mga demonyo. Ang hamon ni Hesus, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Hindi ba sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, samakatuwid ang mga disipulo mismo ng mga Pariseo ang huhusga na sila (ang mga Pariseo) ay mali.

Talata 28 Ang katotohanan na nagpapalayas si Hesukristo ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay nangangahulugang ang kaharian ng Diyos ay dumating na. Ito'y mensahe din para sa iyo, maniwala ka man o hindi, na ang Kaharian ng Diyos ay ipinahayag sa iyo at nandito na. Ikaw ang bahala kung ito ay paniniwalaan o tatanggihan mo. Ang iukol na ang kapangyarihan ni Hesus ay galing kay Beelzebul at hindi mula sa Banal na Espiritu ay lubhang isang nakamamatay na kasalanan laban sa Espiritu Santo (talata 31, Mga Gawa 5:1-11).

Talata 29-31 Kung ang isang magnanakaw ay dumating at natagpuan niyang nasa bahay ang may-ari, dapat niyang magapi't itali muna ang may-ari at saka lamang niya puwedeng pagnakawan ang bahay. Kailangan munang gapusin ni Hesus ang mga kampon ng kadiliman bago Niya palayain ang nasapiang tao. Sa katapusan ng panahon, si satanas at lahat ng mga demonyo ay magpakailanmang hahatulan at itinapon sa lawa ng apoy, at sa wakas ang paghahari ni Hesus ay magiging tuluyang ganap. Noon pa man hanggang ngayon ang Magandang Balita ay ipinahahayag. Ang tao ay hinahayaang kusang pumili; para kay Hesus at maging malaya sa kapangyarihan ng laman, ng mundo at ng diablo. O tanggihán si Hesus (tulad ng mga Pariseo) at magpatuloy sa iyong buhay sa mundo na walang kaugnayan at pakialam sa Diyos. Yun lang nga, ang resulta nito ay ang paghahatol ng Diyos ayon sa iyong mga kasalanan.

Mga Talata 31-32 Sa kabila ng nakikita ng mga Pariseo, matigas ang kanilang mga puso at nanindigan na ang kapangyarihan ni Hesus ay galing kay satanas at hindi mula sa Banal na Espiritu. Hindi sila nakitaan ng pagpapakumbaba't pagsisisi. Punahin ang kaibahan sa pagtugon na may pagsisisi ni David sa kanyang pangangalunya at pagpatay. Gayundin si Pedro sa kanyang pagtanggi na kilala niya si Hesus ng tatlong beses. Gaano man kaliit o kalaki ang sala, ang bawat makasalanan na umamin at magsisi ay tatanggap ng kapatawaran. Gayunpaman, ang sinumang lumapastangan sa Banal na Espiritu, tulad ng pag-uukol ng mga Pariseo na ang kapangyarihang pinamalas ni Hesus ay galing sa diablo sa halip na itukoy ito sa Espiritu Santo ay hindi mapapatawad, maging sa panahong iyon o sa panahong darating.
Pagnilay-nilayan din ng mabuti ang Efeso 4:30, ang huwag saktan ang kalooban ng Banal na Espiritu (paglabanan ang pagkilala sa kasalanan na Kanyang inihahayag), at hadlangan ang kalooban Niya (1 Tesalonica 5:19). Kaya ang payo sa Hebreo 3:7-8 at Mga Awit 95:7-8; "Kapag ngayon ang tinig ng Diyos ay narinig ninyo, huwag patigasin ang inyong mga puso".

Mga Talata 33-35 Ang puno at prutas ay hindi maaaring paghiwalayin sa isa't isa dahil sa kanilang kaugnayan. Ang mga bunga ay nangangailangan ng KATAS ng puno upang lumaki, kaya inihalintulad ito sa relasyon ng puso at bibig. Kung ano ang lumalabas sa iyong bibig, iyon ay ang nasa puso mo. Ang bibig ay nagpapatunay kung ano ang namumuhay sa loob ng tao. Ang mamuhay sa pangunguna ni Hesus ay makikitaan ng kaaya-ayang kaisipan, pananalita, pagkilos at pakikisalamuha (mga mabuting bunga) na nagpapatutoo na ang Banal na Espiritu ay nasa sa kanya. Sa kabilang dako, may tao na nagpapakita ng walang pagbabago sa kanyang pamumuhay, makasarili't makamundo (mga masamang bunga), patunay na siya'y masasamang puno. Ang masamang puno ay yaong walang tunay na kaugnayan sa Panginoon kayat hindi makikitaan ng mabuting bunga sa kanya tulad ng pagiging madasalin para mas makilala ang Diyos, pagnanais pag-aralan ang Salita Niya, pagmamahal sa kapwa, atbp.

Mga Talata 36-37 Ang bawat tao ay ganap na responsable sa kung ano ang kanyang iniisip, sinasabi at ginagawa, sa ibang salita, siya'y may pananagutan kung paano siya mamuhay. Bagama't ang isang tao ay likhang makasalanan, binigyan siya ng Diyos ng kusang-loob at layang pumili. Sa pamamagitan ng grasya ng Diyos, posibleng maisalba kahit na ang pinaka-makasalanang nilalang dahil ang dugo ni Hesus ay ganap at sapat na pangtubos sa mga mananalig sa Kanya bilang Panginoon at Tagapagligtas.
Sa bawat salita na binitawan ng sinumang tao, mananampalataya man o hindi, mataas man o maliit, mayaman man o mahirap, ang lahat ay haharap at mananagot sa Diyos. Ayon sa Pahayag 20:11-15 ang mga hindi Kristiyano, ay tatayo sa araw ng paghuhukom ng Diyos upang tanggapin ang sukat ng kanilang kaparusahan. Ngunit maging ang mananampalataya ay dadaan sa paghahatol, hindi para tumanggap ng kaparusahan (dahil siya'y tinubos na ni Kristo), kundi upang humarap sa luklukan ng paghatol ni Hesus (2 Corinto 5:10) para suriin sa kanyang mga ginawa sa lupa (1 Corinto 3:12-15).

Talata 38 Ang mga eskriba ay ang mga dalubhasa sa Torah, sila'y mga rabbi na bihasa sa pagsiyasat sa Kasulatan. Pagbinalikan natin ang Mateo 12:25-37, alam na ni Hesus kung ano ang nasa isipan ng mga tao bago pa ito sabihin o gawin. Ayon kay P. Bonnard sinabi nila: Kung ayaw MO na kami ay magsalita ng masama tungkol sa iyo, magpakita Ka sa amin ng isang tanda na magpapatunay sa iyong pagiging Mesiyas.
Ang tanda (sèmeion) na hinihiling nila ay higit pa sa pangkalahatang kababalaghan (dunamis), ito ay dapat na banal na palatandaan na magpapa-lehitimo ng Kanyang pagiging Tagapagligtas.

Mga Talata 39-40 Mariing tinatanggihan ni Hesus ang kanilang panukala at sinabihan silang isang lahing masama at taksil sa Diyos. Ang bayang Israel ay isinalarawan bilang kasintahan ng Diyos. Ngunit dahil sa pagpatay nila sa mga propeta, pagtanggi sa mensahe ni Juan Bautista at pagtakwil kay Hesus, tinawag silang masama at taksil.
Si Jonas ay nanatili sa loob ng tiyan ng isang malaking isda ng tatlong araw at tatlong gabi (Jonas 1:17). Ang pahayag na ito ay lubos na naunawaan ng mga pinuno ng mga Hudyo na naalala't nabanggit pa nila sa Mateo 27:63. Ang puso ng lupa (Hades) ay itinuturing na kinalalagyan ng mga patay hanggang sa araw ng muling pagkabuhay.

Mga Talata 41-42 Ang mga mamamayan ng Nineve, mga pagano, ay nagsisi't nanalig sa Diyos ng Israel gawa ng pangangaral ni Jonas kahit na wala itong kasamang mga himala't kababalaghan. Sinabi ni Hesus na may mas higit kay Jonas na kasama nila na dala ang Magandang Balita at nasasaksihan nilang gumagawa ng mga himala sa iba't ibang bayan ng mga Hudyo na silang may kaalaman sa Kasulatan. Kaya't sa Araw ng Paghuhukom, tatayo ang mga taga-Nineve at sasaksi laban sa henerasyong ito.
Gayundin ang reyna ng Timog (Sheba, 1 Hari 10:1-10), isang paganong reyna, ay nagpuri sa Diyos ng Israel. Naglakbay siya (na humigit-kumulang 1800 km) para puntahan ang Israel at makilala si Haring Solomon. Si Hesus mismo, ang Anak ng Diyos, iniwan ang langit at nagkatawang tao upang makasama ang mga Hudyo. Kaya't gayundin sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang reyna ng Sheba laban sa lahing ito dahil naglakbay siya mula pa sa dulo ng mundo upang marinig ang karunungan ni Solomon, pero may hamak na mas higit pa kaysa sa hari ang nakasalamuha ng Israel ngunit hindi nila pinakinggan.

Mga Talata 43-45 Si Hesus ay magbibigay ng halimbawa; Pagpinalayas ang masamang espiritu sa isang tao, ang demonyo ay gumagala sa mga lupaing tigang (ang disyerto ba'y galaan ng mga demonyo?) upang maghanap ng mapagpapahingahan. Kapag wala itong matagpuan, bumalik siya sa kanyang pinanggalingan. Ang taong pinalaya sa demonyo, ay parang tahanang walang laman. Bagamat siya'y malinis, maaari siyang balikan ng masamang espiritu at dahil bakante puwede pa siyang magimbita ng iba pa, na mas masahol pa kaysa sa kanya, para pagsaluhan ang tirahan. Dahil dito, ang kanyang kalagayan ay mas masama pa kaysa sa dati. Ang aral; bagamat naging malinis at maayos ang kalagayan ng taong nilayasan ng demonyo, huwag hayaang manatiling bakante ang kanyang buhay dahil maaaring balikan siya ng kaaway. Mamili ka; tirhan ka ng masasamang espiritu o ng Banal na Espiritu? Dapat anyayahan ng tao na manirahan ang Panginoong Hesukristo sa kanyang buhay upang manahan sa kanya ang Banal na Espiritu. Sa gayon, bukod sa kaligtasan at pag-iingat ng Diyos, ang tahanan niya'y hindi na magiging bakante't aasamin pa ng kalaban. Pampatibay-loob nga na isinulat sa 1 Juan 4:4; "ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan." Gayunpaman, ang mananampalataya ay dapat magpatuloy kay Hesukristo sa ilalim ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang magawa ang kalooban ng Diyos.

Talata 46 Ang mga pangalan ng mga kapatid ni Hesus, na ipinanganak ng amaing si Jose at ng inang si Maria, ay binigay sa Mateo 13:55 at sa talata 56 ay binanggit na mayroon ding Siyang mga kapatid na babae.

Talata 47 Malamang si Hesus ay nasa isang bahay na napapaligiran ng mga tao at ang bahay ay puno, kaya imposible para sa kanyang ina at mga kapatid na makapasok pa. Ang dahilan kung bakit nila gustong kausapin si Hesus ay hindi binanggit ng Bibliya.

Mga Talata 48-49 Hindi itinatanggi ni Hesus ang Kanyang ina at mga kapatid sa laman (mga kapatid sa ina). Tinutukoy ni Hesus ang Kanyang espirituwal na mga kapatid, ang mga naniniwala sa Kanya bilang Tagapagligtas ng kasalanan AT nagpapasakop sa kalooban ng Diyos.

Talata 50 Mangyaring bigyang-pansin nang mabuti kung sino ang tinukoy ni Hesus na mga kapatid Niyang lalaki't babae at ina; sila ay yuong sinumang sumusunod sa kalooban ng Ama sa langit:

  1. Pagkilala sa kasalanan at pagkakasala
  2. Pagkilala kay Hesus bilang sariling Tagapagligtas at Panginoon
  3. Ang pagtalikod sa makamundong buhay (Galacia 5:19-21) at magpatuloy sa pamumuhay ng banal sa ilalim ng Espiritu Santo
  4. Gawin ang kalooban ng Diyos, tingnan ang halimbawa sa Mateo 25, 28:19; Galacia 5:22; Efeso 5:1-4, 22-26, 6:1-6, at marami pang ibang teksto.

Ang mga Pariseo at mga eskriba ay pinagsabihan dahil sinasabi nilang namumuhay sila ayon sa kalooban ng Diyos, subalit sa kanilang gawain ito'y pakitang-tao lamang. Kahit gaano pa kabanal ang pananalita ng tao, kung ang makikita taliwas naman ang kanyang pamumuhay, hindi magiging kapani-paniwala ang kanyang pagsaksí dahil hindi maitatago na siya'y ipókritó. Ang mga salita ni Hesus ay puno ng kaseryosohan; ang taong hindi tunay na nagsisisi, walang pagbabago sa buhay, hindi isinuko ang sarili sa Diyos, ay hindi nga makikitaan ng bunga ng bagong buhay (2 Corinto 5:17) at nasa ilalim pa rin ng poot ng Diyos (Juan 3:36).

Balik sa MenuBalik sa itaas


Ang Talinghaga ng Manghahasik - Mateo 13

Mga Talata 1-2 Kung si Hesus ay umalis sa kanyang tahanan sa Capernaum (Mateo 4:13) ay hindi binanggit. Sa pagkakataon ito, Siya ay lumabas ng bahay at umupo sa tabi ng dagat (Dagat ng Galilea?). Doon siya nagsalita sa mga taong nasa dalampasigan. Ang dagat ay may magandang epekto sa pagsasalita at nagsisilbing ampliyadór. Hindi na kinailangan ng mikropono at ispiker dahil ang dagat ay may epektong nagpapalakas ng tunog kayat nakapagturo si Hesus gamit ang pangkaraniwang tono sa maraming tao.

Mga Talata 3-9 Ang pagtuturo gamit ang mga talinghaga ay normal na ginagamit ng mga rabbi. Ito ay ang pagkukuwento gamit ang mga pang-araw-araw na nakasanayang pangyayari para mas maintindihan ang espirituwal na aral sa likod ng kuwento. Pagkat ang Israel ay agrikulturál na bansa noon, ang mga tao ay pamilyar sa paraan ng pagtatanim, ngunit iba ang paraan ng kanilang paghahasik kumpara sa atin. Isaisip na sa kanila ay inihahasik muna ang mga binhi bago mag-araro. At sapagkat ang pag-aararo ay ginagawa makatapos magpunla, nakakapaghasik din sa kalsada kahit na matigas ang lupa dahil nga aararuhin naman ito pagkahasik. Gayundin sa mabatong lupa at sa may matitinik na halaman, kasi kapag inararo matatabunan naman ang mga ito.
Sa talinghagang ito (bilang halimbawa lamang) kung hahatiin ng patas ang ihahasik na mga binhi sa apat na klase ng lupa, ang kalalabasan ay 75 porsyento (3/4: kalsada, mabato, matinik) ay mauuwi sa walang ani, habang ang 25 porsyento (1/4: matabang lupa) ay mamumunga ng tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. Isang pangpalakas-loob para sa mga manggagawa ng Diyos na huwag mawalan ng pag-asa sa paghahasik ng Salita ng Diyos dahil marami man ang tumatanggi sa Ebanghelyo ngunit may mga matatabang lupa (25%) na nagbubunga ng SAGANA!
Ang may mga tainga, ay makinig. Ang talinghaga ay pangkaraniwan sa pang-araw-araw na buhay, gayunpaman ang espirituwal na kahalagahan ay ipapaliwanag sa susunod na mga talatang 18-23.

Mga Talata 10-11 Mula sa Marcos 4:10 ipinapakita nito na hindi rin naunawaan ng mga alagad ni Hesus ang talinghaga. Namangha sila sa pagsasalita ni Hesus gamit ang mga talinghaga. Sumagot si Hesus na may mga pili lamang ng sangkatauhan ang makakaunawa sa kahulugan ng Kaharian ng Diyos. Ang mga tao, tulad ng ginawa ng mga disipulo ni Kristo, ay maaaring lumapit sa Kanya at humingi ng kalinawan. Karamihan ng mga Pariseo at mga eskriba ay hindi makaunawa ng turo ni Hesus kahit na sila'y edukado. Bakit kaya? Dahil sa katigasan ng kanilang puso (talata 15). Gayunpaman, hindi lahat ng mga pinuno ng mga Hudyo ay bulag, ilan mula sa kanilang hanay (Nicodemo, Jose na taga-Arimatea, at si Apostol Pablo) ay sumampalataya kay Hesus.

Talata 12 Ang Kristiyano ay may responsibilidad na lumago o mamunga. Ang sanggol na pinapakain ng gatas ay hindi nananatiling sanggol, ito ay lumalaki't magiging bata na puwede nang pakainin ng solidong pagkain. Patuloy siyang lalaki at magbibinata hanggang sa siya'y tumanda. Kaya ang mananampalataya ay dapat na lumaki mula sa gatas tungo sa solidong na pagkain (Hebreo 5:12-14), mula sa pagiging sanggol hanggang sa matanda (1 Corinto 14:20, Hebreo 5:14). Samakatuwid, tungkulin ng mananampalataya na lumago sa karunungan ng Salita ng Diyos (pagbabasa't pag-aaral ng Bibliya at pananalangin), upang malaman ang kalooban Niya at gawin ito. Ang kanyang buhay ay dapat makitaan na siya'y patuloy na hinuhubog sa wangis ni Kristo sa tulong at pag-aakay ng Banal na Espiritu araw-araw.

Talata 13 Isang panimula para sa talata 14 ukol sa katuparan ng propesiya ni Isaias. Ang inaasam ng mga Hudyo ay dumating ang Mesiyas bilang tagapagpalaya sa pamatok ng kanilang kaaway (Roma). Hindi nila inakala na ang isang bahagi ng misyon ng Mesiyas (na nasa Kasulatan din) ay ang kaligtasan ng kanilang kaluluwa. Sa ating panahon, ang mga tao ay nagnanais ng isang Hesus na nagdadala ng kalusugan at kayamanan lamang, at walang pakialam sa pagsisisi at pakikipagkasundo sa Diyos. May alerhiya ang sangkatauhan na marinig ang tungkol sa kamunduhan, kasalanan at kaparusahan na nagaabang sa hindi magbabalik-loob sa Panginoon. Tila bingi, bulag at manhid ang puso ng karamihan para maantig sa mensahe ng Ebanghelyo, kayat lubhang kailangan ang pamamagitan ng Espiritu Santo para buksan ang mga tainga, mata, isipan at puso ng tao upang tunay na makarinig, makakita at lumambot ang puso nila para sa Diyos.

Mga Talata 14-15 Sinulat sa unang bahagi ng talata 15 na; "naging mapurol na ang isip ng mga taong ito; mahirap makarinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata." Ang mga Hudyo ay masugid sa pagtupad ng mga Kautusan ayon sa letra. Paniniwala nila na kaya nilang maatim ang kaligtasan sa sariling lakas sa pagtupad sa batas at katuruan ng kanilang mga rabbi. Ang pananampalataya nila'y nakatuon sa pagsunod sa batas at hindi sa Siyang nagbigay ng batas. Ang mga relihiyon sa mundo ay nagtuturo ng iba't ibang kaparaanan para maligtas, nandyan ang Budismo, Confucianismo, Hinduismo, Islam, Shinto, Sikhism, Taoismo, atbp. May kanya-kanya silang paraan upang mahugasan ang kanilang mga sala at marating ang tinatawag nilang paraiso sa sarili nilang sikap. Ang Kristiyanismo lamang ang nagtuturo na hindi kaya ng tao tubusin ang kanyang utang sa Diyos dahil walang sinoman ang may kayang arukin ang kabanalang kinakailangan para maging katanggap-tanggap sa Diyos. Kayat binigyan tayo ng Diyos ng Manunubos sa katauhan ni Hesus dahil hindi natin kaya. Magtiwala kay Hesukristo bilang tanging daan patungo sa Diyos at Siyang nag-íisáng Tagapagligtas ng sangkatauhan mula sa kaparusahan sa kasalanan.

Mga Talata 16-17 Mayroon mga pinagpala na mabuksan ang mga mata't tainga upang tunay na maunawaan ang kahulugan ng mga talinghaga. Ang mga taong nagtiwala sa Diyos mula noong Lumang Tipan ay naghahangad na mangyari sa kanilang panahon ang pagdating ng Mesiyas (Genesis 3:15), ngunit alam natin na hindi nila nakamtan ang kanilang inaabangan. Mapapalad ang mga disipulo, nakasama, nakita't narinig nila mismo si Hesus. Siya mismo ang nagturo't nagpaliwanag sa kanila ng Salita ng Diyos, maging ang misteryo ng Kanyang pagpapakasakit sa krus para tubusin at iligtas ang mga hinirang ng Diyos. Ang mga kasalukuyang mananampalataya ay binigyang pribilehiyo din. Bagamat hindi natin naabutan si Hesus sa lupa, iniwan Niya ang Kanyang Buhay na Salita ng kumpleto, nasa atin ang parehong Luma't Bagong Tipan. At sa ating henerasyon, maaaring makakuha ng Bibliya at mga paksa sa pag-aaral ng Salita ng Diyos sa internet nang libre. Subalit kailangan pa ring kritikal na basahin ang mga paliwanag sa internet at suriin kung naaayon ito sa Bibliya. Maraming mga huwad na propeta't mangangaral ngayong siglo, kayat maging babala! Ikaw ay responsable kung ano ang isusubo mo't itatapon.

Talata 18 Patuloy na ipinaliwanag ni Hesus ang Talinghaga ng Manghahasik ngunit sa mga alagad Niya lamang. Aral: Ang tao ay dapat maging aktibong hanapin si Hesus at hilinging ipapaliwanag ng Banal na Espiritu kung ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa kalooban ng Diyos. Ang taong hindi naghahanap sa Diyos, ay hindi nakakaunawa, at iyon ay kanyang pananagutan.

Talata 19 Ang binhing nahulog sa kalsada ay ang hindi maayos na naitanim o naibaon sa lupa. Ito'y isang tao na nakapakinig ng Ebanghelyo ngunit hindi naintindihan ito. Malabong sabihin na siya'y may pananampalataya dahil wala nga siyang naunawaan sa kanyang narinig. Parang bang tagusan sa magkabilang tainga ang pangangaral ng Salita ng Diyos at hindi nakarating sa kanyang puso. Samakatuwid, nasa labas pa ito ng kaharian ng Diyos.

Mga Talata 20-21 Ang mga binhing nalaglag sa mabatong lupa ay yuong hindi magkakaugat. Kapag sumikat ang araw at mabilad, kaagad itong malalanta palibhasa'y mababaw ang ugat at hindi makakakuha ng tubig. Maaaring tinanggap ng taong ito ang Ebanghelyo nang may kagalakan, pero dahil walang lalim ang kanyang pagkakaintindi kung ano talaga ang buhay Kristiyano, kung gaano kabilis niya itong tinaggap ay siya ring kadali ang kanyang pagbitaw nang dumating ang kapighatian at pagsubok dahil sa Ebanghelyo. Kayat kahit na noong una ay tila siya'y naniwala, sapagkat wala siyang bunga hindi ito maituturing na tunay na ligtas

Talata 22 Ang mga nahulog sa may matitinik na halaman ay ang binhi na mahihirapang tumubo dahil sa pagsasakal ng mga tinik. Ang taong ito, bagamat nakapakinig din ng Salita ng Diyos ay ayaw bumitaw sa kanyang hawak sa mundo. Ang pagkabalisa niya sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan ang siyang sumakal sa Salita kayat nawalan ng puwang ito sa kanyang puso't hindi namunga. Ang kasiyahan sa mundo ay puwedeng tumatagal ng ilang dekada, ngunit ang buhay na walang hanggan ay walang katapusan. Sapagkat hindi mulat ang kanilang isipan sa kayamanan na si Kristo, bulag sila sa pagpili sa nakikitang lumilipas kaysa sa makasama si Hesus magpakailanman.

