Ang Diyos ay kaalaman  

Magandang Balita

Pag-aaral ng Bibliya sa Mateo 1-10

  1      2      3      4      5      6      7      8      9      10     11-20    21-26   27-28 

Larawan ng mga eksena sa Mateo
Larawan ng mga eksena sa Mateo

Panimula sa Mateo

Mateo (Koinè Ματθαίος, Matthaíos, isang hellenisasyon ng Hebrewo מתי/מתתיהו, Mattay ng Mattithyahu, "kaloob ni JHWH") ay isa sa labindalawang apostol na tinawag ni Hesus. Siya ang kinikilalang tradisyonal na manunulat ng Ebanghelyo ni Mateo, ngunit ang iba ay naniniwala na ang may-akda ay isang Hudyo na nagsasalita ng Griyego mula sa Syria. Ayon sa pinakamatandang saksi ng Kristiyanismo, si Papias (Obispo sa Asya Minor mga 130) at Marcion ay kinilala din nilang si Mateo ang siyang sumulat.
Ang Ebanghelyo ni Mateo ay ang una sa mga Ebanghelyo sa Bagong Tipan. Karaniwang ipinapalagay na sinulat ni Mateo ang kanyang Ebanghelyo sa Griyego dahil walang bakas ito ng Hebreo o Aramaic. Ang bokabularyo ay Griyego at ang mga salitang tulad ng ikalawang pagdating, na muling pagsilang at katapusan ng mundo ay walang katulad sa Hebreo. Ang Ebanghelyo ay isinulat humigit-kumulang sa mga taong 64-85 AD, at maaaring batay sa mga tala na ginawa ni Mateo sa panahong kasama siya ni Hesus. Kung tutuusin, dahil siya'y dating maniningil ng buwis na kailangang nagsusulat at nag-uulat ng kanyang nakolektang buwis, marahil ay nagamit niya itong kasanayan upang isalaysay ang kanyang mga nasaksihan. Ngunit sinabi rin ni Hesus na ang Banal na Espiritu ay darating na Siyang magpapaalala ng mga salita ni Hesus, kaya itong Ebanghelyo ay tinuturing na kinasihang Salita ng Diyos.
Ang panahon ng Kristiyano ay nagsimula sa pagsilang kay Hesus. Ayon sa mga makabagong istoryador, si Hesus ay ipinanganak ng ilang taon makalampas ng taong 00, tinatantiyang mga 4 AD. Ang mga sinaunang Hudyo ay nakaugaliang turuan ang kanilang mga anak gamit ang pananalita (oral traditions). Ang Ebanghelyo ay pangunahing pinangaral at pinasa sa pamamagitan ng bibig (pananalita). Ipagpalagay na ang mga Apostol ay halos kasing edad ni Hesus, kung gayon hindi kataka-taka na ang mga Ebanghelyo ay isinulat mga 70 AD, mga 40 taon makalipas ang pag-akyat sa langit ni Kristo. Nang ang mga naunang disipulo ay nasa may katandaan na, nakita nila ang kanilang nalalapit na pagpanaw at pangangailangang isulat ang kanilang mga patotoo.
Ang pagtawag kay Mateo ay inilarawan sa aklat na nagtataglay ng kanyang pangalan sa Bagong Tipan, Kabanata 9:9: "Pag-alis ni Hesus doon, nakita niya si Mateo na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo nga si Mateo at sumunod sa kanya." Levi ang tawag sa kanya nina Marcos at Lucas, kaya madalas din siyang tukuyin bilang si Mateo Levi.
Si Mateo ay anak ni Alfeo. Siya ay maniningil ng buwis sa Capernaum. Ang Capernaum ay matatagpuan sa lugar na pinamumunuan ni Herodes Antipas, samakatuwid siya ay hindi isang Romanong opisyal pero nasa serbisyo ng Roma. Marahil si Mateo ay maalam sa sining ng pagsusulat.
Ang Ebanghelyo ni Mateo ay nagbibigay sa atin ng maraming mahahalagang katotohanan at aral. Si Hesus ay nagbigay ng higit sa 200 tunay at praktikal na mga aral kung paano nais ng Diyos mabuhay ang mga tao, pagtugon sa mga mapanghamong kondisyon, at ang pagpili tungkol sa walang hanggan. Kabilang sa ilang halimbawa ang: pagkakaroon ng pananampalataya (9:29), pagharap sa pagkabalisa (8:26), kung paano sinasagot ng Diyos ang mga panalangin (8:2), ang pangako ng kaligtasan (10:22), pagsunod sa Diyos (15:19), pagmamahal sa kapwa (19:19), mga sakripisyo (20:22), paglutas ng mga legal na isyu (5:25), kung paano magbigay sa iba (6:2), pagpapatawad sa nagkasala sa iyo (6:14), paglaban sa mga tukso (4:2), mapagkunwari (23:28), pagkilala kay Kristo (10:32), at ang representasyon ng langit at impiyerno (13:49-50).
Pinagmulan: bijbel1.wikispaces.com

Talâangkanan - Mateo 1

Sinundan ni Mateo ang pagbanggit sa Talâangkanan (geneology) ni Hesus na isang ganap na tradisyon ng mga Hudyo. Ang talâangkanan ay pinahahalagahan noong panahong iyon para patunay na ika'y mula sa lahi ng Israel. Sa katunayan, ang mga lalaki lamang na may walang kapintasan ang lipi ang tinatanggap sa paglilingkod sa templo (Ezra 2:62-63). Maging sa Israel ngayon ay kailangang patunayan ng isa ang kanyang ninuno. Ang Sanhedrin ay may tungkuling suriin ang katumpakan nito. Ibinigay ng Hudyo manunulat na si Flavius ​​Joseus ang listahan ng kanyang mga ninuno sa panig ng kanyang ama na sumasaklaw ng 200 taon.
Ang Talâangkanan ni Hesus ay inilatag sa hulwarang 3 x 14 na mga pangalan. Ang isang posibleng paliwanag dito ay ginamit ni Mateo ang pamamaraang apokalíptiko ng mga Hudyo na 7 x 70 taon = 490 taon o 3 x 14 sálinlahì, o ang kasaysayan ng lipi ng Hudyo mula kay Abraham hanggang kay Hesus. At upang mapanatili ni Mateo ang hulwarang 14, nag-iwan siya ng 3 pangalan sa pagitan nina Jehoram at Uzias. Sa tradisyon ng pamana ng mga Hudyo ang mga lalaki lamang ang lehítimong may karapatan. Ngunit makikita natin ang mga pangalan ng apat na babae sa talaan. Nilista ni Mateo ang linyada ng mga kalalakihan mula kay Abraham patungo kay Haring David at Haring Solomon na nagtatapos sa amain na si Jose upang ipakita na si Hesus ay galing sa Maharlikang lahi kung saan nagmula ang Mesiyas.
Ang Apat ng Kababaihan:

  1. Si Tamar, ang manugang ni Juda. Sa Genesis 38, ang asawa ni Tamar na si Er ay pinukaw ang galit ng Panginoon dahil sa kanyang kasamaan kaya siya'y pinatay ng Diyos. Gaya ng idinidikta ng kultura noon, ang kapatid ni Er na si Onan ay ibinigay (pinakasal) kay Tamar upang ipagpatuloy ang angkan ng kanyang namatay na kapatid. Gayunpaman, sinasayang niya ang kanyang binhi para hindi magbuntis si Tamar, kaya pinatay din siya ng Diyos. Si Judah, ang biyenan ni Tamar ay nangako na ibibigay sa kanya ang nagiisa na lang na (bunsong) anak na lalaking si Shela ngunit hindi niya tinupad ang kanyang salita. Samakatuwíd, nagkusa't kumilos si Tamar, nagpanggap siyang patutot para akitin si Judah na nagresulta sa kanyang pagbubuntis. Isang halimbawa ng palihis na kaparaanan at pagsuway sa kalooban ng Diyos.
  2. Si Rahab na isang patutot sa Canaan sa bayan ng Jericho, na siyang nagbigay ng kanlungan sa mga espiya (Josue 2). Isang dayuhan, sa labas sa lipi ng mga Hudyó, na nagtiwala sa Diyos ng Israel. Tinulungan niya ang mga Israelita sa paggapi ng Jericho. Siya man ay isang Hentil ngunit narinig niya ang kapangyarihan ng Diyos ng Israel at nagpasakop sa Kanya. Dahil dito, tinanggap siya ng pamayanan ng mga Hudyó.
  3. Si Ruth, ang Moabita. Ang kuwento ni Ruth ay nagmula noong nagkaroon ng taggutom sa buong bayan ng Israel at pansamantalang lumipat ang pamilya ni Elimelec at Naomi sa Moab. Doon ay nakapangasawa ang kanilang dalawang anak na lalaki ng mga babaeng Hentil, si Orpa at Ruth. Nang lumipas ang ilang taon, namatay ang mga lalaki at naiwang biyuda ang tatlong babae. Narinig nilang nanumbalik ang kasaganahan sa Lupang Pangako at nagbalak bumalik doon. Si Ruth ay piniling sumama't umanib sa lahi ng Israel at magpasailalim sa kanilang Diyos, at siya'y ginantimpalaan na makapangasawa muli; sa Hudyong si Boaz. Mula sa kasal na ito nanggaling si Obed. Si Obed ay naging anak si Jesse, na siyang ama ni Haring David.
  4. Ang asawa ni Uriah. Mangyaring bigyang-pansin na ang pangalang Bathsheba ay hindi binanggit, siya ay tinukoy dito na asawa ni Uriah na siyang pinatay ni Haring David dahil sa pagnanasa sa asawa nito. At sa kanilang pangangalunya ay nagbuntis, kaya sa kagustuhang itago ang kasalanan ay nauwi sa pagkitil ng buhay ni Uriah. Subalit walang nalilihim sa Panginoong Diyos kayat sila'y pinarusahan. Datapwat, makatapos magsisi si David ay pinagkaloob na ipanganak nila si Solomon.

Makikita na talâangkanan ng pamilya ng Panginoong Hesus ay hindi perpekto, ngunit matibay na patunay ng biyaya ng Diyos. Ang mga babaeng sila Tamar at Bathsheba ay hindi pangunahing may sala kundi ang mga lalaking sila Judah at Haring David. Sa pagsasama ng apat na babaeng ito sa talâangkanan, nakikita natin na ang biyaya ng Diyos ay hindi lamang para sa mga Israelita kundi pati na rin sa mga Hentil. Ang pagliligtas sa kasalanan ay nilalaan sa bayan ng Diyos na mga Hudyo at sa Kanyang Simbahan, na karamihan ay kinabibilangan ng mga Hentil.

Pagpapahayag ng pagbubuntis ni Maria - Mateo 1:18-25

Si Jose at si Maria ay ay nakatakda nang magpakasal (betrothed), yun ay lehitimong magkatipan nang ikasal. Sa ganitong estado, kung ang isa ay gustong makipaghiwalay, iyon ay katumbas na ng diborsiyo at nangangailangan ng kasulatan ng diborsyo. Kung ang lalaki ay namatay bago ang kasal, ang babae ay opisyal na magiging balo na may karapatan ng isang biyuda. At kung ang isa sa magkatipan ay nakipag-laguyo sa iba, siya ay papatayin sa pamamagitan ng pagbabato (Deuteronomio 22:23-24).
Hindi sinasabi sa Bibliya kung kailan at paano napansin ni Jose na buntis ang kanyang kasintahan, marahil si Maria mismo ang nagsabi nito sa kanya. Ang Banal na Kasulatan ay tahimik din tungkol sa kanilang mga edad, ang ilang mga komento ay nagsulat na si Maria ay mga 12-15 taon at si Jose ay nasa mga 30 ang edad nang nangyari ito. Sinasabi ng Bibliya na si Jose ay isang matuwid na lalaki, kaya para sa kanya ay hindi katanggap-tanggap na magpakasal sa isang babaeng nangalunya. Dahil magka-tipan na sila, kinailangan niyang maghiwalay sa pamamagitan ng isang liham ng diborsyo, bagaman sa katahimikan, dahil ayon sa batas kung ito ay maisa-publiko si Maria ay dapat batuhin hanggang mamatay. Hindi niya ginusto ito, marahil ay mahal na mahal niya ang kanyang . Posibleng sinabi sa kanya ni Maria na siya ay buntis sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ngunit iyon ay hindi kapani-paniwalang kuwento at isang kababalaghan na hindi pa nangyari noon. Tiyak na nadama ni Jose ang kabigatan ng animo'y pagtataksil ni Maria, kaya nagpadala ang Diyos ng isang anghel sa kanyang panaginip upang sabihin kay Jose ang Kanyang plano. Inihayag ng anghel sa kanya; “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Hesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.” Ang pangalang Hesus sa Hudyo ay "Yehoshua" na ang unang bahagi ay konektado sa Pangalan ng Diyos, "Yeho-", na pinaikling anyo ng Banal na Pangalang Yahweh, at ang huling bahagi "-shua" ay nangangahulugan ng kaligtasan. Kaya ang ibig sabihin ng Pangalan ni Hesus ay "Si Yahweh ang kaligtasan". Ang kasalanan ay para sa mga Hudyo ay paglabag sa kanilang batas, na lumago kasama ang lahat ng mga paliwanag sa 506 na mga atas at mga pinagbabawal. Mangyaring tandaan na ang batas ay hindi lamang ang sikat na 10 utos kundi ang buong batas ng Torah, kasama ang lahat ng mga utos ng ikapu at mga handog.
Ang mga ito'y nangyari para sa katuparan ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta; “Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin itong Emmanuel”, na ang kahulugan ay “Kasama natin ang Diyos”.
Resulta: Si Jose ay masunurin at ginawa ang iniutos sa kanya ng anghel.
Walang pakikipagtalik si Jose kay Maria hanggang matapos ang kapanganakan ng sanggol na si Hesus.

Bakit birhen na kapanganakan?
Si Eba ay naakit ng Serpyente (satanas), si Adan ay may kalayaang pumili; kumain o hindi kumain ng ipinagbabawal na prutas. Sa king palagay, hindi ang babae ang nagkasala, siya ay naakit. Ang lalaki ang nagkasala dahil sa kanyang pagpili na kumain ng ipinagbabawal na prutas. Ang kasalanan ay dumating sa pamamagitan ng lalaki sa mundo at hindi ng babae. Ang kasalanan ay ipinapasa sa mga inapo sa pamamagitan ng binhi ng lalaki, hindi ng babae. Ang birhen ay dalisay, "malaya" sa kasalanan. Si Maria noon ay hindi pa nakadanas ng pakikipagtalik kaya siya'y tinaguriang birhen. Siya ay naglihi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, sa gayon ang kanyang anak na si Hesus ay walang kasalanan. Ang taong walang kasalanan lamang ang makapagpapasan ng sakripisyo at kaparusahan ng Krus ng Kalbaryo at mamatay para sa tao at mapalaya ang sangkatauhan mula sa multa ng kasalanan na walang hanggang kamatayan sa kautusana ng apoy.

Lucas 1:5-38

5 Noong panahong si Herodes ang hari ng Judea, may isang paring Judio na kabilang sa pangkat ni Abias na ang pangala'y Zacarias. Ang kanyang asawang si Elizabeth ay mula naman sa angkan ni Aaron. 6 Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos at namumuhay nang tapat sa mga utos at tuntunin ng Panginoon. 7 Wala silang anak dahil baog si Elizabeth at kapwa sila matanda na. 8 Isang araw, nanunungkulan ang pangkat na kinabibilangan ni Zacarias at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa harapan ng Diyos bilang isang pari. 9 Nang sila'y magpalabunutan, ayon sa kaugalian ng mga paring Judio, siya ang napiling magsunog ng insenso. Pumasok siya sa Templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng insenso, 10 habang nagkakatipon naman sa labas ang mga tao at nananalangin. 11 Nagpakita sa kanya doon ang isang anghel ng Panginoon na nakatayo sa gawing kanan ng altar na sunugan ng insenso. 12 Nasindak si Zacarias at natakot nang makita niya ito. 13 Ngunit sinabi ng anghel sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang iyong panalangin. Ang iyong asawang si Elizabeth ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa bata. 14 Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya. Marami ang magagalak sa kanyang pagsilang 15 sapagkat siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. 16 Sa pamamagitan niya'y maraming Israelita ang magbabalik-loob sa kanilang Panginoong Diyos. 17 Mauuna siya sa Panginoon na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang kanilang mga anak, at panumbalikin ang mga suwail sa karunungan ng mga matuwid. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.” 18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko matitiyak na mangyayari iyan? Ako'y matanda na at gayundin ang aking asawa.” 19 Sumagot ang anghel, “Ako'y si Gabriel na nakatayo sa harapan ng Diyos. Isinugo niya ako upang dalhin sa iyo ang magandang balitang ito. 20 Ngunit dahil sa hindi ka naniwala sa mga sinasabi kong matutupad pagdating ng takdang panahon, ikaw ay magiging pipi. Hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga ito.”21 Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya nang ganoon sa loob ng Templo. 22 Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya't mga senyas na lamang ang ginagamit niya. Napag-isip-isip ng mga tao na baka nakakita siya ng pangitain sa loob ng Templo. Si Zacarias ay nanatiling pipi. 23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. 24 Hindi nga nagtagal at naglihi si Elizabeth. Hindi ito lumabas ng bahay sa loob ng limang buwan. 25 Sinabi ni Elizabeth, “Ngayo'y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang aking kahihiyan sa harap ng mga tao!” 26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elizabeth, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang bayan sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!” 29 Naguluhan si Maria sa sinabi ng anghel at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pagbati. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay walang katapusan.” 34 “Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?” tanong ni Maria. 35 Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't ang kamag-anak mong si Elizabeth ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos.” 38 Sumagot si Maria, “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Pagkatapos, umalis na ang anghel.

Lucas 1:26-38 Anunsyo ng pagbubuntis kay Maria

Alam na natin kung bakit kinailangang ipanganak si Hesus mula sa isang birhen. Ngayon tingnan natin kung paano ibinigay ang anunsyo kay Maria. Si Gabriel ay isang mataas na ranggog anghel (Daniel 8:16, 9:21, Lucas 1:19) hindi lamang isang ordinaryong anghel kundi ang sugo ng Diyos ang ipinadala kay Maria. Taliwas sa karanasan ni Jose kung saan nagpakita sa kanya ang isang anghel sa isang panaginip, si Maria ay talagang binisita ni Gabriel ayon sa talata 28.
Gumamit ang anghel ng mga salitang may paggalang at huwag matakot. Naiisip mo ba kung ano ang maaaring pakiramdam ng isang batang babae (12-15 taong gulang?) nang magpakita sa kanya ang makapangyarihang Anghel Gabriel? Ipinaalam sa kanya ng anghel na siya ay magbubuntis at manganganak ng isang lalaki. Instintibo na nagulat si Maria at nagtanong sa talatang 34 “Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?” Dalawang bagay ang malinaw dito: siya ay maayos na naturuan ukol sa araling sekswalidad ng kanyang mga magulang sa murang edad (ginawa mo ba ito bilang magulang para sa iyong anak?), at pangalawa (sa kabila na ang utos na ito ay 4000 taon na ang nakakalipas) si Maria ay hindi nakipagtalik sa kanyang ka-tipan dahil ito'y pagsuway sa Diyos. Kaya't makikita din natin na iginagalang ni Jose ang utos na ito ng Diyos at siya (na may edad na mga 30 taon?) ay hindi nakipagtalik kay Maria hanggang sa tamang panahon.
Ipinaliwanag ng anghel ang paparating niyang pagbubuntis; “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos." Ang ibibigay mo sa Kanya ay ang pangalang Hesus. BAWAL siyang pumili ng pangalan para sa kanyang anak, ang pangalan ay iniatas ng Diyos. At ipinaliwanag ng anghel sa talatang 32 at 33 na Siya ay uupo sa trono ng kanyang amang si David, at sa kanyang Kaharian ay walang katapusan.
Si Maria ay ipinadala ng anghel kay Elisabeth.

Anunsyo kay Anunsyo kay Maria (YouTube).

Anunsyo kay Maria

Lucas 5-25 Pagpapahayag ng pagbubuntis kay Juan Bautista

Napakaganda ng simula ng mga talata 5 at 6: Si Zacarias na saserdote at ang kanyang asawang si Elizabeth ay mula naman sa angkan ni Aaron (ang unang mataas na saserdote). Kapwa silang namumuhay nang tapat at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Naka-eenganyong patotoo. Sino kayang Kristiyano ang maaaring bigyan ng gayong klaseng patotoo?
Pumasok si Zacarias sa templo (ang mga tao ay nakatayo sa labas) upang mag-alay. Personal na nagpakita ang isang anghel ng Panginoon, na binati siyang huwag matakot at pagkatapos ay sinabi na ang kanyang panalangin ay dininig at si Elizabeth ay manganganak ng isang lalaki sa kanilang katandaan at sinusundan ng mga tagubilin kung paano palalakihin ang bata at kung ano ang dapat asahan sa kanya (talatang 14-17).
Pero sa talatang 18 lumabas ang pagdududa. Narito ang isang (matandang) pari na may alam sa batas, na malamang alam ang tungkol kay Abraham at Sarah na - tulad nila - sa katandaan (90-100 taong gulang) ay nagkaanak pa ng isang lalaki dahil ipanangako ng Diyos. NAGDUDA SIYA sa kabila ng personal siyang binisita ng anghel. Anong kaibahan sa dalagang si Maria na agad na naniwala sa salita ng anghel kahit na ang ipinahayag na himala ay hindi pa nagyayari sa buong kasaysayan.
Si Hesus mismo ang nagsabi na kailangan nating magtiwala na parang bata. Ang isang bata ay naniniwala sa salita ng kanyang ama. Maraming mga matatandang mananampalataya ang nagdarasal sa loob ng maraming taon nang walang tugon, kaya minsan ay ramdam nila na sila'y bigo at hindi na umaasang tatanggap pa. Tayo ba ay katulad din ni Zacarias, o ni Maria sa ating pananalig sa Diyos?
Ang sumusunod ay isang seryosong babala sa talatang 19 ng sumagot ang anghel; "Ako'y si Gabriel na nakatayo sa harapan ng Diyos. Isinugo niya ako upang dalhin sa iyo ang magandang balitang ito."
Sa talatang 20 ay makikita natin na ang mga anghel ay may KAPANGYARIHAN. Pinarusahan ng anghel si Zacarias, naging pipi siya at hindi makapagsalita. Subalit maging maingat at huwag basta-basta maniwala dahil si satanas ay maaaring mag-anyong anghel ng liwanag. Tandaan na ang mga anghel ng Diyos ay sila lamang kumikilala na si Hesus ay ang Anak ng Diyos na nagkatawang tao at inaangat Siya bilang Panginoon ng lahat. HINDI ito ginagawa at kayang gawin ni satanas at mga demonyo. Si satanas at ang kanyang mga nahulog na anghel (mga demonyo) ay mayroon ding kapangyarihan, ginagamit nila ito upang linlangin ang mga tao at dalhin sa kasamaan.
Nang lumabas si Zacarias, hindi niya nagawang bigyan ng basbas ang mga taong naghihintay sa kanya. Napag-isip-isip ng mga tao na baka nakakita siya ng isang pangitain. Gayunpaman, hindi siya kaagad umuwi, tinapos muna ang kanyang paglilingkod sa templo bilang pari. Paano kaya ang mga Kristiyano ngayon, nagpapatuloy ba tayo sa ating paglilingkod kahit na salubungin tayo ng maganda (magkaka-anak na si Zacarias) o malungkot (naging pipi si Zacarias) na balita?