Talata 23 Ang mabuting lupa ang siyang nagbubunga. Kung tutuusin, ang apat na klaseng lupa sa talinghagang ito ay nakarinig lahat ng Salita ng Diyos (binhi). Ngunit tanging ang matabang lupa lamang ang namunga. Ano kaya ang dahilan? Sabi sa talatang ito na ang "matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe". Iyan po ang pinagkaiba; naunawaan ng matabang lupa ang Ebanghelyo kaya siya namunga. Dahil naunawaan niya ang tinuturo ng Kasulatan, bukod sa tinanggap niya ang katotohanan ng mensahe, naisabuhay niya rin ang pagiging Kristiyano na nagresulta ng kanyang pamumunga ng sagana, misan tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. Sa kanyang buhay, araw-araw makikita ang Kaharian ng Diyos, kung saan siya'y nagbubunga.

Ang Talinghaga ng mga Damo

Mga Talata 24-25 Nagpatuloy si Hesus sa isa pang talinghaga tungkol pa rin sa paghahasik. Ang Kaharian ng Diyos ay tulad ng isang tao (may-ari) na gumagamit ng mga manghahasik (mga lingkod). Ang taong ito (si Hesus) ay nag-utos sa mga lingkod na maghasik ng binhi (ang Ebanghelyo) sa bukid (ang mundo). Habang natutulog ang mga maghahasik, dumating ang kaaway (diablo) at naghasik ng mapanirang damo at umalis. Tuso at duwag ang kalaban, hinihintay niya munang matulog ang mga tao at saka kumilos. Si satanas ay hindi nakikita ng tao ngunit ang kanyang gawain ay malinaw na nakikita. Ang diablo ay naghihintay ng pagkakataong hindi na nakabantay ang mananampalataya at saka siya aatake. Ang kaaway ay nagsasaboy ng mga damo (ang orihinal na salita sa Griego ay nagpapahiwatig ng mapanlinlang at nakakalason na damo) upang haluan ang simbahan ng mga huwad na mananampalataya. Mga tao na maaaring may alam sa Bibliya, alam ang lengguwahe, mga kanta, panlabas na kilos at mga seremonyas ng Kristiyanismo pero sa panloob ay hindi mga tutoong anak ng Diyos; mga nilalang na naghahayag na sila'y mga Kristiyano ngunit hindi sila tunay na ipinanganak-muli.

Talata 26 Tumubo at nagbunga ang tinanim na trigo, sabay na paglitaw din ng masamang damo. Ang bunga ng pagpapahayag ng Ebanghelyo ay nakikita sa mga taong dumarating at lumalago sa pananampalataya, ngunit kapansin-pansin din ang gawain ni kaaway kahit nga sa loob ng simbahan.

Talata 27 Ang mga alagad ay pumuntang nagtataka't nagtanong sa may-ari; "Hindi po ba mabuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?" Maaaring maraming lumitaw na damo kayat napansin ito ng mga lingkod. Sa ating panahon, pangkaraniwan na masaksihan sa mundo ang dami ng mga damo na salungat sa buhay ayon kay Kristo. Dahil sa impluwensya ng diablo, lakas-loob nilang itinutulak ang kanilang adyenda laban sa Bibliya. Pansinin sa lipunang ngayon ang malayang sigaw ng kanilang kalayaang pumili ng kanilang kasarian o kapares kahit na saliwa sa kalikasan, lalo na sa Salita ng Diyos. Ang bansang Canada ay isang halimbawa ng pamayanan na tinanggihan ang pamantayan ng Bibliya, kaya sa kanila ang sinumang kumalaban sa mga homosexual ay puwedeng makulong.

Talata 28 Sumagot siya na ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Itinukoy na sa atin ni Hesus na ang diablo ang nasa likod ng lahat ng kasamaan sa mundo, kayat maging malinaw itong pakikibaka (Efeso 6:10-13) natin habang nandito tayo sa daigdig. Ang kasamaan na nakikita natin ngayon sa mundo ay impluwensya ni satanas.

Talata 29 Kapag inalis ang mga masasamang damo, maaari ring mabunot ang pananim. Ang mga ugat ng mga damo at trigo ay tumubo nang magkasama. Kung bubunutin ang mga damo, malamang ay madamay ang trigo't pareho silang mawala.

Talata 30 Hinayaang lumago ang kapwa trigo't damo hanggan sa panahon ng anihan. Sa oras ng pag-ani, uunahing ipunin ang mga damo't pagbigkis-bigkisin at saka sunugin, sa gayo'y ihihiwalay ang mga trigo. Sa Huling Paghuhukom (Pahayag 14:14-20, 20:11-15), ang mga anghel ay isusugo sa lupa at ang mga 'damo' ay titipunin upang husgahan. Ang mga damo, yaong mga wala sa aklat ng buhay, ay susunugin sa lawa ng apoy. Ang mga trigo, yaong mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay, ay ipapasok sa kamalig, ang Bagong Lupa.
Malapit na ang panahon ng pag-aani. Kung susumahin, mula nang panahon ni Hesus sa lupa hanggang ngayon ay dalawang siglo na ang nakakalipas. Nabubuhay tayo sa 2018 (taong isinulat ang komentong ito), at sa sandaling ito ay posible pa ring sumampalataya kay Hesukristo. Huwag mag-atubili dahil bukas ay maaaring huli na. Kayo ay may pagkakataon magpasiyáng mapabilang sa mga trigo o sa mga damo!

Talinghaga ng Buto ng Mustasa

Buto ng MustasaButo ng MustasaPuno ng Mustasa Mga Talata 31-32 Ang buto ng mustasa ay lumalaki nang mayabong sa Israel kahit ngayon. Ito ay isang maliit na buto (mga 740 na buto sa 1 gramo) na ang puno ay lumalaki hanggang 3-4.5 metro ang taas. Sa panahon ng taglagas, maraming uri ng ibon ay nakakahanap ng kanilang kanlungan mula sa bagyo at lilim laban sa sikat ng araw sa ilalim ng mustasa. Maliit man na binhi sa simula, ngunit lumalago't tumataas at nagbibigay ng proteksyon. Napaka-angkop para isalarawan ang Kaharian ng Diyos. Nagsimula ito sa magpakumbabâng natapos na gawain ni Hesukristo sa lupa bilang binhi, ngunit ngayon milyun-milyong Kristiyano ang sumasampalataya kay Hesukristo na pinangakuan Niya ng kaligtasan at buhay na walang hanggan sa piling Niya.

Talinghaga ng Pampaalsa

Talata 33 Ang kaunting pampaalsa (lebadura) ay inihalo sa tatlong sukat ng harina, halos 40 litro (Genesis 18:6). Ang kaunting dami ng lebadura na inihalo sa harina ay nakakapag-alsa sa buong masa. Ganyang kadakila ang kapangyarihan ng Ebanghelyo. Nagsimula ito sa natapos na misyon ni Hesukristo (ang lebadura), sinindan ng pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng mga apostol at ng mga disipulo Niya na ang resulta ay ang patuloy na pagkalat ng Magandang Balita sa buong daigdig (tatlong takal ng harina) at bilyun-bilyong tao ang nananampalataya kay Hesukristo.
Ngunit ang lebadura ay gawa rin ng Panginoong Hesukristo sa buhay ng mananampalataya. Sa lahat ng larangan ng buhay ng Kristiyano, ang pagsasabuhay ng Salita ng Diyos at ang pagkilos ng Banal na Espiritu ay dapat nakikita sa mananampalataya.

Higit pang mga talinghaga ni Hesus

Mga Talata 34-35 Si Hesus ay nangaral gamit ang mga talinghaga sa karamihan, subalit pinapaliwanag Niya ang interpretasyon nito sa Kanyang mga disipulo. Ang Talata 35 ay nagmula sa bibig ni Asaph, Awit 78:2. Ang Awit 78:1-4 ay nananawagan sa lahi ng Israel na makinig maigi sa mga salita ng kanyang bibig (mga turo ni Hesus), at masaksihan ang maluwalhating mga gawa't kababalaghan ng Panginoon.
Ano ang hindi kaagarang inihayag mula ng nilikha ang mundo? Ang misteryo ng simbahan; na ang buhay na walang hanggan ay hindi lamang para sa mga Hudyo, kundi para sa buong mundo. Hindi lamang para sa Hudyo, kundi para sa lahat ng maniniwala kay Hesukristo bilang Tagapagligtas. Ang mga anak (Hudyo) ni Abraham ay hindi lamang ang mga likas na anak, kundi lahat ng mga anak sa pamamagitan ng PANANAMPALATAYA. Ito ay ang pagkilala sa pagiging makasalanan, na hindi kaya ninoman ang tubusin ang kanyang sarili, at ang pangangailangan ng Manunubos na alok ni Kristo Hesus.

Pagpapaliwanag ng mga talinghaga ni Hesus

Talata 36 Hindi naunawaan ng mga alagad ang kahulugan ang talinghaga ng mga damo at humingi sila ng paliwanag. Kapag ang isang mananampalataya ay hindi naiintindihan ang anumang bagay, walang masama sa paghingi ng paliwanag ukol sa teksto ng Bibliya. Ang Banal na Espiritu ay ibinigay sa atin upang tulungan tayo maliwanagan sa Salita ng Diyos (1 Juan 2:27), ngunit ang mananampalataya ay dapat maglaan ng oras at sa panalangin ay humingi ng karunungan mula sa Kanya.

Mga Talata 37-40 Ang may-ari ng bukid ay sumagisag kay Hesus na Siyang May-ari ng mundo. Siya ang Hari ng Kaharian ng Diyos (Pahayag 20:1-6) at ang Hari sa Bagong Langit at Bagong Lupa (Pahayag 21:1-7).
Ang mabuting binhi ay ang mga anak ng Kaharian ng Diyos; ang lahat ng mananampalataya kay Hesukristo, na inilagay ang kanilang buhay sa ilalim ng pamamahalà ng Banal na Espiritu.
Ang mga damo ay ang mga anak ni satanas na tumanggi kay Kristo bilang Tagapagligtas. Ang kalaban ay ang mga kaaway ni Hesukristo, hindi lamang ang diablo kundi kabilang ang lahat ng mga demonyo.
Ang katapusan ng mundo, tingnan ang Pahayag 14, 16-18, 19:17-21, 20:11-15. Ang mga mang-aani ay ang mga anghel sa Pahayag 14:15-16, Mateo 24:31.

Mga Talata 41-42 tumutukoy sa Pahayag 20: 13-15.

Talata 43 Ang matuwid ay silang mga nanampalataya kay Hesukristo, na inilagay ang kanilang buhay sa ilalim ng Kanyang paghahari. Sila ay magniningning sa kaharian ng kanilang Ama sapagkat sila ang mga itinalagang saserdote sa kaharian ng Diyos (1 Pedro 2:5,9, Pahayag 1:6).

Higit pang mga talinghaga ni Hesus sa mga disipulo

Ito'y ang pagpapatuloy ng mga talinghaga para lamang sa mga alagad Niya.

Mga Talata 43-44 Dahil sa mga magnanakaw at digmaan noong panahong iyon, naging kaugalian na ang paglilibing ng mahahalagang ari-arian kaysa sa itago ang mga ito sa bahay. Kung ang taong ito ay pumanaw, kahit ang asawa at mga anak niya ay kadalasan hindi alam kung saan inilibing ang kayamanan. Narito ang isang tao na nakahanap ng isang kayamanan na nakabaon sa isang bukid na malinaw na hindi niya pagmamay-ari. Upang maangkin ang natagpuang kayamanan, kailangan muna niyang maging may-ari ng bukid. Kaya naman ipinagbili niya ang lahat ng mayroon siya para mabili ang bukid at makuha ang karapatan sa nakitang kayamanan. At gayon din ang tao na, dahil sa probidensya, nakatagpo si Hesus. Upang makamit niya si Kristo (ang kapatawaran at buhay na walang hanggan), kailangan munang isuko ng tao ang lahat; ang lahat ng kanyang pag-aari sa mundo upang matamo ang kayamanang na kay Hesus lamang. Ilan kaya ang handang gawin ito? Nakakalungkot na marami ang nakatuklas ng kayamanan ng kaharian ng Diyos (ang Magandang Balita) ngunit hindi kayang bitawan ang lahat ng kanilang ari-arian at patuloy na nabubuhay sa mundo. Sila ay nabibilang sa mga hangal na birhen (Mateo 25: 1-13) na hindi nakakamit ang kayamanan at makakapasok sa buhay na walang hanggan.

Mga Talata 45-46 Narito ang isang mayamang tao, isang mangangalakal. Siya ay maaaring maging mangangalakal sa lahat ng uri ng panindá, ngunit siya ay may espesyal na interes sa mga perlas. Ang mga perlas ay mamahalin at itinuturing na mahalagang pag-aari. Ang mga perlas ay nagmula sa Persian Golpo o sa Karagatang Indyo at napakamahal, hindi ito abot-kaya ng karaniwang tao. Ibinenta din niya ang lahat ng kanyang pag-aari, kabilang ang lahat ng iba pang mga perlas niya upang makamit ang isang perlas na napakahalaga.
Maihahambing ba natin ito sa isang taong interesado sa mga relihiyon? Sinasadyang naghahanap ng katubusan mula sa kasalanan? Isang taong bumibisita sa simbahan? At sa sandaling makatagpo niya si Hesus na Tagapagligtas ay isuko ang lahat (buong buhay) at magpasa-ilalim sa Banal na Espiritu, tulad ng mga matatalinong birhen (Mateo 25:1-13) at sa makuha ang buhay na walang hanggan (napakahalagang perlas).

Mga Talata 47-48 Dito rin ang pangunahing tema ay pareho; tanging sa araw ng paghuhukom magaganap ang paghihiwalay ng mga mananampalataya sa hindi. Bago mangyari ang oras na iyon, ang lahat ng sangkatauhan ay mamumuhay sa mundo. Kaya ang hindi mananampalataya ay may pagkakataon pa ring matagpuan ang tunay na kayamanan bago pa man dumating ang araw ng paghuhukom o ang kamatayan (Hebreo 9:27).
Inihahagis ng mga mangingisda ang lambat sa dagat upang makahuli ng sari-saring isda bago hilahin ito. Tulad ng Ebanghelyo (lambat) na inihahayag sa mundo (dagat), kapag nakarating na sa buong daigdig (puno na ang lambat), magaganap ang paghihiwalay ng mga mananampalataya (mabubuting isda) sa mga hindi (walang kwentang isda) gaya ng pag-ahon at pagdala ng lambat sa dalampasigan at pagbubukód ng huli. Ang magagandang isda ay ilalagay sa sisidlan at itinatapon naman ang mga isdang hindi mapapakinabangan. Ang araw ng paghuhukom ay darating kapag ang kumpletong bilang ng mga mananampalataya ay naabot na. Pagkatapos ang paghihiwalay ay magaganap sa pagitan ng mga mananampalataya at mga hindi sa daigdig na ito.

Mga Talata 49-50, tingnan ang komentaryo sa talata 40. Hindi ang mga tao (mga mananampalataya) ang hahatol kung sino ang pupunta sa langit. Ang mga anghel, sa pamamahala ng Panginoong Hesus, ang maghihiwalay sa mabuti at masama, kung sinu-sino ang patungong langit o hindi. Iniatas ang tingkuling ipakalat ang Ebanghelyo sa mga mananampalataya, hindi ang paghatol.

Talata 51 Tinanong ni Hesus ang Kanyang mga disipulo kung naunawaan ba nila ang LAHAT ng Kanyang tinuro't pinaliwanag. Bilang rabbi na palaging kasama ng Kanyang mga disipulo, maaaring ang LAHAT ay tumukoy sa mga pinangaral Niya mula talata 1 hanggang 50. Ang simpleng sagot ng mga alagad ay "Opo." Paano kaya ang mananampalataya ngayon? Naiintindihan mo ba ang LAHAT ng itinuturo ni Hesukristo at ng Bibliya? Huwag mangamba kung hindi, naiintindihan Niya. Huwag magalinlangan, mapagkumbabang hilinging kay Hesus at sabihing; Pakipaliwanag po sa akin dahil hindi ko pa po maintindihan.

Talata 52 Ang eskriba o tagapagturo ay isang taong may masusing kaalaman at pagsasanay sa Kasulatan. Ayon sa 1 Timoteo 3:1-7, maraming rekisito para mamuno sa iglesya bukod sa mahusay siyang mamahala sa sariling pamilya at magturo ng Banal na Kasulatan. Ang mga disipulo ng Panginoong Hesus ay pinagkalooban ng mga bagong kaalaman patungkol sa kaharian ng Diyos at kaliwanagan ng Lumang Tipan. Hindi sa pamamagitan sa pagtupad ng batas (na imposibleng magawa ng tao) makakamit ang buhay na walang hanggan kundi sa pamamagitan ng PANANAMPALATAYA kay Hesukristo. Kaya ang mga tagapagturo na sinanay tungkol sa kaharian ng langit ay dapat marunong maglabas mula sa kanyang tagong yaman (ang Salita ng Diyos) ng bago't lumang katuruan sa bawat pagkakataon.

Mga Talata 55-56 Si Hesus ay umuwi sa Kanyang sariling bayan ng Nasaret kung saan Siya lumaki (Lucas 4:16), nanirahan nang mga 27 taon (pagkabalik mula Ehipto), kilala bilang isang karpintero (Marcos 6:3) at anak ng karpinterong si Jose. Noong panahong iyon, ang isang karpintero ay may kaunting edukasyon at karaniwang natuto ng kalakalan mula sa kanyang ama. Kaya ang mga tao ay namangha sa Kanyang karunungan sa Kasulatan at sa mga himala na Kanyang ginagawa.
Ang kapatid na si Santiago ang may-akda ng liham ni Santiago. Ang kapatid na si Hudas ay ang may-akda ng liham ni Hudas.
Malinaw na si Hesus ay may mga nakababatang kapatid na lalaki't mga babae. At masasabi biyolohikal Siyang anak ni Maria (na nagsilang sa Kanya), ngunit hindi ni Jose (na Kanyang amain) dahil si Maria ay naglihi ng sumakanya ang Espiritu Santo at napasailalim sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Kaya si Hesus ay isinilang na banal at walang likas na kasalanan.

Mga Talata 57-58 Sa kasaysayan ng Israel, ang mga propeta ng Lumang Tipan ay hindi pinaniwalaan, tinanggihan at pinatay ng mga kapwa Hudyo. At dahil sa kanilang hindi pinaniwalaan, sinabi ni Hesus; “Ang isang propeta'y iginagalang kahit saan maliban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” Dahil dito, hindi Siya gumawa sa Nasaret ng maraming himala.

Balik sa MenuBalik sa itaas


Pagpatay kay Juan Bautista - Mateo 14

Mga Talata 1, 3-5 Mula sa Mateo 2:13 ay inilarawan ang poot ni Herodes ang Dakila, ngayon ay ang kanyang anak na ang namamahala, si Herodes Antipas na ipinanganak noong mga 22 BC. Sa pagkamatay ng kanyang ama noong 4 BC hindi niya nakuha ang titulong hari ng Galilea mula kay Emperador Augustus, ngunit ang titulo lamang ng tetrarch, kaya ang kanyang pamumuno ay naka-depende sa Roma. Noong 26 BC si Poncio Pilato ay naging gobernador hanggang 36 BC. Si Herodes Antipas ay ikinasal sa asawa ng kanyang kapatid sa ama na si Herodes II. Ito'y isang pagsasama na ipinagbabawal ayon sa Kautusan (Levitico 18:16). Sinumbátan ni Juan Bautista si Herodes dahil sa kasalanang ito kaya siya pinakulong. Ngunit sapagká't takot siya sa mga Hudyong na naniniwala na si Juan ay propeta, hindi siya nangahas na ipapatay siya.

Talata 2 Sinabi ni Herodes sa kanyang mga lingkod na si Hesus ay si Juan Bautista na nabuhay na mag-uli kaya siya nakakagawa ng mga himala. Ang mga talata 3 hanggang 12 ay nagpapahiwatig kung bakit niya nasabi ito.

Talata 6 Sa kaarawan ni Herodes, sumayaw ang anak ni Herodias (at Herodes II) na si Salome. Isa na itong pagkakamali ni Herodes, dahil ang kasayahan iyon ay para lamang sa mga kalalakihan (tingnan ang Ester 1:9-12).

Talata 7 Ang ikalawang pagkakamali ni Herodes ay ang magbitaw ng isang pangako sa ilalim ng panunumpa kung ano ang hihilingin ni Salome.

Talata 8 Ang kanyang asawang si Herodias ay lubos na napikon sa pangangaral at pagsaway ni Juan Bautista laban sa kanilang mag-asawa dahil sa ilísitó (forbidden) nilang relasyon. Hindi tulad ni Herodes, walang takot si Herodias sa mga Hudyo at ngayo'y nakakita siya ng pagkakataon na patayin si Juan nang walang pag-aalinlangan.

Talata 9 Bagama't hindi binigyan ng Roma ng titulong hari si Herodes, tinuring siya ng mga Hudyo bilang isang hari. Nalungkot siya nang marining ang kahilingang ni Salome. Hindi niya inakalang buhay ni Juan ang kapalit ng taklesa niyang panunumpa. Ngunit dahil narinig ng kanyang mga panauhin ang pangako, hindi na maiurong ng hari ang binitawang salita.

Mga Talata 10-11 Pinapugutan ng ulo si Juan Bautista sa utos ng hari at inilagay ang ulo sa isang pinggan at ibinigay kay Salome. Dinala naman ito ng dalaga sa kanyang ina.

Talata 12 Nang malaman ng mga alagad ni Juan Bautista ang kanyang kamatayan, dumating sila upang kuhanin ang kanyang bangkay at inilibing. Pagkatapos ay ipinaalam nila kay Hesus ang nagyari kay Juan.

Mga Talata 13-14 Nang narinig ni Hesus ang malupit na pagpatay kay Juan Bautista, ninais niyang mapag-isa't sumakay sa bangka at pumunta sa lugar na walang tao (sa Betsaida ayon sa Lucas 9:10). Walang sinabi ang Bibliya kung bakit siya pumaroon pero posibleng kailangan ni Hesus ng panahon para magpahinga't magdalamhati sa pagpatay sa Kanyang pinsan.
Gayunpaman, nang mabalitaan ito ng mga tao, naglakad sila mula sa kani-kanilang bayan at mas maaga pang nakarating sa Betsaida kaysa kay Hesus. Sa pagdating ni Hesus sa pampang, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag Siya sa kanila at pinagaling ang mga maysakit. Maaaring isinantabi ng Panginoon ang Kanyang planong maging mapag-isa upang ilaan para sa mga pangangailangan ng mga tao. Pagbulay-bulayan: Paano kaya ito maisasabuhay ng mananampalataya? Sa panahong nangangailangan kang mapag-isa, isinasantabi mo na lang ba iyon at tutugunan ang pangangailangan ng mga taong humihingi sa iyo ng tulong?