Balik sa MenuBalik sa Itaas


Kapanganakan ni Hesus - Mateo 2

Si Herodes ay isang napakalupit na hari, na ayon kay Flavius ​​Josephus ay pinatay ang kanyang bayaw, asawa, tatlong anak na lalaki at marami pang iba. Ayon sa Mikas 5:1-3, ang Bethlehem ang lugar kung saan ipanganganak ang Mesiyas.
Ang mga pantas ay mula sa Silangan. Ang Bibliya ay hindi talaga binanggit na sila ay tatlo, ang bilang na ito ay maaaring batay sa dala nilang tatlong regalo: ginto, kamangyan at mira. Hindi rin sinabi ng Bibliya kung saan nanggaling ang mga pantas. Posibleng sila ay nagmula sa Medes at Persia (Babylonia kung saan ang mga Hudyo ay pinatapon at tumira noong panahon ni Daniel). Posibleng ang mga pantas na ito ay may kaalaman sa pagdating ng Mesyanikong Hudyo. Sila ay mga astronomo na nag-aral ng mga bituin. Alam natin na ang mga astronomong Babylonian ang may pananagutan sa pagmamapa ng uniberso, oras at kalendaryo. Bakit sila naglakbay papuntang Jerusalem, samantalang ang langit ay puno ng mga bituin? Kaya masasabing ang bituing kanilang sinubaybayan ay may kakaibang katangian. Pansinin din na hindi ito laging nakikita dahil noong natanaw nila muli ang bituin sa Bethlehem naging labis ang kasiyahan nila. Ang pagdaan nila sa Jerusalem ay hindi kataka-taka sapagkat normál na inaasahan na ang isang hari ay ipanganak sa isang pangunahing lungsod tulad ng Jerusalem. Nang makausap nila si Herodes, wala siyang maisagot kaya pinatawag niya ang mga eskriba upang malaman kung saan ipanganganak ang Mesiyas ayon sa Banal na Kasulatan. Tumugon sila na mula sa Mikas 5:1 sa Bethlehem isisilang ang Mesiyas.
Kasunod ang kasinungalingan ni Herodes na nagsabi sa mga pantas na nais din niyang magbigay ng parangal sa bata, habang ang tunay niyang intensyon ay patayin ang sanggol upang siya lamang ay manatili sa kapangyarihan. Ang mga pantas ay lumisan at nagpatuloy sa kanilang pamamakay (pilgrimage) at sila ay nagalak nang makita nilang muli ang bituin sa itaas ng Bethlehem.
Tumuloy ang mga pantas sa bahay (hindi na ito ang panuluyan kung saan ipinanganak ni Maria si Hesus) kaya mga buwan na malamang ang nakalipas, siguro kahit isang taon, hindi binabanggit ng Bibliya ang tagal ng kanilang paglalakbay. Si Mateo sa kanyang Ebanghelyo ay gumamit ng salitang Griegong "paidion" na ibig sabihin ay bata, habang si Lucas ang ginamit ay "brephos" na tumutukoy sa sanggol.
Ang mga pantas ay nag-alay ng mga regalong ginto at iba pang mahahalagang bagay (dahil sa pagiging mahísteryo ni Hesus), insenso (gamit sa pagsamba dahil si Hesus ay Diyos) at mira (simbolo ng Kanyang kamatayan sa krus). Sa ano't anuman, ang Diyos ay naglalaan ng mahahalagang bagay upang mabuhay ang mahirap na pamilya ni Jose.
Ang mga pantas ay binalaan na huwag bumalik kay Herodes at umalis sila sa Judea sa ibang daan. Sa panaginip muling nakatanggap si Jose ng utos mula sa Diyos na pumunta sa Ehipto para ilayo sa kapahamakan ang kanyang mag-ina.
Natuklasan ni Herodes na siya ay dinaya ng mga pantas sa hindi nila pagbalik sa kanya. Hindi natin alam kung bakit naghintay siyang lumipas ang dalawang taon mula ng binisita siya ng mga pantas, pero sa kanyang kalupitan ay inutusan niyang patayin ang lahat ng mga batang lalaki na may dalawang taong gulang pababa. Sa kaganapang ito ay tinutupad ang hula ni Jeremias sapagkat alam ng Diyos na papatayin ni Herodes ang mga bata sa Betlehem. Si Raquel ay ang matriyarka ng Israel (Genesis 29), ang asawa ni Jacob na ang pangalan ay pinalitan ng Israel.
Pagkatapos ng kamatayan ni Herodes, nakatanggap muli ng utos si Jose sa panaginip (dalawang beses) na bumalik na sa Judea at manirahan sa bayan ng Nazaret. Ang Nazareth ay hinamak ng mga Hudyo (Juan 1:46).

Balik sa MenuBalik sa Itaas


Juan Bautista at ang Bautismo ni Hesus - Mateo 3

Map of the river Jordan Baptism Qasr al-Yahud Jordan Jordan

Ang pagbibinyag sa Ilog Jordan malapit sa Qasr al-Yahud, na matatagpuan malapit sa disyerto, ay ang pinaka-malamang na lugar kung saan bininyagan si Hesus. Ngayon, makitid na ang ilog ng Jordan dahil sa pagkuha ng tubig para sa irigasyon. Dahil dito, bumababa rin ang antas ng Patay na Dagat (Dead Sea).

DesiertoDesert Dead Sea

Ang disyerto ng Judea ay isang maburol na lugar ng disyerto na matatagpuan sa kanluran ng Judea at sa may Patay na Dagat (Dead Sea). Ito ay isang desyertong lugar, isang maalon lupain at tuyot na tisa na puno ng mga bato na may ilang palumpong kung saan nagtatago ang mga ahas. Ipinahayag ni Juan dito ang Kaharian ng Langit; ang mataimtim na pagsisisi sa kasalanan, pag-iwan sa makamundong buhay upang magpasa-ilalim sa pamamahala ng Diyos para sa Kanyang karangalan at kaluwalhatian. Tinanggihan ni Juan ang mamuhay sa mundong ito, kung saan ang mga tao ay makasarili at naghahangad lamang ng kayamanan at kaunlaran. "Magsisi!", yan ang sermon ng propeta, ngunit mahinang salin ito kung titignan ang kabuuan ng kanyang mensahe. Isinigaw niya ang napipintong kalamidad at kaparusahan kung hindi tunay at taos-pusong magsisisi sa kasalanan, isusuko ang lahat, magbabago't magbabalik-loob ang tao sa kanyang Tagapaglikha.
Si Juan Bautista ay ang katuparan ng propesiya na sinabi ni Propeta Isaias (40:3), si Juan ang naghanda ng daan para sa pagdating ng Mesiyas na si Hesus. Nanawagan si Juan para sa pagsisisi sa kasalanan, ipinahayag niya na malapit na ang pagdating ng Mesiyas. Si Juan ay 6 na buwan lamang ang tanda kay Hesus.
Malinaw ang pamumuhay ni John; payak lang. Isang halimbawa ng mapagkumbabâ at simpleng buhay. Nanatili't nanirahan siya sa mainit (umaga) at malamig (gabi) na disyerto, isang lugar ng pagsubok. Ang kanyang damit ay gawa sa balat ng kamelyo; matibay at matipid na kasuotan, di tulad ng pinong mamahaling damit. Ito'y pananamit na tatagal ng maraming taon, ganap na naaayon sa kanyang mensahe. Ang kinakain niya sa disyerto ay pulot na tumutukoy sa kalakasang ibinigay nito kina Samson (Mga Hukom 14:8–9) at Jonathan (1 Samuel 14:25–30). Kasama rin sa kanyang dieta ang tipaklong. Mga murang pagkain, hindi marangya ngunit sapat sa pagpapanatili sa kanyang kalusugan habang sumusunod siya sa tawag ng Panginoong Diyos.
Ang mensahe ni Juan ay nakakuha ng atensyon ng mga naninirahan sa Jerusalem at ng buong Judea at ng mga naninirahan sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. Pakitandaan na sa panahon na nina John at Hesus, ang dako sa kabila ng Ilog Jordan (na ngayon ay inookupahan ng mga Palestino) ay orihinál na kabilang sa lugar na pag-aari ng Israel. Hindi nagkakamali ang Israel na angkinin ang lugar na ito, nahihibang ang mga Palestino na SUMAKOP sa purok na iyon (sa kabilang dako ng Ilog Jordan), wala silang karapatang manirahan at kunin ang lugar na ibinigay ng Panginoong Diyos sa mga Israelita. Noong 70 AD pinalayas ng mga Romano ang mga Hudyo mula sa kanilang lupain, at kinuha ito ng ibang mga bansa. Ngunit ayon sa batas, ang kasalukuyang lupain ng Israel kasama ang dako ng Ilog Jordan ay PAG-AARI ng mga Hudyo.
Pagkatapos ng pagsisisi at pag-amin ng kasalanan, ang bautismo sa Jordan ay naganap; isang paghuhugas ng kasalanan at pagbabagong loob na nagpapasakop sa Diyos. Isang buhay sa pagsunod sa Diyos. Ang bautismo ay sumasagisag sa paglisan sa makamundong buhay at pagpasok sa Kaharian ng Diyos. Kaya ito'y ginaganap sa harapan ng mga testigo dahil ito ay isang pampublikong patotoo ng iyong pahayag; Ako ay isang makasalanan at tinatalikuran ko ang aking makamundong buhay, at pinipiling mamuhay para sa Panginoong Diyos sa natitirang bahagi ng aking buhay. Pakitandaan na ang simbolo ng umaagos na tubig ay ginagamit sa pagbibinyag, ang Ilog Jordan ay umaagos na tubig, ang dumadaloy na tubig ay naghuhugas ng kasalanan at ito'y dinadala ng agos sagisag ng paglilinis ng Diyos at sa bagong buhay kay Kristo.
Tinawag ni Juan ang mga Pariseo at Saduceo na mga anak ng ahas. Ang mga Pariseo (ibig sabihin: mga ibinukod) ay humiwalay sa mga hentil, karaniwang tao at mga makasalanan, itinaas nila ang kanilang sarili sa mga taong "hindi nakakaalam ng batas". Ginawa nila ang kanilang makakaya upang hindi mahawa o makihalubilo sa mga taong itinuturing na hindi malinis. Ang mga Saduceo, sa maraming paraan, ay kabaligtaran ng mga Pariseo; naghahanap sila ng mga kompromiso (hindi ba ganoon din ang ginagawa ng kasalukuyang Papa ng Katoliko Romano?), umaasa sila sa batas ng Diyos, ngunit walang pagkasuklam sa kulturang Griyego (kamunduhan). Sila ay mga lipi ng pari, na karaniwang pinagmumulan o pinagkukunan ng mataas na saserdote (high priest). Tingnan ang Mga Gawa 23 para sa kanilang pagkakaiba sa pananampalataya. Ngunit mayroon silang pagkakahalintulad: pareho silang naniniwala na sa pamamagitan ng sariling gawa (good works) ay makakapasok sila sa Langit. Kaya't hindi nakakagulat na tinawag sila ni Juan na mga anak ng mga ahas: hindi nila tinururo't isinasabuhay ang magpapakumbaba't magsisi, sa halip sa pamamagitan lamang ng sariling gawain ay makakapasok sa Langit.
Hindi kataka-taka na sila ay dumating din para sa pagbinyag ni Juan. Nais ng mga Pariseo at Saduceo na umiwas sa paghatol (poot) ng Diyos. Nakaakit si Juan ng maraming tao, at ang mga Pariseo at Saduceo ay natakot na mawala ang kanilang impluwensya at kapangyarihan sa mga Hudyo. Hindi ba sa huli'y ito ay humantong sa pagpapako kay Hesus? Tumugon si Juan sa kanila ng; patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo'y talagang nagsisisi at magpakita ng bunga na kayo'y tunay na nagbalik-loob sa Diyos (bunga ng Espiritu Santo; Galacia 5:22, Efeso 5:9).
Ang pagiging kabilang sa angkang pangako ni Abraham ay hindi garantiya ng buhay na walang hanggan sa Langit. Ang pagsampalataya sa Diyos ng amang si Abraham ang dahilan kung bakit siya'y itinuring ng Panginoon bilang isang taong matuwid (Genesis 15:6), at ang kanyang pananampalataya ay pinatunayan ng kanyang mga gawa (Santiago 2:20-24). Ang pananampalatayang walang gawa ay patay at hindi humahantong sa buhay na walang hanggan sa Langit.
Kapag ang Israelita o nagpapahayag na mananampalataya ay hindi nagbubunga, ang palakol ay nakalatag na sa puno upang putulin at sunugin sa apoy (ng impiyerno). ( Mateo 7:16-18; 12:33; 13:8; Lucas 13:6-9, 1 Corinto 3:10-16 ). Kapag ang mananampalataya ay hindi namumunga, malabo kung siya ay makapapasok sa Langit. Si Juan Bautista at ang Panginoong Hesus ay kapwa nangaral na magsisi sa kasalanan, hindi lamang ang mga kasalanan ng nakaraan kundi ang wakasan ang makasalanang buhay at mamuhay ayon sa kalooban ng Panginoong Diyos na may pagpapahalaga sa Kanyang alituntunin. Ang palakol ng pagsuway ay naramdaman sa mga Hudyo noong 70 AD sa pagkawasak ng Jerusalem. Ang mga propeta ng Lumang Tipan, si Juan Bautista, ang Panginoong Hesus at ang Kanyang mga Apostoles ay paulit-ulit na tinawag ang mga Hudyo para magsisi. Ang kanilang katigasan ng puso ang nagpabagsak sa kanila, at ang Jerusalem ay nawasak, ngunot ang Ebanghelyo ay patuloy na kumalat sa buong mundo. Maging babala ito sa mga hentil (pati na rin sa mga mananampalataya) na may masamang kinahihinatnan ang mga nabubuhay sa kasalanan at nanatiling makamundo. Ang tunay na mananampalataya ay inaasahang mamunga, kung hindi, suriin mo ang iyong sarili kung tunay ka ngang alipin ni Hesus dahil ang palakol ay nakaambang na para putilin ang hindi Kanya.
Ang apoy dito ay tumutukoy sa walang hanggang apoy (talata 12, 25:41), na inihanda para kay satanas at sa mga nahulog na anghel (mga demonyo). Kung gayon ang Diyos ba ay walang awa? Ang Diyos ay mapagtiis (mga halimbawa ay si Lot, Haring Saul), ngunit ang lahat ay may hangganan. Ang kasamaan at pagsuway (lalo na ang katigasan ng puso) ay mayroong kahihinatnan, ang lahat ay may kahihinatnan. Ang Diyos ay pag-ibig, ngunit HINDI Niya pababayaang lumaganap ang kasalanan at kasamaan. Sinong magulang na pinatay ang kanyang anak ang magnanais na manatiling walang kaparusahan ang may salang krimenal?
Ang pagbibinyag sa tubig o bautismo ay nangyayari PAGKATAPOS ng pagbabalikloób sa Diyos, PAGKATAPOS ng pagkilala sa kasalanan, PAGKATAPOS ng pagsisisi. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng paglulubog sa tao sa tubig at dagliang pag-ahon sa kanya. Ang pagbibinyag o pagwiwisik ng sanggol ay hindi naaangkop, sa halip ito'y iniaalay (child dedication) ng mga Kristiyanong magulang bilang pormal na paghahandog ng anak sa Panginoong Hesus bilang pagkilala na Siya ang Maylikha. Ang bata mismo kapag nagka-muwang na't lubos na naunawaan kung ano ang kasalanan, nagsisi at dumating sa pananampalataya sa Panginoong Hesukristo ay maaari nang binyagan parang sa matanda. Hindi sapat ang pagsisisi sa kasalanan, ito'y laging katambal ng pananampalataya. Ang bautismo ni Juan ay nakatuón sa pagsisisi, ngunit kapares ng pagsisisi ay ang pananalig sa Panginoong Hesukristo bilang sariling Tagapagligtas (Mga Gawa 19:1-5). Si Hesus ang Siyang dumating pagkatapos ni Juan Bautista, na Siyang higit na makapangyarihan kaysa kay Juan. Si Hesukristo ang namatay para sa sangkatauhan at nag-aalis ng mga kasalanan. Siya ang nagtagumpay sa kamatayan nang nabuhay Siya mula sa mga patay. Si Juan ay tagapagpauna lamang ni Hesus na maagang pinawian ng buhay nang pugutan siya ng ulo't namatay. Si Hesus ay ipinako sa krus ng Kalbaryo at namatay, ngunit Siya'y bumangon mula sa libingan pagkaraan ng tatlong araw at umakyat sa Langit. Ngayon Siya ay nakaupo sa kanan ng Diyos Ama; SIYA AY BUHAY!
Sa gayon ay maibibigay niya ang Banal na Espiritu. Ang bawat taong tumanggap kay Hesukristo bilang kanyang sariling Panginoon at Tagapagligtas ay pinagkalooban ng panahanan ng Banal na Espiritu (Roma 8:9; 1 Corinto 6:19; Efeso 1:13-14) at hindi na kailangang maghintay pa na siya ay binyagan. Gayunpaman, ang bautismo ay isang akto ng pagsunod sa utos ng Diyos. Ang Banal na Espiritu ang Siyang kumikilos sa ating buhay at hinahatid tayo sa lugar ng pagsisisi at nililinis ang puso natin sa ating kasalanan.
Ang butil ay pinaghihiwalay sa giikan, ang mga bigkis ay binubuklod at iniitsa sa hangin. Ang magagandang butil ay nahuhulog sa giikan, ang mga ipa, alikabok at maliit na dayami ay tinatangay ng malakas na hangin ng Mediteráneó. Kaya't ang mabuti ay nahiwalay sa masama, at walang kabutihan ang nawawala. Ang panalong tinidor ay nasa kamay ng Panginoong Hesukristo kayat ang bawat mananampalataya ay hahatulan tungkol sa kanyang buhay Kristiyano. May prutas ka ba o wala? Ang butil ay tinitipon sa kamalig; mga mananampalataya na nagbunga (isang buhay na pinangunahan ng Banal na Espiritu) ay tatanggap ng buhay na walang hanggan. Ang ipa na tumanggi't sumuway kay Hesukristo (hindi tumanggap, huwad na mananampalataya o yoong mga walang bunga?) ang kanilang kapalaran ay ang apoy (impiyerno), apoy na hindi naaapulá. Ang apoy din ang literal na tinutukoy na itatapon sa Lupa sa panahon ng Dakilang Kapighatian. Ngunit mayroon ding apoy (lava) sa loob ng lupa. Ang mga mananaliksik ng kaibuturan ng lupa ay nakaririnig ng kahindik-hindik na hiyawan sa ilalim. Ayon sa mga rabi (gurong Hudyo), ang impiyerno ay nasa loob ng lupa.
Si Hesus ay nagmula sa Nazareth ng Galilea (Marcos 1:9) at nagtungo sa Betania (Juan 1:28), isang nayon sa hilaga ng Patay na Dagat upang bautismuhan ni Juan Bautista. Ang pagbinyag sa Kanya at pagbaba ng Espiritu ng Diyos na parang isang kalapati at dumapo sa Kanya ay siyang hudyat ng pagsisimula ng minísteryo ni Kristo sa lupa. Sinubukan ni Juan na tanggihan na bautismuhan si Hesus sapagkat pagkat pina-alam ng Diyos kung sino Siya. Dahil magkamag-anak sila (Lucas 1:36) ay malamang naikuwento ng kanyang mga magulang na si Zacarias at Elizabeth ang birheng kapanganakan ni Maria. Pero huwag nating kalimutan na si Juan ay itinalaga ng Diyos na maging propeta bago pa siya ipanganak (Lucas 1:15-17), kaya sa Juan 1:29-34 mababasa natin ang kanyang testimonya tungkol kay Hesus na Siya ang Kordero at Anak ng Diyos.
Bakit ba kinailangan pang binyagan si Hesus? Di ba ang bautismo ni Juan ay binyag ng pagsisisi? At alam nating walang bahid ng kasalanan si Kristo. Ang sagot ay nasa talata 15 kung saan sinabi ng Panginoon kay Juan; “Hayaan mong ito ang mangyari ngayon, sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.” Ang simpleng sagot sa tanong ay sinunod nila (Hesus at Juan) ang nais ng Diyos. Gayunpaman, mababasa natin na bilang Kordero ng Diyos, sa Kanya ipinataw ang kasalanan at kaparusahang na tayo ang dapat tumanggap (Isaias 53:6). Ipinakita rin dito ang simbolikong pinagdadaanan ng isang makasalanan patungo sa kaligtasan; ang pagkilala na ika'y makasalanan, kamatayan sa sarili (paglubog sa tubig), pagkakaloob ng bagong buhay (pag-ahon sa tubig) at ang kasihan ng Banal na Espiritu bilang isang anak ng Diyos.
Umahon si Hesus mula sa tubig, malamang na ito ay isang ganap na paglulubog. At bumukas ang langit, marahil bilang mahimalang tanda at pang-engganyo sa iba pang naroon na gusto ding magpabinyag. Ang Espiritu ng Diyos (ang Banal na Espiritu) ay bumaba sa anyo ng isang kalapati sa Kanya. Alam natin na ang Banal na Espiritu ay espiritu na hindi nakikita ng tao, ngunit tunay na nararanasan ng mananampalataya ang Kanyang presénsiyá, lakas at pag-aakay sa buhay. Hindi ipinaliwanag ng Bibliya kung bakit anyo ng kalapati Siya nagpakita. Gayón man, malinaw na nasaksihan ng mga dumalo at ng manunulat ng Ebanghelyo na ang Espiritu ng Diyos ay bumaba kay Hesus pagkatapos na Siya'y bautismuhan. Isang tinig mula sa langit ang nagsabing “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!” Tiyak na tinig iyon ng Diyos Ama. Bakit Siya tinawag na "minamahal Kong Anak"? Ang pag-ibig ng Diyos sa Isa't Isa bilang Trinidad (Iisang Diyos, Tatlong Persona) ay wagas at hindi nagmamaliw, naroon na iyon bago pa nilikha ang sansinukob, kaya inihahayag ng Bibliya na ang Diyos ay pag-ibig (1 Juan 4:16). Bukod dito, kusang-loob na iniwan ni Hesus ang lahat ng Kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan na mayroon Siya sa Langit, ipinanganak bilang isang tao at ngayon ay nagsimula na sa Kanyang mabigat na gawain sa lupa hanggang sa pagpapakasakit at kamatayan Niya sa krus para tubusin ang Kanyang mga tupa mula sa parusa ng kasalanan. Ang lahat ng ito'y lubos na ikinalulugod ng Kanyang Ama.

Balik sa MenuBalik sa Itaas


Panunukso ni satanas kay Hesus - Mateo 4

DesertDesertDesert

Si Hesus ay dinala ng Espiritu sa disyerto. Ang disyerto ay napakainit sa araw at malamig sa gabi. Ang isang tao ay dapat uminom ng maraming tubig dahil sa init at kumain ng mabuti para mapaglabanan ang lamig sa gabi. Nag-ayuno si Hesus sa loob ng 40 araw at 40 gabi kaya't siya'y nagutom. Pagkatapos ay dumating ang diyablo at sinubukang akitin si Hesus. Kapareho ni Adan na noong simula ng Paglikha ay wala kasalanan, si Hesus din ay tinukso ng kaaway upang magkasala. Pero si Adan ay hindi gutom noon dahil biniyayaan silang kumain ng lahat ng halaman sa Eden, maliban sa isa. Ngayon ay muling dumating ang sinungaling, ang diyablo, at sinubukang linlangin si Hesus at akitin Siyang magkasala. Marami nang naisulat kung ang mga tuksong ito ay totoo o hindi. Si Hesus ay isang tao, ngunit hindi nawala ang Kanyang pagka-Diyos. Posible bang magkasala ang Diyos?
Sa palagay ko, hindi, sapagkat ang Diyos Mismo ay banal. Noong una ay wala ring kasalanan si Adan, pero siya'y nagkasala. Sa tingin ko kailangan nating isipin ang ating malayang bolisyón (freewill). Si Adan ang may layang mamili, sundin ang Diyos o hindi. Si Hesus ay may layang pumili din; ang pagsunod sa Diyos Ama patungo sa krus, o tanggapin ang alok ng diyablo. Pakatandaan, ang daan kasama ang diyablo ay palsó. Ang diyablo ay isang sinungaling, kung ano ang tila madali gayunpaman ang sukli nito ay mataas na ang dulo ay ang kautusana ng apoy.
Ang talata 3 ay nagumpisa sa unang kasinungalingan ng diyablo; "Kung ikaw ay Anak ng Diyos..." Alam ni Hesus kung sino Siya at kung saan Siya nanggaling. At para sa mga nakasaksi sa Ilog Jordan nang si Hesus ay bininyagan ni Juan Bautista, ang Diyos Ama ay kinumpirma na si Hesus ay Kanyang Anak. Walang 'kung'. Alam na alam ng diyablo na si Hesus ang Anak ng Diyos. Sinubukan niyang linlangin si Hesus na nagaayuno't gutom na magduda. Aral: hindi dapat pagdudahan ng mananampalataya ang Salita ng Diyos at magalinlangan sa Kanyang mga pangako.
Tumugon si Hesus na; "Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos." Ang mga Israelita ay nagugutom sa disyerto, ngunit ang Diyos ay nagpadala ng manna para sa lahat. Aral: ang mananampalataya ay dapat puspos ng Banal na Espiritu, laging magtiwala sa Diyos, Siya ang magbibigay ng ating mga pangangailangan.
Ang pangalawang tukso. Dinala ng diyablo si Hesus sa Banal na Lungsod sa tuktok ng templo. Paano natin dapat ipaliwanag ang salitang "dinala"? Talaga bang dinala ng demonyo si Hesus? O si Hesus ay lumakad kasabay ang diyablo sa templo? Ang sinabi ng Bibliya ay "dinala" lamang, wala nang iba pa.
Nasaan ang taluktok na ito ng templo? Ang Bibliya ay walang eksaktong lugar na tinukoy.
Isinalarawan ni Josephus ang palasyo ni Herodes, isang punto sa Timog-Silangang bahagi ng templo na tumatanaw sa Lambak ng Kedron ay mga 140 metro ang taas. Ayon sa tradisyon, dito itinapon ang kapatid ni Hesus na si Santiago.
Sinubukan ng diyablo na subukin ni Hesus ang Kanyang Ama. Sumagot si Hesus; “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.’” Aral: hindi dapat subukin ng mananampalataya ang Diyos; huwag pumunta sa lugar kung saan may mga panganib, o sa lugar ng tukso at pagkatapos ay sabihing "poprotektahan ako ng Diyos". Subalit maaari kang pumunta kapag ikaw ay sinugo ng Banal na Espiritu upang ipahayag ang Ebanghelyo kahit sa mapanganib na lugar. Kung hindi ka pinapunta ng Espiritu ng Diyos, hindi ka dapat pumaroon sa sarili mong lakas at subukin ang Diyos.
Mag-ingat sa panguudyok ng kaaway, maaari siyang sumipi mula sa Bibliya ngunit palagi niyang ginagamit ang Salita ng Diyos ng wala sa konteksto upang makapanlinlang at maghatid sa iyo na magkasala o walang takot na subukin ang Diyos. Maaari ding subukan ng diyablo na ipilit mo na tuparin ng Diyos ang kanyang Salita kahit mali ang paggamit mo at pagpapairal nito.
Dinala ng diyablo si Hesus sa isang mataas na bundok. Ito ba ay isang pangitain? Walang sinasabi ang Bibliya tungkol tungkol sa kung aling bundok. Kapansin-pansin na hindi sinuway ni Hesus na ang lahat ng kaharian sa mundo ay pag-aari ng diyablo. Sinasabi ng Bibliya na ang lahat ng tao ay ipinanganak bilang mga anak ni satanas. Ang misyon ni Hesus ay ang mabigat na daan patungo sa krus upang tubusin ang mundo't iligtas ang tao mula sa kaparusahan ng kasalanan. Ito ang itinakdang mahirap daan ng Ama para kay Hesus. Kung nahulog si Hesus sa bitag ni satanas na sambahin siya, sa ganitong senaryo'y panalo ang diyablo at walang sinuman ang makaka-asa ng kaligtasan, ang lahat ay mapupunta sa kautusana ng apoy. Ngunit salamat at papuri sa Panginoong Hesus sa tagumpay Niya laban sa diyablo, sa krus at sa kamatayan dahil binigyan Niya tayo ng pag-asang makapiling Siya magpakailanmán sa pamamagitan ng Kanyang tinubos at pinagkaloob na kaligtasan.
KONGKLUSYON:

  1. Ang mananampalataya mismo ay kailangang magbasa at mag-aral ng Bibliya mula Genesis hanggang Apocalipsis nang tuluy-tuloy. Hindi sapat ang pagbisita sa Simbahan tuwing Linggo. Ang mananampalataya mismo ay dapat magkaroon ng personal na kaalaman at pagtitiwala sa Salita ng Diyos upang labanan ang diyablo. Ang Kristiyanong may mababaw na kaalaman ng Banal na Kasulatan ay madaling mabibiktima ng kaaway.
  2. Huwag mong sabihing: "Hindi kailangan ng Diyos ang aking ikapu at handog." Inaasahan ng Diyos ang iyong pasasalamat at ginagamit ang iyong kaloob para ikalat ang Magandang Balita at iligtas ang ibang tao.
  3. Huwag mong sabihing: "Pagagalingin ako ng Diyos". Oo, kayang magpagaling ng Diyos ngunit responsibilidad mong kumain at mamuhay ng malusog. Huwag kumain ng masyadong marami, huwag kumain ng karne dalawang beses sa isang araw, iwasan sumobra ang iyong timbang. Ginawang templo ng Diyos ang iyong katawan, responsibilidad mong ingatan yan.
  4. Huwag mong sabihin na kapag nanligaw ka ng hindi Kristiyano, ang Diyos ang maghahatid sa aking kapareha upang maniwala. May malinaw na babala ang Diyos sa 2 Corinto 6:14 "Huwag kayong makisama sa mga di-sumasampalataya na para bang kapareho ninyo sila. Maaari bang magsama ang katuwiran at ang kalikuan? O kaya'y ang liwanag at ang kadiliman?" Samakatuwid, huwag simulan ng isang relasyon sa isang hindi mananampalataya (ipanganak na muli), kabilang dito ang mga taong nagsasabing Kristiyano sila ngunit walang bungang nakikita sa buhay nila.
  5. Walang pakikipagtalik bago ang kasal. Napakalinaw ng Bibliya at ang katuruan ni Hesus. Ang isang sekswal na relasyon ay kabilang sa loob ng kasal (Genesis 2:24, Mateo 19:5). Ang isang sekswal na relasyon ay nangangahulugan ng kasal kahit na ang isa ay opisyal na kasal o hindi at maaaring hindi na nakatira kasama ang mga magulang.

Kaya nga, pasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan niya kayo. (Santiago 4:7)

Capernaum

Kung si Hesus ay pumunta kaagad sa Capernaum pagkatapos ng mga tukso ay hindi malinaw. Ang ilang mga kómentaryo ay nagsasabi na mayroong agwat ng isang taon dito. Sa Lucas 4:28-31 mababasa natin; "Nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagsitayo sila at itinaboy siyang palabas papunta sa gilid ng bundok na kinatatayuan ng bayan upang ihulog siya sa bangin. Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis. Mula roon, si Jesus ay nagpunta sa Capernaum sa Galilea at nagturo sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga.

Pagtawag ng mga disipulo

Tinatawag ni Hesus ang mga simpleng mangingisda, mga taong walang pinag-aralan. Si Hesus ang nagturo at nagsanay, hindi para mangisda ng mga isda kundi mangisda ng tao para sa kaharian ng Diyos. Pansinin ang kadakilaan ni Hesus, ang kanyang impluwénsiyá ay nakakaapekto ng isip at puso kayat iniwan ng mga tinawag na mangingisda ang kanilang pangangalakal at sumama kay Hesus.
Kasama ng Kanyang mga disipulo, pinangaral ni Hesus ang Ebanghelyo at nagturo sa iba't ibang lugar at mga sinagoga sa Galilea. Itinuro Niya ang Magandang Balita ng Kaharian at ipinaliwanag din kung ano ang ibig sabihin nito. Ang Ebanghelyo ay nangangahulugan ng pagkamulat at pagamin na ika'y makasalanan, na si Hesus lamang ang makapagliligtas at makapagbabago ng iyong buhay. Ito ay ang pag-iwan sa iyong buhay sa mundo at pagsimulan ang bagong buhay para sa kaluwalhatian ng Diyos. Sa paghahayag ng kaharian ng Diyos ay pinagaling ni Hesus ang mga may karamdaman at sinaklolohan ang mga inaalihan ng demonyo. Ipinakita Niya ang Kanyang taglay na kahima-himalang kapangyarihan. Ang mga pagpapagaling ni Hesus ay may tatlong kahulugan:

  1. Kinukumpirma nito ang kanyang mensahe.
  2. Kinukumpirma na Siya talaga ang ipinangakong Mesiyas.
  3. Malapit na ang Kaharian ng Diyos.

Dahil pinagaling ni Hesus ang lahat, nangangahulugan ito na ang Ebanghelyo ay para sa lahat, para sa mga Hudyo at sa mga Hentil.
Dahil ang Capernaum ay nasa daanan ng Antioch at Damascus patungo sa Galilea, Gaza at Ehipto, hindi nakakagulat na ang katanyagan ni Hesus ay mabilis na kumalat sa Syria, Galilea, Decapolis, Jerusalem, Judea at sa kabila ng Jordan.
Aralin: Ipahayag ang Ebanghelyo sa mga lugar kung saan maraming tao ang naglalakbay (mga istasyon ng bus, tren, daungan at paliparan) at naising makapagtayo ng simbahan sa lugar na matao, nakikita't madaling puntahan.
Pinagaling ni Hesus ang lahat ng mga may sakit at inaalihan ng demonyo. Lahat ng mga dumaranas ng iba't ibang karamdaman at nagdurusa, mga inaapi ng kaaway, mga baliw at mga baldado, pinagaling Niya lahat sila. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan laban kay satanas. Si satanas ang sanhi ng malulubhang sakit at kamatayan. Sinagip ni Hesus ang lahat at Siya lamang ang may kapangyarihan sa kamatayan at buhay. Siya lamang ang nagkakaloob ng buhay na walang hanggan.

Balik sa MenuBalik sa Itaas


Sermon sa bundok 1 - Mateo 5

Sinasadyang ginagamit ng Ebanghelistang si Mateo ang tiyak na artikulong "ang" sa pagtukoy sa bundok na pinagdausan ng pangangaral ni Hesus. Para sa mga Hudyo mayroon lamang iisang bukod tanging bundok, ang Bundok ng Sinai o Horeb, kung saan natanggap ni Moises ang Sampung Utos.
Ang sermon ni Hesus ay may malinaw na tema; ang pamumuhay ng mananampalataya. Ito ay may sadyang istruktura upang magsilbing itong magandang halimbawa't gabay para sa mga mangangaral ngayon.

  1. Ang mga naninirahan sa Kaharian ng Diyos.
    Inilalarawan nito ang kanilang pagkatao at buhay. Ang kanilang relasyon sa mundo. Sila ang asin ng sangkatauhan (talata 13) at ang ilaw ng sanlibutan (talata 14). Ang Kristiyano ang sugo na inatasang ipahayag ang kaligtasan sa kasalanan sa pamamagitan ni Hesukristo.
  2. Katuwiran sa Kaharian ng Diyos (mga talata 17-48).
    Ang mataas na antas ng pamumuhay na pinag-uutos ni Haring Hesus. Dumating si Hesus upang tuparin ang Torah (ang unang limang aklat ng Bibliya, kabilang ang Sampung Utos), talata 17-18 na binuod ng ganito; ibigay ang kataas-taasang lugar sa Diyos at ibigin Siya nang buong puso, kaluluwa't lakas. At pangalawa'y; mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.
  3. Ang udyok na pumasok sa Kaharian ng Diyos (mga talata 13-16).
    Ang mabuhay sa kaharian ng Diyos ay ang pagsunod sa kalooban ng Diyos Ama. Una, tanggapin si Hesukristo bilang iyong Tagapagligtas mula sa iyong mga kasalanan at pagkatapos ay mamuhay sa ilalim ng patnubay at pangunguna ng Banal na Espiritu (makitaan ng bunga ng Banal na Espiritu). Isang buhay na sumusunod sa mga halimbawang ipinamalas ni Hesus sa Kanyang buhay sa Lupa. Ang gusto ni Hesus ay hindi lamang mga tagapakinig, kundi mga alagad na tutoong sumusunod sa Kanyang yapak!

Ang pangangaral na kasunod sa talatang 3 ay maaaring isiping isang kabaliwan; mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw, nagdadalamhati, nilalait, inuusig, atbp. Ngunit nakikita ito ni Hesus bilang isang pansamantalang paghihirap, maikling panahon sa lupa at ito ay hindi maikukumpara sa kaluwalhatiang naghihintay sa mananampalataya sa langit. Kung saan wala nang pagdurusa, sa halip tanging kagalakan at kaligayahan magpakailanman. Ngunit maging maalam, may mga kundisyon para sa mga lingkod na nais tumanggap ng gantimpala sa Araw ng Paghuhukom. Ayon sa 1 Corinto 3:12-15; "May nagtatayo na gumagamit ng ginto, pilak, o mahahalagang bato; mayroon namang gumagamit ng kahoy, damo, o dayami. Makikilala ang uri ng gawa ng bawat isa sa Araw ng Paghuhukom sapagkat mahahayag sa pamamagitan ng apoy kung anong uri ang ginawa ng bawat isa. Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay hindi masunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo noon. Ngunit kung masunog naman, mawawalan siya ng gantimpala. Gayunman, maliligtas siya, kaya lang ay para siyang nagdaan sa apoy."
Ngayon, sinasabi ng mga iskolar at mga mag-aaral sa mga unibersidad; na walang Diyos, at alam nila kung paano ipaliwanag ang lahat sa pamamagitan ng siyensya gamit ang kanilang sariling karunungan (o kalokohan). Wala silang makatotohanang pundasyon, mga teorya lamang batay sa sariling pagpapalagay. Kaya't mas mabuting manatiling dukha sa espiritu at kilalanin na mayroong Diyos at ang tao ay makasalanan na nangangailangan ng kaligtasan sa pamamagitan ng dugo ni Hesukristo.
Talata 4 Mapalad ang mga nagdadalamhati. Puwedeng maiisip natin ang pangkalahatang kalungkutan mayroon sa mundo pero para sa mananampalataya maaaring magluksa tayo dahil sa makasalanang mundo - kasama ang mga mahal natin sa buhay - na kung hindi maliligtas ay patungong impiyerno.
Talata 5 Mapalad ang mapagpakumbaba. Mapalad ang mananampalataya na nagpapatawad sa kanyang kapwa nilalang. Turo nga ni Hesus ukol sa panalangin; "at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin." (Matero 6:12).
Mga Talata 6-9 Isipin si Lazaro at ang mayaman (Lucas 16:19-31). Sino ang mayaman sa huli? Hindi ang taong mayaman na nagkaroon ng marangyang buhay sa lupa, kundi ang dukhang si Lazaro na tumanggap ng kayamanan sa langit. Gayundin ang mananampalataya ay dapat manindigan sa katotohanan, magkaroon ng gutom para sa katarungan at pangalagaan na walang ínhustisya ang mangyari sa kapwa. Ang mga masamang-loob sa lipunan ay dapat lang na tumanggap ng makatarungang parusa at hindi dapat mapawalang-sala sa pamamagitan ng panunuhol o dahil sa kanilang katayuan sa sosyedád.
Mga Talata 10-11 Ang mananampalataya ay maaaring dumanas ng pag-uusig, posibleng pagtugis (bilangguan o pagpapahirap) at maging kamatayan dahil sa pananampalataya. Kayat sa mundong ito, hindi nakakagulat na ang Kristiyanong nagpapatotoo at isinasabuhay ang kanyang pananalig kay Hesus ay ginagawang katawa-tawa, tinuturing na hangal, pinagkakaitan ng oportunidád, atbp.
Talata 12 Huwag tignan ang paghihirap sa lupa, ngunit tumingin sa hinaharap, sa pangakong gantimpala nagaantay sa iyo sa langit.

Candle Mga Talata 13-16 Ngayon ang mananampalataya ay ang kinatawan ni Hesukristo sa lupa. Ang misyonng binigay ni Hesus sa Mateo 28:19 ay; "humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa." Bilang asin ng lupa, DAPAT ipahayag ng Kristiyano ang Ebanghelyo sa lahat ng mga tao sa mundo. Siya ang itinalagang magsiwalat ng kasamaan, ang kawal na lalaban sa mga kampon ni satanas. Kung hindi niya gagampanan ang kanyang tungkulin, ang kasamaan ay makikinabang at ang kaaway ay magbubunyi. Ano resulta kapag hindi ginagawa ng mananampalataya ang kanyang trabaho? Hindi siya makakatulong sa pagusad ng Ebanghelyo at sa pakikilahok sa pagkilos ng Banal na Espiritu. Posible ding mawala ang kanyang gantimpala sa langit gaya ng babalang sinulat ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 3:15.
Ang mananampalataya ay dapat nakikitaan ng kanyang liwanag sa mundo dahil si Hesus ay nasa sa kanya nang maligtas siya mula sa kasalanan sa pamamagitan ng dugo ni Kristo. Ang isang lungsod sa isang bundok ay maaaring makita mula sa malayo kahit gabi dahil ang mga bahay ay may mga ilaw at sadyang mapapansin. Kung hindi gagampanan ng mananampalataya ang pagiging saksi para kay Hesukristo, sa SALITA at GAWA, walang saysay ang tungkuling niyang magsilbing ilaw sa mundo. Walang naglalagay ng lampara sa ilalim ng lamesa, sa halip ay itinataas ito upang ang ningas niya'y magbigay-liwanag sa lahat ng dako ng silid. Ang disipulo ay dapat nakikilala sa pamamagitan ng kanyang mabuting asal, ang gawin ang anumang bagay para kay Hesus tulad ng; pagbisita sa mga maysakit, pagtulong sa mga nangangailangan, pagsuporta sa mga misyonero't minísteryo ng simbahan, o kahit na ang maging isang magandang halimbawa sa mga nakapaligid sa kanya. Hindi nararapat makilahok sa anumang masamang gawain ang Kristiyano na dudungis sa Pangalan ng kanyang Panginoon. Paano ito magagawa ng mananampalataya? Hindi sa sariling lakas kundi sa pag-alalay ng Espiritu Santo na Siyang itinalaga ng Diyos para tulungan ang alagad na makita si Hesus sa kanyang buhay.
Bakit?
Una: Dahil ang Diyos Ama ay tumitingin mula sa Langit sa mananampalataya at binibigyang-pansin ang iyong pag-uugali.
Pangalawa: Sa pamamagitan ng pagiging mabuting saksi ng lingkod ng Diyos, Siya ay naluluwalhati. Napakalungkot ang nakikita ngayon sa mga nagpapahayag na sila'y mga mananampalataya pero nabubuhay at nakikibahagi sa mundo. Maging ang ibang mga ministro ay nakikitaan ng kamunduhan sa kanilang pamumuhay (nagpapayaman, nagmamay-ari ng mamahaling sasakyan, nakatira sa mga mararangyang villa, atbp.) na sadyang taliwas sa itinuturo ng Bibliya. Ito'y malaking panloloko kahit sa mata ng mga tao sa labas ng simbahan. Ngunit pansinin ang kanilang wakas sa Mateo 7:21-23; Hindi sila kinilala ni Hesus at sinabi: "Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan" at ang kanilang patutunguhan ay ang kautusana ng Apoy.