Talata 15 Batid ng mga alagad na hindi nila kayang pakainin ang malaking lipon ng mga tao (limang libo mga kalalakihan pa lamang, talata 21). Kahit kalahating taong suweldo o dalawang daang denaryo (Juan 6:7) ay hindi sapat para mabigyan ang bawat tao ng isang kagat ng tinapay. Pagabi na kasi at liblib ang lugar na iyon sa mga nayon, kaya naisip ng mga alagad na papuntahin sa mga kalapit na nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain. Ang isang nayon ay malamang hindi makapagtustos ng pagkain para sa limang libong lalaki, bukod pa sa mga kasama nilang mga babae't mga bata.

Talata 16 Ngayon ay sinubukan ni Hesus ang pananampalataya ng kanyang mga alagad. Inutusan Niya sila; “Hindi na sila kailangang umalis. Bigyan ninyo sila ng makakain.” Ang utos Niya'y; kayo, oo kayong Aking mga alagad ang siyang magbigay sa kanila ng makakain. Literal na pagkain ang tinutukoy ni Kristo na ipakain sa mahigit na limang libong katao. Puwede din itong ispirituwalisahin, na ang mga Kristiyano ay dapat handang magbigay ng tinapay ng buhay (ang Ebanghelyo) sa mga taong gutom at kulang sa nutrisyon ng Salita ng Diyos.

Talata 17 Sa salaysáy ni Juan 6:9, mayroong isang batang lalaki na may limang tinapay na sebada (barley) at dalawang isda. Ang hugis ng tinapay na ito ay malapad na bilugan, na ang isa ay puwedeng makabusog ng 3-4 na tao. Hindi ito nakasulat sa Ebanghelyo, pero nakakatuwang magmanukala na ang batang ito ay malamang inutusan ng kanyang mga magulang na ialay ang mga tinapay at isda kay Hesus. Tandaan na ito'y nangyari sa liblib na lugar at hindi imposibleng may kasamang matatanda ang bata nang pinuntahan nila si Hesus. Napakahalagang turuan ang mga kabataan na maging mapagbigay at ialay ang mayroon ka sa paanan ng Panginoon. Tiyak na tumanim sa isipan ng batang ito ang naging himalang kinahantongan ng kanyang inalay kay Hesus. (Kawikaan 22:6)

Mga Talata 18-19 Iniutos ni Hesus na dalhin sa Kanya ang limang tinapay na sebada at dalawang isda. At hayaan ang mga tao na maupo sa damuhan na nakagrupo ng tig-limampu't isang daan (Marcos 6:39-40).
Ayon sa mga kaugalian ng mga Hudyo ay tumingala si Hesus sa langit at nagpasalamat sa Diyos Ama. Sa kultura ng mga Hudyo, ang isang ama ng tahanan ay nagpasalamat bago (at pagkatapos) kumain sambit ang mga salitang: "Purihin Ka, YAHWEH na aming Diyos, Hari ng sanlibutan.", pagkabasbas ay ipagpira-piraso ang tinapay at ipamamahagi.
Pinaghati-hati ni Hesus ang mga tinapay at binigay Niya sa Kanyang mga disipulo at sila ang namahagi sa mga tao. Si Kristo ang nagpaparami't nagkakaloob ng tinapay at isda (ang Salita ng Diyos na nagbibigay buhay). Ang mga disipulo ang inatasan at pinagkatiwalaang ipamahagì ito (ang Ebanghelyo) sa mga pulutong na mga taong nagugutom (ihayag sa buong mundo ang Magandang Balita ng pag-Hahari ng Panginoon).

Talata 20 Hindi sila kinulang sa pagkain, ang LAHAT ay nakakain ng higit pa sa sapat sa kanilang pangangailangan. Silang lahat ay umuwing busog. Sa katunayan ang mga alagad, alinsunod sa kaugalian ng mga Hudyo na ipinagbabawal ang pagtatapon ng pagkain, ay kinokolekta ang labis at umabot ito ng hanggang labindalawang punong kaing. Gayundin, ang natapos na misyon ni Hesukristo sa lupa ay sapat para makamit ang buhay na walang hanggan at ang kasaganahang nakalaan sa mga nagtitiwala sa Kanya.

Talata 21 Ayon sa kaugalian ng mga Hudyo, ang mga lalaki lamang ang binibilang. Dahil ang sila'y ay nakaupong nakagrupo ng limampu't isang daan ang pagbibilang ay madali. Ngunit ang pinarami't pinamahaging tinapay at isda ay hindi lamang para sa mga kalalakihan, kundi pati na rin sa mga babae at mga bata. Ang Ebanghelyo din ay walang tinatangi, sa halip ito ay para sa lahat; para sa lalaki't babae, bata man o matanda, o kahit anumang lahi ay maaaring makibahagi sa Magandang Balita at sa Kaharian ng Diyos.

Talata 22 Ipinakita ni Hesus sa himalang pagpapakain sa pulu-pulutong na tao na Siya ang tunay na Propeta, ang Mesiyas. Sa pamamagitan ni Moises, sinustina ng Diyos ng manna ang mga Israelitasa ng 40 taon (Exodo 16:11-16). Si Elijah at ang balo ay sinustentohan ng pagkain at inumin (1 Hari 17:2–16). Si Eliseo ay nakapagbigay ng pagkain sa isang daang lalaki (2 Hari 4:42–44). Gayunpaman, ang panahon ng Kanyang paghahari bilang Mesiyas ay hindi pa napapanahon, kaya't pinauwi ni Hesus ang mga tao bago nila puwersahang gawin Siyang Hari (Juan 6:15).

Talata 23 Pagkatapos makapagministeryo si Hesus sa mga tao at pinauna ang Kanyang mga disipulo sa kabilang ibayo sakay ang bangka, nagkaroon Siya ng oras makag-isa't umakyat sa bundok upang manalangin. Makikita natin na kahit na ang Anak ng Diyos ay kailangan makipag-ugnayan sa Kanyang Ama sa pamamagitan ng panalangin. Tayo pa kaya? Iniwanan tayo ng magandang ehemplo ng Panginoong Hesus upang tularan ng bawat mananampalataya. Sa ating pagdarasal, maglaan ng oras mag-isa't sa katahimikan ay makipag-usap sa iyong Ama sa langit para palalimin at palaguin ang ating pakikipag-ugnayan sa Kanya at patibayin ang pagsunod sa mga yapak ng ating Haring si Kristo Hesus.

Betsaida hanggang CapernaumBagyo sa Lawa ng Galilea Talata 24 Ang ihip ng hangin sa lawa ay pasalubong sa kanilang direksyon kung kaya't ang mga disipulo ay halos hindi maka-usad sa pamamangka. Ang mga alagad ay naglakbay sa dagat patungong Capernaum, mga 25 hanggang 30 sukat ng distansiya (humigit-kumulang 3 milya) ang layo.

Talata 25 Mas maaga siguro sa ikaapat na pagbabantay na nasa pagitan ng alas 3 at 6 ng madaling araw nang natapos si Hesus sa Kanyang pananalangin. Malamang ipinagdasal Niya ang Kanyang mga disipulo dahil alam ni Kristo na sila'y dadaan sa bagyo. Sumunod si Hesus sa kanila nang naglalakad sa ibabaw ng tubig (ng lawa). Siya ang Panginoon at Maylikha ng lahat, kasama na ang kalikasan at mga elemento ng panahon.

Talata 26 Malamang hindi nakilala ng mga alagad si Hesus, lalo na't Siya'y naglalakad sa dagat sa gitna ng unos. Kahit na matapos ang mahimalang pagpapakain sa mahigit 5,000 tao, hindi pa nila nakikita na si Hesus ay ang Anak ng Diyos. Sa kanilang pagkataranta, sumigaw sila; Multo! Nabalot sila ng takot habang bumabagyo, at ngayon ay nakakita pa sila ng isang multo na maaaring inakalang isang espiritu na walang magandang hatid.

Talata 27 Kaagad pinapanatag ni Hesus ang mga disipulo at sinabi sa kanilang; “Lakasan niyo ang loob niyo; Ako ito. Huwag kayong matakot.”

Talata 28 Sa gitna ng takot ng lahat, si Pedro ay naglakas loob na sinabi; “Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, papuntahin mo ako diyan sa kinaroroonan mo sa ibabaw ng tubig.” Aral: Una, siguraduhin na si Hesus ang nangungusap sa iyo. Pangalawa, maghintay hanggang si Hesus ay turuan o utusan ka. Huwag humayo sa sariling lakas, hintayin at siguraduhin ang utos ay kay Hesus.

Mga Talata 29-30 Hinintay si Pedro na sabihan siya ni Hesus; Halika! May pananampalatayang bumaba si Pedro sa bangka sa mabagyong alon ng dagat at lumakad sa ibabaw ng tubig papunta kay Kristo. Malamang nakatuon ang mga mata niya kay Hesus. Ngunit nang mapansin ni Pedro ang malakas na hangin (makita ang unos o alon) at natakot, nagsimula siyang lumubog. Nawala ang kanyang paningin kay Hesus, nabalot siya ng takot kayat nag-umpisá siyang lumubog. Sumisigaw siya ng saklolo kay Hesus; Panginoon, iligtas mo ako.
Ang mananampalataya ay maaaring humayo sa ilalim ng pamumuno ni Hesus at umasang sa Kanyang tulong kahit na ano pa ang . Ang lahat ay magiging maayos hangga't ang mananampalataya ay patuloy na umaasa kay Hesus at hindi tumitingin sa mga sitwasyón. Maaaring dumaan ka sa rumaragasang bagyo (pagsubok o atake ng kaaway; 1 Pedro 5:8), pero alalahanin mong si Hesus ang kasama mo'y higit na Makapangyarihan sa lahat.

Talata 31 Sapagkat nag-alinlangan si Pedro ng mga sandaling inalis niya ang kanyang tuon sa Panginoong Hesus, kayat nasabihan Niya siyang; "Napakaliit ng iyong pananampalataya." Sa mga oras na iyon, nahaluan ng pagdududa ang pananampalataya ni Pedro na sanhi ng kanyang paglubog sa tubig. May pananagutan ba o kasalanang nagawa ba ang isang tao sa ganitong uri ng pagdududa? Naniniwala si Dr. Nielsen na hindi ito ang kaso. Ayon sa kanya, ang tao ay nagkakasala kapag nagduda siya sa kapangyarihan ni Hesus. Sa insidenteng ito ni Pedro, sa kanyang opinyon, ay hindi.
Nang tinanong ni Hesus si Pedro ng; "Bakit ka nag-alinlangan?" ay hindi para alamin ni Kristo kung ano ang dahilan ni Pedro. Tandaan na hindi lingid kay Hesus ang saloobin ng lahat ng tao (Juan 2:24-25). Iyon ay isang retorikang tanong lamang yayamang alam ng Anak ng Diyos na lumipat ang paningin ni Pedro sa malakas na hangin kaysa panatiliing nakatuon kay Hesukristo.

Talata 32 Naisalba ni Hesus si Pedro sa pagkalubog nang kaagad Niyang inabot ang Kanyang kamay, kaya magkasama silang sumakay sa bangka. Kasabay nito, agarang huminto ang hangin at bagyo. Ito'y nagpapakita ng kapangyarihan ni Kristo sa kalikasan.

Talata 33 Hindi nakakapagtaka na Siya'y sambahin ng mga nasa bangka sa nasaksihan nilang kamangha-manghang gawa ni Hesus. Dahilan kung bakit nila nasabing; “Tunay nga pong kayo ang Anak ng Diyos!”

Talata 34 Sa paghupa ng bagyo, natawid nila ang lawa at nakarating sa baybayin ng Genesaret.

Mga Talata 35-36 Dahil kumalat na ang katanyagan ni Hesus, nakilala Siya ng mga taga-Genesaret nang Siya'y bumaba sa bangka. At nakakatuwang ipinamalita ng mga mamamayan ang Kanyang pagdating sa buong rehiyon, kaya't dinala nila ang mga may karamdaman sa Kanya. Hiniling nila na mahawakan man lamang nila ang laylayan ng Kanyang damit, at ang lahat ng mga humipo nito ay gumaling. Tunay na napaka-mahabagin ng Diyos na kinakatagpo Niya tayo sa antas ng ating pananampalataya. Hindi Niya inoobliga tayong magkaroon muna ng matayog na pananampalataya bago lumapit sa Kanya. Hindi, sa awa ng Diyos ay tinatanggap Niya ang kahit na sinlinggit na mustasang pananalig at sinusuklian Niya ng biyayà't pagpapalà.

Balik sa MenuBalik sa itaas


Si Hesus at ang mga Pariseo at mga Eskriba - Mateo 15

Talata 1 Dumating ang mga Pariseo at mga eskriba mula sa Jerusalem. Bakit kaya? Hindi sinabi kung bakit sila pumunta kay Hesus; maaaring para palakasin ang puwersa ng mga lokal na namumuno doon o para direktang siyasatin ang mga turo ni Kristo at iulat sa mga mas nakakataas sa Sanhedrin sa Jerusalem?

Talata 2 Ang mga turo at tradisyon ng mga pantas na Hudyo ay nagkaroon ng malaking papel sa buhay ng mga Hudyo. Ito ay tinuring nila bilang obligasyon na katumbas ng Torah, ang batas ng Diyos. At sa mga pagkakataon, tulad dito, ang kanilang tradisyon ay higit na pinahahalagahan kaysa sa Kasulatan ng Diyos.
Totoong iniuutos ng Diyos ang ritwal na kabanalan. Ang ilang mga halimbawa ay ang mga paliguan ng pari bago niya isagawa ang ilang mga serbisyo (Exodo 30:17-21, Levitico 15:5-27). Ngunit ang mga utos ng Diyos sa paghuhugas ay hindi para sa lahat o bago kumain, ang mga ito ay nagmula sa interpretasyon ng mga sinaunang Hudyo. Nang sila ay ipatapon sa Babilonya, nabatid ng mga Israelita ang pangangailangang panatilihin ang mga utos ng Diyos. Tinuruan ng saserdoteng sina Ezra at Nehemias ang mga tao pagkatapos nilang makabalik sa Israel. Mula noon ay nagsimula ang pakahulugán ng mga pantas, na sa pamamagitan ng tradisyong pasalita (pag-eensayo ng mga mag-aaral ng mga rabbi) ay ipinagpatuloy ng mga Pariseo at mga eskriba, at noong 200 AD ang mga turong ito ng mga ninuno ay inilapat sa pagsulat sa Mishna ni Rabbi Jehuda. Ang mga paliwanag sa Mishna ay isinaayos sa 6 na utos: Mga binhi, partido, kababaihan, pinsala (o mga sugat), mga bagay na banal at paghuhugas. Ang bawat utos ay may mga kabanata at talata. Sa paghuhugas ay isang utos tungkol sa paglilinis ng mga kamay. Ang tubig ay ibinuhos ng dalawang beses, at sa bawat buhos gamit ay humigit-kumulang 0.14 litro ng malinis na dalisay na tubig na hindi pa nagagamit sa ibang paraan. Kailangang gumamit ng lalagyan o garapon, dahil bawal ang paggamit ng mga kamay. Ang mga daliri ay dapat panatilihing nakataas, upang ang kamay hanggang sa pulso ay mahugasan. Pagkatapos lamang ng ikalawang paghuhugas ay nagiging ritwal na malinis ang kamay.

Talata 3 Ang tinukoy ng mga Pariseo at mga eskriba ay ang ritwal na paghuhugas ng kamay, at hindi ang karaniwang paghuhugas ng kamay bago kumain. Ang akusasyon nila ay ang hindi pagsasagawa ng mga disipulo ng ritwal, ito'y kasama sa mga tradisyon mula sa kanilang mga ninuno. Ang pagsita nila ay walang kinalaman kung madumi ang mga kamay ng mga alagad ni Hesus o pagmamalasakit na baka may mga mikrobiyó silang maisubo sa kanilang pagkain.
Sinagot sila ni Hesus gamit ng mapaghamong tanong; "Bakit naman ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon?". Sa pamamagitan nito, naging malinaw na mas pinahahalagahan ng mga Pariseo at mga eskriba ang kanilang tradisyong pasalita kaysa sa nakasulat na Torah.

Talata 4 Sa halimbawa, itinuro ni Hesus ang ikalimang utos ng 10 utos (Exodo 20:12) na parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina, at (Exodo 21:17) ang sinomang sumpain ang kanyang ama o ina ay nararapat mamatay.
Ang paggalang sa ama at ina ay higit pa sa simpleng pagsunod. Ito ay ang panloob na pag-uugalì ng anak (anuman ang edad) sa pakikitungo niya sa kanyang mga magulang, at hindi kasama dito ang makasariling pilit na pagsunod na alam natin ay nagyayari sa isang sambahayan. Sa ilalim ng pag-ibig, ang paggalang sa mga magulang ay hindi lamang sa pananalita o panlabas na gawa kundi maging ang sáloobín na maaaring maitago sa tao pero hindi nalilingid sa mga mata ng Diyos.

Mga Talata 5-6 Noong kapanahunan ni Hesus ay walang seguridad panlipunan tulad ng mayroon sa ating panahon. Ang mga may edad na ina't ama ay umaasa sa kanilang mga anak para sa kanilang pangangalaga at sustento. Ang tradisyon at katuruan ng mga Hudyo ay nagpapahintulot na ideklara ng isang anak na anumang maitutulong niya sa kanyang mga magulang ay naihandog na sa Diyos at sa gayo'y hindi na niya obligasyong pangalagaan ang kanyang mga magulang. Dahil dito, ang mga Kautusan ng Diyos ay napapasa-ilalim sa mga maling tradisyon ng mga Israelita.

Mga Talata 7-9 Tinawag ni Hesus ang mga Pariseo at mga eskriba na mapagkunwari dahil ang kanilang mga gawain at katuruan ay labag sa mga utos ng Diyos. Sinita Niya ang kanilang panlabas na anyo't kabanalan, samantalang ang mga puso nila'y malayo sa Diyos. Ang ubod ng kritisismo ni Hesus ay ang pagpapahintulot nila sa tradisyon ng tao kahit na sa pagganap nito ay tumataliwas ka sa Utos ng Diyos na siyang mas mahalaga. Tinukoy ni Hesus ang Isaias 29:13; "Sa salita lamang malapit sa akin ang mga taong ito, at sa bibig lamang nila ako iginagalang, subalit inilayo nila sa akin ang kanilang puso, at ayon lamang sa utos ng tao ang kanilang paglilingkod." Ang serbisyo ng labi ay walang halaga at mapanganib sa paningin ng Panginoon. Puwedeng nagpapakita ito ng panlabas na kabanalan (pagiging ipókritó) ngunit ang puso ay malayo sa Diyos.
Gaano kadalas na nakakapanlinlang ang panlabas na kabanalan ng mga taong nagsasabi sila'y mga Kristiyano? Makikita silang sumisigaw ng aleluya, nagsasalita ng mga wika, nagpapalayas ng mga demonyo, mahaba at malakas ang pagsamba't papuri sa Diyos. Magingat din sa mga musika na gumagamit ng tatak ng Kristiyanismo. Maraming naglipana gamit ang modernong tugtugon para akitin ang kabataan at ipahayag sa kanila ang Ebanghelyo. Maaaring nakararami ang musikang naaayon sa Bibliya, purihin ang Diyos dahil sa mga ito, ngunit kailangan pa rin maging mapanuri at siguraduhin ang teksto ng mga kanta ay tumatalima sa Salita ng Diyos. Kung hindi, kahit gaano pa kasikat ang kanta, mas maiging huwag itong tangkilikin.

Mga Talata 10-11 Tinatawag ni Hesus ang mga tao upang lumapit sa Kanya. Matatandaan na nasa Genesaret pa rin sila Hesus at ang Kanyang mga alagad kung saan pinaggaling Niya ang lahat ng humiling at humawak ng Kanyang laylayan. Kaya posibleng nagsasaya pa rin ang mga tao at nagpupuri sa Diyos sa mga himalang pinagkaloob ni Hesus sa kanilang nayon. Inilinaw ni Kristo ang katotohanan patungkol sa kalinisan ayon sa Salita ng Diyos na iba sa katuruan ng mga Pariseo't eskriba. Hindi ang isinusubo sa bibig ang nagpaparumi sa tao, sa kabaligtaran, kung ano ang lumalabas sa bibig (na nanggagaling sa puso) ang siyang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos. Ang pagiging malinis at marumi ay hindi lamang panlabas na mga konsepto, ngunit panloob, ito'y ang saloobin ng tao sa Diyos at sa kapwa niya.

Talata 12 Mukhang nabigla ang Kanyang mga alagad sa harapang pagsalungat ni Hesus sa doktrina ng mga Pariseo at mga eskriba sa presensya ng mga tao. Hayagan na itinukoy ni Kristo ang maling interpretasyon ng mga pantas at sa gayon ay pinahina ang kanilang awtoridad. Hindi nakakagulat na ang mga relihiyosong pinuno ng mga Hudyo ay masaktan ang kapalaluan sa pagtutuwid ni Hesus.

Talata 13 Ang Israel ay isinalarawan bilang isang halamanan (Isaias 5:1; ubasan, Jeremias 45:4; anuman ang itinanim ng Panginoon). Itinuring nila ang kanilang sarili bilang piling bayan ng Diyos magpakailanman, kahit na ang kanilang pamumuhay ay salungat sa kagustuhan ng Diyos. Subalit ang nakakatakot na babala ni Hesus ay "Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin."

Talata 14 Inihambing ni Hesus ang mga Pariseo at mga eskriba sa mga bulag na taga-akay. Bulag sila sa mga katotohanan ng Salita ng Diyos. Kung ang dalawang bulag ay umaakay sa isa't isa, hindi nila makikita ang hukay sa kanilang harapan at pareho silang mahuhulog. Ang mga tao na tumatanggi sa turo ni Hesus ay silang nagpapagabay sa mga rabbi, at dahil sila'y kapwa bulag sa katotohanan at kaliwanagan ng Kasulatan, sila ay parehong mahuhulog sa hukay.
Sa pangkasalukuyan, ang mga ginagabayan ng mga pinuno ng mga simbahang liberal, mga nagpapahayag na ang ibang bahagi ng Bibliya ay hindi na naaakmâ sa ngayon, o nagtuturo ng maling kahulugan ng Salita ng Diyos, at ang puso'y hindi nakasentro sa Panginoon; sila ang mahuhulog sa hukay, sa lawa ng apoy.

Mga Talata 15-16 Si Pedro, na kadalasang kumakatawan sa mga alagad, ay huminging ipaliwanag ni Hesus ang talinghaga. Sumagot Siya ng; "Pati ba kayo'y wala ring pang-unawa?" Hindi katakataka na ang mga Pariseo at mga eskriba ay bulag dahil sa kanilang sariling paniniwala, ngunit ang mga disipulo ay palaging kasama ni Hesus at may pribilehiyong natuturuan Mismo ni Kristo, kaya inaasahan na dapat mas naiintindihan nila ang mga kasabihan ng kanilang Guro.

Talata 17 Lahat ng pumapasok sa bibig ay napupunta sa tiyan (sistema ng pagtunaw) kung saan ang pagkain ay tinutunaw (at hindi nakakapinsala). Pagkatapos ang natunaw na pagkain ay inilalabas ng tao sa kanyang pagdumi.

Mga Talata 18-19 Pero kung ano ang lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa kaibuturan ng puso at iyon ang maaaring magparumi sa tao. Dugtong ni Hesus; "Sapagkat sa puso nanggagaling ang masasamang kaisipan, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagiging saksi para sa kasinungalingan, at paninirang-puri." Napansin niyo ba na binuod ng Panginoon ang ibang mga utos ng Diyos na kasama ng sampu.

Talata 20 Hindi nagpaparumi sa tao ang kumain ng hindi naghuhugas ng kamay. Maging ang nakararaming mikrobiyó ay hindi nakakapinsala gawa ng ating panunaw na dinisenyo ng Diyos para sa ating kalusugan. Sa halip, kung ano ang nagmumula sa puso at posibleng bigkasin ng bibig (o gawin), ito ang nagpaparumi sa tao.

Mga Talata 21-22 Umalis si Hesus sa lugar ng mga Hudyo at pumaroon sa Tiro at Sidon. Narito ang isang magandang salaysáy tungkol sa isang hentil at ni Hesus. Napansin niyo ba na si Hesus at ang Kanyang mga disipulo ay lumabas ng bansang Israel? Walang pagkilos si Hesus na hindi ayon sa kalooban ng Ama. Itong pagtatagpo ng Cananeang babae at ni Kristo ay nasa plano ng Diyos na dapat magbigay lakas at pag-asa sa ating mga Kristiyano na ang ating Panginoon ay ninanais abutin ang nasa ibang lugar para pagpalain din Niya. Bagamat siya'y hentil, makikita ang kanyang pananampalataya sa pagtawag kay Hesus ng "Panginoon, Anak ni David". Kinikilala at pinaniniwalaan niya na si Hesus ang ipinangakong Mesiyas, hindi lamang ng mga Hudyo, pati na rin sa mga hentil.
Ang Cananeang ina ay desperado dahil ang kanyang anak na babae ay sinapian ng mga demonyo at labis na pinapahirapan nito kayat umapela siya na kahabagan ni Hesus. Malamang nakarating ang balita sa kanilang pook kung sino itong Anak ni David na Sugo ng Diyos at gumagawa ng mga himala dahil sa Kanyang kapangyarihan. Determinado siyang makamit ang kanyang kahilingan alang-alang sa kanyang mahal na anak, hindi siya sumuko.

Talata 23 Kahit na umiiyak siya ng pasigaw para kaawaan ni Hesus, tila hindi Niya ito pinansin. Maaaring sinusubukan ni Kristo ang determinasyon ng babae. At dahil nasa banyagang lugar sila, malamang batid ng mga alagad na hindi kapwa Hudyo ang ina at puwedeng nainis sila sa ingay at pangungulit nito, kaya hiniling nila kay Hesus na paalisin siya. Pansinin na imbes na hilingin kay Kristo na pansinin ang babae at ang kanyang pakiusap, ang hiningi ng mga disipulo ay paalisin siya. Hindi sila nagpakita ng habag sa babaeng sunod nang sunod. Ilagay mo ang sarili mo sa kalagayan ng mga disipulo sa panahon natin ngayon at makatagpo ka ng isang estrangherong humihingi ng tulong sa Panginoon. Ano ang gagawin mo?

Talata 24 Hindi tumugon si Hesus sa walang awang panawagan ng mga disipulo na paalisin ang babae, sa halip ay sinagot Niya ang pagsusumamo ng ina. Tunay na ang unang misyon ni Hesus ay para sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel. Ngunit nakasulat din sa Ebanghelyo na Siya'y tumugon at naglingkod sa mga hentil sa panahon ng Kanyang pampublikong ministeryo. Tandaan ang Romanong senturyon, ang babaeng Samaritana at kanyang mga ka-nayon, at ngayon ang nanay na taga-Canaan. Salamat sa Panginoong Hesus na kahit maging sa mga taong nasa labas ng tipan ng lipi ng Israel ay Kanyang binigyang pansin.

Talata 25 Kahit parang pagtanggi ang sagot ni Hesus sa kanya, lumapit pa rin ang babae, lumuhod at nagmakaawang sinabi; “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Bilang isang ina, dama niya ang paghihirap ng kanyang anak kayat dinamay niya ang kanyang sarili sa paghingi ng tulong kay Hesukristo. Ngunit hindi dito nagtatapos ang pagsusubok sa pananampalataya ng babae.

Talata 26 Sumagot si Hesus gamit ang isang idyomatikong kasabihan; “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso.” Hindi ito para hamakin ang lahi ng babae kundi ipahayag sa pamamagitan ng salawikain na ang pagpapala (pagkain) na nakalaan para sa mga bata (Israel) ay hindi dapat ibigay sa mga aso (hentil). Hindi kaagad pinagaling ni Hesus ang anak, imbes ay patuloy na sinubukan ang pananampalataya at determinasyon ng nanay. Nasa kamay ng Diyos ang lahat, at ang mga pangyayari sa kasaysayan ay naaayon sa Kanyang kagustuhan at tiyempo.

Talata 27 Ang mga alagang aso ay hinahayaang kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang amo pero hindi pa rin kapantay ng karapatan ng mga anak sa isang sambahayan.
Nananatiling mapagpakumbaba ang babae at malinaw na naintindihan niya ang kasabihan kaya siya sumagot nang may pagsangayon kay Hesus; "Totoo nga, Panginoon." Pero sinundan niya ito ng magalang na katwiran; "Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon." Parang sinabi niya na may kababaang-loob; Kung tutuusin po, kinakain din ng mga alagang aso ang nahuhulog mula sa mesa, kaya nakikisalo rin sila sa pagkain ng mga bata. Kaya't ito po ang dahilan kung bakit maaari akong makibahagi sa biyaya na nakalaan para sa mga Hudyo. Ang tugon ng Cananea ay patunay ng kanyang pananalig kay Hesus, na maaaring ipagkaloob Niya ang kanyang hiling na tulong kahit po katiting lamang.
Sa pananalangin, dapat bang tanungin ng mananampalataya ang kalooban ng Diyos, o puwede bang magsabi sa Panginoon kung anong klaseng tulong ang kinakailangan mo? Pareho itong mababasa at inihalimbawa sa mga nakasulat na panalangin sa Bibliya.

Talata 28 Ang resulta ng matiyagang pananampalataya ay ginantimpalaan ni Hesus! Ang babaeng hentil ay walang lubay na pagpápakumbabâng nanikluhód sa Panginoon at pinuri siya sa kanyang pananampalataya at iginawad ang kanyang kahilingan; gumaling kaagad ang kanyang anak na babae. Isang malaking aral at dagdag kaalaman ito sa mga disipulo na nasaksihan ang habag at kapangyarihan (muli) ni Kristo, na hindi lamang para sa mga Israelita, kundi para din sa mga hentil.

Mga Talata 29-39 tingnan ang komento sa Mateo 14:13-21.
Sa unang mahimalang pagpapakain mayroong labindalawang kaing ng tinapay na lumabis. Ang labindalawang ito ay maaaring isang pagtukoy sa labindalawang tribo ng Israel. Pagkabalik nila Hesus sa Lawa ng Galilea, nangyari ang pangalawang mahimalang pagpapakain ng apat na libong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata, at dito pitong kaing ang natira sa mga tinapay. Pito ang bilang ng kapunuan; ang Ebanghelyo ay hindi lamang para sa mga tao ng Israel, ngunit para din sa mga hentil. Walang taggutom sa Kaharian ng Diyos para sa mga Israelita at mga hentil dahil higit sa sapat ang Tinapay ng Buhay para sa lahat.

Balik sa MenuBalik sa itaas


Mga katuruan ni Hesus - Mateo 16

Talata 1 Ang mga Pariseo at Saduceo, dalawang partido ng mga Hudyo na magkasundo dahil sa magkaibang interpretasyon nila sa Torah. Ngunit ngayon ay nagkakaisa upang pabagsakin ang kanilang katunggali na si Hesus sa harap ng mga tao sa pamamagitan ng paghiling ng tanda mula sa langit. Ang mga mahimalang pagpapakain, pagpapagaling at pagpapalayas ng demonyo para sa kanila ay hindi patunay na si Kristo ay Sugo mula sa Diyos. Humingi sila ng tanda tulad ng kay Moises na sinabihan ng Diyos na; "Pauulanan Ko kayo ng tinapay mula sa langit." (Exodo 16:4), tulad ni Josue na nanalangin na huminto ang araw at buwan (Josue 10:12-14), tulad sa 1 Samuel 7:10 nang nakipaglaban ang Panginoon para sa Israel sa pamamagitan ng malalakas na kulog at nagapi ang mga Filisteo sa kahilingan ni Samuel, at sa 1 Hari 18:30-40 nang magpadala ng apoy ang Diyos mula sa langit nang manalangin si Elias. Maniniwala kaya sila kung nandoon sila noong pinatahimik ni Hesus ang bagyo (Mateo 14:32)? O sadyang mga bulag sila kahit ano pang himala ang kanilang masaksihan sa mga kamay ni Kristo?

Mga Talata 2-3 Gaano kabulag ang mga rabbi na ito. Ang mga palatandaan ng kulay ng langit ay kanilang nababasa upang mahulaan kung ang panahon ay magiging maganda o masamang. Ngunit ang mga himalang nangyayari dahil kay Hesus ay hindi nila matanggap bilang mga palatandaan upang masabi na ang Kaharian ng Diyos ay dumating na. Patuloy nilang tinanggihan si Hesus bilang Mesiyas, ang Anak ni David. Sa kasalukuyan, ano ang mga palatandaan para sa mga tao ngayon? Ang mga tanda ng Kanyang muling pagdating ay mas nagiging madalas at malinaw, na parang pinahihiwatig na malapit na ang Pagsundo ni Kristo sa Kanyang simbahan. Gayunpaman, marami kahit na sa simbahan ang hindi sineseryosong paghandaan ang muli Niyang pagdating. Ang iba'y tuluyang tumatalikod kay Hesus at bumabalik sa makamundong buhay, tulad ng mga hangal na birhen sa Mateo 25:1-13 at mga naiwan (Mateo 24:40-42) na daranas ng Dakilang Kapighatian.

Talata 4 Ang mga Pariseo at Saduceo ay walang matatanggap na palatandaan kundi ang himalang nangyari kay Jonas; na gumugol ng tatlong araw at gabi sa loob ng malaking isda, bago siya iniluwa. Kahit hindi pinagbigyan ni Hesus ang kanilang kahilingan ng tanda sa langit, tumanim sa kanilang isipan ang sinabing ito ni Kristo. Dahil sa Mateo 27:63-64, matapos ilibing si Hesus, hiniling nila kay Pilato na maglagay ng bantay sa Kanyang libingan sa pangambang mangyari itong binitawang salita ni Kristo; ang Kanyang pagkabuhay muli. Sa katunayan, sa Mateo 28:11-12, binalita sa mga pinuno (Sanhedrin) ng mga guwárdiyáng nakabantay sa Kanyang libingan ang lahat ng nangyari. Kaya alam nila na si Hesus ay bumangon mula sa patay pagkatapos ng tatlong araw, gayunpaman, tumanggi silang manampalataya at nanatili sa katigasan ng kanilang puso. Sa ngayon, ang mga palatandaan at babalang isinulat sa Mateo 24:4-27 ay kasalukuyang nagaganap at nakikita sa pamamagitan ng media't internet, pero marami pa rin ang hindi nababahala. Ipinalabas sa telebisyon ng RecordTV sa Brazil ang seryeng Apocalipse (Pahayag), at ipinakita ang mga bagay na mangyayari ayon sa aklat ng Pahayag sa Bibliya, kasama ang muling pagdating ni Kristo. Ang tao'y binigyan ng saliksikin at hanapin ang katotohanan. Ayon sa sulat ni Pablo sa mga taga-Roma, binigay ng Diyos ang sangnilikha, ang konsensya at ang kapahayagan ng Magandang Balita, kaya walang dahilan ang tao para hindi makilala ang tunay na Diyos.

Talata 5 Si Hesus at ang Kanyang mga disipulo ay umalis sa kinaroroonan at tumawid sa kabilang ibayo ng lawa. Nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay.

Talata 6 Ang tinutukoy ni Hesus na lebadura ng mga Pariseo at Saduceo ay ang kanilang doktrinang tinuturo sa mga tao. Ang lebadura ay minsan nang ginamit ni Kristo sa isa sa Kanyang mga talinghaga (Mateo 13:33), pero doon ay tumutukoy ito sa kaharian ng langit. Ang aral ay kahit kaunting lebadura ay nakakapagpaalsa ng buong masa ng harina (tinapay). Dito ginamit ulit ni Hesus ang lebadura para bigyang babala ang mga disipulo; “Mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo.” Tayo din ay dapat mag-ingat sa mga maling katuruang naglipana ngayon. Pero paano natin malalaman kung tutoo't tama ang tinuturo sa atin? Sagot; ang Salita ng Diyos at ang gabay ng Banal na Espiritu (1 Juan 2:27) ang Siyang kaloob ng Diyos para tayo'y ituro at akayin sa katotohanan at pagkamakatwiran.

Talata 7 Hindi naintindihan ng mga alagad ang sinasabi ni Hesus, at kay iksi ng kanilang paggunitá. Ang naisip nila ay literal na tinapay at hindi ang katuruan ng mga Pariseo at Saduseo.

Mga Talata 8-10 Nasabihan tuloy sila ni Hesus na maliit ang kanilang pananampalataya. Sa pagbanggit ng lebadura, kung ang ibig talagang sabihin ni Hesus ay tinapay, hindi ba nila naalala ang dalawang himalang nagpakain Siya ng libu-libo at mayroon pa ngang mga sobra?

Talata 11 Hindi naintindihan ng mga alagad na hindi tinapay ang Kanyang tinutukoy at inulit ang babala Niya patungkol sa mga turo ng mga Pariseo at Saduseo (talata 6).

Talata 12 Sa wakas ay nabuksan ang mga mata ng mga alagad na sila'y pinag-iingat sa mga katuruan ng mga Pariseo't Saduseo. Marami nang tao ang narating ng Salita ng Diyos. Mayroong nagbabasa, nakikinig at nag-aaral nito pero ang katotohanan ay - tulad ng mga rabbi - ay hindi pa rin bukas ang kanilang pangunawa sa tunay na Mensahe ng Bibliya. Ang katwiran nga ng iba sa panahon natin ay ang Diyos ay pag-ibig, sa gayon - ang turo nila - hindi maaaring magkaroon ng impiyerno o lawa ng apoy. Gayunpaman, nakakalimutan nila na HINDI kinukunsinti ng Diyos ang may sala, kinasusuklaman at parurusahan Niya ang sinumang namumuhay sa kasalanan (Awit 5:4, 34:16). Ang pag-ibig ng Diyos ay ipinakita ni Hesus na Siyang nagdala sa Kanyang katauhan ng kasalanan ng tao at ang parusa nito sa krus para sa sinumang sumasampalataya sa Kanya (Juan 3:16). Huwag nating kalimutan na 20 talata makalampas ng Juan 3:16 ay mababasa; "Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay. Sa halip, mananatili sa kanya ang poot ng Diyos.", talata 36.

>Bundok Hermon Talata 13 Ang lungsód ng Caesarea Philippi ay isang paganong lugar sa hilagang hangganan ng Israel. Posibleng naisin ni Hesus na makasama lamang ang mga disipulo, dahil hindi pa dapat malaman ng mga Hudyo - ayon sa talata 20 - na Siya ang Kristo. Ang Caesarea Philippi ay kaibang lugar sa Caesarea (Acts 10:1) na isang mahalagang daungan sa Timog ng Bundok Carmel. Ang Caesarea Philippi ay matatagpuan sa isa sa mga pinagmumulan ng Ilog Jordan sa Bundok Hermon na 2814 metro ang elebasyón, kaya sa taglamig natatakpan ito ng niyebe. Isang liblib na lugar ito kung nais mapag-isa o manalangin.
Dito tinanong si Hesus ang Kanyang piling disipulo; “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?”

Talata 14 Ang sagot nila'y sabi ng mga tao na si Hesus ay, si Juan Bautista o si Elias o si Jeremias o isa sa mga propeta. Ang mga tao ay hindi pa rin natanto na si Hesus ang ipinangakong Mesiyas. Nakikita nila si Hesus bilang isang propeta lamang; bulag pa rin sila.

Talata 15 Pero binago ni Hesus ang Kanyang tanong; “Ngunit para sa inyo, sino ako?” Matagal na ninyo akong kasama, sa inyong pananaw, sino ako?

Talata 16 Sumagot si Pedro; "Kayo po ang Kristo (Mesiyas), ang Anak ng Diyos na buháy." Kilala si Pedro bilang tagapagsalita ng grupo pero dito tila sariling niyang pagtatapat ito batay sa mga sumunod na papuri na iginawad sa kanya ng Panginoon.

Talata 17 Walang taong may kakayahang maunawaan ng kanyang sarili ang katotohanan ng Kaharian ng Diyos at ng Kanyang Salita. Walang ninalang ang maaring makalapit at makakilala si Hesus nang walang pahintulot ng Kanyang Ama (Juan 6:44, 65). Ang Diyos Ama sa langit ang nagbukas ng mga mata ni Pedro sa katotohanang kanyang inihayag na si Hesus ang ipinangakong Mesiyas.

Talata 18 Ang talatang ito ay maaari nating hatiin sa tatlong bahagi:

  1. Sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro
  2. Sa ibabaw ng batong (Petros) ito ay itatayo ko ang aking iglesya
  3. Ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi magtatagumpay laban sa kanya

Si Pedro sa lahat ng kanyang pagmamataas, padalos-dalos at mga kahinaan ay binansagan ni Hesus na Petros, ang salitang Griyego na ibig sabihin ay bato. Matatandaan sa Mateo 7:24-27, ang bahay na itinayo sa ibabaw ng bato ay hindi natinag sapagkat ang pundasyon ay si Hesukristo (1 Cor. 3:11-15).
Sa petros (bato) na ito ay itatayo ko ang aking simbahan. Kung paano hinayag ni Pedro na si Hesus ay ang Mesiyas (Kristo), gayundin ang mga susunod pang mga sasampalataya kay Hesus bilang Tagapagligtas. Sa mga apostoles itinayo ang iglesya ni Kristo (Efeso 2:20-22). Maraming iskolar ng Bagong Tipan ang naniniwala na si Hudas, ang alagad na nagkanulo kay Hesus, ay pinalitan ni Apostol Pablo. Masasabi nating si Pedro ay pangunahing nangangaral ng Ebanghelyo sa mga Hudyo, samantalang si Pablo ay siyang pangunahing nagtrabaho para sa mga Hentil. Parehong si Pedro at Pablo ang nagtatag ng simbahan sa Roma at ayon sa tradisyon silang dalawa ay inilibing sa Roma.
Ang pag-angkin ng simbahang Romano Katoliko na sila lamang ang tunay sa iglesya ni Kristo dahil ito'y itinatag ni Pedro bilang una nilang papa (pope) ay walang batayan mula sa tekstong ito. Ang iglesya (Eklesia) ay hindi isang eksklusibong kapisanan, sa halip ito ay ang bagong sambayanan ng Diyos na pagkatapos ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus ay nabuo ng pinagsama-sama lahi (ng mga Israelita at hentil, at hindi lamang mga Katoliko) sa ilalim ng pangunguna ng Anak ng Diyos, na ang pananampalataya ay masasabing bakas simula pa ng panahon ni Abraham. Sa pinakamatandang simbahan, hindi makikita ang kalamangan ni Pedro dahil sa tabi niya ay ang kanyang espirituwal na kakambal sa pananampalataya na si Pablo.
Ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi mananaig laban dito. May paniniwala ng panahong iyon, at maging ngayon, na ang Hades ay nasa ilalim ng lupa. Na ang Sheol, o Hades, ay ang lugar kung saan nanatili ang mga nangamatay hanggang sa takdang araw ng pagkabuhay-muli.
Ang aking pagkaunawa ay talagang mayroong Hades na matatagpuan sa loob ng lupa, kung saan matatagpuan ang mga hindi Kristiyano na mananatili doon hanggang sa huling paghuhukom (Pahayag 20:11-15).
Ang kapangyarihan ng kamatayan (Hades) ay hindi magtatagumpay laban sa iglesya ni Hesus (Juan 5:24). Ang ibig sabihin ng kamatayan dito, para sa mga mananampalataya hindi mananaig ang pagpataw ng parusa ng kasalanan - ang walang hanggang kamatayan (impiyerno) - dahil sa panunubos na naatim ni Hesukristo para sa mga nananalig sa Kanya. Ang tunay na Kristiyano pagkamatay dito sa lupa ay diretsong pupunta sa piling ni Hesus (Juan 12:26). Sa Pagsundo ni Kristo (1 Tesalonica 4:13-18) sa Kanyang simbahan, kapwa ang mga namatay kay Hesus at ang mga nabubuhay na mananampalataya sa oras na iyon ay parehong dadalhin ni Kristo sa langit.

Talata 19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng langit. Pagkatapos ng muling pagkabuhay at pag-akyat ni Hesukristo sa langit, inutos ni Hesus ang pagpapahayag ng Magandang Balita sa Kanyang mga apostoles at mga tagasunód. Ang kapangyarihan ni Hesus (mga susi) ay ipinagkaloob Niya sa kanyang mga alagad. Natanggap nila ang awtoridád na pangunahan ang paghahayag ng Ebanghelyo, pagpapastol ng mga kapwa manampalataya, pamahalaan ang iglesia (Mga Gawa 5:1-11, 1 Corinto 5:5-13, 1 Timoteo 1:20) at ang paglago't pagpalaganap ng Kristiyanismo.
Napakalaking responsibilidad at kapangyarihan ang ginawad ng Panginoong Hesus sa Kanyang mga disipulo; "Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit." Ang mga apostoles ay binigyan ng kapangyarihang magbawal at magpahintulot, ang awtoridad na ito ay natatanging ipinagkaloob sa kanila at HINDI ito naililipat! Mababasa natin na ginamit ng mga apostoles ang pinagkatiwalang kapangyarihan sa Gawa 15:25-29. Si Pablo ay nagbigay sa 1 Corinto 7 ng mga alituntunin tungkol sa kasal at sa 1 Timoteo 3 ang mga kinakailangan kung sino lamang ang maaaring maging pinuno at diyakono sa simbahan.

Talata 20 Ipinagbawal ni Hesus sa mga disipulo ang pagsisiwalat na Siya ang Kristo (Mesiyas). Bakit? Dahil ba hindi pa dumarating ang Kaharian ng Langit; ang panahon ng Milenyal? O kaya'y sapilitang gawing Hari ng mga Hudyo si Hesus (Juan 6:15) nang hindi ayon sa panahong itinakda ng Diyos? Tandaan na ang pangunahing misyon ni Hesus sa Kanyang pagkakatawang-tao ay ang ialay ang buhay Niya sa krus para sa kasalanan ng tao at lupigin ang kamatayan sa Kanyang pagkabuhay muli.

Talata 21 Ngayon na alam na ng mga alagad na si Hesus ang ipinangakong Mesiyas, kailangang linawin ni Kristo ang dapat nilang asahan sa Kanya bilang Mesiyas sa pagtupad ng Kanyang misyon. Umaasa ang mga Hudyo na ililigtas sila ng Mesiyas mula sa panunupil ng mga Romano, samakatuwid polítikál (at hindi ispirituwal) na kalayaan ang inaasam nila sa Anak ni David. Si Hesus ay dumating sa lupa't ipinanganak bilang isang tao na may layuning pasanin ang parusa ng Diyos sa krus para sa kasalanan ng sangkatauhan. At pagkatapos Niyang bayaran ang ating pagkakautang sa Diyos, daigin ang kamatayan sa Kanyang pagbangon sa ikatlong araw upang tayo'y mapawalang-sala (Roma 4:25) sa mga mata ng Diyos.
Ayon sa mga rabbi, ang muling pagkabuhay ng mga patay sa ikatlong araw ay magaganap sa katapusan ng mundo batay sa Hosea 6:2 "Sa loob ng dalawang araw ay mapapalakas niya tayo; sa ikatlong araw, tayo'y kanyang ibabangon, upang tayo'y mabuhay sa kanyang harapan." Iba ang interpretasyon ko sa Hosea 6:2. Sa Panginoon, ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon (2 Pedro 3:8). Ang mga Hudyo ay "tinanggihan ng Diyos" sa loob ng dalawang araw, kaya 2 araw x 1000 = 2000 taon, sa panahong ito ay nabuo ang simbahan. Ang pagsunod ng interpretasyong ito, na ang 1 araw ay 1000 taon, ang sanlibong taon ng paghahari ni Kristo at ang huling paghatol sa lahat ng tao ay magaganap (Pahayag 20:11-15).