Mga Talata 17-19 Ang mga talatang ito ay bihirang ipangaral sa mga simbahan, ngunit ito ang pundasyon ng pananampalatayang Kristiyano. Dumating si Hesus, iyon ay nilisan Niya ang Kanyang trono sa langit at nagpunta sa lupa nang ipinanganak bilang isang sanggol.
Bakit dumating si Hesus?
Siya ay naparito upang tuparin ang Kautusan (ang Torah o unang limang aklat ng Bibliya, kabilang ang Sampung Utos) at ang mga Propeta.
Sa madaling salita, ang isang Kristiyano na nagsasabing hindi niya kailangang sundin ang Kautusan ay napakamali. Tandaan, tinupad ni Hesus ang buong kautusan at ang mga propeta. Naisabuhay Niya ang lahat ng hinihingi't kanakailangan ng batas, at ang perpektong sakripisyo ay ginampanan Niya sa krus ng Kalbaryo para sa mga kaligtasan ng mga Kristiyano. Ngunit ang Kanyang mga disipulo ay dapat lumakad sa mga yapak ni Hesus at mamuhay ng banal bilang mabuting huwaran sa harap ng mga hindi mananampalataya. Ang kautusan, lalo na ang Sampung Utos, ay hindi maaaring isantabi ng tao, na napakalinaw na ipinakita sa apat na Ebanghelyo at sa mga liham ni Pablo.
Sinabi ni Hesus: "maglalaho ang langit at ang lupa". Tinutukoy nito ang hinaharap na Bagong Lupa at Bagong Langit.
"ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa". Ang iota (ι) at dot (') ay ang pinakamaliit na titik sa alpabetong Griyego. Binibigyang-diin nito ang kanilang kahalagahan, na maging ang pinakamaliit na bahagi ng kautusan ay mahalaga.
"hangga't hindi natutupad ang lahat." Tutuparin ni Hesus ang kautusan at ang mga propeta. Dadalhin niya ang perpektong sakripisyo para sa kapatawaran ng kasalanan sa krus ng Kalbaryo. Siya'y babangon mula sa mga patay pagkaraan ng tatlong araw, gaya ng inihayag ng mga propeta.
Madadaig Niya si satanas at ang kanyang mga galamay na isinalarawan sa Pahayag. Ang pitong taon ng Dakilang Kapighatian ay malapit na, kasunod ang 1000 taon ng Kaharian ni Kristo. Ang kampon ng kadiliman ay itatapon sa walang hanggang kaparusahan sa kautusana ng apoy. Paparusahan din ng Diyos ang mga hindi nanalig sa Kanyang Anak, pero ang mga mananampalataya ay tatayo sa hukuman ni Kristo upang suriin at hatulan (hindi sumpain) ang mga gawa, pagkatapos ay susunod ang Bagong Lupa at ang Bagong Langit.
May mga mangangaral na nagsasabing sa siglong ito ay hindi na natin kailangang literal na tanggapin ang Lumang Tipan. Maraming mga katotohanan ng Bibliya ang kanila'y ini-ispirituwalisahin at ang mga tao'y sadyang maluwag. Pansinin ang sinabi ni Hesus; Sinuman (tumutukoy sa mananampalataya) ang maging maluwag o magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Iyon ay, malamang na walang tanggapin na gantimpala sa pagdaan ng kanyang mga nagawa sa apoy ng pagsusuri (1 Corinto 3:15). Ang Kristiyanong nagsasabuhay sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit. (1 Corinto 3:14).

Talata 20: "Sinasabi ko sa inyo...". Dito nagsimulang magpayo si Hesus sa mga nakikinig sa Kanya. Ito'y direktang katuruán ng Diyos Mismo at hindi mga salita o interpretasyon ng mga eskriba at Pariseo. Nilinaw Niya na ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay hindi tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo; hindi lamang dapat panlabas ngunit maging ang puso. Marapat na magtugma ang iyong saloobin sa harapan ng Panginoong Diyos at ang nakikita ng mga tao sa iyo. Tinitingnan ng Diyos kung ano ang nasa puso ng mananampalataya.
Ang mga eskriba at mga Pariseo ay kadalasang nananalangin: "O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo na hindi ako tulad ng iba..." Tulad nila, maraming tinatawag na mananampalataya ay puro palabas na pakiramdam nila'y sila ay karapat-dapat. Ngunit sa kabilang dako, mapagkumbabang sinabi ng maniningil ng buwis: "O Diyos, mahabag ka sa akin, isang makasalanan..."
Ang mga eskriba at Pariseo ay nagtuturo ng pagsunod sa Bibliya ayon sa sarili nilang pangunawa at hindi alinsunod sa katotohanang inilahad sa Salita ng Diyos. Ngayon ay nakikita pa rin natin ito sa mga liberal na simbahan at mga kulto sa kanilang mga interpretasyon at pagbaluktot sa Bibliya na lihis sa orihinal na konteksto nito.
Ang mga eskriba at Pariseo ay walang pagsisisi sa mga kasalanan nila. Ayon din sa kanilang katuruan, ang mga Hudyo na tumutupad sa kautusan ay napupunta sa langit. Ngayon, gaano kaya karaming tao na naniniwala na sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti o pagiging relihiyoso ay maaaring makapasok sa langit. Sila'y tumatangging kilalanin ang pagiging makasalanan ng tao. Wala sa kanilang pananaw na hindi nila kayang tubusin ang sarili, kaya't sa kanilang isip hindi nila kailangan ng Tagapagligtas. Pansinin ang babala na inihayag ni Hesus, na sa anumang paraan ay walang makakapasok sa Kaharian ng langit kundi sa pamamagitan Niya. Si Hesus ang tanging daan patungo sa buhay na walang hanggan!

Mga Talata 21-22 Ang sinumang pumatay (murder) ay mananagot sa hukuman. Ang kautusang ito ay isinabatas ng Diyos noong sinauna pa sa Genesis 9:6; "Sinumang pumatay ng kanyang kapwa, buhay ang kabayaran sa kanyang ginawa, sapagkat sa larawan ng Diyos ang tao'y nilikha." Ang pagpatay, madalas na nagsisimula sa isip, at namumunga ng galit, paghihiganti o poot. Ngunit nagpatuloy si Hesus, sabi Niya na ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang manginsulto sa kanyang kapatid ay mananagot sa Kataas-taasang Kapulungan, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Ulol ka!’ ay manganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno.
Ang saloobin sa kapwa tao ay inihalintulad ni Hesus sa pagpatay na tatanggap ng parusa ng Diyos. Kung iisipin, ang pagka-poot sa kapwa ay pinantay sa pagkitil ng buhay sanhi ng anupamang kasamaan ng tao.

Mga Talata 23-24 Ang nakaraang mga talata ay direktang nakaapekto sa relasyon natin sa Diyos. Alam Niya ang ating mga iniisip, walang puwedeng maitago sa Kanya. Kapag ang pahalang na relasyon (tao sa kapwa tao) ay napinsala, ang bértikál na relasyon (tao sa Diyos) ay negatibong naapektuhan din.

Mga Talata 25-26 Subukan sa lalong madaling panahon na makipagkasundo sa kabilang partido dahil baka kasuhan ka ng iyong nag-aakusa at dalhin ka sa hukom. At sino ang nakakaalam kung ano ang magiging desisyon ng korte? Ang paghahatol ay hindi palaging tama at maaaring hindi patas. Kaya walang nakakaalam, maaari kang mauwi sa kulungan kahit hindi makatarungan hanggang sa mabayaran mo ang huling sentimo (κοδράντην o quadrant na may 1/16 na halaga ng drachma). Ang dachma ay isang baryang pilak ng mga Griego na may halagang 4.31 gramo ng pilak. Ang isang drachma ay magandang arawang sahod ng panahong iyon na katumbas ng humigít-kumulang 120 dolyares (Mateo 20:2).
Aral: Kung mayroon kang kredito o utang, bayaran ito sa lalong madaling panahon, dahil kung hindi, ito'y maaaring makapinsala sa iyo.

Mga Talata 27-28 Ang kautusan ay hindi lamang patungkol sa aktwal na pangangalunya, sinama ni Hesus ang pagnanasa ng mga mata at naaangkop ito sa lalaki at babae. Walang mali sa pagtingin o paghanga sa isang tao basta walang malisya. Ang salitang ginamit dito ay nangangahulugan ng pagtitig nang may pagnanasa, na may sekswal na sáloobín at pagnanais na angkinin siya upang magamit para sa iyong sariling kasiyahan. Naaangkop ito sa mga may at walang asawa.

Mga Talata 29-30 Ang mata ay isang bahagi na naghahatid sa mga tao na magkasala. Ito ay maaaring sa pagtingin sa isang aktwal na babae, sa pornograpiya, sa mga larawang nakikita sa midya, atbp., napakaraming halimbawa ng patibong sa kasalukuyang mundo. Sa kanilang panahon, pinipikit ng mga Pariseo ang kanilang mga mata upang hindi makita ang babaeng naglalakad sa lansangan, hindi rin sila nangahas na hawakan ang isang babae. Ang sekta nga ng Qumran ay ganap na tinalikuran ang kasal. Ang isang tao ay hindi dapat maging alipin ng mga makalupang pagnanasa na tumatagal lamang ng ilang dekada ngunit ituon ang kaisipan sa langit. Kung hindi, mauuwi sa walang wakasang lawang apoy dahil lamang sa panandaliang kasiyahan ng mahalay na pagnanasa.
Ang kamay ay bahagi ng tao na tagapágpaganáp ng mga makasalanang bagay tulad ng pagnanakaw, pananakit at pagpatay.
Ang Kristiyano ay binili ng dugo ni Hesus, samakatuwid ang iyong katawan ay dapat gamitin sa kaluwalhatiin ng Diyos (1 Corinto 6:20). Kung hindi, ang makalamang kasalanan na nagpapadungis ng katawan ay posibleng katibayan na ika'y hindi tunay na ipinanganak muli (born again).

Mga Talata 31-32 Ayon sa kanilang tradisyon, itinuro ng mga eskriba't Pariseo na dapat lamang magbigay ng sertipiko ng diborsiyo para hiwalayan ang asawa. Ito'y paraan ng tao na sa isang pirasong papel ay mapapawalang bisa ang isang tipan na tinatag ng Diyos sa pagitan ng isang lalaki't babae. Napakalinaw na sinabi ng Panginoong Hesus na hindi ito nararapat. (Tingnan ang Genesis 2:24, 24:67; Exodo 20:14; Deuteronomio 5:18; Malakias 2:14-16, Efeso 5:31-32; Hebreo 13:4). Ang kasal ay natatapos lamang sa pagkamatay ng isa sa mag-asawa. Ipinaliwanag ni Hesus na ang sertipiko ng diborsiyo ay nalalapat lamang sa isang kaso: pangangalunya. Ang pangangalunya ay kapag ang isang may asawa ay nagkaroon ng sekswal na relasyon sa ibang tao kaysa sa kanyang sariling kabiyak. Sa pagkakasalang ganito ang kasal ay maaaring mapawalang-bisa.
Yoong asawa, na dahil sa kanyang akto ng pangangalunya, ay siyang sanhi kaya napawalang-bisa ang kasal. Pero ang inosenteng partido sa diborsiyong ito ay hindi din malayang mag-asawa ng iba ayon sa nakasulat sa talatang 32 at sa sinasabi ni Pablo sa 1 Corinto 7:10-11.
Kung ang babae ay nakatanggap ng sertipiko ng diborsiyo, siya ay HINDI malayang makapag-asawa muli; tignan ang 1 Corinto 7:10-11. Halimbawa, isipin ang karahasan sa tahanan na puwersang nagpaalis sa babae sa kanyang bahay. Ayon sa Salita ng Diyos, kahit pa may sertipiko ng diborsyo, dapat hindi maghanap ng ibang asawa maging ang lalaki o babae diborsiyado. Pero pareho silang maaaring humingi ng tulong at subukang magkasundo at ipagpatuloy ang kanilang kasal.

Mga Talata 33-37 Maging maingat sa pagbitaw ng pangako.
Mga Bilang 30:2 "Kung kayo'y mayroong panata kay Yahweh, huwag kayong sisira sa inyong pangako. Kailangang tuparin ninyo ang bawat salitang binitiwan ninyo."
Deuteronomio 23:21 "Huwag ninyong kakaligtaang tuparin ang panata ninyo kay Yahweh. Tiyak na sisingilin niya kayo kapag hindi ninyo tinupad iyon."
Mga Hukom 11:30-40 Masyadong mahal ang halaga ng padalos-dalos na pangakong binitawan ni Jefta; ang buhay ng kanyang nag-iisang anak.
Ang langit at lupa ay nilikha ng Diyos. Ang Jerusalem ay ang lungsod ng Panginoong Hesus, ang Mesiyas. Kapag nanumpa ka sa pamamagitan ng mga ito ay para ka na ring sumumpa sa Diyos na Siyang Maylikha. Ang panunumpa ng iyong ulo ipinagbabawal sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. Samakatuwid, itigil ang panunumpa. Sabihin ang totoo, sapagkat ang Panginoong Diyos ay nakikinig at nakakakita ang lahat. Sumagot na lang ng ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi, sapagkat mananagot tayo sa Diyos sa anumang lumabas sa ating bibig. Oo, marahil sa pamamagitan ng isang huwad na saksi ay makakaiwas sa parusa sa lupa. Gayunpaman, ang nagbibigay ng maling patotoo dahil sa pagiwas sa hustisya, pagkatapos ng buhay ay haharap sa Diyos upang harapin ang Kanyang katarungan. Tandaan mo ito bago ka manumpa o mangako. Mag-ingat sa pagbitaw ng anumang pangako, gawin lamang ito kung talagang kailangan. Nagmamasid ang Diyos!

Mga Talata 38-42 Ang karamihan sa mga komentaryo ay nagsasabing hindi dapat intindihin ang kahulugán ng mga talatang ito ayon sa bawat salita. Ang istilo ng pagsulat ng bahaging ito ay ginamitan ng hayperboliko o eksaherasyon kaya hindi dapat literal na unawain. Hindi sinasabi dito na ikaw ay magpa-abuso o magpa-api kundi huwag hangaring gumanti, sa halip ay maging mapagbigay. Siyempre, dapat labanan ang kasamaan ngunit bilang isang Kristiyano ay dapat magkaroon ng kaisipang tulad ng kay Kristo.
Iniligtas ni Abraham si Lot sa kabila ng kanilang namumuong alitan sa kanilang kampo na naging dahilan ng kanilang paghihiwalay.
Pinatawad ni Jose ang kanyang mga kapatid, kahit na ipinagbili nila siya.
Iniligtas ni David ang buhay ni Haring Saul, bagaman gustong patayin siya ni Saul.
Pinatawad ni Hesus ang mga taong nagnais na ipapako Siya sa krus.
Kung nais ng sinuman makuha ang iyong damit, ibigay mo ito pati ang iyong balabal. Ayon sa Lumang Tipan, ang balabal ay maaari lamang hiramin hanggang gabi (Exodo 22:26-27) dahil madalas itong nagsisilbing kumot sa gabi.
Kung pilitin ang sinuman sa inyo na pasanin ang kanyang dala ng isang milya, pasanin mo iyon ng dalawang milya. Isipin si Cyrene, na pinilit ng mga Romano na pasanin ang krus ni Hesus.

Talata 42 Alalahanin na ang ari-arian na taglay ng isang mananampalataya, ay hindi sa kanya, kundi sa Panginoon. Ang Diyos ang dahilan kung bakit mayroon tayo ng mga bagay na tinatawag nating atin. Kaya naman kung may gustong humiram ng pera, kailangan nating magpahiram ng walang tubo sapagkat ito ay sa Diyos. Ang tanong ay, hindi ba tayo puwedeng humindi sa mga humihingi o humihiram? Hinusgahan ang alagad na pinakatiwalaan ng isang talento dahil hindi niya ito idineposito man lang sa bangko para magka-interes. Dapat ba tayong magpahiram ng pera sa taong nagtatapon ng pera, maluho, sugarol o iresponsable? Sa aking palagay, ang mananampalataya na ginawang katiwala ng ari-ariang sa Diyos ay nararapat isangguni sa May-ari - sa Panginoon - kung ano at kanino ipahihiram ang mga bagay na nasa ilalim ng kanyang responsibilidad.

Mga Talata 43-47 Ang lahat ng hindi mananampalataya ay mga kaaway ng Diyos dahil sa kasalanan. Kahit nga tayo ay mga kaaway ng Diyos noon, kaya si Hesus ay dumating sa lupa upang mamatay para sa ating kasalanan at iligtas tayo. Ito ay nagpapatunay ng pagmamahal ng Diyos sa atin. Gayundin, ang Kristiyano ay inutusang mahalin maging ang kanyang mga kaaway at ipanalangin sila, hilingin na sila'y manalig din kay Hesus bilang Tagapagligtas. Isaalang-alang na minsa'y tayo'y mga rebelde din at kaaway ng Diyos, pero dahil sa Kanyang habag binago Niya tayo.

Versos 47-48 Hindi dapat tayo katulad ng mga walang ugnayan sa Diyos, na gumagawa lang ng mabuti sa mga taong mabuti sa kanila. Ang Kristiyano ay inatasang maging mabuti kahit sa mga kaaway nila. Dahil perpekto ang Diyos, ang mga anak Niya ay nararapat sumunod sa mga yapak ng Panginoon, sa salita at GAWA.

Balik sa MenuBalik sa Itaas


Sermon sa bundok 2 - Mateo 6

Mga Talata 1-4 Noong panahon ni Hesus, ang pangangalaga sa mga mahihirap ay iniayos sa pamamagitan ng isang sapilitang kontribusyon. Bilang karagdagan, mayroon ding boluntaryong kontribusyon na ginawang pampubliko sa mga dingding na pinapaboran ng mga gurong Hudyo (rabbi) dahil naihahayag sa madla ang kanilang pagbibigay para sa mga maralita. Ang kanilang boluntaryong kontribusyon ay hindi dahil sa kagandahang-loob o pagiging bukas-palad sa mga maralita, kundi para tumanggap ng papuri at paggalang ng mga tao na sila'y mapagbigay. Ang Panginoon Hesus ay nagsalita laban sa ganitong paraan ng pagbibigay. Sinabi niya na ang mga taong ito ay natanggap na ang kanilang mga gantimpala; yun ay ang karangalan mula sa tao. At sa gayon, ay wala na dapat asahang gantimpala mula sa Diyos. Karaniwang alam ng kanang kamay kung ano ang ginagawa ng kaliwang kamay, dahil kailangan nilang magtulungan sa paghawak ng mga bagay, parehong pinamamahalaan ng utak. Ngunit sinabi ni Hesus; "huwag mong ipaalam sa iyong kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng iyong kanang kamay". Magbigay ng lihim, huwag ipaalam maging sa matalik mong kaibigan kung ano ang ibinibigay mong ikapu, handog o kontribusyon. Hayaan ang iyong sarili na mabigla kapag pinuri ka ni Hesus patungkol sa iyong mga gawa tulad ng inilarawan sa Mateo 25:31-40. Suportahan ang mga mahihirap sa pamamagitan ng mga donasyon sa pamamagitan ng simbahan, pagkatapos ay pupurihin ng mga mahihirap ang Diyos at magbibigay ng kaluwalhatian sa Kanya dahil sa tulong mo. Ang simbahan ay maaaring magtayo ng mga bahay-kalinga para sa mahihirap, ngunit ang layon ay hindi manatiling umaasa sa tulong ng iba, sa halip ay idisenyo ang suporta upang sariling makapaghanapbuhay sila sa hinaharap. Ibigay ng bukas kamay kung ano ang sabihin ng Diyos sa iyong puso. Minsan ay nangangailangan ito ng sakripisyo, na mayroon kahit kaunting matitira para sa iyong sarili. Ngunit tandaan, na ang Diyos ay nagmamahal sa masunurin at masayang nagbibigay. Hangarin na ang iyong pag-aalay ay hindi para sa iyong sariling kapurihan, kundi para sa karangalan at kaluwalhatian ng Diyos. Huwag mong kalilimutan na ang iyong ari-arian ay kaloob at pinagkatiwala lamang ng Diyos sa iyo, sa Kanya lahat talaga yan.

Mga Talata 5-8 Noong panahon ni Hesus, karaniwan na ang masinsinang buhay-panalangin, kadalasan nga'y tatlong beses sa isang araw sa mga takdang oras (tignan ang halimbawa sa libro ni Daniel). Ang tinatama ni Hesus ay ang hangarin makakuha ng papuri galing sa tao; ang lantarang pagdarasal sa sinagoga at sa mga matataong lugar. Nais ng Diyos na manalangin ka nang seryoso, hindi yung walang kabuluhang paulit-ulit na salita o kabisadong dasal na wala sa puso. Imbes, pumunta ka sa iyong silid, maging mapag-isa at sa katahimikan ay makipag-usap ka sa Diyos. Manalangin ka nang walang istorbo ng sinoman o anoman. Direktang makipag-usap sa Panginoon ng walang paligoy-ligoy dahil alam Niya naman ang lahat, maging ang iyong mga hinaing at mga pangangailangan. Ipanalangin mo ang iba, bukod sa iyong mga mahal sa buhay, isama din sa dasal ang mga maralita, mga nasa kapangyarihan at namamahala sa inyong bansa.
Alam ng Diyos kung ano ang iyong mga pangangailangan. Tulad ng isang bata na humihingi sa kanyang magulang, kadalasan alam na ng magulang kung ano ang gusto ng anak. Ngunit gaya ng pananalangin, hindi kalabisan o walang silbi ang lumapit sa Diyos, maski alam Niya kung ano ang ating kailangan, ninanais ng Panginoon na dumulog tayo sa Kanya sa ating pagpapakalinga.

Mga Talata 9-14 ang Panalangin ng Panginoon.
Mga Talata 9-10 Ang mananampalataya ay wala na sa poder ng diyablo (Juan 8:44) ngunit ipinanganak na muli ng Diyos - ang Ama ng Panginoong Hesukristo - bilang Kanyang mga anak. Bukod tangi ang Kristiyanismo dahil sa kakaibang kaugnayan (relationship) na umiiral sa pagitan ng Diyos bilang Ama at sa Kanyang mga inampong mga anak. At nasaan ang ating Diyos Ama? Nasa langit. Siya ang Pinaka-makapangyarihan at Soberanong Diyos. Hindi lang Siya isang diyos, KUNDI ang nag-Iisang Diyos na Banal at naghahari sa kalangitan. Ang Kristiyano ay dapat magpaka-banal sapagkat ang kanyang Ama ay Banal. Sa pamamagitan ng ating pang-araw-araw na pamumuhay, kailangang makita ng mga hindi mananampalataya na tayo ay mga nagpapaka-banal na tao at pag-aari ng Diyos. Ang Kaharian ng Diyos ay dapat nakikita sa pamamagitan ng mga bunga ng Banal na Espiritu sa ating buhay. Hindi na tayo nakikibahagi sa kasamaan at mga makamundong paraan. Tulad ng Panginoong Hesus, ang Kristiyano ay nakatuon sa paggawa ng kalooban ng Diyos Ama. Siya ang sentro ng ating buhay. Kung paanong nagaganap ang kalooban ng Diyos sa langit, kailangang sundin ng Kristiyano ang kalooban ng Diyos dito sa lupa. Kung ang mga anghel ng Diyos ay nakikipaglaban kay satanas at mga demonyo, gayon din ang Kristiyano ay binigyan ng kakayahang lumaban sa mga galamay ng kaaway at hindi makisali sa mga makamundong bagay. Walang pagnanakaw, pangangalunya, malayang pakikipagtalik, aborsyon, pag-imbot, ngunit isang buhay ayon sa kalooban ng Ama.
Talata 10 Sa pamamagitan ng paghahasik ng Ebanghelyo, ang Kaharian ng Diyos ay papalapit na. Ipanalangin na ang mga hindi mananampalataya ay makonsiyénsiyá sa kanilang kasalanan, magkaroon ng kaliwanagan na ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng dugo ng Panginoong Hesukristo lamang. Ipanalangin na wakasan ng Diyos ang kapangyarihan ng kaaway sa lupa, at ang pamamahala ng Diyos sa lupa ay matupad na. Ang Ebanghelyo ay dapat ipangaral hanggang sa dulo ng Mundo, sa anumang wika.
Talata 11 Dapat kinikilala ng mananampalataya na umaasa siya sa Diyos Ama para sa kanyang pang-araw-araw na pagkain (o pangangailangan). Pansinin na sa Panalangin ng Panginoon ang hinihiling lamang ay ang pagkain para sa araw na iyon. Ang dasal ay bigyan tugon ng Diyos ang pangangailangan sa ngayon, isang payak na hiling na nagpapahiwatig ng pagsalalay sa Diyos na Siyang nagiingat at kumakalinga sa Kanyang mga anak.
Talata 12 Ang mananampalataya ay pinagkalooban ng kapatawaran sa lahat ng kanyang mga kasalanan (noon, ngayon at sa hinaharap) sa pamamagitan ng paglilinis ng dugo ng Panginoong Hesukristo. Basahin ang Mateo 18:23-35. Napakalaki ng ating utang sa Diyos na Kanyang pinatawad, paano natin mabibigyang katwiran ang hindi magpatawad sa ating kapwa? Si Corrie ten Boom, na nagdusa sa kampong piitan noong panahong inusig ang mga Hudyo ng mga Nazi. Siya ay dumanas ng pagpapahirap at nasaksihan ang pagpatay sa kanyang pamilya at mga kapwa Hudyo. Ngunit niloob ng Diyos na ang berdugo sa kampo ng kanilang piitan ay maging mananampalataya na kinailangan niyang patawarin dahil alam ni Corrie yuon ang kautusan ng Diyos. Hindi sinabi ng Kasulatan na madaling magpatawad. Hindi ito natural sa tao kaya't mahirap siyang gawin sa sariling lakas. Kailangan natin ng grasya ng Panginoong upang tunay na makapagpatawad. Kapag humingi ng tawad sa iyo, ang Kristiyano ay WALANG dahilan na hindi magpatawad. Pinatatawad tayo ni Hesus sa ating mga kasalanan kapag nagsisisi tayo at inaalis ito kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran.
Talata 13 Ang mananampalataya sa bawat segundo ay nakalantad sa mga tukso ng mga kaaway, gayundin sa pang-aakit ng makalupang kasiyahan at kayamanan. Palagi niyang kailangang magpa-gabay sa Banal na Espiritu at bigyan siya ng kapangyarihang humindi sa mga bitag ng kalaban. Dapat manalangin na hindi siya mahulog sa mga tukso at maprotektahan laban sa mga kapangyarihan ng kadiliman. Maaaring tumanaw sa magandang nilalang, ngunit hindi dapat mapunta sa kahalayan ang pag-iisip. Puwedeng tumingin sa mga magaganda't mamahaling bagay, subalit huwag pagimbotan ang hindi iyo.
Sa mga unang manuskrito, ang tekstong "Sapagkat iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman! Amen." ay hindi nakasulat. Magkagayunman, ito ay ganap na naaayon sa katuruan ng Kristiyanismo. Na nagmula sa Diyos ang kaharian, Siya ang Maylikha ng lahat at ang nag-Iisang may karapatang mamahala sa buong sansinukob. Nilikha ng Kanyang kapangyarihan ang lahat ng nakikita't hindi nakikita. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Hesus, Siya'y bumangon mula sa mga patay para tubusin Niya tayo sa ating mga kasalanan. At ang kaluwalhatian ng Diyos ay masasaksihan ng lahat sa huling panahong itinakda Niya para sa Kanyang kapurihan at karangalan.
Talata 14 Dapat patawarin ng mananampalataya - nang walang naiiwang poot - ang taong humihingi ng tawad sa nagawa niyang kasalanan. Oo, nakasalalay sa nagkasala ang tungkulin ng pagkilala sa utang, paghingi ng tawad at pagsisisi. Ngunit sa mga pagkakataong hindi inaamin ang pagkakamali, ang Kristiyano ay hindi dapat magtanim ng sama ng loob o poot. Si Hesus ay nagpapatawad sa ating mga kasalanan, at tayo'y dapat sumunod sa mga yapak ng Panginoong Hesukristo. Kung hindi, hindi rin patatawarin ng Diyos Ama ang mga kasalanan ng mananampalataya na haharap sa hukuman ni Kristo at tatanggap ng nararapat ayon sa ating mga gawang mabuti o masama. (2 Corinto 5:10)

Talata 16 Binalik ni Hesus ang pangangaral Niya patungkol sa karangalan at paggalang sa mga tao, at katapatan sa Diyos. Ang pag-aayuno tulad ng ginagawa ng mga ipókritóng Hudyo na nagmumukhang malungkot at hindi nag-aayos ng sarili upang mapansin ay hindi nakalulugod sa Diyos. Ang Pariseo ang nag-aayuno tuwing Lunes at Huwebes. Subalit ang tamang pag-aayuno ay tanging Diyos (at ikaw) lamang ang nakaka-alam at hindi dapat ipinangangalandakan. Ito ay isang bagay sa pagitan mo at ng Panginoong Diyos.

Ano ang pag-aayuno?

Kailan tayo mag-aayuno?

Sinabi ng ebanghelistang si Henk Hebold: "Hindi sasagutin ng Diyos ang ating mga panalangin nang mas mabilis habang tayo ay nag-aayuno. Wala tayong natatanggap na gantimpala mula sa Diyos dahil tayo ay nag-aayuno. Kung ang Panginoon ay nagbigay sa atin ng isang bagay, iyon ay dahil lamang sa mahal Niya tayo at awa sa atin dahil sa sakripisyo ni Hesus sa krus. Ang pag-aayuno ay pangunahing paraan upang maglaan ng oras at sa panahong iyon ay palalimin ang ating relasyon sa Diyos."

Mga Talata 19-20 Ang mga gamu-gamo ay kabilang sa grupo ng mga insekto na nangingitlog sa damit at kinakain ito, kung kaya ito'y nabubutas at nawawalan ng halaga. Ang kalawang naman ay nakaka-agnas ng bakal, sinisira nito ang materyales upang pahinain ang tibay hanggang sa hindi na magamit. Ang mga magnanakaw ay nangunguha ng hindi niya pag-aari at kung hahayaan lilimasin ang lahat hanggang walang maiiwan. Ngunit gayundin ang mga sakuna tulad ng mga lindol, buhawi at bagyo na sumisira din sa mga ari-arian. Lahat ng ito'y may panlupa at pansamantalang halaga na maaaring tumatagal ng habang buhay, pero walang kabuluhang kung ihahambing sa walang hanggan.
Talata 20 Higit na mas mabuting magtayo gamit ang mga bagay na may walang hanggang halaga na pinahahalagahan ng Diyos tulad ng; pagpapahayag ng Ebanghelyo, paghihikayat sa mga hindi mananampalataya sa Panginoong Hesukristo, pagiging puspos at nakikitaan ng bunga ng Banal na Espiritu (Galacia 5:14-16, 22), pagbibigay ng ikapu't handog, pananalangin para sa pamahalaan, mga ebanghelista, mga pastor, mga misyonero, at lahat na nagsusulong sa Kaharian ng Diyos.
Ibig sabihin ba nito ay hindi tayo dapat magkaroon ng makalupang ari-arian o kayamanan? Hindi. Binigyan ng Panginoong Diyos ang tao ng sentido komun. Ang pagkakaroon ng simpleng bahay ay hindi kasalanan. Madalas na mas mahal ang upa kaysa sa mag-ari ng bahay. Pinayuhan ni Jose si Paraon na mag-imbak ng butil para sa mga darating na taon ng taggutom. Ang paghahanda at paggawa ng mga hakbang para sa pagtanda ay hindi kasalanan. Tingnan ang Mga Gawa 4:32-37, ipinagbili ng mga mayayamang Kristiyano ang kanilang mga ari-arian at ibinahagi sa mga mahihirap. Ngunit kung ipagbibili nila ang lahat ng kanilang pag-aari, sila rin ay magiging dukha at mangangailangan! Ang mananampalataya ay maaaring maging "mayaman" at mula sa kanyang kita ay ibabahagi ang kanyang kayamanan sa mga maralita. Kadalasan ang mga "mayaman" ay kayang panatiliin suportahan ang mga mahihirap at ang pagpapahayo ng Kaharian ng Diyos nang matagalan kaysa kung ibinenta nila ang lahat at walang itira para sa kanyang sarili.

Ito ay katanungan kung nasaan ang puso? Nakatuon ba ang puso sa mga gawain at kayamanang maka-lupa? O ang puso ba ay nakatuon sa Diyos, ibig sabihin; sa kaharian ng Diyos, sa Kanyang Kalooban, sa kaluwalhatian ng Panginoon?

Mga Talata 22-23 Paano magiging lampara ang mata? Ang mata ay hindi naman pinagmumulan ng enerhiya, pero sa isang banda puwede. Kapag ang araw ay sumisikat, ang mata ay pumipikit upang makakita ng mabuti. Ngunit sa gabi, ang mata ay bumubuka at nakakakita pa rin kahit madilim. Para dito kailangan natin ng malusog na mata. Kapag may katarata o sakit sa mata, nagiging malabo ang paningin. At kung lumala hanggang sa wala nang makita, ang katawan ay makakaranas ng ganap na kadiliman bilang isang bulag. Kapag ang pag-iisip ay nakatuon sa makalupang yaman, siya'y nabubulag ng kaaway. Sa kabilang dako, kapag ang pag-iisip ay nakatuon sa Panginoong Diyos, siya ay nasa LIWANAG.
Ang ating mata ay nagpapasa ng liwanag mula sa labas papasok, ito ay isang pagpapahayag ng ating panloob na pagkatao. Ang pananaw ng isang tao sa buhay ay angking kanya, tinutukoy nito kung paano niya nakikita ang mga bagay-bagay sa buhay.

Talata 24 Hindi tayo makapagtatayo ng mga ari-arian sa lupa kasabay ng paglilingkod sa Diyos. Darating ang panahon kailangan kang mamili; ang makalupa o ang makalangit. Kahit alam natin pag-aari ng Diyos ang lahat, nangangailangan ng pagpupundár, oras at iyong mga talento upang palaganapin ang Kanyang kaharian. Ang Mammon (kayamanan), na puwedeng maglihis sa puso ng tao palayo sa Diyos, ay kaagaw ng Panginoon sa iyong oras, talento at pagpupundár para higit pang yumaman. Ang tanong ngayon ay kanino mo iaalay ang iyong sarili; sa Panginoong Hesus o sa makamundong kayamanan? Kanino ka magsisilbi?

Talata 25 Pastor Nielsen: "Ang estilo ng patanóng ay ginagamit para mas personal na maisangkot ang mambabasa. Ang mga tao ay nagiging balisa kung sa pakiramdam niya ay wala siyang kontról sa buhay kaya lumilikom siya ng ari-arian na sa kanyang palagay ay nagdudulot ng seguridad at kaligtasan. Ang ganitong takot ay humahantong sa maling akala, na ang pagkain ay buhay at ito'y kinakailangan upang protektahan ang buhay sa pamamagitan ng "pag-aalala". Karamihan ng tao ang nabubuhay ng ganito pero dahil nga marami sila, hindi ito napapansin at napagtatanto."
Ang salitang "Samakatuwid" ay nagbibigay koneksyon sa naunang mga talata. Nilikha ng Diyos ang tao at sa gayon ay Siyang nagkakaloob din ng mga pangangailangan nito. Itigil ang pag-aalala sa iyong pangangailangan (kung ano ang kakainin, iinumin at isusuot) o ang pagtuon sa kayamanan. Mayroong mga nahuhumaling sa pagkain na kadalasang humahantong sa labis na katabaan. Ihinto ang pag-aalala at pagkabalisa, ituon ang iyong mga mata sa Diyos at sa Kanyang kaharian. Magtiwala sa Panginoong Diyos na Siyang nagbibigay sa iyo ng iyong mga kinakailangan.

Talata 26 Ang Israel ay isang lupain na puno ng mga ibon. Sa Levitico 11:13-19 ay binanggit ang 19 na uri, at higit pa ang pinangalanan sa Lumang Tipan, at ang lahat ay pinapakain ng Diyos. Kaya huwag kang mag-alala. Kumuha ng aral mula sa mga ibon; Kumilos sila ayon sa likas nilang taglay kung paano sila nilikha ng Maykapal. Hindi sila tamad, imbes aktibo. Maliban sa mga inakay, hindi sila naghihintay na isusubo na lang ang pagkain sa kanilang bibig. Naghahanap sila ng mga makakain (uod o mga insekto), bumubuo ng pugad, inaalagaan ang kanilang mga anak, tinuturuan silang lumipad, atbp. Naglalakbay din sila sa mas mainit o mas malamig na lugar upang mabuhay. Maraming magagandang halimbawa ang puwedeng matutunan ng tao mula sa mga ibon; maghanap ng trabaho, mag-ayos ng bahay, mag-alaga ng mga bata, turuan sila ng Salita ng Diyos, maging malaya at tumayo sa sarili mga paa para mabuhay. Bukod sa mga aral na ito, palaging manalig at manalangin sa Diyos Ama.

Talata 27 Ang karangkál siko (span) ay maaaring mangahulugan ng: edad, taas, o uri ng katawan. Walang sinuman ang makakapagbago ng anumang bagay sa pag-aalala kung gaano tatagal ang buhay o kung gaano ka tatangkad. Ang pag-aalala ay nagdaragdag ng panganib sa paglaki at pagtanda.
Ang isang siko ay yunit ng haba at humigit-kumulang 0.5 metro. Ang laki ay kinukuha mula sa siko (forearm) ng tao: ang distansya ay mula sa tuktok ng gitnang daliri hanggang sa liko ng siko. Ang eksaktong haba ng siko ay pinagtatalunan. Kinakalkula ni Thenius ang haba ng lumang-Hebreo na siko (anim na lapad ng kamay) sa 483.9 milimetro.

Mga Talata 28-31 Kung literal na tinutukoy ni Hesus ang mga liryo o mga bulaklak na kusang tumutubo sa bukid ay hindi mahalaga. Ang Diyos ang Lumikha, Siya ang nag-aalaga't nagpapadala ng ulan para sila'y lumago. Ang kagandahan at halimuyak nila ay sa ikaluluwalhati ng Diyos. Kung ang mga ligaw na halaman ay inaalagaan Niya, paano pa kaya ang Kanyang mga anak. Aral: manalangin at magtiwala sa Diyos.

Talata 32 Hindi dapat binibigyang-halaga o pagkabahala ng mananampalataya ang mga bagay-bagay sa lupa. Ibigay mo sa Diyos ang lahat ng iyong alalahanin. Ang mga mata ng Kristiyano ay dapat nakatuon sa pagtatayo ng Kaharian ng Diyos. Ipakita na naghahari ang Panginoon sa lupa sa pamamagitan ng iyong mga gawa; sa pagdarasal, sa pamumuhay ng may kabanalan, sa paghahayag ng Magandang Balita, atbp. Kapag ang Kristiyano ay namumuhay nang ayon sa Kanyang kalooban, ang Diyos ay nangakong ibibigay Niya sa inyo ang lahat ng mga pangangailangang ito. Kaya ang Kristiyanong nababahala sa mga makamundong bagay ay parang nagsasabi sa Diyos na akong bahala sa sarili ko't hindi ko kailangan ang tulong Niyo.

Huwag mag-alala tungkol sa mga problema ng bukas. Tama lang na paghandaan ang iyong pagtanda dahil responsibilidad mo iyon, para huwag kang mag-alala kapag nagretiro ka na. Huwag mabalisa sa mga bagay para bukas, ngunit asikasuhin ang mga bagay na kailangan mong gawin NGAYON. Maaari namang paghandaan o planuhin ang hinaharap, ang payo ng Salita ng Diyos ay huwag gawin itong alalahanin, sa halip ay isuko ito sa iyong Ama. Kaya sige lang, mag-aral at maghanda sa mga ituturo mo sa simbahan. Suriin ang plano maiigi kung may malaking pagpapasiyáng kailangang gawin. Ngunit hindi dapat mahumaling dito. Ang hindi pag-aalala ay nangangahulugan na walang pagkabalisa, tensyon at pangangamba sapagkat umaasa ka na aakayin ka ng Diyos sa kinabukasan!

Balik sa MenuBalik sa Itaas


Sermon sa bundok 3 - Mateo 7

Talata 1 Ano ang ibig sabihin ng hindi tayo dapat manghusga? Para maunawaan kung ano ang itinuturo ng Panginoong Hesus ay isaalang-alang ang Kanyang pinangaral sa Mateo 18:15-17 upang malaman natin kung paano ito pairalin.

Talata 2 Ang 2 Samuel 12:1-10 ay isang magandang halimbawa ng paghusga. Sa kuwento ng propetang Nathan, nagalit si Haring David sa kawalang-katarungan ng mayaman sa mahihirap. Sumagot si Nathan na si David ang tinutukoy na may salang mayaman sa parabula. Marahil dito nagmula ang kasabihang Olandes: isang galyetas ng iyong sariling gamot. Ang mananampalataya ay dapat humatol nang matuwid, nang walang kinikilingan at poot, at naaayon sa Salita ng Diyos.

Mga Talata 3-5 Dapat siyasatin ng mananampalataya ang sarili niyang mga kapintasan. Tingnan muna ang iyong sariling mga kahinaan. Sa pagsusuri ng iyong sarili, may kakayahan ka bang makapaghatol ng matuwid at tulungan ang iyong kapatid kay Kristo. Alam ni Hesus ang klase ng paghatol ng mga ipókritóng naroon, kaya nakikita rin Niya ang mga kahinaan at kapintasan ng mga Kristiyano. May mga mahihinang kapatid, at may mga may-gulang (matatag) na Kristiyano. Sasawayin at kagagalitan mo ba ang isang kapatid na nahuli mong umiinom ng alak samantalang ikaw ay patagong naglalasing din? Ayusin mo muna ang iyong sariling mga kahinaan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu at pagkatapos ay hayaang patnubayan ka Niya nang may pag-ibig na alisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.

Talata 6 Ang aso, hindi ito yuong alagang hayop kundi ligaw na aso, ay isang masamang hayop noong panahon ni Hesus. Ang mga baboy ay itinuturing na maruruming hayop (Levitico 11:27). Posibleng tinutukoy ng mga aso at baboy ang mga taong tumanggi sa kaharian (perlas) ng Diyos, kahit mga nagpapahayag na Kristiyano sila pero patuloy na mamumuhay sa laman. Inutusan ni Hesus ang kanyang mga alagad na ipahayag ang Ebanghelyo sa Mateo 10:11-15 at sa talata 14 Kanyang sinabi; "At kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa." Ang mga Kristiyano ay inutusang ipangaral ang Ebanghelyo, ngunit kung ito'y patuloy na tinatanggihan, huwag sayangin ang oras sa mga ayaw. Bilang Kristiyano ika'y may tungkulin na ituro ang kasalanan ng kapwa Kristiyano, ngunit kapag siya'y patuloy sa pagsuway sa kalooban ng Diyos huwag mong sayangin ang iyong oras sa kanya, ang paghahatol ay na kay Hesus. Tayo ay kailangang maging matiyaga, gayunpaman may hangganan ito (Gawa 13:46-47).