Mga Talata 22-23 Si Pedro na kamakailan lamang ay ipinahayag na si Hesus "ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy" ay isinangtabi si Hesus at pinagsabihan Siya; "Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Kailanma'y hindi iyan mangyayari sa inyo." Si Pedro ay naging biktima at kasangkapan ni satanas, at alam ni Kristo na siya ang nasa likod ng paggamit kay Pedro. Hindi na lihim ang misyon ni Hesus, alam din ito ng diablo kayat nagamit niya si Pedro upang pahinàin ang loób ni Kristo at ilihis sa landas para sa pagtubos ng iglesya.
Maaaring mabuti ang séntimyento ni Pedro na pigilan si Hesus pero ipinapakita din dito na hindi pa niya tunay na nauunawaan ang plano ng Diyos para sa kaligtasan ng tao. Hindi pa naaarok ng kanyang isip na hahayaan ng Diyos Ama ang Kanyang Sariling Anak na labis na magdusa kayat naisip niyang kumbinsíhin si Kristo.
Ito'y babala sa mga mananampalataya. Maaaring naranasan mo na kung ano ang sinasabing matagumpay na buhay Kristiyano at pati ang realidad na posibleng mahulog sa taluktók nito dahil sa mga patibong ng kaaway o kahinaan ng laman. Kaya mahalagang mag-ingat, sa ating pagsunod sa Panginoong Hesus alalahanin mong tayo ay pinangaralang isuot ang mga sandatang kaloob ng Diyos (Efeso 6:10-18) sa ating pakikibaka sa mga kalaban ng ating pananampalataya.

Mga Talata 24-26 Ang hindi pagkaunawa ni Pedro sa nakatakdang pagdurusa ni Hesus ay pagsuway sa paraan ng Diyos. Ang plano ng Diyos ay ganap na iba't nakakataas kaysa sa mababaw na pag-iisip ng tao, kaya gaya ni Pedro, madali tayong matisod sa kaparaanan ng Diyos. Ang mga talatang ito ay hindi lamang para kay Pedro't mga disipulo, kundi para sa lahat ng tunay na Kristiyano. Ang sinumang nais na sundan si Kristo ay kinakailangang ikailâ ang kanyang sarili. Dahil ang taong hindi handang ipako (isuko) ang kanyang makalupang kalikasan sa Panginoon at nagpapatuloy na mabuhay sa mundo ay hindi makakayang sumunod sa mga yapak ni Hesus. Sapagkat ang isang tao, kahit mapasakanya pa ang lahat ng bagay sa mundo, ay hindi maituturing na pinagpala kung mapapahamak ang kanyang kaluluwa. Tanging ang mga nag-alay ng kanilang buhay at handang humarap kahit sa kamatayan alang-alang sa Panginoong Hesus, ang masasabing tapat na mga alagad ng Diyos.
Mula nang noong isinilang ang Kristiyanismo hanggang sa kasalukuyan, marami na ang pinatay dahil ayaw nilang itanggi ang kanilang pananampalataya kay Hesukristo. Isipin mo na lang sa mga bansang Islam kung saan peligroso at pinapatay ang mga Kristiyano. At sa panahon ng Dakilang Kapighatian, ang mga taong tatanggi sa markang 666 ay kakila-kilabot na pahihirapan, samantalang iyong tatanggap ng marka'y malamang magpatuloy sa kanilang buhay ngunit sa katapusan ay mauuwi sa impiyerno. Sa kabila ng pagpapahirap na daranasin sa Dakilang Kapighatian, tanggihan ang markang 666 dahil ang kapalit nito ay ang pagdanas ng poot at galit ng Diyos.

Talata 27 Sapagkat ang Anak ng Tao ay darating kasama ang kanyang mga anghel ay isang pagtukoy sa ikalawang Pagdating ni Kristo, tingnan ang Mateo 24:29-31. Ang kasalukuyang panahon kung saan nabubuhay ang tao ngayon ay lubhang napakahalaga sapagkat nasa kapanahunan pa rin tayo ng grasya. Mula ng binuwal ng Panginoong Hesukristo ang kapangyarihan ng kamatayan nang Siya'y nabuhay na muli hanggang ngayon, ay patuloy na inaalok ng Diyos sa tao ang mapagpalayang kaligtasan na tanging makakamit lamang sa pamamagitan ng Kanyang Anak. Para sa mananampalataya, tingnan ang 1 Corinto 3:11-15 para naman sa hindi mananampalataya, tingnan ang Pahayag 20:11-15.

Talata 28 "May ilan sa inyong naririto na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikita ang Anak ng Tao na dumarating bilang hari." Puwedeng maiisip natin sina Pedro, Santiago at Juan (Mateo 17:1) na dinala ni Hesus sa isang bundok at doon ay nagpakita sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Hesus na nakita nilang; "nagbago ang anyo ni Hesus, nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha at nagningning sa kaputian ang kanyang damit." (Mateo 17:2-5). Doon ay nakita nila ang pagka-maharlika at kaluwalhatian ni Hesus habang sila'y nabubuhay pa.

Balik sa MenuBalik sa itaas


Ang kahulugan ng Mesiyas - Mateo 17

Talata 1 Anim na araw makatapos ng pagtatapat ni Pedro na si Hesus ay ang Kristo (Mesiyas), umakyat si Hesus sa isang mataas na bundok kasama ang tatlo sa labindalawang disipulo; si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. Hindi napangalanan ang bundok, maaaring ito ay ang bundok ng Tamor o Hermon. Wala ding nasabi kung bakit tatlo lang sa labindalawa ang Kanyang sinama sa pagkakataong ito. Ngunit matatandaang sinasabi ni Hesus sa Mateo 16:28 na ang ilan sa kanila ay makikita ang maharlikang kaluwalhatian ng Anak ng Tao bago sila mamatay. Ito na kaya ang tinutukoy ni Hesus?

Talata 2 Ang anyo ni Hesus ay nagbago. Nakita ng tatlong disipulo ang Kanyang maluwalhating anyo, "nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha at nagningning sa kaputian ang kanyang damit." Sa Kanyang pagkabuhay mula sa mga patay (Marcos 16:12), nabago rin ang hitsura ni Hesus na sa ilang pagkakataon ay sadyang hindi Siya nakilala ng Kanyang mga alagad. Ang mga mananampalataya ay pinangakuang tatanggap din ng bagong katawan sa Pagsundo (Rapture) ni Kristo sa Kanyang simbahan (1 Corinto 15:50-53).
Ang kanyang mukha ay katulad ng araw, "ang kanyang ulo at buhok ay kasimputi ng balahibo ng tupa o ng niyebe, at ang kanyang mga mata'y parang apoy na nagliliyab" (Pahayag 1:14), at ang kanyang damit ay maputi na parang liwanag. Sabi nga sa Juan 8:12, si Hesus ang Ilaw ng sanlibutan. Kung ang pangunahing tungkulin ng liwanag ay ang palayasin ang kadiliman, gayon din ang pakahulugan na si Hesus ang ilaw. Sinulat nga sa Juan 1:4-5; "Nasa kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman." Ang kadiliman ay kumakatawan sa lahat ng masama sa mundo pati ang kampon ng mga kaaway. Ang liwanag at kadiliman ay hindi kailanman puwedeng magsama o magkatugma. Dumating si Hesus upang wasakin ang kasalanan, si satanas at ang mga demonyo.
Ang araw ay pinagmumulan ng malakas na enerhiya't liwanag at may napakataas na temperatura na maaaring sumunog sa lahat. Gayon din si Hesus na gumapi sa kasalanan, at sa huling panahon, sa Kanyang paghahatol, ay ganap na ikokondena ang lahat ng tumanggi sa Kanya.
Puti ang kulay ng kadalisayan, ng walang bahid ng kasalanan, ng muling pagkabuhay, at ng bagong buhay.

Talata 3 Sina Moses at Elijah ay binanggit sa Malakias 4:4-5 na darating sa bukang-liwayway ng Araw ng Panginoon. Sa Pahayag 11:1-12 ay isinulat din ang tungkol sa dalawang saksi, malamang na sina Moises at Elias din ito, na magpapatotoo sa loob ng 1260 araw sa pagtatapos ng Dakilang Kapighatian. Si Moises ang siyang kinasangkapan ng Diyos na iparanas ang sampung salot sa Ehipto, bagamat siya ay namatay ng hindi naka-apak sa Lupang Pangako (Israel) kahit siya ang ginamit ng Diyos bilang tagapágpalayà ng mga Hebreo sa pangaapi't pangaalipin ng Ehipto. Samantala, si Elias naman ang tumawag sa Panginoon na malahimalang magpadala ng apoy mula sa langit na nasaksihan ng buong Israel, pero siya ay kinuha ng Diyos sakay ng karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy at iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo. Ngunit dito ang dalawang propeta, buhay na buhay, ay nakitang nakikipag-usap kay Kristo.

Talata 4 Si Pedro, dahil sa kanyang pagkabibo, puno ng kasigasigan at tapat na layunin ay nagsabi na "mabuti't naririto kami" at nagalok na magtayo ng tatlong tolda, isa para kay Hesus, kay Moises at kay Elias.

Talata 5 Tinakpan sila ng maliwanag na ulap. Sa gramatika dito, hindi malinaw kung ito'y tumutukoy lamang kina Hesus, Moises at Elias o sa kanilang anim. Ang ulap ay simbólikó ng presensya ng Diyos, alalahanin ang mga salaysáy na ginamit ang ulap; sa bundok ng Sinai at sa ibabaw ng Tabernakulo. Ang boses ng Diyos Ama na unang narinig sa bautismo ni Hesus (Mateo 3:17) ay muling inihayag ng Diyos patungkol sa Kanyang Anak; "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan." Pero sa pagkakataong ito, dinagdag ng Ama; "Pakinggan ninyo siya!" Pinagtibay dito ng Diyos Ama ang kahalagahan na makinig (at sumunod) sa mga turo ni Hesus.

Talata 6 Nang marinig ang tinig ni Yahweh (Diyos Ama), nagpatirapa ang tatlong alagad sa lupa. Sa mga tagpo sa Lumang Tipan, tila likas na reaksiyón ang takot at magpatirapa kapag nakatagpo ang Diyos. Isagunita ang mga Israelita sa Exodo na pagkatakas sa Ehipto't nagkampo sa Bundok Sinai kung saan sila inabot ng takot nang marining ang boses at mga pangitain ng Diyos (Exodo 19-20).

Talata 7 Nilapitan at hinawakan ni Hesus ang tatlong disipulo at pinapanatag ang kanilang kalooban. Nangilabot sila sa takot dahil sinumang makakita sa Diyos ay tiyak na mamamatay (Genesis 32:30, Exodo 33:20, Hukom 6:22-23). Binigyang kasiguraduhan ni Hesus ang Kanyang mga alagad na bumangon at huwag nang mangamba.

Talata 8 Sa kanilang pagmulat ay bumalik sa normal ang lahat. Nakita nila muli si Hesus nag-iisa sa kanyang makalupang anyo.

Talata 9 Iniutos (eneteilato sa Griego) ay isang pandiwa na nangangahulugang isang eksaktong takdang-tungkulin, isang malinaw na utos. Malinaw na ang pangyayaring ito ay hindi dapat munang sabihin sa iba hangga't hindi nabubuhay muli ang Anak ng Tao. Makatapos lamang ng resureksyon ni Hesus ay maaari na itong maihayag sa publiko.

Talata 10 Mula sa kanilang tanong, hindi pa rin malinaw sa tatlong disipulong ang tamang kronolohiya ng pagdating ng Mesiyas. Ang turo ng mga eskriba ay dapat munang dumating si Elias. Kaya malamang tumatakbo sa isip nila; kung si Hesus ang Mesiyas, bakit ngayon lang nagpakita si Elias (kasama si Moises) samantalang hindi ba dapat siya ang mauna?

Talata 11 Ayon sa katuruan ng mga mangangaral ng mga Hudyo (eskriba), unang magpapakita si Elias bago ang dumating ang Mesiyas. Sinangayunan ito ni Hesus, na pagdating ni Elias ihahanda niya ang lahat ng bagay.

Talata 12 Alegórikóng si Elias ay dumating na sa anyo ni Juan Bautista, na siyang nauna kay Hesus. Si Elias ay nabanggit din sa Pahayag 11:3 sa pagtatapos ng Dakilang Kapighatian, kung kailan tiyak na wawakasan ni Hesus ang mga digmaan sa Israel (Pahayag 1:7, Juan 19:34-37, Zacarias 12:8-11) kasama ang Kanyang mga anghel (Pahayag 19:11-21). Ang labanang ito ay magaganap sa Armagedom (Pahayag 16:16) at tatapusin din nito ang panahon ng Kapighatian.
Bagamat si Herodes ang nagpapatay kay Juan Bautista, katulad niya, si Hesus ay tatanggihan din ng mga relihiyosong pinuno ng mga Hudyo at sa tulong ng mga Romano, Siya ay ipapapako sa krus.

Talata 13 Sa wakas ay naunawaan na ng mga disipulo na si Juan Bautista ay ang ipinangakong Elias na nauna sa Mesiyas.

Mga Talata 14-16 Sa pagbaba nila mula sa bundok, naghihintay kay Hesus ang ama ng isang epileptik na madalas na nahulog sa apoy at tubig. Ang kanyang ama ay balisa dahil hindi kayang magpagaling at magpalayas ng demonyo (talata 18) ang mga disipulo Niya. Maaalala na sa Mateo 10:1, "binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman."

Talata 17 Galit na sumagot si Hesus; "Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo?" Malamang ang sumbat na ito ni Hesus ay hindi lamang sa siyam na disipulong nadatnan nila sa kanilang pagbalik, kundi sa iba pang mga tagasunód Niya. Nasaksihan na nila ang kamangha-manghang mga himala at kapangyarihan ni Hesus, at binigyan na Niya sila ng awtoridad, subalit ang sukat ng kanilang pananalig ay hindi pa rin makapagpagaling at makadaig ng masamang espiritu. Gayunpaman, ipinakita ni Hesus ang kanyang habag sa mag-ama at inutos na dalhin ang bata sa Kanya.

Talata 18 Dito ay naging malinaw na ang karamdaman ay hindi pangkaraniwang epilepsya kundi sanhi ng demonyo. Kayat pinalayas ni Hesus ang masamang espiritu at gumaling ang bata noon din. Sa ating kasalukuyang panahon, kailangan nating alamin kung ano ang tunay na sakit at kung ano ang dulot ng mga demonyo. Sa pamamagitan ng pagmamasid at panalangin ay hilingin sa Diyos na isiwalat ang ugat ng karamdaman at ituro ang nararapat na hakbang para makamit ang kagalingan o kalayaan.
HINDI na nakipag-diyalogo si Hesus sa demonyo, sa halip ay Kanyang INUTUSAN at pinalayas ito. Si Hesukristo, bilang Diyos, ay soberano na ang lahat ng puwersa ng kadiliman ay walang magagawa kundi sundin Siya, kayat agad na gumaling ang bata. May aral dito para sa mga Kristiyano, kung gagamitin ka ng Panginoon na magpalayas ng mga demonyo, maging sensitibo ka sa pangunguna ng Banal na Espiritu kung paano Niya gustong gapiin at palayasin ang kaaway. Pansinin na sa kaganapang ito ay kagyat na pinaalis ang masamang espiritu para agarang mapalaya ang anak sa pagpapahirap ng demonyo. Sa ibang okasyón, mababasa nating hinayaan Niyang magsalita't manikluhod ang (mga) masamang espiritu pero sa ilalim ng Kanyang kapangyarihan, sila'y walang pagpipilian kundi tumalima sa kalooban ni Kristo.

Mga Talata 19-20 Ang mga disipulo ay lumapit at tinanong si Hesus kung bakit hindi nila nagawang palayasin ang masamang espiritu. Sila ay Kanyang sinagot; dahil sa inyong maliit na pananampalataya. Ang maliit na pananampalataya ay nangangahulugan mayroong katiting na pananalig kay Hesus ngunit hindi sapat para sa sandaling iyon upang mangyari ang kanilang inaasam o hiling.
Ang binhi ng mustasa (tingnan ang komentaryo sa Mateo 13:31-32) ay napakaliit. Ngunit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos nagagawa ng pananampalatayang singliit nito na tanggalín ang bundok. Walang imposible sa Diyos pero talaga bang sangayon sa kalooban Niyang ilipat ang bundok? Tutoong gumagamit ng malalaking himala ang Diyos upang tawagin ang pansin ng tao. Walang imposible para sa mananampalataya, na namumuhay nang kaisa ang Diyos para sa karangalan at kaluwalhatian Niya.
Ang pananampalataya ni Abraham ay nangailangan ng mahabang panahon upang lumago. Maaaring isipin na mapanganib para sa isang batang mananampalataya na magpalayas ng demonyo. Na ang gawaing ito ay nababagay sa isang beteranong Kristiyano lang dahil sa mga karanasan sa buhay na nasubukan na't pinatibay ng matagal nang pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ang ganitong klaseng pananalig ay nakakagawang "maglipat ng mga bundok". Pero malinaw ang sinabi ni Kristo, kahit singliit ng mustasa lamang ang pananampalataya sa Kanya ay puwedeng ipatapon ang bundok. Hindi Niya binanggit ang edad o tagal mo nang pagiging Kristiyano, ang ginamit Niyang sukatan ay laki o liit ng pananalig mo sa Kanya. Yaan ang hamon sa ating mga mananampalataya patungkol sa relasyón natin kay Hesus. Gaano ba kalaki ang iyong pananampalataya sa Kanya?

Talata 21 Ang talata na ito ay makikita sa ilang manuskrito, pero hindi ito isinama sa ESV, NASB at RSV. Eto ang nakasulat; "Ngunit ang ganoong uri ng masamang espiritu ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno." Noong panahong iyon, ang panalangin at pag-aayuno ay itinuturing na isang kilalang mabisang paraan laban sa mga demonyo, kung saan binibigkas ang mga Awit 91 at 3. Sa kasalukuyan isang grupo ng mga mananampalataya ay gumagamit ng mahabang oras ng panalangin at pag-aayuno bago subukang magpalayas ng demonyo. Tila tinatanggihan ito ni Hesus sa talatang ito. Gayunpaman, inirerekomenda ni Rebecca Brown ang panalangin at pag-aayuno sa kanyang mga aklat. Sa personal, wala akong karanasan sa pagpapalayas ng mga demonyo. Ngunit ayon sa aking pagkaunawa, sapat na ang isang utos sa pangalan ni Hesus para palayasin ang (mga) demonyo. Bawat demonyo ay DAPAT MAGING masunurin kay Hesus kahit na WALANG diyálogó! Isang UTOS SA PANGALAN NI HESUS at ang (mga) demonyo ay kailangang umalis. Sa utos na ito nang walang pag-aalinlangan ay lalayas ang (mga) masamang espiritu. Sa gawaing ito, ang tao ay maaaring pahiran ng langis ng mira. Ngunit MAG-INGAT, ang bahay (katawan) ng tao ay hindi dapat manatiling walang laman (Lucas 11:24-26). Ang taong pinalaya ay dapat agad na anyayahan at tanggapin si Hesukristo bilang Tagapagligtas at Panginoon upang ang Banal na Espiritu ay manahan kaagad sa Kanyang bagong templo. Bilang karagdagan, ang bagong mananampalataya ay dapat patuloy na mamuhay sa ilalim ng patnubay ng Banal na Espiritu at iwasang magdulot ng kalungkutan sa Kanya (Efeso 4:30, 1 Tesalonica 5:19). Ang simbahan ang nararapat magturo sa bagong mananampalataya ukol sa Salita ng Diyos at tumulong sa kanyang paglago. Kasama na dito ang pag-aalis ng mga bagay na may kinalaman sa okultismo at mga kaugalian na hindi kasama sa Kristiyanismo.
Bagama't walang sinabi si Hesus tungkol sa pagpapahid sa tao o sa kanyang tahanan ng langis ng mira, alalahanin ang pagpapahid ng mga pari sa Lumang Tipan. At sa ilalim ng pagbigkas ng kapangyarihan ng dugo ni Hesus, ang aking personal na karanasan ay maganda itong ipagpatuloy sa pagpapalabas ng mga demonyo.

Mga Talata 22-23 Inulit ni Hesus ang una Niyang binanggit sa Mateo 16:21 hinggíl sa daan at misyon ng Mesiyas. Pagkatapos ay ihahabilin Niya ang responsibilidad ng pagpapalaganap ng Ebanghelyo't paglago ng iglesya sa Kanyang mga alagad. Lubhang nalungkot ang mga disipulo nang marinig ulit ito. Halatang hindi pa rin nila lubusang naiintindihan ang dapat pagdaanan ni Hesus para sa kaligtasan ng tao. Mas tumatanim sa kanilang isipan yaong unang bahagi ng Kanyang pinahayag na; "ipagkakanulo [Siya] sa kamay ng mga tao. Papatayin nila ako". Ngunit parang nabingi sa huling sinabi ng Panginoon na; "pero mabubuhay akong muli pagkaraan ng tatlong araw."

Talata 24 Pagdating sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang maniningil ng buwis upang mangolekta ng kalahating siklo na buwis. Ang kalahating siklo na buwis (kalahating siklo ayon sa Exodo 30:13) ay buwis para sa bawat Israelitang 20 taon pataas at nagsisilbing bayad sa mga tagapaglingkod sa templo. Sa loob ng bansa sa ika-15 araw ng buwan, at sa ika-25 araw ng buwan ng Adar, ang kalahating siklo na buwis ay kinokolekta. Posibleng ang mga kolektor ay nagbabahay-bahay at dumating sa bahay ni Hesus. Batay sa Levitico 6:16 ang mga pari ay libre (hindi sinisingil), at isinama ng mga rabbi ang kanilang sarili na malibre din sa buwis na ito. Sapagkat si Hesus ay kilalang Rabbi, baka naisip ng maniningil na gamitin Niya ang pribilehiyo kaya siguro tinanong si Pedro.
Malinaw na sagot ni Pedro ay Oo. Sa gayon ay tinanggihan na si Hesus ay ituring bilang isang rabbi na hindi kailangan magbayad ng buwis. Si Kristo ay nananatiling ganap na sumusunod sa batas (Torah) na naaangkop sa bawat Hudyo.

Talata 25 Nang makabalik si Pedro sa tinutuluyan nila, tinanong siya ni Hesus kung ano ang palagay niya tungkol sa sino dapat singilin ng buwis ng mga hari, ang mga anak nila o ang ibang tao? Ang pagbabayad ng buwis ay may kinalaman sa mais, langis, baka, pagkain, damit, upa, atbp. Noong panahon ni Hesus, ang buwis ng mga Romano ay mabigat, may buwis ding binabayaran sa tubig, asin, karne at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan. Sa mga nasasakupang teritoryo, ang buwis ay pinakamataas, ngunit ang mga mamamayan sa Roma ay hindi ligtas, gayunpaman ito'y mas kaunti.