Talata 7 May kaugnayan ba sa mga talata 1-6? Nais ni Hesus na tayo ay lumakad ng matuwid at walang kinikilingan, at dahil sa paglilinis sa atin ng dugo ni Hesus, maaari tayong lumapit sa Diyos sa panalangin. Mayroong paitaas na linya ang pananalangin: humingi, maghanap at kumatok. Ang panalangin ay ang pagpapakumbaba at kamalayan na ika'y mayroon mga pangangailangan na ang tanging Diyos lamang ang makakatugon. Ang pandiwang ginamit dito ay ang kahilingan mula sa isang nakababata sa isang nakatatanda; na kapag nagtanong, siya'y umaasa ng sagot. Kapag nananalangin ang mananampalataya, dapat niyang asahan ang sagot mula sa Diyos. Ang manalangin nang walang inaasahang sagot ay walang kabuluhan.
Ang paghahanap ay pinagsamang paghangad at PAGKILOS. Isang taos-pusong kahilingan, gayunman ang paghangad lamang ay hindi sapat, dapat kumilos din kasabay ng paghahanap. Halimbawa, ang ikaw ay maaaring humingi ng mas malalim na kaalaman sa Bibliya, ngunit ikaw mismo ay kailangang mag-aral ng at pagnilayan ang Salita ng Diyos, magbasa ng mga komentaryo, at hilingin sa Banal na Espiritu na buksan ang iyong mga mata sa mga hiyas ng Bibliya. Sa Juan 5:39 binanggit ang pagsasaliksik ng mga Kasulatan, at sa Gawa 17:11 sinulat ang magandang halimbawa ng mga taga-Berea na may pananabik silang nakinig sa mga paliwanag, at sinaliksik nila araw-araw ang Banal na Kasulatan upang tingnan kung totoo nga ang itinuro sa kanila. Suriin kung ano ang kalooban ng Diyos. Kapag may ipinahayag sa iyo, siyasatin ng mabuti kung ito'y sangayon sa Salita ng Diyos upang manigurong ito'y kalooban Niya.
Medyo malakas ang ipanapahiwatig ng pagkatok. Ang mga kastilyo ay kadalasang nakatayo sa malawak na lugar, may makakapal na pader (minsan 2-3 metro ang kapal), pero sadyang walang timbre sa pinto. Kinakailangan ng isang bisita na marinig siyang KUMATOK nang napakalakas upang umabot sa silid ng residente. Ang tunog ay kailangang tumagos sa halos 10 metrong kapal na pader, kayat patuloy ang pagkatok hanggang sa mapagbuksan ang pinto ng kastilyo. Ang ibig sabihin ba ng PAGKATOK ay sumigaw? Hindi! Ang Diyos ay nakaluklok sa langit, ang sansinukob ay maraming sinag-taon ang laki. Ang tunog ng sigaw ay umaabot ng ilang metro lamang, pagkatapos unti-unting nababawasan ang lakas hanggang sa mawawala. Kaya magsalita lang ng normal, sa katunayan kahit hindi ka magsalita, batid ng Diyos ang iyong saloobin, alam Niya ang lahat. Ang Banal na Espiritu ay nananahan sa mananampalataya, kayat direkta Niyang naririnig ang iyong panalangin sa Diyos. Ngunit ang batayan ng pagsagot ng Diyos ay walang kinalaman sa pagdarasal, paghahanap at pagkatok. Dahil kahit ano pa ang hilingin mo, kung ito'y hindi sangayon sa kalooban Niya, wala itong mararating. Ang layunin ng panalangin ay ang magtiyaga ang Kristiyanong hanapin ang Kaharian ng Diyos at sundin ang Kanyang kalooban.

Mga Talata 9-10 Ang ibig sabihin ng bato dito ay ang hindi nakakain o hindi nagagamit. Ang sa ahas nama'y mga bagay na mapanganib o nakakapinsala. Likas sa isang ama, kahit na yuong masama, na magbigay ng ikabubuti sa kanyang anak. Maski ang bata ay humiling ng isang bagay na di makakabuti, tungkulin ng ama na ang ipagkaloob ay ang nakabubuti. Kaya ang mananampalataya ay dapat maging maingat sa paghingi, maaaring sa sariling pananaw ay magandang bagay ang hinihiling pero para makasiguro idagdag ang "tupdin ang Iyong kalooban" tanda ng pagpapasakop at tiwala sa Ama.
Bagaman likas na makasalanan, ang isang ama ay nakapagbibigay ng mabuti sa kanyang anak. Mas lalo na ang Diyos Ama, na nais ibigay ang mabubuting bagay sa kanyang mga anak, lalo na't kung hinihiling ito ng mananampalataya.

Ang Kautusan (the Law o Torah) ay ang unang limang aklat ng Bibliya, at ang mga Propeta ay ang iba pang mga aklat sa Lumang Tipan. Ang Sampung Utos ay nag-uutos na dapat ibigin ang Diyos una sa lahat, at sinusundan ito ng pag-ibig para sa kapwa. Ang mas malawak na kautusan ay nagsasabing; hindi mo dapat pag-imbutan kung ano ang sa iyong kapwa, huwag pumatay, huwag magnakaw, atbp. Kung tutuusin, ito ang ayaw mong gawin ng ibang tao sa iyo. Kaya kung ano ang kinasusuklaman mo, huwag mong gagawin sa sinuman.

Narrow Road to Heaven.jpgDaan papuntang Langit

Ang larawan ng dalawang daan ay nabanggit na sa Deuteronomio 11:26-28

"Sa araw na ito, binibigyan ko kayo ng pamimilian: pagpapala o sumpa. Pagpapala kapag sinunod ninyo ang kanyang mga utos, ngunit sumpa kapag sumamba kayo sa ibang diyos sa halip na sumunod sa kanyang mga utos."

Ang makipot na pintuan ay ang pasukan ng landas na patungo sa buhay na walang hanggan; ito ay ang pananampalataya sa Panginoong Hesukristo, na sa pamamagitan ng Kanyang dugo ay nagbibigay ng kapatawaran ng mga kasalanan. Ito ay isang makitid at mahirap na daan, na nangangailangan ng tulong ng Banal na Espiritu araw-araw para tahakin. Kaya ginawa ng Diyos na templo ng Banal na Espiritu ang mananampalataya upang magawa niyang mahalin ang Diyos at ang kapwa, at iwaksi ang makamundong pagnanasa't pamumuhay. At bilang maharlikang pari, ang Kristiyano, inatasang isapamuhay ang kalooban ng Diyos.
Malawak ang pintuan at madali ang daan na patungo sa kapahamakan, ito ay ang kamatayan na walang hanggan sa Lawa ng Apoy. Kahalintulad nito ang pagmamahal sa mundo't mga gawi nito tulad ng; pagnakaw, pagpatay, pangangalunya, pagsisinungaling, kawalang-katarungan, poot, pagkamakasarili, atbp. Ngunit ang pinakamasahol ay ang pagtanggi kay Hesukristo bilang Panginoon at Tagapagligtas.

Talata 14 Sa kasamaang palad, IILAN lamang ang tumatanggap kay Hesukristo bilang kanilang Tagapagligtas. Marami ang naghahanap ng madaling daan tulad ng yoga, Budhismo, Islam, okultismo, huwad na Kristiyanismo, atbp. Sa kabila ng malawakang pamamahagi at paghahayag ng Ebanghelyo sa mga simbahan, internet, telebisyon, at mga tindahan ng libro, kakaunti ang nakakatagpo kay Hesus at sumampalataya sa Kanya (Mateo 13:18-23, 25:1-13). Sa talinghaga ng limang matalino at limang hangal na birhen, iilan lamang ang nakapasok sa Langit (ang kasal). Walang sinuman ang may dahilan upang sabihin; ngunit hindi ko alam ang daan patungo kay Hesus.

Talata 15 Sino ang mga tinutukoy dito? Ang mga huwad na mangangaral ng Salita ng Diyos na pinipilipit ang katotohanan. Ang mga huwad na mangangaral ay yaong lihis ang pagpapaliwanag ng Bibliya at nagsasabing "hindi iyan ang kahulugan nito". Bukod diyan, sila'y naghahanap ng kanilang sariling (pinansyal) na interes at karangalan. Sa kasamaang palad, sa aking palagay, ang tanyag na pagsasalin ng Bibliya ay masyadong nakatuon na pasimplehin ang wika. Samakatuwid, kailangang basahin ang lumang King James na Bibliya at mga komentaryong may paliwanag batay sa tekstong Hebreo at Griego.

Mga Talata 16-20 Paano natin makikilala ang mga huwad na taong ito? Batay sa kanilang bunga. Ang isang tao na wala ang Banal na Espiritu sa kanya ay hindi kayang magpakita ng bunga ng Banal na Espiritu (Galacia 5:22). Hindi natin siya makikitaan ng bunga sa kanyang buhay. Meron ding nagpapahayag ng magagandang (Biblikal) na mga salita, ngunit sila mismo ay hindi nagsasanay nito. Ang isang taong puspos ng Banal na Espiritu (ang mabuting puno) ay makikitaan ng mga bunga ng Espiritu. Ang mga masamang puno (bulaang propeta, huwad na mananampalataya) ay makikitaan ng mga masasamang bunga (makamundong pamumuhay), at sila ang mga puputulin at itatapon sa apoy.
Huwag magpaloko, ang mga bulaang propeta ay ang mga propeta na ang mga propesiya ay HINDI natutupad. Ang mga tunay na propeta, LAHAT ng propesiya ay nagaganap. Ang mga pastor na may mamahaling sasakyan at mararangyang villa ay isang halimbawa ng masamang puno. Ginamit ng mabuting puno ang pera sa ebánghelismo at misyon para itayo ang komunidad ng simbahan.

Mga Talata 22-23 Katuruang kadugtong ng masamang puno at mga huwad na propeta. Maaaring isipin na ang sinumang na naghahayag ng propesiya, nagpapalayas ng masasamang espiritu, nagpapagaling at gumagawa ng himala sa Pangalan ni Hesus, na lahat sila ay mabuting bunga? Sa kasamaang palad, hindi. Tulad ng masamang puno, ang mga ito'y mga bulaang mga lingkod na walang tunay na kaugnayan sa Panginoong Hesus kahit na tinawag nila Siya na "Panginoon, Panginoon". Ang mga tunay na alagad ng Diyos ay silang nabubuhay sangayon sa Kanyang kalooban at nagbibigay papuri't parangal sa Diyos lamang ng WALANG kapalit. Ito'y tugon nila sa kaligatasang pinagkaloob ng Diyos sa kanila dahil sa Kanyang habag at awa.
Ang sagot ni Hesus sa araw ng paghuhukom (Revelation 20:11-15) ay nakakatakot pero malinaw; "Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin" (Mateo 7:23). Aral: mag-ingat kung sino ang pinapayagan mong manalangin para sa iyo, kung sino pinahihintulutan mong magpatong ng kamay sa iyo. Mas mabuti pang HINDI tanggapin na may magpapatong ng kamay sa iyo, maliban kung sigurado ka sa kanyang kaugnayan kay Hesus at ang bunga ng Banal na Espiritu ay malinaw na nakikita sa kanya. Nagbabala si Apostol Pablo tungkol sa pagpapataw ng kamay sa 1 Timoteo 5:22; Huwag magmadali sa pagpapatong ng mga kamay, ni makibahagi sa mga kasalanan ng ibang tao; panatilihing malinis ang iyong sarili. Sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, maaaring mailipat ang masasamang espiritu. Ang tinutukoy ko ang espirituwal na pagpapatong ng mga kamay at hindi ang pagpapatong ng mga kamay ng isang magulang sa kanyang anak. Sa ilang bansa, ito ay isang normal na pagpapakita ng giliw sa pagpatong ng kamay sa balikat. Saliksikin mo ang Bibliya tungkol sa bagay na ito at hayaan ang Banal na Espiritu na linawin sa IYO. Huwag magbulag-bulagan sa kung ano ang sinasabi sa iyo ng mga iba sa internet. Wala akong mahanap ng anumang batayan sa Bibliya na kapag ipinatong ang mga kamay ay may nahuhulog sa lupa, ito'y kahinahinala sa akin.
Ang pagpapatong ng mga kamay sa Lumang Tipan ay nakikita natin bilang pagpapala at sa Bagong Tipan nakasulat na pinagpapala ni Hesus ang mga bata.

Pinagmulan InternetBijbelschool (Internet Bible School): Gayundin sa okulto ay may pagpapatong ng mga kamay. Tandaan ang mga magnetizer. Ang puwersa ay nanggagaling sa kanila ngunit ito ay kapangyarihan ng demonyo. Sa Hinduismo, mayroong paghipo ng yogi, tinatawag nila iyon na Shakti Pat. Kapag ang yogi ay humipo, kadalasan sa noo, ang hinipo ay nakakatanggap ng karanasan. Ang Shakti Pat ay "isang ekspresyon na ginagamit para sa paghipo ng isang guru, kadalasan ang kanyang kamay ay dinadantay sa noo ng mananamba na nagiging sanhi ng mga mala-himalang (mapanlinlang) na epekto. Ang ibig sabihin ng Shakti ay "kapangyarihan" at sa pagpapataw ng shakti pat, ang guru ay nagsisilbing tulay ng pangunahing puwersa, ang puwersa ng kosmiko, na nakapaloob sa sansinukob at sa diyosa na si Shakti, ang asawa ni Shiva. Ang mala-himalang (mapanlinlang) na epekto ng Shakti sa pamamagitan ng paghipo ng guru ay maaaring magtumba ng sumasamba sa lupa, o makakakita siya ng liwanag at makaranas ng panloob na pagpapagaan o isa pang mahiwagang karanasang saykiko." Dito ang guru ay tumatayong bilang isang espiritista (medium), isang taong naglilipat ng masasamang espiritu. Sinasabi ni Maharaj na siya ay labintatlong taong gulang pa lamang noong siya ay nagbibigay ng "shakti pat" sa mga tao. Nilinaw niya na si Shakti ay isa sa mga pangalan ni Kali, asawa ni Shiva. Siya daw ang inang diyosa na umiinom ng dugo at mamamatay-tao, ang pangunahing kapangyarihan, na dumadaloy sa puso ng sansinukob. Ito ay isang kapana-panabik na oras para kay Maharaj dahil akala niya siya ang magiging "daluyan" ng kanyang kapangyarihan. Katapusan ng Pinagmulan.

Mga Talata 24-25 Para sa mga rabi ang mga nagtatayo ng magandang pundasyon ay ang mga gumagawa ng mabubuting gawain, nag-aral ng Torah at naisasa-puso ito. Ayon kay Hesus sa Kanyang sermon sa bundok (kabanata 5-7), maaari nating masabi na ang bahay na itinayo sa pundasyong bato, ay ang matalino mananampalataya na hindi lamang nakinig at naintindihan ang Salita ng Diyos (kinikilala ang kalooban ni Hesus), kundi isinabuhay din ito (puno ng bunga ng Banal na Espiritu).
Ang mga nakikinig sa mga salita ni Hesus ay pamilyar sa mga bagyo sa Israel; ang bagyo mula sa Dagat Mediteraneo. Ang mga mabangis na bagyo na may kaugnayan sa mga malakas na ulan na nagreresulta sa mga ligaw na agos ng tubig na sumisira sa lahat at humahampas sa mga bahay. Ang ulan, agos at hangin ay maihahambing natin sa mga pagsubok, paghihirap, karamdaman, sakuna at pag-atake ng kaaway sa ating buhay.
Ang pagtatayo sa bato ay nangangailangan ng kaalaman at lakas, paghuhukay at pag-alis ng lupa hanggang sa maabot ang pundasyong bato. Ang pagtatayo sa bato (na si Hesus) ay nangangailangan ng enerhiya, nangangailangan ito ng seryosong pagbabasa at pag-aaral ng mga turo (Bibliya) ni Hesus at pagsasabuhay nito.

Mga Talata 26-27 Walang pundasyon ang hangal. Kapag ang mga pagkabigô, pagsubok, at tukso ay dumating sa buhay, tapos lumitaw na ang pundasyon ay hindi si Hesus, babagsak ang bahay at lubusan itong mawawasak.

Mga Talata 28-29 Ang mga nakapakinig ng pangangaral ni Hesus ay namangha sa Kanyang tinuro't awtoridád. Sila ay natuwa dahil sa simpleng pagpapaliwanag ng Torah at sa kalooban ng Diyos. Siya ay nagturo nang may awtoridad at sa paggamit ng praktikal na mga halimbawa; itinuro ang pagiging makasalanan ng tao at ang ninanais ng Diyos. Hindi tulad ng mga eskriba na ipinapaliwanag ang Torah ayon sa mga tradisyon ng mga ninuno, at ang imposibleng pagsunod (by works) sa Kautusan ng Diyos, na sa kanila ay ang daan para sa kaligtasan.

Balik sa MenuBalik sa Itaas


Elaborasyon ng sermon sa bundok - Mateo 8

Mga Talata 1-4 Ang ketong ay lubhang kinatatakutan na sakit at ang pagkakaroon nito ay may kaakibat na mahigpit na alituntunin, tingnan ang Levitico 13-14. Sa paglitaw at magkumpirmá ng ketong, ang saserdote ay kailangang maglabas ng deklarasyon ng "marumi" at sa paggaling mula dito siya'y magdedeklara ng "dalisay". Ang ketong ay tinuturing bilang isang parusa ng Diyos (Bilang 12:10 Miriam kapatid ni Moises, 2 Samuel 3:29, 2 Hari 5, 7:3). Lumuhod ang ketongin at tinawag si Hesus na "Panginoon", na nagpapakita ng malalim niyang paggalang. Ipinahayag din niya ang kanyang pananampalataya na kaya siyang paggalingin ni Hesus sa mga salitang "kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis." Iniunat ni Hesus ang Kanyang kamay at hinipo ang ketongin kahit na ayon sa kautusan ng mga Hudyo, mahigpit na ipinagbabawal ang paghipo sa ketongin. Sinabi ni Hesus, “Oo, nais ko. Maging malinis ka.” at agad na gumaling ang ketong. Ipinagbawal ni Hesus sa kanya na huwag banggitin na Siya ang naglinis ng kanyang ketong dahil ginamit ni Hesus ang Kanyang kapangyarihang Mesiyas at ang Kanyang panahon bilang Mesiyas ay hindi pa dumarating. Kailangang pumunta ang ketongin mula sa Capernaum patungo sa saserdote sa Jerusalem, na may layong 79 milya (127 km). Hindi dapat malaman ng pari na si Hesus ang nagpagaling sa kanya, dahil ang mga saserdote ay puno ng inggit kay Hesus, kaya may posibilidad na hindi ideklara ng pari na siya'y "malinis" na. Ang ketongin ay dapat magpakita sa pari alinsunod sa kautusan ng mga Hudyo at magdala ng kaukulang hain ng kalinisan. Nais ni Hesus na matupad ang kautusan sa kadahilanang Siya ay naparito sa lupa upang tupdin ito.
Ang ketong ay isang kakila-kilabot na sakit. Ang balat ay numumuti at namamaga lalo na sa paligid ng mga mata. Ang may malalang kundisiyon nito ay napuputulan ng mga daliri sa kamay at paa. Mabaho ang amoy ng may ketong dahil parang nabubulok ang kanilang balat at laman. Ito'y nabibilang sa mga sakit na walang lunas, ngunit hindi nakakahawa (maliban sa mga ibang eksepsiyon). Gayunpaman ang mga ketongin ay hindi pinapayagang makihalubilo sa komunidad.

Mga Talata 5-9 Ang Capernaum ay isang nayon sa Hilaga ng Palestina. Ang isang senturyon ay isang sundalo na sa pamamagitan ng katatagan at mga taon ng paglilingkod ay umangat sa pagiging isang komandante ng isang daang sundalo. Mapapansin din dito ang pagpapakumbaba ng senturyon sa pagbati kay Hesus bilang "Panginoon". Ang senturyong ito ay nahabag sa sinapit ng kanyang lingkod na posibleng paralisis na may matinding pananakit at maaaring humantong sa paghinto sa paghinga at kamatayan (tingnan ang Lucas 7:1-10). Alam ng senturyon, na isang hentil, na ang isang Hudyo ay hindi pinapayagang pumasok sa kanyang tahanan. Inilagay niya ang kanyang tiwala kay Hesus. Mula sa karanasan, alam niya na kapag nagbigay siya ng utos, ito'y sinusunod ng kanyang mga lingkod, katulad din niya na sinusunod ang mga utos na ibinibigay ng mga nakatataas sa kanya. Kinikilala niya ang awtoridad ni Hesus. Samakatuwid, hindi na kinakailangang pumasok si Hesus sa kanyang tahanan. Para sa kanya, ang salita ni Hesus ay sapat na para gumaling ang kanyang lingkod.

Talata 10 Si Hesus ay namangha sa pananampalataya niya; isang hindi Hudyo. Pinuna ni Hesus na kahit binigay sa mga Hudyo ang tipan at Kasulatan (tungkol sa Mesiyas), hindi pa Siya nakakita ng ganoong kalaking pananampalataya sa buong Israel. Ang hentil na ito ay nagtiwala kay Hesus, marahil sa narinig niya tungkol sa mga himala na Kanyang ginawa. Si Hesus ay namangha sa pagpapakumbaba't tiwala ng senturyon sa Kanyang kapangyarihang makapagpagaling kahit na malayo.

Mga Talata 11-12 Ang pangako ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya ay ibinigay sa bayan ng Israel bilang angkan ng mga pátriyarkang sina Abraham, Isaac at Jacob. Bukod sa kaligtasan, ang pananalig na ito sa Diyos ng Israel ay nagdudulot din ng kagalingan at pagpapalaya na unang inalok sa mga Hudyo, ngunit nalalapat din sa mga Hentil, kung saan ang senturyon ay nangangahas na hingin. Maaaring alam niya na si Hesus (ang Mesiyas) ay dumating para sa mga Hudyo, pero sa kabila nito kinuha niya ang pagkakataong magsumamò kay Hesus.
Ang paniniwala ng mga Hudyo ay sila'y may karapatan sapagkat binigay sa kanila ng Diyos ang Kautusan at mga anak sila ng pátriyarka. Gayunpaman, maraming tao ang walang pakialam sa kasalanan at pananampalataya. Tulad ng panahon ni Juan Bautista, marami ang tumatangging umamin na sila'y makasalanan at sa panawagang magsisi't manalig sa Kordero ng Diyos. Para sa mga taong ganito, Hudyo man o Hentil, WALANG lugar sila sa Kaharian ng Langit. Ang kanilang kahihinatnan ay ang walang hanggang kadiliman. (Hades, impiyerno) kung saan naroroon ang hinagpis at pasakit (Lucas 16:19-31).

Talata 13 Ang sagot ni Hesus sa senturyon; "Umuwi ka na; mangyayari ang hinihiling mo ayon sa iyong pananampalataya." Sa oras ding iyon ay gumaling ang katulong ng opisyal. Hindi na kinailangan ni Hesus na sumasama sa senturyon at pumunta pa sa kanyang tahanan kung saan naroon ang kanyang lingkod na maysakit. Ang pananampalataya niya ay sapat na sa Panginoong Hesus upang pagalingin yaong nakaratay sa sandaling iyon.