Talata 26 Mula sa mga ibang tao, ang tugon ni Pedro sa katanungan ni Hesus.
Kaya ang mga anak ay malaya't libre sa pagbabayad ng buwis.

Talata 27 PERO, PARA HINDI SUMAMA ANG LOOB NILA. Hindi ginamit ni Hesus ang kanyang pagiging-Rabbi para makalibre sa pagbabayad ng buwis. Kung susundin ang letra ng Kautusan (Exodo 30:13), ang libre lamang ay ang mga pari. Si Hesus ay mahigpit na sumusunod sa Kautusan, ayaw Niyang magkaroon ng impresyon na hindi Niya sinusunod ang Torah. Kung hindi Siya magbabayad ng buwis, maaari siyang ituring na manggugulo.
Sinunod ni Pedro ang utos ni Hesus na pumunta sa lawa at mamingwit (hindi lambat). At sa loob ng bibig ng unang isdang mahuli, makikita ang sapat na perang pambayad, isang pilak na barya (shekel = estátar). Ang halaga ng isang estátar ay umabot ng apat na drachma, ang eksaktong halaga ng kalahating siklo na buwis para sa dalawang tao, sina Hesus at Pedro. Ang Diyos Mismo ang Siyang nagbibigay ng eksaktong pangangailangan ng Kanyang mga anak.

Balik sa MenuBalik sa itaas


Ang Kaharian ng Langit - Mateo 18

Talata 1 Ang tanong ay maaring himayin sa pamamagitan ng

  1. Pedro, kung kanino itatayo ang Simbahan
  2. Sina Pedro, Santiago at Juan sa bundok
  3. Tungkol sa kalahating siklo na buwis, Hesus at Pedro

Ang tanong ay likas sa tao, ngunit sa konteksto ng Hudaismo ito ay may mas malalim na kahulugan. Sa kanilang kaisipan, ang pinakadakila ay dahil siya ang lubos na ginagalang. Gayundin sa hinaharap na Kaharian ng Langit, magkakaroon ng pagkakaiba sa pagitan ng maliit at malaki (isipin ang lugar sa kasal). Sa Hudaismo ay binibilang sa pinakadakila ang mga martir, mga matuwid, mga may kaalaman sa Torah at sa gayon ay gumagawa ng mabuti, mga nagtuturo sa mga bata ng tapat at totoo ng mga Kasulatan, at ang mga nag-uudyok sa marami patungo sa katuwiran.

Talata 2 Ang isang bata ay hindi lubos na inosente dahil minana ng buong sangkatauhan ang pagkamakasalanan ni Adan. Ngunit tinuturing ng lipunan noon na wala silang kakayanan at mahina, pero bukas sa lahat ng posibilidad at walang inaasahan kundi ang Diyos (poor in spirit). Ang batang hinarap ni Hesus sa Kanyang mga disipulo ay hindi na sanggol at hindi pa rin nagbibinata.

Talata 3 With solemn words Hesus replies. Maliban na lang kung lumingon ka (straphète) na nangangahulugang bumaligtad o magbalík-loób ay hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. Yaan ang pangaral ni Hesus sa Kanyang mga alagad; mapagkumbabang isuko ang pananalig sa sarili at maging parang mga bata na ang pag-asa't tiwala ay nasasa Diyos lamang.
Maging parang maliliit na bata. Sa Hudaismo, imposibleng tawagin ang Diyos bilang Ama. Binibigyang-diin ng Lumang Tipan ang distansya ng Diyos sa mga tao at ang pag-aalangan na dapat madama ng tao sa Kanyang presensya dahil sa Kanyang kabanalan. Itinuturing na kalapastanganan para sa Hudyo na tukuyin ang Diyos bilang "aking Ama". Kaya naman, ang mga Hudyo ay nagalit kay Hesus nang tinawag Niya ang Diyos na Kanyang Ama. Sa kanila, ito'y isang kawalang-galang. Subalit ang kumpiyansa na tawaging Ama ang Diyos ay tanda ng pananalig at kaunayan sa Kanya ng parang sa mga bata (Isaias 63:16-17, Jeremias 3:19).

Talata 4 Katulad ng isang bata na hindi mapagmalaki ukol sa kanyang katayuan sa lipunan, gayundin dapat isaalang-alang ng mananampalataya ang kanyang sarili sa harapan ng Diyos. Sapagkat, ‘Nakasalalay sa Kanya ang ating buhay, pagkilos at pagkatao.’ (Gawa 17:28), walang nilalang ang may karapatang mangahas magmayabáng sa kanyang Maylikha. Ang lahat ay gawa ng Diyos maging ang kaligtasan ng tao. Oo, maaaring gumamit Siya ng tao para ihayag ang Magandang Balita, pero ang Banal na Espiritu pa rin ang kumikilos upang kumbinsihin ang makasalanang magsisi't manampalataya. Ang lahat ng ito ay biyaya (2 Pedro 1:3), walang anumang bagay ang puwedeng angkinin ninoman na sarili niyang katuparan. Ang talinghaga ng Pariseo at maniningil ng buwis na tinuro ni Hesus sa Lucas 18:9-14 ay naaangkop din dito. Inihahambing ng talinghaga ang mga saloobin ng pagmamataas (ng Pariseo) at kababaang-loob (ng maniningil), at nagtapos sa ang kolektor ay umuwing matuwid sa harapan ng Diyos, at hindi ang Pariseo.

Talata 5 Ang pagaampon ng isang ulila ay binibilang sa Hudaismo na isang merito. Kung ano ang ginagawa ng isang tao sa kanyang kapwa ay tulad ng ginawa niya kay Hesus, tingnan ang Mateo 25:31-46.

Millstone Talata 6 Ang sinumang nagiging sanhi ng pagkakasala ng isang bata ay mananagot sa Panginoon. Ang sinumang tao na maging sanhi ng pagkakasala ng kahit isa sa mga bata na nananampalataya kay Hesus ay mas mabuti pang lamunin sa kailaliman ng dagat na may malaking gilingang-bato sa leeg. Ito ay babala na maging maingat sa pangangaral at pamamatnubay sa mga anak ng Diyos at siguraduhing ang iyong tinuturo ay naaayon sa katuruan ng Bibliya. Malalagot sa Panginoon ang manlilinlang o magiging dahilan ng pagkasala ng mananampalataya. Maging aral ito sa mga mananampalataya at sa mga nagpapaliwanag ng Bibliya. Maraming nagtuturo ng liberal na pamumuhay dahil ang kinakapitan nilang talata ay "ang Diyos ay Pag-ibig", na hindi Niya loloobing mapunta sa impiyerno ang tao kahit na tahasang saliwa sa kalooban ng Diyos ang kanilang buhay. Napakalinaw ng Levitico 18-21, ang kumikilos nang hindi banal ay lilipulin at papatayin. Tutoo, ang pag-ibig ng Diyos ay pinakita Niya ng hayagan nang ang Kanyang Anak na si Hesus ay inako ang kaparusahan sa kasalanan PARA SA MGA NANINIWALA (Juan 3:16), ngunit ang Diyos ay makatarungan din at para sa mga ayaw sa Kanya, poot ang nakalaan. Sinong magulang ang nanaising hindi isalang sa hustisya ang pumatay sa kanyang anak? Hindi pahihintulutan ng Diyos ang kasalanan na mamayagpag sa mundo magpakailanman. Pagkatapos ng kamatayan, mananagot ang bawat isa sa kanyang mga ginawa sa paghuhukom ng Diyos (1 Pedro 4:5).
Ang gilingang-bato ay lapat na malaki't mabigat na bilugang bato para sa paggiling (pagdurog) ng mga butil ng trigo habang pinaiikot ito. Sa gitna ng bato ay isang butas kung saan dumidiretso ang mga nagiling (pulbos) nang butil. Ito ang butas na kung iimahinahin ay isusuot sa ulo para maisabit sa leeg ng mananagot dahil sa mali niyang katuruan. Kaya madaling maisalarawan na sa bigat ng batong nakapatong sa gurong mapanlinlang, madali siyang lulubog sa tubig (Hades) at hindi na makakaahon pa. Malagim na paalala pero mas maigi nang mag-ingat kaysa maging pabaya sa ating pagpapaliwanag ng katotohanang nakapaloob sa Salita ng Diyos.

Talata 7 Sa sinamang-palad, ang tukso at kasalanan ay namamayagpag sa mundo. Mas abot-kamay ang pangaakit ng kasamaan sa panahong ito kumpara sa ilang dekadang nakalipas, kaya mas madaling magkasala ngayon kaysa sa panahong nabuhay ang ating mga ninuno. Ang tukso mas lalong lalala sa Dakilang Kapighatian (Revelation 18). Tinuturo ng Bibliya na ang tao ay responsable sa kanyang sarili, na mayroong siyang kalayaang mamili. Pananagutan niyang siyasatin at isabuhay kung ano ang tutoo't tama at tanggihan ang kasinungalingan at mali. Makikita sa mundong ito ang galamay ng kaaway. Pansinin na lang ang mga batas na pinaiiral sa mga bansang tulad ng Canda at Sweden na ang layon ay tanggalin ang alituntuning naaayon sa Kautusan ng Diyos. Ang layunin ng kasamaan ay lubos na malinaw, iligaw ang tao papalayo sa mapagpalayang kaligtasang alok ni Hesukristo. Ang mga panlilinlang na ito ay LALALA at darating nang buong lakas sa Dakilang Kapighatian ayon sa plano ng Diyos.
Ngunit kalunós-lunós ang kahihinatnan ng mga tao na pasimuno ng mga panlilinlang na ito, ang kanilang kapalaran ay tulad ng kay satanas at mga demonyo (Pahayag 20:10-14).

Mga Talata 8-9 Kamay, paa at mata. Ang kamay ang ginagamit sa pagtrabaho, ang paa sa paglalakbay, at ang mata sa pagtanaw ng mga bagay. Hindi dapat bigyan ng pagkakataon ang mga ito (at ibang parte ng tao) na mahulog sa kasalanan. Sa paghayag ng mga kasabihang ito, tinuturo ni Hesus na mas mabuti pang mawala ang mga bahaging ito na nagdudulot ng pagkakasala kaysa mapunta sa Lawa ng Apoy.

Talata 10 Mahalaga ang mga bata sa mata ng Diyos. Ito ay nalalapat sa parehong literal na mga bata o mga bagong pinanganak-muli (born-again) na Kristiyano. Ang mga magulang (literal o espirituwal) ay dapat tiyaking tama at naayon sa Salita ng Diyos ang tinuturo sa mga bata. Bakit? Bukod sa malaking pananagutan sa harapan ng Diyos, laging nasa harap ng Diyos Ama (naguulat) ang mga anghel nila. Lahat ng ginagawa ng isang tao sa lupa ay alam ng Diyos at nakasulat sa Aklat (Pahayag 3:5, 20:12, Malakias 3:16, Juan 3:16, 1 Juan 5:3) na siyang bubuklatin sa paghahatol. Ako mismo ay naniniwala na ang bawat bata, ay may sariling tagapangalagàng anghel. Ang ilang mga komentaryo ay may opinyon na itong talata ay hindi dapat maging tanging batayan ng paniniwalang ito.

Talata 11 Ang RSV ay walang teksto nito, ngunit isinama sa MBBTAG; "Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang iligtas ang napahamak." dahil sa maraming manuskrito ang talatang ito ay hindi nakasulat ngunit ito ay isang magandang panimula sa mga talata 12-14. Malinaw ang talata, si Hesus na Siyang Anak ng Tao ay naparito upang mamatay para sa kasalanan ng tao at palayain sa kaparusahan nito.

Talata 12 Ang naligaw o nawalang tupa dito ay karugtong ng pangangaral tungkol sa mga bata. Hindi pangkaraniwang iniiwan ng isang pastol ang kanyang mga alagang tupa (99) dahil sa posibleng mga panganib (mga lobo, demonyo at satanas). Pero sa talinhagang ito, idiniin ni Hesus kung gaano kahalaga ang bawat mananampalataya. Ang 99 na tupa ay sumisimbolo sa mga nagtitiwala sa Pastol (Hesukristo), at ang naligaw na tupa ay siyang naligaw ng landas o nawalan ng tiwala sa Pastol. Itinuro ni Hesus sa Kanyang mga alagad ang kahalagahan ng mga tupa sa Kanya at bilang Mabuting Pastol, titiyakin Niyang hanapin at maibalik sa Kanyang pastulan ang mga nawawala sa tamang landas.

Talata 13 May kagalakan sa langit kapag ang isang makasalanan o naligaw na mananampalataya ay nagbalik-loob.

Talata 14 Hindi nais ng Diyos na may mapahamak, sa halip binibigyan Niya ng pagkakataon na ang tao'y magsisi (2 Pedro 3:9) at sumampalataya kay Hesukristo bilang Panginoon at Tagapagligtas (sa ilalim ng patnubay ng Banal na Espiritu). Ang tao ay likhang mahina, ang mananampalataya ay maaaring matisod at mahulog sa mga panlilinlang ni satanas. Nais ng Diyos na alagaan ng mga pastol (mga disipulo, mga pinuno ng simbahan) ang Kanyang kawan, maski ang naliligaw na tupa (nahulog na mananampalataya) upang ang lahat ay sumasampalataya kay Hesukristo ay hindi mapahamak.

Talata 15 Pumunta at sabihin sa kanya ang kanyang kasalanan, sa pagitan mo at siya lamang. Ito ay nagpapahiwatig ng isang personal na pag-uusap na hindi nalalaman ng iba. Ang obligasyong ito ay nakasalalay sa bawat mananampalataya kahit na hindi pinuno ng simbahan. Ang paguusap na ito ay sa pagitan lamang ng nagawan ng kasalanan at ng nagkasala. Ang pangaral na ito ay alinsunod sa utos sa Levitico 19:17. Ang kasalanan ay sanhi ng pagkawalay sa pagitan ng Diyos at ng tao. Ito'y nagdudulot ng pagdadalamhati ng (Efeso 4:30) at paghadlang (1 Tesalonica 5:19) sa pagkilos ng Banal na Espiritu sa buhay ng Kristiyano. Ang layunin ng personal na pakikipag-usap ay upang ipaunawa ang kasalanang nagawa at ayusin ang relasyon bilang magkapatid sa Panginoon.

Talata 16 Kung ang personal na pagkikipag-usap ay hindi naging sapat at ang sinabihang kapatid ay tumangging makinig, magsama ng isa o dalawang pang tao upang ang lahat ng pag-uusapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Sa puntong ito, hindi pa kailangan isangguni ang pagkakasala sa mga pinuno ng simbahan. Ang pagdala ng isa o dalawang tao ay para masaksihan nila ang inyong pag-uusap. Naiiba ito sa kautusang nakasulat sa Deuteronomio 17:6; 19:15 na dapat may dalawa o tatlong saksi na magpapatotoo sa lubhang kasalanan laban sa Diyos o krimen bago siya hatulan.

Talata 17 Kapag hindi pa rin ba nakinig ang may sala at tumangging kilalanin ang kanyang kasalanan (ano man ang anyo nito), maaari na itong sabihin sa simbahan. At kung maging sa iglesya ay ayaw pa rin niyang making, siya'y dapat na ituring na parang Hentil o isang maniningil ng buwis. Ang disiplinang ipapataw sa kanya ay kahihiyang tanggalin siya bilang miyembro ng simbahan ni Kristo. At sa inspirasyón ng Banal na Espiritu, sinulat ni Apostol Pablo (1 Corinto 5:5) na ibigay kay satanas yaong taong imoral sa simbahan ng Corinto upang masira man ang kanyang katawan, maliligtas naman ang kanyang espiritu sa araw ng Panginoon.

Talata 18 Tingnan ang Juan 20:23. Sa Gawa 8:19-24, nagkasala si Simon na salamangkero laban sa Banal na Espiritu at wastong sinabihan ni Pedro na; "marumi ang puso mo sa paningin ng Diyos". Si Pablo ay nanghatol at ipinahatid kay satanas ang isang suwail na mananampalataya sa 1 Corinto 5:15, 16:22. Tingnan din ang Galacia 1:8-9. Dito ay ibinigay sa mga Apostol (hindi lamang kay Pedro, Mateo 16:19), mga pastor at pinuno, at maging sa buong simbahan ang awtoridad na gapusin at kalagan upang isakatuparan ang paghahari ni Hesus sa Kanyang iglesya.

Talata 19 Ang magkaisang pagsang-ayon ng dalawang mananampalataya sa paghiling ng anuman ay ipagkakaloob ng Ama sa langit. Ang pagkakaisang kahilingang ito ay dapat naayon sa kalooban ng Diyos para sa kapakanan ng Kanyang kaharian.

Talata 20 Bakit mahalaga ang dalawa o tatlo nagtitipon sa Pangalan ni Hesus? Dahil sasamahan sila ni Hesus sa kanilang kalagitnaan. Sa mga bansang inuusig ang Kristiyanismo, hindi mahalaga ang isang malaking simbahan. Kahit may dalawang mananampalataya lamang ang magsama upang pag-usapan at iangat ang Diyos ng Bibliya ang Diyos ay kikilos doon.

Talata 21 Walang isang tupa ang maaaring mawala, ang mananampalataya na nagkakasala, ay kailangang paalalahanan hanggang tatlong beses; ng personal, may kasamang 1 o 2 saksi, at sa huli, ng simbahan. Ngunit ngayon ay may tanong tungkol sa pagpapatawad. Ito ay pangunahing katuruan sa Kristiyanismo, kaya ang tanong na ito ni Pedro at ang sagot ng Panginoong Hesus ay nauukol para sa lahat ng Kanyang tagasunod.

Talata 22 Ayon sa kaugalian ng mga Hudyo, ang tumanggap ng kawalang-katarungan, ay obligadong magpatawad. Ang pagpapatawad na ito ay dapat maganap sa presensya ng mga saksi at dapat na ulitin ng tatlong beses kung ang nasaktan ay hindi bukal sa loob na makipagkasundo. Ang pang-apat na pagkakataon ay hindi kinakailangan. Si Pedro nang nagtanong ay hinigitan ito sa paggamit ng pitong beses. Mula kay Hesus, natutunan niya ang pagpapatawad pero ngayon ay hinihingi niya kung ano ang hangganan ng kapatawaran.
Ginamit ni Hesus ang Genesis 4:24. Si Cain ay 7 beses na naghiganti, ngunit si Lamech ay 77 beses. Ang pitumpu multiplikahin ng pito ay 490 beses, sa kasabihan ng mga Hudyo ito'y pagbibilang ng kawaláng-hanggán. Kung ikukumpara sa walang limitasyong paghihiganti ni Lamech, kabaligtaran naman ang sa simbahan dahil ang turo ni Hesus ay hindi maghiganti kundi magpatawad. Ang Diyos Ama ay lubusang pinatawad ang kasalanan ng mananampalataya sa pamamagitan ng kanyang pananalig sa Kanyang Anak bilang Tagapagligtas. Kapag ang isa ay tumanggap ng kapatawaran ng Diyos, pero hindi naman siya handang magpatawad ng iba (Talata 28-30) ang pakikisama sa Diyos ay nasisira. Hindi ito likhang madali sa tao, isipin ang sitwasyon ng mga taong kinulong sa kampong piitan. Si Corrie Ten Boom ay inabuso sa kampong piitan sa loob ng maraming taon, at ang kanyang pamilya ay pinahirapan at pinatay doon. Gayunpaman, kailangan niyang patawarin ang kumander ng kampo ng Nazi, nang hilingin niya ang kapatawaran kay Corrie.

Talata 23 Hindi tao ang nagtatakda ng hangganan ng pagpapatawad, ang karapatang ito ay sa Diyos. Ang isang talinghaga ay sumunod tungkol kung paano ito isabuhay sa Kaharian ng Diyos. Ang kapatawaran ng Diyos ay inaalis kung ang isang tao, na nakatanggap ng kapatawaran Niya, ay hindi handang magpatawad sa sinumang lumapit na may utang o sala sa kanya.

Talata 24 Ang isang Griego o Attic na talent ay 26 kílogramo. Ang isang Roman talento ay 32.3 kílogramo. Ang isang Egyptian talento ay 27 kílogramo at ang isang Babylonian talent ay 30.3 kílogramo. Ang isang talento noong sinaunang panahon ay napakalaking halaga, ito'y isang tiyak na timbang ng ginto o pilak, at sa Bagong Tipan ng Bibliya ito ay katumbas ito ng 34.2 kilogramo. Ang halaga ay katumbas ng 6,000 arawang sahod, o ang sahod ng 20 taong paggawa.
Ang utang na kinailangang bayaran ng may-utang sa Hari ay 20 taon na arawang sahod x 10000, iyon ay 200 libong taon ng arawang sahod. Isang hindi mababayarang halaga. Ang kapwa lingkod na may pagkaka-utang sa may-utang sa Hari ay nagkakahalaga ng 100 denaren, o 100 arawang sahod na ikatlong bahagi ng taunang sahod. Sa madaling salita, ang unang utang ay 60 milyong arawang sahod kumpara sa pangalawang utang na 100 arawang sahod. Ang unang utang ay 600,000 beses na mas malaki. Para madaling ihambing (aspect ratio), isipin ang agwat ng 600,000 dolyares sa 1 dolyar.

Talata 25 Ang pagbebenta ng asawa ay ipinagbabawal sa Israel, habang sa ganap na pagkabangkarote ang pagbebenta ng mga anak ng may-utang ay huling paraan. Samakatuwid ang pagbebentang ito na kasama ang asawa ay tumutukoy sa kagawian sa isang bansang hindi Hudyo. Ang presyo ng isang alipin ay nasa pagitan ng 500-2000 denario, habang ang utang na ito ay umabot sa isang daang milyong denario. Dito ay malinaw ang walang pag-asang makabayad ang lingkod ng hari. Gayundin ang utang ng tao sa Diyos dahil sa ating araw-araw na kasalanan ay walang pag-asang sitwasyon para makamit ang kapatawaran maliban sa pagbabayad ni Hesukristo sa ating pagkaka-utang sa Ama at ipagkasundo sa Kanya ng tayo'y manalig sa Kanyang alok na kaligtasan.

Talata 26 Nanikluhod ang alipin at nagmakaawa sa hari na bigyan siya ng panahon para makabayad siya. Sinasabi niyang babayaran niya ang lahat, gayunpaman sa kanyang isip alam niya na ito ay imposible at hindi niya kayang isauli ang kanyang utang.

Talata 27 Nahabag sa kanya ang hari at pinatawad sa kanyang pagkakautang at pinalaya. Tulad ng Diyos na nagkakaloob ng ganap na kapatawaran sa sinumang kinikilala na hindi niya kayang bayaran ang kanyang utang sa Diyos. Imposibleng mabayaran ninoman ang multa sa ating kasamaan, kayat ang paghingi ng awa sa Diyos ang tanging paraan para lumaya sa pagkakagapos at pang-aalipin ng kasalanan. Pinatawad tayo ng Diyos sa kaparusahan ng ating KASALANAN nang walang bayad nang ating tanggapin ang Kanyang Anak na si Hesukristo bilang Panginoon at Tagapagligtas.