Mga Talata 14-15 Ang unang pagpapagaling ay nangyayari sa araw ng Sabbath, ito ay ang biyenan ni Pedro na nakahigang nilalagnat. Mula kay Marcos mababasa natin na nangyayari ito nang kalalabas lang ni Hesus at ng mga disipulo sa sinagoga, at ayon sa Lucas 4:38 alam natin na ito ay matinding lagnat, at humingi sila ng tulong sa Panginoon. Hinawakan ni Hesus ang kamay ng biyenan at dagliang nawala ang lagnat niya at kaagad na kinayang pagsilbihan si Hesus. Sinalungat ni Hesus ang utos ng Sabbath dito ayon sa umiiral na opinyon noon. Gayunpaman, ipinamalas ni Hesus na sa mga seryosong sitwasyon, ang kapakanan ng tao ay mas prayoridad kaysa sa pangingilin. Ang reaksyon ng biyenan ni Pedro ay dapat ding makita sa liwanag ng aral na ito, tumayo siya at pinaglingkuran si Hesus at ang Kanyang mga alagad. Ang mga kababaihan ay malaya din mangilin. Sila'y pinahintulutan na ipagdiwang ang Sabbath bilang ikaapat na Utos, kaya ang pagkain ay kailangang ihanda ng Biyernes at ubusin sa Sabbath. Dahil sa kanyang sakit, hindi nagawa ng biyenan ni Pedro ito, at ngayong magaling na siya, dahil sa pangangailangan, sinalungat din niya ang panuntunang iyon.
Ang pagpasok ni Hesus sa bahay ng biyenan ni Pedro ay nagpapatunay na si Pedro ay may asawa.
Pagsilbi; ang salitang Griyego ay nagpapahiwatig dito ng paghanda ng pagkaing hapunan.

CapernaumMillstone Synagoge Synagoge2

Talata 16 Sinapian: ito'y mga taong sinapian at mga nagkaroon ng karamdaman dahil sa ng mga demonyo. Hindi na mahalaga kung ano ang sanhi ng diperensya, mababaw man o nakamamatay, pisikál, sikolohikal o espirituwál. Si Hesus ay may kapangyarihan sa lahat ng mga sakit at kampón ng kadiliman. Pinagaling Niya ang lahat. Maaaring mawalan ng kontrol ang isang tao sa kanyang sarili dahil sinaniban ng demonyo, pero sa awtoridad ni Hesus walang magagawa ang kaaway kundi lumayas sa inaalipin. Walang limitasyon sa kapangyarihan at pagpapagaling ni Hesus.

Talata 17 Hindi dapat isipin na pumalit si Hesus sa taong may karamdaman kaya ang sakit ay literal na napunta kay Hesus. Hindi. Naantig at naawa si Hesus sa mga taong may sakit, ang Kanyang kahabagan ang nagudyok sa Panginoon na magpagaling. Ang pagkahulog sa kasalanan ng ating ninuno ay ang kadahilanan ng lahat ng mga sakit. Ang ating mga karamdaman ay kinuha ni Hesus sa Kanyang pagdurusa sa Krus ng Kalbaryo. Doon ang kasalanan (pagkahulog) ay pinawalang-bisa sa pag-angkin ni Kristo sa kaparusahan ng kasalanan na dapat ay sa atin.

Talata 18 Gabi na noon ng maraming pinaggaling si Hesus. Tandaan na, bagamat Siya ay Diyos, Siya'y nagkatawang tao at napapagod din (talata 24). Kaya't nilisan Niya ang karamihan, upang tumawid sa kabilang ibayo sakay ng bangka, pagkatapos Niyang pagalingin ang lahat (talata 16).

Talata 19 Gayunpaman, bago makasakay si Hesus, isang eskriba ang lumapit sa kanya. Ang isang eskriba, na tagapagturo ng Kautusan at mga Propeta, ay kinilala na kailangan niya si Hesus na maging guro niya. Tinawag niyang "Guro" si Hesus at iniahayag na sasama sa Kanya kahit saanman.

Talata 20 Sumagot si Hesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon, ngunit wala man lamang matulugan o mapagpahingahan ang Anak ng Tao.” Mayroon silang mga tirahan, ngunit si Hesus ay wala. Hindi binanggit ng Bibliya kung pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay sumunod ang eskriba. Nilibot Niya ang buong bansang Israel, itinakwil sa Judea, Samaria, Galilea, Gadaranes at maging ang mundo'y tinanggihan Siya at ipinapako sa krus. Kaya ang babala ni Hesus, kung ninanais na sundin Siya, kalkulahin ang igugugol sa pagsunod sa Kanya; bukod ang posibleng kawalan ng tirahan sa lupa, ay asahan ang pag-uusig at pagtatakwíl ng kapwa.
Sa Mateo 26:64 tinutukoy si Hesus na Anak ng Diyos, at sa Daniel 7:13 bilang Anak ng Tao, na nagwagi sa kasalanan at nakaupo sa kanan ng Diyos (Mateo 26:62) at napagtagumpayan ang lahat ng kapangyarihan sa kalangitan at sa lupa.

Mga Talata 21-22 Sa Judea, ang mga patay ay inilibing kaagad dahil sa init at mabilis na pag-aagnas. Ang lamay ay madalas na sinasamahan ng mga bayarang (ipokrito) mangi-iyak. Kaya nang ang isang alagad Niya ang nagsabi, “Panginoon, maaari po bang umuwi muna ako upang ipalibing ko ang aking ama?” Ang sagot ni Hesus ay, “Sumunod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay.” Ang kaluluwa ng patay na tao ay wala na sa lupa. Paalis na si Kristo KAAGAD (talata 23) at wala na malamang pagbalik mula sa paglibing. Ikumpara ito sa tugon ng mga disipulong sina Pedro't Andres na piniling sumunod kay Hesus sa Mateo 4:19-20. Si Hesus ay ang soberanong Panginoon.

Talata 23 Ang mga tunay na alagad ay sumunod kay Hesus at sumama sa Kanya sa bangka at umalis.

Talata 24 Si Hesus bilang tao ay napagod makatapos Niyang pagalingin ang lahat ng inilapit sa Kanya. Kaya sa kabila ng malakas na unos (kilalang-kilala sa dagat ng Galilea) at malalaking alon na halos matabunan ang bangka, nakatulog nang malalim si Hesus sa pagod.
Ang Lawa ng Galilea ay humigit-kumulang 210 metro na mas mababa sa antas ng dagat sa pagitan ng Bundok Hermon, na humigit-kumulang 2800 metro ang taas. Kaya naman pangkaraniwan na ang mabangis na hangin at mataas na alon doon.

Talata 25 Ang bangis ng bagyo ay hindi nagawang gisingin si Hesus. Ang kanyang mga alagad ay desperado't takot na takot na ginising Siya; “Panginoon, iligtas ninyo kami! Mamamatay kami!” Gaano kadalas dumanas ng bagyo sa buhay ang mananampalataya? Nakikita natin ito sa anyo ng kahirapan, kalungkutan, karamdaman, at pag-atake ng mga kampon ng diyablo. Nagdarasal at iniiyak mo ito kay Kristo, ngunit tila walang tugon mula sa Diyos, para bagang natutulog Siya. Si Hesus ay natulog nang malalim na may pagtitiwala sa Kanyang Ama. Nakita ng mga disipulo ang Kanyang mga himala, ngunit ngayon sa gitna ng marahas na unos, ang kanilang takot ay nangibabaw.

Talata 26 Sinaway ni Hesus ang kanyang mga alagad; “Bakit kayo natatakot? Napakaliit naman ng inyong pananampalataya!” Tinawag sila ni Hesus para maging Kanyang mga disipulo, kaya hindi Niya sila pababayaan. Hindi kaagad pinatigil ni Hesus ang bagyo, inuna Niya ang Kanyang mga alagad at pinangaralan muna. Para bang sinasabi Niya rin sa atin; Tinawag kita. Naipakita Ko na ang Aking kapangyarihan sa iyo. Magtiwala ka sa Akin.
Pagkatapos noon ay ipinakita ni Hesus na Siya ang Panginoon ng lahat, at ang marahas na bagyo ay biglaang tumigil. Karaniwan pagkatapos ng bagyo, nagpapatuloy pa rin ang unos ng ilang sandali pero dito ang hangin at ang dagat ay parehong humupa.

Talata 27 Malamang ay nadagdagan ang pagkamangha ng mga discipulo sa nasaksihan nila kay Hesus at sinabing; “Ano kayang uri ng tao ito? Maging ang hangin at ang lawa ay sumusunod sa kanya!” Maliban sa mga pagpapagaling at pagpapalayas ng mga demonyo, ngayon ay nakita nila din ang kapangyarihan ni Kristo sa kalikasan. At hindi ito kataka-taka, yayamang sino ba ang lumikha ng lahat, kundi Siya. Sa sarili kong karanasan, ang mananampalataya ay hindi lamang pinagkalooban ng kapangyarihang magpagaling pati na rin wakasan ang mga unos (literal man o ipotétikó) sa buhay.

Khersa Talata 28 Ang lupain ng Gadarenes ay malamang ang pangkasalukuyan Khersa, isang lugar na puno ng mga kuweba, mga 9 na kilometro sa Timog-Silangan ng Capernaum. Ang Marcos 5:1-5 ay nagbibigay ng isang mas mahusay na paglalarawan ng kanilang kabangisan at kung gaano sila mapanganib.

Talata 29 Kilala ng mga demonyo kung sino si Hesus, kaya sila'y nagsisigaw ng "Anak ng Diyos". Alam ni satanas at ng mga demonyo ang kanilang walang hanggang tadhana, na pagkatapos ng 1000 taong Kaharian ni Kristo, ay ang lawa ng apoy (Pahayag 20:9-10). Kaya hiniling nila kay Hesus na huwag muna silang pahirapan bago ang takdang oras ng kanilang kaparusahan.

Mga Talata 30-32 Alam ng mga demonyo na wala silang magagawa nang walang pahintulot ni Kristo, KAILANGAN nilang sundin si Hesus. Hindi natin alam kung ang lugar na ito ay sa pagano o sa Hudyo. Para sa mga Hudyo, ang mga baboy ay maruming hayop, kaya kung ang mga kawan ng baboy ay inaalagaan ng mga Hudyo, marka ito ng pagsuway sa kautusan. Nakiusap ang mga demonyo na palipatin sila sa mga baboy na tila ba sinasabing kailangan nila ng katawan (ng tao o hayop) para tirhan. Pero ng makapasok sila sa mga baboy, ang buong kawan ay biglang tumakbo papunta sa bangin, nahulog sa lawa at nalunod. Ang tunay na mananampalataya ay templo o tirahan ng Espiritu ng Diyos.

Mga Talata 33-34 Nagtakbuhan papuntang bayan ang mga tagapag-alaga ng mga baboy at isinalaysay ang kanilang nasaksihan, kaya't ang mga tao ay nagpuntahan doon upang magusisa. Paglapit nila kay Kristo, wala man lang kagalakan kahit kaunti sa pagpapalaya sa dalawang pinalaya ni Hesus mula sa mga demonyo. Mas nag-alala sila para sa kanilang pangangalakal (ng mga baboy). Hindi sila nakitaan ng pananampalataya o pasasalamat, sa kabaligtaran, takot ang nangibabaw. Hiniling ng mga residente na umalis Siya sa kanilang lugar, na tinugonan ni Hesus. Umaasa tayo na sana ang mga dating may sanib ay nagawang ihayag ang habag at kabutihan ni Kristo sa mga taga-roon.
Paano na ang kalagayan mo bilang Kristiyano? Binibigyan ba natin ng higit na pagpapahalaga sa ating mga ari-arian, negosyo, trabaho, kabuhayan, at ating kaunlaran? O, abala ba tayo sa Kaharian ng Diyos, sa Ebanghelyo, sa ating espirituwal na paglago at sa buhay na walang hanggang naghihintay sa atin sa langit?

Balik sa MenuBalik sa Itaas


Pagpapagaling ni Hesus - Mateo 9

Talata 1 Si Hesus ay bumalik sa kanyang sariling bayan, sa Capernaum, batay sa Mateo 4:13; nanirahan Siya sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali.
Nagbigay sina Marcos at Lucas ng mas detalyadong pagsasalarawan sa ulat na ito. Ang paralitiko ay dinala ng apat na lalaki at hindi nila maabot si Hesus sa loob ng bahay dahil sa dami ng tao. Kaya't inalis nila ang bubong at ibinaba ang paralitiko sa kanyang kutson. Ito ay nagpapakita ng pananampalataya ng paralitiko at ng kanyang apat na kaibigan. Ang karaniwang bubong ay binubuo ng tuyong dayami at putik, na bumubuo ng matigas at matibay na bubungán na mahirap masira. Sa Lucas 5:19 binanggit ang pag-alis ng mga tisa sa bubong.

Talata 2 Nakita ni Hesus ang kanilang pananampalataya na siyang kadalasang batayan ng pagpapagaling. Sa pangkalahatan, ang kasalanan ang sanhi ng sakit, dahil sa pagkahulog dumating ang sakit sa mundo. Ihambing ang Santiago 5:14-16; kung saan ang pagtatapat ng kasalanan ang siyang daan para sa kagalingan. Ayon sa mga Hudyo, ang Diyos lamang ang maaaring magpatawad ng kasalanan. Kaya ang sinuman na nagpápawalang-salà ay gumagawa ng kalapastanganan sa paglagay ng kanyang sarili na katumbas ng Diyos. Narito si Hesus, ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, na taglay ang awtoridad ng Diyos para Siya'y makapagpatawad ng kasalanan.

Talata 3 Kamalian ang sinabi ng mga eskriba na “Nilalapastangan niya ang Diyos.” Dahil HINDI nila kinikilala si Hesus bilang Bugtong na Anak ng Diyos kaya ang turing nila Siya ay ordinaryong tao.

Talata 4 Alam ni Hesus ang iniisip ng tao, walang natatago sa Kanya. Samakatuwid, tinanong Niya sila; “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan?" Alam ni Hesus ang masama nilang pag-iisip at ang kanilang inggit.

Talata 5 Ang mga salita o pangako ay napakadaling bigkasin, gayunpaman ang gawing itong katotohanan ay ibang kuwento. Madaling mangako sa iyong anak ngunit gaano kadalas natutupad ng magulang ang pangako? Madaling sabihin na; "Pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan." kasi walang makapagpapatunay nito dahil ang Diyos lamang ang nakaka-alam at nakakapagpatawad. Dito kikilos si Hesus at mag-MAGPAPATUNAY. Dahil ang sakit ay kadalasang resulta ng kasalanan, ang pananaw ay kapag tinanggal ang sakit (dito pagkaparalisá) ay nauna nang pinatawad ang kasalanan.

Mga Talata 6-7 Pinatunayan ni Hesus na siya ang Mesiyas (Anak ng Tao), na Siya ang may awtoridad ng Kanyang Ama nang inutos Niya sa paralitiko; “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” Una, 'Tumayo ka'; ang pagpapagaling Niya ay isang patunay ng kapatawaran ng kasalanan. Pangalawa, 'buhatin mo ang iyong higaan'; ay nangangahulugan na walang kahinaan sa kanyang katawan na kaya niya nang magbuhat. Tandaan na dahil binitbit siya para madala kay Hesus, malamang ang kama niya'y may kuwadro (frame) at hindi kutson lamang. Pangatlo, 'umuwi ka na'; kahit may kabigatan ang kama, naglakad siya pauwi sa kanyang bahay, patunay na ganap ang kagalingan at kapatawarang ipinagkaloob ni Kristo.

Talata 8 Natakot ang mga tao. Bakit kaya? Pinamalas ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan. Pinatunayan Niya na kaya Niyang magpatawad ng kasalanan na inuukol lamang sa Diyos. Sapagkat nakita ng mga tao ang kapangyarihan ng Diyos ng harapan, nagpatuloy sila sa pagluwalhati sa Diyos. Sa kalaunan, bibigyan ni Hesus ng awtoridad maging daluyan ng himala ang Kanyang mga disipulo at maging ang mga sasampalataya sa Kanya.

Talata 9 Ginamit sa Lucas 5:27 ang pangalang Levi, ang Hebreong pangalan ni Mateo. Para sa mga Hudyo, ang magkaroon ng dalawang pangalan ay karaniwan. Maaring si Hesus ang nagbigay sa kanya ng pangalang Mateo na ang ibig sabihin ay "kaloob ni Yahweh". Si Mateo ay isang maniningil ng buwis, samakatuwid ay bihasa sa pagsulat at pagtutuos (pagkalap ng katotohanan), at maraming wikang alam; mga talentong nagamit sa pagsulat ng Ebanghelyo ayon kay Mateo.
Sinabi ni Hesus: "Sumunod ka sa akin", at agad na iniwan ni Mateo ang pinagkukunan niya ng kita at sumunod. Malaking kaibahan sa taong tinukoy sa Mateo 8:21.

Talata 10 Ang mga maniningil ng buwis ay itinuturing na mga hindi tapat na tao (sa serbisyo ng Romanong mananakop), mga mangingikil, mga taong sakim sa pera. Agad na kumilos si Mateo at inanyayahan niya ang kanyang mga kaibigang (kapwa) maniningil ng buwis at mga makasalanan. Siguro nais niyang ipakilala si Hesus sa kanila. Nabalitaan kaya niya ang tungkol sa pagpapatawad at pagpapagaling sa paralitiko?

Talata 11 Ito sa kaibahan ng mga Pariseo, itinataas nila ang kanilang sarili bilang matuwid na taga-sunod ng kautusan. Kinausap nila ang mga disipulo ng may panghuhusga kay Kristo; “Bakit nakikisalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan?” Na tila mapanlait na ipinapahiwatig na; Yan ba ang inyong guro? Paano mo Siya ituturing bilang guro samantalang kumakain Siya kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan. Hindi ka ba nahihiya?

Talata 12 Narinig ito ni Hesus at tumugon; "Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit." Ang mga Pariseo ang naatasang magturo kung paano nararapat mamuhay ang mga Hudyo ayon sa kautusan, kasama dito ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan. Subalit itinaas nila ang kanilang katayuan sa lipunan at pinababayaan ang gawain na ibinigay ng Diyos. Binibigyang-katwiran nila ang kanilang sarili sa pagsunod sa kautusan na pakitang tao lamang kaya sila'y tinawag na banál-banalan. Para bang ang kautusan, sa kanila, ay nagdadala ng kalayaan at kaligtasan. Hindi nila pansin na sila mismo ay makasalanan.

Talata 13 Tinukoy ni Hesus ang Oseas 6:6 "‘Habag ang nais ko at hindi handog.’ Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.". Nais ng Diyos na mahalin natin Siya ng una, at ang ating kapwa gaya ng sa sarili. Gutso Niya na magkaroon tayo ng praktikal na kaalaman ng Kanyang Salita, at isagawa ang itinuturo ng Bibliya. Ang Diyos ay HINDI nalulugod sa paghahandog ng sakripisyo, mas hangad Niyang makilala natin Siya; si Hesus na naparito para iligtas ang mga makasalanan

Mga Talata 14-15 Lumapit sa Kanya ang mga disipulo ni Juan Bautista (malamang ay nakakulong na si Juan o pinugutan na ng ulo) at nagtanong tungkol sa pag-aayuno. Sinunod nila ang mga turo ni Juan Bautista sa kabila ng katotohanang itinuro ni Juan na si Hesus ay MAS NAKATATAAS kaysa sa kanya. Ginamit ni Kristo ang kasal para isalarawan ang Kanyang tugon; “Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno." Hindi pa napapanahon mag-ayuno ang mga disipulo ni Hesus dahil nariyan pa Siya. Darating ang araw ng kalungkutan (pag-ayuno) kapag lumisan na Siya sa kanilang piling. Puwedeng ihalintulad itong pag-alis sa pagpapako kay Kristo sa krus (Kanyang kamatayan) at sa pag-akyat Niya sa Langit.

Mga Talata 16-17 Kapag tinahi ang isang bagong retaso sa lumang damit at nilabhan ito, ang bagong retaso ay liliit o uurong at mapupunit ang tinagping damit na magdudulot ng mas malaking sira. Umaalsa (expand) ang bagong alak. Ang bagong supot ng alak (wineskin) ay nababanat at maaaring lumaki kapag umalsa ang bagong alak. Ang lumang supot ng alak ay nawawala ang pagkalastiko, kaya pagsinalinan ng bagong alak ito'y puputok at masasayang lang pareho. Ang luma dito ay halintulad sa pagsasabuhay ng kautusan na imposibleng magampanan para sa kapatawaran ng kasalanan. Ang bago naman ay ang kapatawaran ng kasalanan sa pamamagitan ng dugo ni Hesus bilang Kordero ng Diyos. Ang lumang nakasanayang pag-aayuno ay walang kapakinabangan. Ang bagong pag-aayuno ay ang pagsasaya ng paglaya sa pamamagitan ng PANANAMPALATAYA kay Hesukristo bilang iyong sariling Tagapagligtas.

Talata 18 Hindi binanggit ni Mateo ang pangalan ng pinuno, pero sa Marcos at Lucas ibinigay ang pangalang Jairus. Ang isang pinuno ng sinagoga ay siyang responsable sa kaayusan sa sinagoga. Ang pinuno ay nagpakita ng paggalang, lumuhod sa harap ni Hesus at hinayag ang kanyang pananampalataya; “Kamamatay po lamang ng aking anak na babae; sumama po kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, at siya'y mabubuhay.” Ang pinunong ito, sa gitna ng mga walang-tiwalang Pariseo, ay naniwala na mabubuhay muli ni Hesus ang kanyang namatay na anak na babae. Napakalaki ng kanyang tiwala!

Talata 19 Tumayo kaagad si Hesus at sumama sa kanya, gayundin ang kanyang mga alagad ng walang antala.