>Talata 28 Ang sumusunod na eksena ay nakakagulat at nakalulungkot. Ang alagad ng hari ay pinatawad at nakalaya na sa napakalaking utang nito. Nakilala niya ang kanyang kapwa lingkod na nagmamay-utang sa kanya ng maliit na halaga. Sinakal niya ito, at marahas na siningil na tila may halong pagbabantang bayaran siya.
Hindi natin alam kung paano nakapagpa-utang ang unang alagad sa kapwa niya samantalang napakalaki ng kanyang utang sa hari. Sa anumang kaso, malinaw na ang lingkod na ito ay mainitin ang ulo at walang kontrol sa sarili, hindi lamang sa kanyang galit, maging sa paggastos kaya lumaki kanyang utang. Maging aral ito para sa mga taong walang ingat gumagamit ng kredito at nabaon sa utang na hirap nilang mabayaran. Ipinadala ng Diyos ang Banal na Espiritu sa mananampalataya para hingan ng tulong sa pagpipigil sa sarili at mamuhay ng may karunungan. Nais ng Diyos na ang kanyang mga anak ay mamuhay ayon sa karangalan at kaluwalhatian Niya at maging mabuting halimbawa sa mundo.

Talata 29 Ang kapwa alagad ay gumagamit ng parehong mga salita (maliban sa salitang "lahat") gaya ng ginamit ng unang alagad sa Talata 26 sa harapan ng hari. Maaaring hindi ginamit ang "lahat" dito dahil maliit lamang ang utang.

Talata 30 Binale wala ang pakiusap ng kapwa niya, sa halip ay walang awa niyang pinakulong ito na mas lalong magpapalubog sa kanyang pagkakautang dahil aalisan siya ng pagkakataong kumita't magbayad ng kanyang utang.

Talata 31 Nakita ito ng ibang mga lingkod (talata 23). Nasaksihan nila ang kapatawaran ng napakalaking utang ng unang alagad. Nalungkot sila at nagtungo upang ipaalam ang kaganapan sa hari.

Talata 32 Pinatawag ng hari ang alagad upang magsalaysay tungkol sa kanyang pag-uugali sa kanyang kapwa lingkod. Siya ay humiling at nakatanggap ng habag mula sa hari para sa kanyang sarili, ngunit para sa kanyang kapwa, hindi man lang siya naawa at nakipagkasundo. Kayat sinumbatan siya ng hari; "Napakasama mo! Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin."
Kinuha na ni Hesukristo sa krus ng Kalbaryo ang lahat ng kasalanan at kaparusahan nito. Dahil dito kailangan lamang ng tao na humingi ng awa upang patawarin at tanggapin si Hesukristo bilang kanyang Tagapagligtas. Kaya naman, tulad ng Diyos, ang mananampalataya ay inutusang magpatawad at mahalin ang kanyang kapwa tao (kahit ang kaaway). Kung tutuusin ang lahat ng Kristiyano ay dating kaaway ng Diyos na pinatawad Niya dahil kay Kristo (Romano 5:10). Ang ating utang sa Diyos ay napakalaki at hindi natin kayang bayaran. Kung ano ang ginagawa ng isang tao sa atin, ay hindi maihahambing sa ginawa natin laban sa Diyos.
At sa pamamagitan ng kuwentong ito, ang tanong ni Pedro tungkol sa kung ilang beses dapat magpatawad sa kapwa, ay nasagot.

Talata 34 Ang hari na noong una'y naawa sa kanyang alagad, ngayon ay nagbago ang trato't naging malupit. Walang ibang dapat sisihin kundi ang lingkod dahil sa kanyang pagiging maka-sarili at marahas sa kapwa niya. Pinakitaan siya ng habag ukol sa napakalaking utang, ngunit siya mismo ay walang awa sa kapwa na napakaliit lang ng utang. Sa galit ng hari, siya'y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran nang buo ang kanyang utang, tulad ng pagtrato niya sa kanyang kapwa na may utang sa kanya.
Ipinakita ng Diyos Ama ang Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan at ang Kanyang Anak ay handang inako ang parusa sa kasalanan sa krus para sa kaligtasan ng tao. Ipinamalas ng Panginoon ang Kanyang habag sa tao na walang kakayahang magbayad ng utang kaya Siya Mismo ang gumawa ng paraan. Nasa indibidwal na nakaatang kung tatanggapin ang alok na ito ng Diyos at suklian ng karapat-dapat na pagsamba sa pagsuko ng kanyang buhay sa ilalim ng pangunguna ng Banal na Espiritu. Kung tatanggihan ito, ang sisisihin ay walang iba kundi ang índibidwál, na nakakalungkot ay daranas ng poot ng Panginoon, sapagkat ang ating Diyos ay apoy na tumutupok (Hebreo 12:29) at ang tao'y kailangang magbayad ng utang sa Lawa ng Apoy.

Talata 35 Mangyaring tandaan na sa talatang ito, si Hesus ay hindi nangungusap sa mga hindi naniniwala kundi sa Kanyang mga tagasunod. Kaya ang ginamit Niyang salita ay "kapatid", samakatuwid ito'y patungkol sa mga mananampalataya kay Kristo. Ang Kristiyanong hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid (palagay ko kasama rin ang hindi mananampalataya) na humihingi ng kapatawaran o kaluwagan sa utang, sa harap ng hukuman ni Kristo (2 Corinto 5:10) ay kailangang managot at magdusa ng pinsala. Ang lawak ng epekto nito sa kaligtasan, ay hindi nakasaad sa talatang ito. Ayon sa ilan, ang mananampalataya ay puwedeng mawalan ng buhay na walang hanggan. Sa personal kong pananaw ay ayaw kong umabot sa ganoon, ngunit malinaw na ang pag-uugaling ganito ay mayroong konsekuwénsiyá!

Balik sa MenuBalik sa itaas


Kasal at diborsyo - Mateo 19

Tribes of IsraelMga Talata 1-2 Si Hesus ay umalis sa Galilea at tumawid sa Ilog Jordan patungo sa lupain ng Judea, sa kabila ng Ilog Jordan. Ito ay nagpapatunay na ang Israel ay hindi nagsasagawa ng pananakop sa mga teritoryo ng Jordan, dahil ang lugar na ito ay pag-aari na ng Israel noong panahon pa ni Hesus. Ang United Nations ang hindi gumagalang sa Diyos, sa Bibliya at sa sinaunang bansa.

Talata 3 Sa pagkakataong ito ay ang mga Pariseo nasa kabila ng Ilog Jordan, na nag-isip ng mala-patibong na tanong kay Hesus na angkop sa talakayan noong panahong iyon. Ang paaralan ng Hillel ang nagdeklara na ang diborsiyo ay legal at ang paaralan ng Sjammai ay kinikilala ang diborsiyo ngunit base sa hindi gaanong tanggap na mga dahilan ng diborsiyo. Nais ng mga Pariseo na dalhin si Hesus na salungatin ang batas ni Moises para Siya'y paratangang laban sa Kautusan.

Mga Talata 4-6 Gayunpaman, si Hesus ay humugot at tumukoy sa mas maagang panahon kaysa kay Moises, binalikan Niya ang unang panahón ng paglikha ng Diyos. Ang pinagbasehan Niya ng Kanyang sagot ay ang Maylikha Mismo, ang Kanyang Ama, na walang alinlangang mas nakakataas kaysa kay Moises. Nang nilikha ng Diyos ang unang lalaki't babae at pinagsama bilang magasawa, sila'y naging isa (Genesis 2:24). Ang kasal ay itinatag ng Diyos mula sa simula ng paglikha, at ang pagkakaisang ito ay binubuo ng dalawang tao; lalaki at babae. Walang puwang dito para sa bigamya at pag-aasawa ng higit sa isa. Nilabag nina Haring David at Solomon ang institusyong kasal ng Diyos dahil sa kanilang poligamya (maraming babaeng asawa o kerida) na naging sanhi ng kanilang pagkahulog.
Samakatuwid walang sinumang tao ang may karapatang paghiwalayin ang pinagkaisa ng Diyos at labagin ang Kanyang layunin a kasal.
Nagsisimula ang kasal sa alter nang magsumpaan ang lalaki't babae sa harapan ng Diyos, o noong unang panahong wala pang seremonyas, sa pakikipagtalik sa pagitan ng lalaki at babae. Walang pakikipagtalik bago ang kasal (fornication), gaya ng inilalarawan ng mga salita ni Maria sa Lucas 1:34! Ang saloobin at paggalang sa Salita ng Diyos ay nagbabalik sa atin sa utos ng Diyos na ibinigay kay Moises 4000 taon na ang nakalilipas. Samakatuwid, ngayon (2000 taon pagkatapos ni Maria, 6000 taon na ang lumipas mula ng nilikha ng Diyos si Adan at Eba) HINDI natin dapat sabihin na hindi na napapanahon ang kasagraduhan ng kasal sa henerasyong ito. Ang mananampalataya na nakikipagtalik bago ang kasal ay nagpapakita na siya ay WALANG RESPETO sa DIYOS) at huwag asahang pagpalain ng Diyos ang kanilang relasyon hanggang sa pagsisihan nila ang kanilang kasalanan at magpakasal bilang paggalang sa Maylikha ng kasal.
Napakalinaw ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 6:16; "Hindi ba ninyo alam na nagiging isa ang katawan ng bayarang babae at ng nakikipagtalik sa kanya? Sapagkat sinasabi sa kasulatan, Ang dalawa'y magiging isa." Sa gayon ay binanggit ni Pablo ang Genesis 2:24, na ang pakikipagtalik ay isang pagkakaisa sa pagitan ng lalaki at babae. Mula sa sandaling ang isang lalaki at isang babae ay nagtalik, ang dalawa ay para nang ikinasal sa mata ng Diyos. Kung hindi ito nirerespeto, hindi sila nagpapakita ng paggalang at takot sa Diyos. Ang sigaw ng kultura ngayon ay "makaluma na yan", at dahil nga walang pagkakakilanlan sa Diyos at kawalan ng pagpipigil sa sarili ay nahuhulog sa tukso. Mas mabuting sirain ang relasyong ito kaysa panatilihin. Malinaw na ipinakita ng pananaliksik na ang antas ng diborsiyo sa mga taong nakipagtalik bago ikasal ay mas mataas kaysa sa mga magkaparehang pumasok sa kasal bilang mga birhen. Ito'y ay hindi nakakagulat. Ang pag-aasawa ay nangangailangan ng paggalang sa isa't isa. Ang kawalan ng paggalang at pagpipigil sa sarili ay humahantong sa mga tensyon na maaaring humantong sa diborsyo. Kaya ang mga magkapareha na mas kaunting tensyon sa pag-aasawa ay mas mababa ang mga diborsyo. Alam ng Diyos kung ano ang pinakamainam para sa tao, sa kasong ito wala dapat sekswal na relasyon bago ang kasal.

Talata 7 Ipinagtanggol ng mga Pariseo ang kanilang sarili sa pagbanggit kay Moises at sa pagtatag ng panukalang batas ng diborsiyo, tingnan ang Deuteronomio 24:1-4. Si Hesus at ang mga Pariseo ay parehong tumutukoy sa Kasulatan, ngunit ang kinakapitan ng mga Pariseo ay ang iniutos ni Moises na isang kompromiso, sapagkat hindi iyon ang orihinál na institusyon na likha ng Diyos noong panahon ng paglikha.

Talata 8 Malinaw ang sagot ni Hesus na noong pasimula ng paglikha, HINDI kasama sa disenyo ng Diyos ang diborsyo. Pero dahil sa katigasan ng ulo ng tao, ipinahintulutan ni Moises ang hiwalayan ng mag-asawa sanhi na rin ng hindi pagtanggap ng kaparaanan ng Diyos at ng pagnanasa ng laman; hindi sapat ang magkaroon ng isang kabiyak. Ang panukalang batas ng diborsiyo ni Moises ay may layunin, para hindi iwanang walang karapatan ang babae. Tingnan at pag-aralan kung ano ang itinuro ni apostol Pablo sa Pangalan ni Hesus sa 1 Corinto 7.
Oo, ngunit paano sa mga kaso ng pambubugbog (karahasan) sa loob ng kasal, mga kaso ng pangaabuso sa alkohol at droga? Ito ang aking personal na tugon, umalis sa bahay at pumunta at manirahan sa isang ligtas na lugar (kasama ang mga bata). Ngunit bilang mananampalataya, huwag humiling ng diborsiyo. Gayundin walang sekswal na relasyon sa ibang tao. At sakaling lumaya ang asawa sa alkoholismo o droga, maaaring makipagkasundô at magbalikan, sa gayon ay magpatuloy ang samahang mag-asawa (kasal).

Talata 9 Kapag ito ay tungkol sa pakikiapid (kalaswaan) o pakikipagtalik sa ibang tao, ang kasal ay tunay na nawawasak. Dahil sa pangangalunya, ang sumpaan ng kasal ay nawawalang bisa.
Ang kasal bilang institusyon ng Diyos ay nagaatas sa parehong mag-asawa na maging tapat sa isa't isa. Ito'y habambuhay na katapatan hanggang sa kamatayan.
Sa panahon ni Hesus, mababa ang katayuan ng mga babae, sa Palestina pinahintulutan na ang mga lalaki ay magkaroon ng mga babae (kerida) at ang mga lalaki lamang ang may karapatang paalisin (diborsyohin) ang kanyang asawa.
Ang kontrobersyal na tanong ay; pinahihintulutan ba ni Hesus sa talatang ito na puwedeng mag-asawa ulit ang isang diborsyado kung siya ang hindi nakiapid (walang sala)? Ang partidong nagkasala ng pangangalunya ay siyang nagpawalang-bisa ng kasal sa pamamagitan ng sekswal na relasyon niya sa iba, sa gayon ay nangalunya. Ang mga opinyon ay nahahati sa interpretasyon ng talatang ito ukol sa inosenteng asawa. Naniniwala ang ilan na dito ay hindi binibigyan ni Hesus ng lisensya ang inosenteng partido na magpakasal muli. Kaugnay din ito ng 1 Timoteo 3 bilang isang babae. Ang iba (kasama na ako) ay naniniwala na dahil sinira na ng nangalunya ang kasal, pinahihintulutan ni Hesus ang inosenteng kapareha na malayang manatiling walang asawa o magpakasal muli. Ngunit sa pagalang-alang sa pangaral sa 1 Timoteo 3 sa kaso ng muling pag-aasawa ay wala akong sagot. Doon ay nahahati rin ang mga opinyon, maging sa loob ng simbahan.

Talata 10 Hindi naiintindihan ng mga alagad ang intensyon ng paliwanag ni Hesus. Bakit hindi ipinapayong magpakasal gayong ang karamihan ay may sekswal na pangangailangan? Ilang kasal ang hindi nagtatagal na walang mga problemang sekswal? Ang antas ng diborsyo ay humigit-kumulang 40%, ang 60% ay nananatiling kasal. Ang kasal ay isang institusyon ng Diyos mula sa simula ng paglikha, ginawa Niya ang kasal at ang sekswal na relasyon. Ang sabi ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 7:9 na "mas mabuting mag-asawa kaysa hindi makapagpigil sa matinding pagnanasa" at sa talata 5 ay nagpaalala na; "Huwag ninyong ipagkait ang inyong sarili sa isa't isa, maliban na lamang kung napagkasunduan ninyong huwag munang magsiping sa maikling panahon upang maiukol ninyo ang inyong mga sarili sa pananalangin. Ngunit pagkatapos, muli kayong magsiping upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil."
Ginagamit ng Simbahang Katoliko ang talatang ito at mga sumusunod bilang panawagan para sa hindi pag-aasawa (celibacy). Ngunit ito ay salungat sa institusyon ng kasal ng Diyos at sa mga salita ni Apostol Pablo. Sa mga Hudyo, obligasyon ng taong relihiyoso (Pariseo) na mag-asawa, at maging ang kanilang mga pari o saserdote ay hindi pinipigilang magpakasal.

Mga Talata 11-12 Sumagot si Hesus tungkol sa kawalan ng pang-unawa ng mga alagad sa pamamagitan ng pagbibigay ng tatlong halimbawa o kategorya:

  1. Isinilang mula sa sinapupunan ng ina na walang pagnanasa (maaaring isang kapansanan).
  2. Ang eunuch na tinuli ng mga tao (castration) na ipinagbabawal sa Israel, isipin ang isang bating sa isang harem.
  3. Ang taong mananampalataya na ganap na inialay ang sarili sa Diyos at hindi nag-aasawa. Sa halip ay inuukol ang buhay sa pag-aaral ng Salita ng Diyos at sa gawain Niya (ang Kaharian ng Langit). Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay binibigyan siya ng lakas upang pigilan ang anumang sekswal na pagnanasa.

Pinatunayan ni Hesus ang institusyon ng kasal ng Diyos. Gayunpaman, ang kusang-loob na hindi nag-aasawa upang ganap na italaga ang sarili sa Kaharian ng Diyos ay binibigyan ng isang lehitimong lugar sa ilalim ng iglesya ni Hesukristo. Maiisip natin si Pablo, na palagay ko pagkatapos ikasal (at namatay ang kanyang asawa?) ay nanatiling walang asawa. Isa siyang dating Pariseo, kaya't kinailangan niyang mag-asawa. Tingnan ang maraming karanasang isinulat niya tungkol sa kasal.

Pagpapatong ng mga kamay - Mateo 19:13-15

Talata 13 Pagkapangaral ng institusyon tungkol sa kasal (at ang utos ng Diyos na magparami) ay sinundan ng salitang "pagkatapos". Pagkatapos ay dinala ang mga bata kay Hesus. Alam nating si Hesus ay banal at dalisay, na wala Siyang anumang uri ng kasamaan. Sa mga pamayanang charismatic at pentecostal, nakagawian na at naging kultura ang magpataw ng mga kamay sa panahon ng panalangin at pagpapala sa mga bata, batay sa talatang ito. Sa Bagong Tipan, wala tayong mababasa kahit saan na ang pagpapatong ng kamay sa mga bata ay minana o ipinagpatuloy ng mga Apostol. Seryoso ang babala ni Apostol Pablo sa 1 Timoteo 5:22; "Huwag mong ipapatong agad ang iyong kamay sa sinuman upang bigyan ito ng kapangyarihang mamahala. Ingatan mong huwag kang masangkot sa kasalanan ng iba; manatili kang walang dungis." Sa gayon, palagay ko, malinaw na ang kasalanan ng ibang mananampalataya ay naililipat sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Maraming mga kaso kung saan sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay (sa mga bata, mga serbisyo ng panalangin) ang kasalanan ng nananalangin ay naililipat sa kung kanino ang mga kamay niya ay ipinatong. Bahagyang iyon ay dahil hindi alam ng iba ang nakatagong kasalanan ng nagdasal. Mayroong mga kaso na pagkatapos ng pagpapatong ng mga kamay ay nangalunya, nangbugbog, naglasing, gumagamit ng droga, atbp.
Iyan ay hindi nakakagulat, ang pagpapatong ng mga kamay ay PAGLIPAT. Ipinatong ng mga pari ang kanilang mga kamay sa handog para ang mga kasalanan nila at mga tao ay ilipat sa alay; ang hayop na isasakripisyo para sa kapatawaran ng KASALANAN. Dagdag pa rito, alam natin ang pagpapatong ng mga kamay sa basbas ng AMA (Jacob) sa kanyang mga anak. Sa Bagong Tipan ang pagpapatong ng mga kamay ay naganap sa paglilipat (paghirang) ng tungkulin at pagpapagaling; nang hinirang ni Ananias si Pablo na inatasan ng Diyos (Gawa 9:10-18), nang ang konseho ng matatandang pinuno ng iglesya ay nagtalaga kay Timoteo sa kanyang tungkulin (1 Timoteo 4:14), sa Santiago 5:14 ang pagtawag sa matatandang pinuno ng iglesya upang ipanalangin ang may sakit at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon.
Kapag si Hesus ay nagbabasbas HINDI palaging ipinapatong Niya ang Kanyang mga kamay. Sa mahimalang pagpaparami ng pagkain, itinaas ni Hesus ang Kanyang mga kamay sa langit at binasbasan ang mga tao, gayundin nang binabasbasan ng pari ang mga tao.
Ang ilang mga simbahan nakabatay ang kanilang pagbibinyag sa sanggol sa talatang ito, ngunit hindi ito ang tamang batayan. Sa debosyon ng sanggol, mayroon ding pagpapatong ng mga kamay, ang aking opinyon ay dapat itong gawin ng pastor at mga pinuno ng simbahan ng sabay.
Sa madaling salita, seryosohin natin ang payo ni Pablo tungkol sa pagpapatong ng mga kamay at huwag gamitin bilang isang kultural na kasanayan at maging mulat sa mga panganib. Sa mga "magnetizer", ang pagpapatong ng mga kamay ay karaniwang gawain, kung saan ang mga tao ay gumaling. Mahirap sabihing ang pinagmumulan nito ay ang Diyos Ama at si Hesukristo (sa kabila ng mga teksto ng Bibliya sa kanilang mga silid sa pagkonsulta).
Sinisikap ng mga alagad na pigilan ang mga tao na dalhin at pagpalain ang kanilang mga anak ni Hesus. Kailangan nating tingnan ang reaksyong ito mula sa pananaw ng mga Hudyo ng panahong iyon na hindi binibilang (o pinahahalagahan masyado) ang mga bata. Kailangang makinig at matuto ang mga bata. Sa kabilang banda, ang mga batang Hudyo ay hindi kapos sa lambing, niyayakap ng pagmamahal, maingat na pinalalaki at tinuturuan ng mga magulang; isipin ang birheng Maria na may alam sa sekswalidad kahit sa murang edad (Lucas 1:34).

Talata 14 Si Hesus ay muling itinama ang maling pag-iisip ng mga disipulo. Mula sa mga salita Niya, maliwanag na ang mga bata din ay bahagi ng Kaharian ng Langit. Hindi dapat pigilan ang mga bata na lumapit kay Hesus. Kahit na bata pa pero nasa yugto na ng katwiran (ano man ang edad) ay may kakayanan nang sumampalataya at tanggapin si Hesukristo bilang Panginoon at ilagay ang kanyang buhay sa ilalim ng patnubay ng Banal na Espiritu. Ang tungkulin ito ay nakasalalay sa mga magulang na gabayan at turuan ang anak (Deuteronomio 6:4-7). Sa personal kong opinyón, wala akong nakikitang pagtutol na ang mga bata (mga sanggol) ay lumahok sa Hapunan ng Panginoon, ngunit ang bata na may kamalayan, ay kailangang malaman kung ano ang tunay na kahalagahan nito. Ang mga anak ng tapat na mga magulang ay pinabanal dahil sa (mga) naniniwalang magulang.

Talata 15 Pinagpapala ni Jesus ang mga bata at ipinatong ang mga kamay. Tandaan lamang na si Hesus ay ganap na dalisay at walang pinsalang maaaring ilipat.

Pagsunod kay Hesus - Mateo 19:16-30

Talata 16 Isang binata (talata 20) ang lumapit kay Hesus. Tinawag niya ang Panginoong "Guro", na isang pagkilala na Siya ay isang awtoridad sa interpretasyon ng Torah. Mula sa kanyang tanong; "anong mabuting bagay ang DAPAT KONG GAWIN upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?" ay malinaw na walang kamalayan sa kasalanan at iniisip niya na sa pamamagitan ng sariling mga gawa ay maaaring makapasok siya sa langit - isang kaisipang Katoliko at karaniwang maririnig sa mga tao. Ang pag-iisip ng mga Hudyo ay ang kapalaran ng tao ay nakasalalay sa pagsunod niya sa Torah. Kailangan lang tumingin sa sampung utos at mapagtatanto natin na walang sinuman ang makakasunod nito. Isipin mo na lang na mahalin ang Diyos. Sinong tao ang kayang magmahal ng tunay at lubos sa Panginoong Diyos?

Talata 17 Tinutukan ni Hesus ang salitang "mabuti". Ang Diyos lamang ang mabuti. Walang tao ang mabuti at wala talagang may kakayahang gumawa ng mabuti upang makapasok sa langit dahil sadyang makasarili't makasalanan ang tao. Ang kalooban ng Diyos ay ipinahayag sa Torah; ang pagkilala ng tao na siya'y makasalanan na kailangang iligtas. Tinuro siya ni Hesus sa Torah, sa mga utos na ibinigay ng Diyos kay Moises.

Mga Talata 18-19 Pinanatili ng kabataang lalaki ang kanyang pagiging inosente, at nagtanong ng "Alin sa mga iyon?" Tinutukoy ni Hesus ang ikaanim hanggang ikasiyam na utos mula sa Exodo 20 at imbes na ikasampung utos; "ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili" mula sa Levitico 19:18. Kakatwa, hindi tinutukoy ni Hesus ang unang apat na utos na tungkol sa pagpaparangal at ibigin ang Diyos.

Talata 20 Ayon sa binata, siya ay aktibong sumusunod sa mga utos ng Torah na binanggit ni Hesus. Alinsunod sa mga turo ng rabbi, ang tao ay nagtataglay ng sariling kakayahang mapanatili ang buong Torah. Tila, ito rin ang pananaw ng taong ito. Ngunit dahil kinikilala niya si Hesus bilang awtoridad, at maaaring may pagdududa sa kanyang puso, sinundan niya ng isa pang tanong; "Ano pa po ang dapat kong gawin?"

Mga Talata 21-22 Tumugon si Hesus ng may paghamon kung nais niyang maging perpekto. Ang ganap (tamin) ay siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos. Walang taong may kakayahang gawin ito kundi ang Anak ng Tao. Nais ng Diyos ang kabutihan ng lahat ng tao, mayaman man o mahirap. Kayat ang sagot ni Hesus ay; "ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin." Tingnan din ang 1 Corinto 3:11-15.
Nang narinig ng binata ang tugon ni Hesus, nalungkot siya dahil napakayaman niya. Umalis siya sa presénsiyá ni Hesus dala ang kasagutan hanap niya ngunit bigong makamit ang pagkakataong maging disipulo ni Kristo. Mabigat ang hamon ni Hesus na ipagbili niya ang LAHAT ng kanyang ari-arian at ipamahagi ang LAHAT sa mga mahihirap. Wala bang puwedeng itira para sa kanya kahit kaunti? Alam ng Panginoon ang puso ng lalaki, na hindi ang binata ang tunay na may hawak sa kanyang kayamanan. Sa halip, ang kayamanan ng binata ang tutoong may hawak sa kanya. Bukod tanging binigay ni Kristo ang payo na ito sa kanya upang palayain siya sa kapit ng karangyaan (kaimbutan). Puwedeng sabihin na dino-diyos ng lalaki ang kanyang kayamanan kaya hindi niya kayang bitawan ito para magkaroon ng kayamanan sa langit at maging tagasunod ni Hesus.
Hiniling ni Hesus na ibenta niya ang lahat ng kanyang ari-arian at sundan si Hesus; walang tahanan, pagala-gala, simpleng buhay. SUMUNOD KA SA AKIN. Hindi kinaya ng binata halaga na hiningi ng Panginoon para maging alagad Niya. Ang kanyang kumpiyansang pahayag sa talata 20 ay hindi niya napanghawakan hanggang sa huli. Ito ay hindi katulad ng mayayaman sa Gawa 4:34-35.

Talata 23 Ang kayamanan mismo ay hindi masama, ngunit kung ito'y hindi kayang ialay sa paanan ng Diyos para sa Kanyang Kaharian, maaari itong maging diyos-diyosan. Itinalaga ng Diyos ang tao bilang katiwala kaya ang bawat isa ay may pananagutan sa Kanya. Bukod sa pasasalamat, huwag dapat kalimutan ninoman na anuman ang mayroon ka ay ipinagkaloob lamang ng Diyos at Siya ang tunay na May-ari. Bitbit ang ganitong pananaw, puwedeng gamitin ng mayaman ang kanyang ari-arian para sa ikaluluwalhati ng Diyos at ikabubuti ng kapwa lalo na ang mga mahihirap. Maaari siyang magkaroon ng kumpanya na nagbibigay trabaho, puwedeng sumuporta sa ebánghelismo at misyon, maaaring sumagot sa suweldo ng pastor, atbp.

Talata 24 Binigyang-diin ni Hesus na napakahirap para sa mayayaman na makapasok sa kaharian ng langit. Dahil sa karangyaan, marami sa mga may-kaya ang naniniwalang hindi nila kailangan ang Diyos, kayat malayo silang sumampalataya at mamuhay ayon sa mga utos at kalooban ng Panginoon. Walang kamelyo ang kayang dumaan sa butas ng karayom, ngunit may mga eksepsiyon sa mga mayayaman, na ibinibigay ang kanilang sarili at ari-arian sa paghahari ng Diyos. Tulad ni Zaqueo, ang punong maniningil ng buwis sa Jerico, na nagbigay ng kanyang mga ari-arian ayon sa Lucas 19:1-10.

Talata 25 Ang mga alagad ay nagtaka sa kanilang narinig, kayat nagtanong sila, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?”

Talata 26 Ang sagot ni Hesus ay malinaw; “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.” Ang Banal na Espiritu ay kayang bigyan ng kumbiksiyón ang tao sa kanyang kasalanan at kalooban ng kaunawaan at pagsisisi, tulad ng kay Zaqueo. Malinaw na sa kapahayagan ni Hesus na kapwa mayaman at mahirap ay kailangan ang Diyos upang makapasok sa Kaharian ng Langit. Ang kayamanan at kahirapan ay parehong maaaring humadlang matagpuan ang tunay na kayamanan na na-kay Kristo lamang.

Talata 27 Nagsalita si Pedro para sa mga kapwa niya alagad; Tinalikuran NAMIN ang lahat "at kami'y sumunod sa inyo." Isinuko na nila ang kanilang mga trabaho upang sundan si Hesus. Iniwan din nila ang kanilang mga pamilya sa bahay at naglakbay kung saan man nagpunta si Hesus. Kaunti lang ang alam natin tungkol sa pamilya ng mga disipulo. Si Pedro ay may biyenan, samakatuwid siya'y pamilyado. Tingnan ang 1 Corinto 9:5.
Ang tanong nilang; "Ano po naman ang para sa amin?" ay maaaring maunawaan bilang kung ano ang matatanggap nila kapalit ng kanilang pagsuko't pagsunod kay Hesus?

Talata 28 Kayo na sumunod sa Akin, kayong 12 Apostol (ngunit alalahanin ang taksil na si Hudas ay pinalitan ni Apostol Pablo) ay uupo sa labindalawang trono upang mamuno sa 12 tribo ng Israel. Sa Bagong Daigdig, kasama sila ni Hesus pamunuan ang buong lipi ng Israel. Tingnan ang Pahayag 4:4 na may 24 na matatandang pinuno kung saan ang 12 sa kanila ay ang mga Apostoles ni Kristo.

Talata 29 Ang gantimpala sa pagsunod at paggawa ng kalooban ni Hesukristo ay inihayag sa Mateo 25:31-46 at 1 Corinto 3:11-18.
"Alang-alang sa Akin"; ang sinumang isinuko ang kanyang tahanan, mga pamilya at ari-arian upang gawin ang kalooban ng Diyos ay tatanggap ng sandaang ibayo at pagkakalooban ng buhay na walang hanggan.

Talata 30 Ang talata na ito ay nilinaw sa Mateo 20. Itinuturo nito na ang "mga manggagawa ng ikalabing-isang oras" ay tratratuhin sa parehong paraan tulad ng mga taong nagtrabaho nang habambuhay para kay Hesukristo.

Balik sa MenuBalik sa itaas


Ang mga manggagawa sa ubasan at ang kanilang mga suweldo - Mateo 20

ViñedoTalata 1 Ang oras ng trabaho ng mga manggagawa ay nagsimula sa madaling araw at natapos sa paglitaw ng mga bituin. Ang may-ari ng ubasan ay nangangailangan ng mga manggagawa para mamitas ng mga ubas.

Talata 2 Nagkaroon ng negosasyon sa mga manggagawa at napagkasunduan na ang sahod nila ay isang denario. Dahil sa ganap na kakaibang paraan ng pamumuhay noong panahon ni Hesus, walang paghahambing sa halaga sa Euro o Dolyar.

Talata 3 Ang ikatlong oras, alas nuebe ng umaga, nakita ng may-ari ang mga tatayu-tayo lamang sa palengke. Ang araw para sa mga Hudyo ay nagsisimula sa paglubog ng araw (nakaraang araw). Gayunpaman, ang mga oras ay binibilang mula sa pagsikat ng araw. Ang gabi ay hinahati sa apat na pagbabantay.

Talata 4 Gayundin ang mga walang trabahong ito ay inalok ng trabaho sa kanyang ubasan, ngunit walang sinabi ang may-ari kung ano eksakto ang kanilang sasahurin. Tinanggap nila ang trabaho nang hindi alam kung ano ang kanilang matatanggap na suweldo. Ang sabi lang ng may-ari ay magbibigay siya ng karampatang sahod.

Mga Talata 5-7 Katulad din ang nangyari sa ikaanim, ikasiyam at ikalabing-isang oras. Ayon kay Origenes ang mga oras na ito ay maaaring iba't ibang edad (o tagal ng panahon) kung saan tinanggap ng tao si Hesukristo bilang Tagapagligtas.
Ang ikalabing-isang oras ay ika-lima ng hapon. Ang trabaho ay dapat tapusin kaya iyon ang dahilan kung bakit ang may-ari ay muling naghanap kung mayroon pang mga kamay na magagamit upang matapos ang trabaho sa kanyang ubasan.
Bakit ka nakatayo dito nang walang ginagawa buong araw? Malamang ang mga walang trabahong ito ay nagabang buong araw at naghintay hanggang sa may kumuha sa kanila. Kinontrata din sila ng may-ari.

Talata 8 Ayon kay Levitico 19:13 ang sahod ay kailangang bayaran sa parehong araw; "Huwag ninyong ipagpapabukas ang pagpapasweldo sa inyong mga manggagawa." Tinatawag ng may-ari (Diyos) ang katiwala (Hesukristo) upang bayaran ang sahod. Simula sa huli, iyon ang mga natanggap sa ika-labing isang oras.

Talata 9 Ang mga manggagawang ito ng ikalabing-isang oras ay tumanggap ng tig-isang denario, buong araw na sahod, sa kabila na sila ay nagtrabaho lamang ng isang oras. Iba ang pangangasiwa ng may-ari dito kaysa sa inaasahan. Samakatuwid, kahit na sa paglubog (katandaan) ng kanyang buhay sumampalataya kay Hesukristo ay tatanggap din siya ng walang pinag-kaibang buhay na walang hanggan sa Langit. Walang pagkakaiba kung nanampalataya kay Hesus nang bata o katandaan.

Talata 10 Sa sukatan ng tao, inaasahan ng mga manggagawa mula sa unang oras na mas mataas ang kanilang sasahurin. Tutal, buong araw silang nagtrabaho at hindi lang isang oras.
O kailangan ba nating isipin ang mga pastor, ebanghelista o misyonero na nagsimulang magtrabaho para kay Hesus sa murang edad kumpara sa mga naglingkod lamang kay Hesus sa mga huling taon ng kanilang buhay? O ang bilang ng mga taon na ang isang mananampalataya ay nabuhay o ang katagalan na ng kanyang pagiging Kristiyano? Sa palagay mo, ang parabola bang ito ay sumasalungat sa 1 Corinto 3:10-15?

Mga Talata 11-12 Ang sahod na ito, sa kabila ng napagkasunduan sa may-ari, ay hindi nagustuhan ng mga manggagawa ng unang oras ang kanilang natanggap. Umaangal sila dahil sa kanilang palagay, lugi sila. Ang kanilang argumento ay; "Isang oras lamang nagtrabaho ang mga ito na huling dumating, samantalang maghapon kaming nagtrabaho at nagtiis sa nakakapasong init ng araw. Bakit naman pinagpare-pareho ninyo ang aming upa?" Ihambing din ang reaksyon ng panganay na anak sa kuwento ng alibughang anak (Lucas 15:11–32).

Mga Talata 13-16 Pinaalala ng may-ari ang kasunduan nila na isang denario. Hindi pinabulaanan ng may-ari ang kanilang tinrabaho, sa halip ay itinuro ang napagkasunduang suweldo. Siya ang soberanong Panginoon, ang May-ari ng ubasan. Ibig sabihin, si Hesukristo ang soberanong Diyos ng ubasan; ang Kanyang simbahan. Malaya Siyang maging mapagbiyaya sa kanino man Niya nais.
Begrudge: mainggitin, bigyan ng mas kaunti ang iba, malisya. Pagkabukas-palad: Nais ng Diyos na magkaloob ng buhay na walang hanggan sa bawat isa, maaga man o huli silang sumampalataya. Ikumpara si Jonas na nagreklamo dahil sa huling sandali ang Nineve ay nagsisi, nakatanggap ng kapatawaran ng Diyos at naligtas. Naisip ko ang kuwento ng isang mamamatay-tao na hinatulan ng kamatayan pero naniwala siya kay Hesus bago hinatulan ng silya elektrika. Humingi siya ng tawad sa mga magulang ng kanyang pinatay at tinanggap na tama lang ang hatol sa kanyang kamatayan. Hindi dapat pagtakhan kung bakit iniligtas ni Hesus ang isang mamamatay-tao, bukás-palad at malaya ang Diyos na ipagkaloob ang Kanyang grasya dahil Siya ay soberano at punong-puno ng awa.
Ang mga alagad/mananampalataya ay hindi maaaring igiit ang kanilang mga karapatan. Ito ay biyaya ng Diyos, ito ay gawain ng Banal na Espiritu, na nagbibigay-daan sa mananampalataya na magtrabaho sa ubasan, ang Kaharian ng Langit, ang Simbahan ni Hesukristo.

Pumunta si Hesus sa Jerusalem - Mateo 20:17-34

Talata 17 Si Hesus ay pumunta sa Jerusalem, Siya mismo ay naghahanda na para sa mabigat Niyang misyon, kung saan Siya'y kukutyain, hahagupitin at ipapako sa krus. Walang alinlangan na maraming tao ang sumusunod sa Kanya, kaya inihiwalay Niya ang labindalawa at ipinaliwanag kung ano ang mangyayari.

Talata 18 Sa pagakyat sa Jerusalem magbabago ang sitwasyon. Mula sa pagiging Mesiyas na kilalang nagpapagaling at nagpapalayas ng mga demonyo, sa isang Mesiyas na magdurusa at mamamatay para sa kaligtasan ng Kanyang mga tupa. Siya ay pagmamalupitan ng mga relihiyosong pinuno ng mga Hudyo at hihilingin ang Kanyang kamatayan mula sa mga Romano.

Talata 19 Ang mga relihiyosong pinuno ng mga Hudyo ang maghahatid kay Hesus sa mga Hentil (si Pilato, ang pinunong Romano). Bukod sa Sanhedrin, ang mga Hentil (hindi Hudyo) ay ganap ding responsable sa pagpapako kay Hesus. Ang mga sundalong Romano ay kukutyain, hahagupitin at ipapako si Hesus sa krus makatapos Siyang ihatid ng mga punong saserdote, mga eskriba at ng buong Sanhedrin. Kaya't ang pagkamatay ni Kristo ay parehong nakaatang sa mga Hudyo't Hentil.
Mapanukso: ang sarkastikong panunuya ng mga Romano.
Ang paghagupit ay ginawa ng mga Romano, gayundin ng mga Hudyo sa kanilang sinagoga.
Ang pagpapako sa krus ay pinahintulutan lamang na isagawa ng mga Romano at ito'y parusang hindi ginagawa ng mga Hudyo. Ang kaparusahang nakasulat sa Torah ay ang pagbabato, pagbibigti (isang sinumpa ng Diyos sa Deuteronomio 21:22-23) at pagsunog sa apoy (Levitico 20:14, Josue 7:15, 25), kaya walang kremasyón sa pagkamatay ng isang mananampalataya. Ang kremasyón ay ang pagsusunog sa apoy na inihahalintulad sa parusa mula sa Diyos. Ang isang mananampalataya ay inililibing lamang (bumabalik sa alabok Genesis 3:19).
Kailangang dalhin ng mga hinatulan ng krusipiksyon ang lintel sa lugar ng pagbitay. Doon ang katawan ay ipinapako sa lintel at pagkatapos, ang lintel kasabay ang katawan ng hinatulan ay itinataas sa isang poste na nakatayo sa lupa. Ang dalawang paa ay pinapako gamit ang isang pako sa poste. Iba-iba ang taas ng krus. Lampas lang sa laki sa tao o mas mataas para makita mula sa malayo. Sa isang plato ay nakasulat ang dahilan ng paghatol at isinasabit ito sa krus.
Ginamit ni Mateo ang balintiyák upang linawin na ito ay ang Diyos Ama, na muling binuhay si Hesus sa ikatlong araw.

Talata 20 Ayon sa kaugalian ng mga Hudyo, ang ina ang nagnanais ng ikabubuti para sa kanyang mga anak kayat siya ang humiling kay Hesus. Tila kinikilala ng ina ni Santiago't Juan si Hesus bilang Mesiyas dahil sa talata 21 sinabi niyang "sa Iyong kaharian". Siya'y patuloy na susunod kay Hesus hanggang sa Kalbaryo. Nang may paggalang yumuko siya sa lupa at tinanong si Hesus. Alam niya ang kanyang lugar.

Talata 21 Nakita ni Hesus ang kanyang pagyuko at nagtanong; "Ano ang gusto mo?" Si Hesus ay paakyat sa Jerusalem, ang siyudád ng trono ng Anak ni David. Siya ay umaasa sa pagluklok ni Hesus bilang Hari. Ayon sa kaugalian ng mga Hudyo, ang pinakamahalagang tao ay nasa gitna, ang pangalawang mahalaga ay sa kanan at ang pangatlo (bunso) ay sa kaliwa. Malamang na wala siya noong sinabi ni Hesus na itinuring si Pedro bilang bato at kung kanino ibinigay ang mga susi ng Kaharian.

Talata 22 Direktang kinausap ni Hesus ang dalawang anak niyang lalaki nang walang galit at paratang, sa tanong na "Kaya ba ninyong tiisin ang hirap na malapit ko nang danasin?" Ang kopa ay may kahulugan ng "kapalaran". Sinabi na ni Hesus ang Kanyang kapalaran ilang beses at ang huli ay nasa mga talata 18-19.

Talata 23 Iinumin niyo ang aking kopa. Ayon sa Gawa 12:2, si Santiago ay ipinapatay ni Haring Herodes sa pamamagitan ng tabak. Kung si Juan ay namatay bilang martir ay hindi binanggit sa Bibliya. Ayon kay Papias, oo. Pero ayon kay Irenaeus, hindi. Malamang si Juan ay namatay ng natural na kamatayan sa Efeso.
Ngunit ang pag-upo sa kung saang lugar sa Kaharian ng Langit, ay itinakda ng Diyos Ama at hindi ni Hesus Mismo.

Talata 24 Ang ibang mga alagad ay nayamot sa kahilingang makuha ang pinakamataas na lugar sa tabi ni Kristo.

Mga Talata 25-26 Gayunpaman, nilinaw ni Hesus ang patungkol sa kadakilaan sa Kanyang kaharian. Tinukoy Niya ang mga makamundong pinuno na ginagamit ang kanilang kapangyarihan at kayamanan para sa kanilang sariling kapakanan at sa kapinsalaan ng mga taong kanilang nasasakupan na pinapatawan ng mabibigat na buwis. Hindi ganoon sa Kaharian ng Diyos. Doon, nais ng Haring Hesus ang pinakamahusay para sa Kanyang mga tao. Magiging dakila ang sinumang mapaglingkod. Ibinigay ni Hesus ang Kanyang buhay upang maging halimbawa na kahit na Siya ay Hari, dumating Siya para maglingkod. Siya ang naunang huwaran. Ang paglilingkod sa Diyos ay pagtupad sa utos na mahalin ang iyong kapwa.
Ang alipin ay itinuring na hamak, mababa. Sa Kaharian ng Diyos, ang may-ari at alipin ay pantay-pantay sa isa't isa, walang nakaka-angat.

Talata 28 Katulad ng Anak ng Tao, kaya sumusunod sa halimbawa ni Hesus. Iniwan ni Hesus ang lahat ng kaluwalhatian at kapangyarihan sa langit at bilang isang sanggol ay pumarito sa lupa. Ipinanganak bilang isang tao, iniwan ang Kanyang karangyaan sa langit. Siya ay naparito upang tanggapin ang kaparusahan sa kasalanan, hinagupit, hinamak, tinuya ng Hudyo at Romano (hentil) at namatay sa krus para sa kaligtasan ng tao.
Ang pantubos ay ang halaga na kailangang bayaran para sa isang bilanggo o alipin upang siya ay maging malaya. Ibinayad ni Hesus ng Kanyang sariling buhay at tinanggap ang kaparusahan sa kasalanan bilang pantubos sa mga taong mananalig sa Kanya bilang Tagapagligtas.

Talata 29 Ang Jerico ay isang lugar sa daan patungo sa Jerusalem, maunlad at mayaman.

Talata 30 May dalawang bulag na nakaupo sa tabi ng kalsada, malamang humihingi ng limos para sa kanilang ikabubuhay. Nang marinig nilang dumaraan si Hesus, sila'y hindi nahiyang nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!” Tinawag nilang "Panginoon" at "Anak ni David" si Hesus, ang mga titulong ito ay pagkilala na Siya ang Mesiyas. Ang Anak ni David ay Siyang inaasahan ng mga Hudyo na magliligtas sa kanila at pupuksa sa mga kaaway ng Israel.

Talata 31 Sinaway sila ng mga tao at pinatahimik. Ngunit hindi sumusuko ang dalawang bulag, lalo silang nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!” Alam nilang kayang pagalingin ni Hesus at iligtas sila sa kanilang kalagayan.
Maging tutoo ka: Iniiwasan mo ba ang mga taong gustong makilala si Hesus? Sinasabihan mo ba silang manahimik para makapakinig ka ng sermon? O isinasantabi mo ba ang tao upang ipaliwanag ang Ebanghelyo? Nagpapakita ka ba ng awa sa kanila?

Talata 32 Si Hesus ay nagpakita ng pagpapahalaga sa kanila't huminto sa paglalakbay. Tinatawag niya ang mga ito at tinanong kung ano ang gusto nila. Syempre alam na ni Hesus kung ano ang gusto nila. Bago pa man magisip o magsalita ang tao, alam na ni Hesus kung ano ang kailangan at hinahangad niya. Gayunpaman sa Kanyang pagtatanong, nais ni Hesus na makipag-ugnayan sa iyo kahit na alam Niya ang lahat.

Talata 33 Sumagot sila ng may paggalang; “Panginoon, gusto po naming makakita!”

Talata 34 Si Hesus ay nahabag at hinipo ang mga mata nila at agad silang nakakita. Napakaganda ng tugon ng dalawang dating bulag sa pagtrato at pagpapagaling sa kanila ni Kristo; "sila'y sumunod sa Kanya."

Balik sa MenuBalik sa itaas