Fringes Talata 20 Sa kanilang paglalakad, may babaeng naghahangad din na mapagaling ni Hesus. Ayon sa doktor na si Lucas (Lucas 8:43), ang babaing ito ay walang sinuman ang makapagpagaling. Gumastos na siya ng malaking pera sa mga doktor pero walang nakamit na lunas sa kanyang karamdaman. Kung ang isang Hudyong babae ay may pagdaloy ng dugo, hindi siya pinapayagang tumuloy sa templo dahil siya ay marumi (Levitico 15:19-30). Sinumang tao o bagay na kanyang mahawakan ay bahagyang nagiging marumi hanggang sa gabi. Hindi kataka-taka na ang babaeng ito ay desperadang gumaling dahil 12 taon na siyang dinudugo.
Siya rin ay nagpakita ng malalim na pananampalataya. Ayon sa pananamit ng mga Hudyo, ang damit ni Hesus ay may apat na palawit. Si Hesus ay nakasuot ng Talit bilang pagsunod sa Torah, na mayroong apat na palawit para sa paggunita sa Kautusan. Sa palawit ay makikita ang tali (mga asul na lilang tali) na nasa apat na sulok ng pang-itaas na damit. Sa Israel, kaugalian na magsuot ng pang-itaas na kasuotan na gawa sa apat na parisukat na tela. Sa Mga Bilang 15:38-40 ay nasusulat: "Sabihin mo sa mga Israelita na habang panahon silang maglalagay ng palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Susuksukan nila ito ng asul na tali. Gagawin ninyo ito upang maalala ninyo at sundin ang mga kautusan ni Yahweh tuwing makikita ninyo ang mga palawit na iyon. Sa ganoon, masusunod ang salita ni Yahweh at hindi ang inyong sariling nasa at kagustuhan. Sundin ninyong lagi ang aking mga utos at kayo'y lubos na magiging nakalaan sa akin."

Talata 21 Alam ng babae na hindi siya pinapayagang humipo, ngunit sinabi ng kanyang pananampalataya na, “Mahawakan ko lamang ang kanyang damit, gagaling na ako.” Marahil naisip niyang malabong mapansin ni Hesus na may humawak sa laylayan ng Kanyang damit dahil sa napapaligiran at sinisiksik Siya ng maraming tao.

Talata 22 Naramdaman ni Hesus na may kapangyarihang lumabas sa Kanya (Lucas 8:46). Humarap Siya sa babae't kinausap ng may pagtatangì; “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Isang indikasyon na siya'y inapo ni Abraham. Ang mga tunay na anak ni Abraham ay lumalakad ng may pananampalataya. Itinukoy ni Hesus ang kanyang pananampalataya, na dahil dito'y tinugon ni Kristo ang kanyang hangaring gumaling. Napakagandang patotoo sa harap ng maraming tao, na tumigil na ang kanyang pagdurugo mula nang sinuklian ng Panginoon Hesus ng kagalingan ang kanyang pananalig sa Kanya.

Talata 23 Ang mga propesyonal na nagdadalamhati (Jeremias 9:17-18) ay karaniwan sa Israel. Sila yaong bayarang malalakas umiyak at tumutugtog ng plauta.

Talata 24 Pinaalis ni Hesus ang mga taong ito nang sinabi Niya, “Lumabas muna kayo. Hindi patay ang bata; natutulog lamang!” Siya ay pinagtatawanan dahil sigurado yong mga tao na ang bata ay patay na. Alam ni Hesus na Siya ang may kapangyarihan sa kamatayan.

Talata 25 Ang grupo na nanuya kay Hesus ay pinaalis Niya sapagkat wala silang pananampalataya. Kabaligtaran ng pinuno na hiniling sa talata 18 na ipatong ni Hesus ang Kanyang kamay sa patay na anak at siya'y mabubuhay. Nang hinawakan ni Hesus ang kamay ng bata at sinabing “Talitha koum,” na ang ibig sabihi'y “Ineng, bumangon ka!” (Marcos 5:41), ito'y bumangon. Ang walang kahiya-hiyang pananampalataya ng ama kay Hesus ang naging daan sa pagkabuhay muli ng kanyang anak na babae.

Talata 26 Ang kababalaghang ito ay kumalat sa mga tao sa buong rehiyon.

Talata 27 Dalawang bulag ang sumunod kay Hesus, na umiiyak ng malakas; “Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!” Kinikilala nila na si Hesus ang Mesiyas, ang inaasahang Anak ni David. Binanggit sa Lumang Tipan ang Anak ni David, ang Mesiyas, na magdadala ng mga himala at pagpapagaling. Patuloy nilang sinundan si Kristo at hindi sumuko, nagpumilit sila sa kanilang pagnanais na pagalingin sila ni Hesus.

Talata 28 Tinanong sila ni Hesus “Naniniwala ba kayo na mapapagaling ko kayo?” Nangangahulugan ba ito na ang ating pananampalataya ay kinakailangan upang makuha ang ating kahilingan kay Hesus. Hindi. Ang lahat ng natatanggap natin ay dahil sa awa ng Diyos. Gayunpaman, dapat kilalanin ng sinumang lumalapit kay Hesus na Siya ang Kristo, ang Anak ng Diyos, na sa Kanya ay walang imposible.

Mga Talata 29-30 Pagkatapos nilang sumagot ng “Opo, Panginoon!”, hinawakan ni Hesus ang kanilang mga mata at sinabing; “Mangyari ang ayon sa inyong pananampalataya.”, at agad silang nakakita. Mahigpit na ipinagbilin ni Hesus na huwag ipamalita ang himalang ginawa para sa kanila. Inaasahan ng mga nakakaraming Hudyo ang Mesiyas bilang Hari, bilang Tagapagpalaya mula sa mananakop na Romano, hindi bilang Tagapagligtas ng kanilang mga kasalanan.

Talata 31 Gayunpaman, maaaring napansin ang dalawang (dating) bulag ng mga taong nakakakilala sa kanila. At malamang sa kanilang kagalakan, hindi nila napigilang ipamalita ang pagpapagaling ni Hesus. Ngunit sa paghahayag nila, sa kabila ng pinagbilin Niyang huwag, ay sumuway sila sa utos ni Kristo. May posibleng aral dito para sa atin, na puwede kayang may mga pagkakataon na nais ng Panginoon na ipakita ang ating pasasalamat sa Kanya lamang at huwag nang ihayag ito sa publiko. Na maaaring ang pinag-kaloob ng Diyos sa iyo ay personal at sa pagitan ninyong dalawa lamang?

Talata 32 Hindi sinabi kung ano ang sanhi ng pagkabulag ng dalawang lalaki, pero nang may dinala kay Kristo na isang pipi sinabing siya'y may sapi ng demonyo. Hindi lahat ng sakit ay resulta ng pagsapi ng kaaway. Ang sakit ay maaaring dahil sa kapabayaan sa kalusugan, sanhi ng kasalanan, upang damayan ang ibang dumaranas din ng sakit (tulad nila Joni Eareckson Tada at Nick Vujicic), o sa wakas, para sa ikaluluwalhati ng Diyos

Talata 33 Nang inutusan ni Hesus ang masamang espiritu na layasan ang pipi, agad itong nakapagsalita. Ang himala ay nakapagpamangha sa mga nakasaksi na nasabi, “Kailanman ay wala pang nakitang katulad nito sa Israel!”

Talata 34 Kahit na ang Lumang Tipan ay inihahayag ang tungkol sa Mesiyas at ang mga kababalaghang gagawin Niya, ang mga Pariseo (si Pablo ay dating Pariseo bago siya naging apostol) na dapat malalim ang kaalaman sa Lumang Tipan ay patuloy sa pagtangas kay Hesus. Sa kabila ng mga himala at kabutihang pinamalas ni Hesukristo, sinabi nilang; “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo.”, at sa gayon ay nilapastangan nila ang Diyos.

Talata 35 Ipinagpatuloy ni Hesus ang Kanyang misyon sa Israel, nilibot Niya ang lahat ng mga lungsod at nayon, nagturo sa mga Hudyo sa kanilang mga sinagoga kung saan sila nagtitipon para sa pag-aaral ng Salita ng Diyos at ipinapangaral ang Magandang Balita. Ang aral para sa mananampalataya ay ito: 'Ang lahat' ay nangangahulugan ng buong mundo. 'Mga Lungsod': hindi lamang ang mga lugar na madaling maabot na may malaking bilang ng mga naninirahan. 'Mga nayon': ngunit gayundin ang mga lugar na mahirap marating, ang malalayong lugar, na may maliit na bilang ng tao. Saan mismo? Sa mga lugar kung saan nagtitipon ang mga tao: mga liwasan, simbahan (sinagoga), istadyum, parke, atbp.

Talata 36 Paano tayo dapat magpatuloy? Ng may AWA para sa mga taong naliligaw, parang mga tupang walang pastol, na ang kinabukasan ay impiyerno't walang hanggang pagkawalay sa Diyos. Sila ang mga nililinlang ng diyablo't kanyang kampo na ang mga mata ay nakatuon sa pansamantalang mundo ng pagnanasa, kayamanan at kapangyarihan. Mga bulag sila't hindi nakikita ang buhay na walang hanggan kayat kailangan nila ang Mabuting Pastol upang iligtas sila mula sa kadiliman.

Talata 37 Marami ang tumutugon sa Ebanghelyo (katunayang malaki ang ani), ngunit marami ang hindi lumalago mula sa diyeta ng gatas tungo sa pagkain ng karne (1 Corinto 3:2). Mula sa pagiging sanggol sa pananampalataya, dapat ay lumago sa espirituwalidad (Hebreo 5:12-13), kundi sila'y mananatiling walang bunga tulad ng binhi na nahuhulog sa mga bato, o tumubo kasama ng mga damo. Nangangahulugan ito na kakaunti lamang ang nagiging manggagawa para ipalaganap ang Kaharian ng Diyos.

Talata 38 Samakatuwid, kailangan nating manalangin sa Diyos Ama, na Kanyang pasiglahin ang mga tao na lumago sa pananampalataya at ihayag ang nakalalayang katotohanan ng Ebanghelyo at magturo sa mga kapwa mananampalataya upang lumago't tumibay sa kanilang paglalakbay bilang mga Kristiyano.

Balik sa MenuBalik sa Itaas


Paghayag at utos ni Hesus - Mateo 10

Mga Talata 1-5 Kaugnay sa Mateo 9:37-38 ay sinunod na ngayon ang pagpapadala at utos ni Hesus sa labindalawang disipulo, na sa paglaon ay tatawaging labindalawang apostol. (Maraming nagsasabi si Judas Iscariote ay pinalitan ni apostol Pablo.) Sila ang labindalawang apostol na sa panahon ng buhay ni Hesus sa lupa ay direktang tinuruan Niya. Kaya ngayon, walang sinuman ang maaaring tumawag sa kanyang sarili bilang isang apostol dahil hindi siya direktang tinawag ni Hesus. Kakaiba ang pagtawag kay apostol Pablo, na sa kabila ng kasanayan sa Lumang Tipan bilang Pariseo, ay direktang tinuruan mismo ni Hesukristo (Galacia 1:12) tatlong taon bago niya nakasama si Pedro at ang iba pang kasapi ng simbahan sa Jerusalem (Galacia 1:18).
Binigyan ni Hesus ng awtoridad ang mga disipulo tulad sa Kanyang kapangyarihan upang utusan at palayasin ang mga masasamang espiritu at magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman.
Mayroong labindalawa na mga apostol, sila ang hahatol sa labindalawang tribo (Genesis 49:1-28), at sa Mateo 19:28 sinabi ni Hesus na sila'y; "uupo din sa labindalawang trono upang mamuno sa labindalawang lipi ng Israel." At sa kanilang trono (Pahayag 4:4) hahatulan ang bawat Hudyo batay sa kanilang buhay sa lupa at ang kanilang pagtanggap o pagtanggi sa kanilang Mesiyas na si Hesus.

Mga Talata 5-6 Ang Mesiyas noong una ay inilaan para sa 12 tribo ng Israel, hindi sa mga Samaritano. Ang mga Samaritano ay naninirahan sa rehiyon ng Samaria, sa pagitan ng Judea at Galilea. Itinuring sila ng mga Hudyo bilang marumi at ang kanilang pagsamba sa Shechem ay ilegal. Matapos ang pagbagsak ng lungsod ng Samaria (722 BC), ang sampung tribo ng Israel ay dinala ng mga Assyrian. Ang natitirang mga Israelita ay nakipaghalo sa mga hentil kaya nahaluan ang kanilang lahi na tinawag na mga Samaritano.

Mga Talata 7-8 Inutusan ang mga Apostol na ipahayag ang Kaharian ng Langit, iyon ay (ang pangaral din ni Juan Bautista): ang kilalanin ang pagiging makasalanan (Lucas 3:3) at ang pangangailangan ng kapatawaran. Ito ang pag-iwan sa makamundong buhay, magpasakop kay Hesus, at mamuhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu sa harapan ng mundo.
Ang mga alagad ay pinagkalooban ng awtoridad laban sa masasamang espiritu, sakit at kamatayan. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay din kayo nang walang bayad. Ibinigay ito ni Hesus sa iyo ng libre, ibigay mo rin ng libre. Ayon sa Rabinikong pinagmulan, hindi tama para isang Hudyo na ipasa ang kanyang kaalaman sa Torah nang may kabayaran o gantimpala. Ang kaloob ng pagpapalayas ng mga demonyo at pagpapagaling ay biyaya ni Hesukristo, na nakuha sa pamamagitan ng ginawa ni Hesus sa krus. Sa aking pananaw, sa pamamagitan lamang ng pagkilala na ika'y makasalanan na posible ang pagpapaalis ng demonyo at pagpapagaling. Ito ay walang kinalaman sa kapangyarihan ng isang mananampalataya, kundi kapangyarihan ni Hesukristo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Samakatuwid, walang mananampalataya, mangangaral o sinuman, ang maaaring tumanggap ng bayad para sa pagpapalayas o pagpapagaling. Gayundin ang paghingi ng ikapu o alay.

Mga Talata 9-10 Ang pera (ginto, pilak, tanso) ay kadalasang itinago sa sinturon. Sa bayong ay madalas na nakalagay ang mga pagkain at inumin, pamalit damit, pangalawang pares ng sandalyas. Ang lahat ng ito ay hindi kailangan dalhin ng mga apostol dahil ang Diyos mismo ang maglalaan. Huwag mag-alalang magdala ng baon. Ang mga tao kung saan mananatili ang mga apostol ang maglalaan ng kanilang tirahan at pagkain dahil ang Diyos ay nagmamalasakit sa Kanyang mga manggagawa. Tingnan ang 1 Tesalonica 2:9 at 1 Corinto 9:4-7, ukol sa sulat ni Pablo tungkol sa kabuhayan ng manggagawa ng Panginoon.

Mga Talata 11-15 Kadalasan kapag pumapasok sa isang bahay na nagbibigay ng pagbati ng kapayapaan, "Sumainyo ang kapayapaan" (Bilang 6:24-26). Ang bawat lungsod, bayan at nayon sa Judea ay kailangang marating ng mga apostol, kaya't pumunta silang dalawa-dalawa. Kapag tinanggap kayo at pinatuloy, manatili doon at ipangaral ang Ebanghelyo. Ang kapayapaan ng Diyos ay mapapasa-lugar na iyon. Gayunpaman, kapag tinatanggihan kayo ng bahay (o bayan) at hindi nakinig sa Magandang Balita, umalis kayo sa bahay o lungsod na iyon. Ang poot ng Diyos ay bababa sa kanila sa araw ng paghuhukom. Para sa kanila, ang paghuhukom ay magiging mas kakila-kilabot kaysa sa mga naninirahan sa mga lungsod ng Sodoma at Gomorra na winasak ng asupre. Bakit mas mabigat na hatol sa mga tumangging naninirahan sa Judea? Sa Sodoma at Gomorra HINDI naganap ang pangangaral ng Ebanghelyo kaya ang mga lungsod na ito ay nawasak sanhi ng kanilang mabibigat na kasalanan. Sa mga bayan ng Israel si Hesus Mismo ang unang nangaral at ngayon, ang labindalawa, kayat ang buong Judea ay narating ng Magandang Balita. At hindi lamang ang pagpapahayag ng Ebanghelyo ang kanilang narinig, nasaksihan nila kapangyarihan ni Hesus bilang Anak ng Diyos at nakita ang mga himala at kapatawaran ng kasalanan. Isang malakas na katibayan ng kalapitan ng Kaharian ng Langit. WALA silang palusot para hindi sumampalataya sa Sugo ng Diyos. Ang aral para sa karamihan ng taong nabubuhay sa kasalukuyan ay; WALANG makapagsasabing hindi nila alam ang Ebanghelyo. Ang mga tao ay gumagastos ng malaking pera para sa cellphone o konsiyerto, kaya maaaring makabili dapat sila ng Bibliya. Marami sa telebisyon at internet ang mapagkukunan din ng Ebanghelyo at nagpapaliwanag ng Bibliya nang libre. Ang mga mag-aaral na pinalaki sa pananampalatayang Kristiyano, ngunit ang ilan pagpatong ng kolehiyo ay napapariwara para sa pansamantalang kasiyahan na nauuwi sa walang hanggang panghihinayang.

Talata 16 Si Hesus ang Mabuting Pastol kaya ang mga mananampalataya (alagad) Niya ay ang Kanyang mga tupa. Sinasabi sa Ezekiel 22:27 na ang mga prinsipe (mga Pariseo't eskriba) ay tulad ng mga lobo na ginugutay-gutay ang biktima, nagdadanak ng dugo, sumisira ng mga buhay para sa kanilang kapakinabangan. Ang mga kalaban ng Kristiyanismo ay matuturing na mga lobo din dahil sa kanilang pag-uusig kontra sa ating paniniwala't adhikain.
Mag-ingat sa kahulugan ng pagmamasid nang mabuti sa sitwasyon, sa pagiging alerto. Ang ahas ay isang mapanganib na hayop, maaaring itong manakal o manuklaw. Maaari mong isipin ang tuso at mapanlinlang na mga demonyo, ngunit gayundin ang mga huwad na propeta na may mga maling aral. Ang kalapati ay dalisay, simple at walang pag-aalinlangan (tingnan ang Gawa 17:22-33).

Mga Talata 17-19 Ang mga korte (tinatawag ding Sanhedrin) ay binubuo ng mga lokal na komite ng 23 katao. Sa mga Hudyo, ang latigo ay gawa sa balat lamang pero sa mga Romano, may mga piraso ng bakal na isinama't hinabi. Ayon kay Deuteronomio 25:3 hindi pinahintulutang magbigay ng higit sa apatnapung hampas. Ang hatol ay isinasagawa ng tatlong miyembro ng sinagoga. Sinisipi ng unang miyembro ang Deuteronomio 28:58 para sa dahilan ng parusa, ang pangalawa ay binibilang ang mga hampas at ang ikatlo ang nagbibigay ng utos sa paghampas. Ayon sa polyeto ng mga rabbi, mayroong ilang mga dahilan para sa apatnapu-bawas-isang hampas bukod sa iba pang mga bagay: ang paglabag sa isa sa Sampung Utos, insesto, pagsasakripisyo sa labas ng templo, ang paglabag sa panata ng Nazareno.
Kung titingnan natin si Pablo ay dinala sa mga gobernador at hari upang magpatotoo sa harap nila.

Mga Talata 19-20 Napuspos si Pablo ng Espiritu Santo sa kanyang pagpapatotoo sa harap ng mga gobernador (Pontius Pilato, Felix, Festus, Herodes Agrippa, atbp.). Ang mananampalataya ay hindi kailangang mag-alala kung ano ang dapat niyang sabihin, ang Banal na Espiritu ang Siyang magbibigay ng tamang mga salita sa panahong iyon.

Talata 21 Ang ilan sa loob ng pamilya ay maaaring sumampalataya kay Hesus at sila ay posibleng kapootan ng kanilang kapamilya (lalo na sa mga relihiyong Islam, Budismo, Hudaismo, Romano-Katoliko, atbp.). Ang talata na ito ay isang napakaseryosong babala na nakikita nating nangyayari na sa Germany, France, Netherlands, Norway, Syria, India at iba pang mga bansa sa Silangan, ngunit ito ay mas lalala pa sa Dakilang Kapighatian. Mga kapatid, hindi ko maaaring balewalain itong talata. Ang pagpugot ng ulo ng mga Kristiyano ay naipakita sa internet at telebisyon. Sa India isang batang babae ang pinatay ng kanyang ama dahil siya ay naging isang Kristiyano. Sa Pakistan kung saan ang dalawang dalagang anak na babae ng ebanghelista ay ginahasa sa harap ng kanyang mga mata. BABALA ni Hesus na kapag tinaggap mo Siya bilang Tagapagligtas at Panginoon, maging handa sa mga posibleng kahihinatnan. Oo, tiyak na sa Dakilang Kapighatian ay ipagkakanulo ng mga bata ang kanilang mga magulang, ang mga anak ay labis na pahihirapan at papatayin sa harap ng mga magulang. Ang mga kuwentong ganito ay nagaganap na sa mga bansang komunista. Ngunit nananawagan si Hesus na magtiis hanggang wakas dahil ang pagtitiyaga ang maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan kasama ang Diyos.

Talata 22 Ang pagiging tapat sa pananampalatayang Kristiyano. Maaaring patayin ninuman ang katawang lupa ngunit hindi ang kaluluwa. Ang lahat ay namamatay, ngunit ang bawat tao ay bubuhayin ulit; para sa walang hanggang buhay o kamatayan (Lawa ng Apoy). Ang mananampalataya na namatay para kay Hesus ay ihahatid kaagad sa paraiso hanggang sa unang Pagdating ni Kristo (Pagsundo sa Simbahan), pagkatapos ay tatanggap ng hindi nasisirang katawan, ang katawang maka-langit. Ito ay mas mabuti kaysa sa tanggihan si Hesus at mapunta sa impiyerno.

Talata 23 Kapag ang mananampalataya ay inusig, pinapayuhan siyang lumikas. Bakit? Upang hindi masayang ang oras (mga talata 11-15) sa mga umaayaw sa Ebanghelyo. Maraming pang mga lungsod ang nangangailangang marinig ang Ebanghelyo, kung saan tinatanggap ito nang bukas-bisig. Aral: huwag sayangin ang iyong oras, lumipat sa lugar na bukas sa Magandang Balita.

Mga Talata 24-25 Ang isang alagad (tagasunod) ni Kristo ay hindi nakahihigit kay Hesus Mismo. Kung tinawag nila si Hesus na Beelzebul (nasapian ng demonyo), hindi dapat magtaka na ang mga disipulo Niya ay usigin at tawaging baliw. Ang pagpapasan sa krus ni Hesus at pagsunod sa Kanya ay may halaga. Kinamumuhian ng mga kaaway ang pagpapahayag ng Ebanghelyo, kaya huwag magtaka na makatagpo ng matinding pagtutol.

Mga Talata 26-27 Huwag matakot sa iyong mga mang-uusig, patuloy na mangaral sa publiko, hayaan ang liwanag ni Hesukristo ay sumikat sa mundo. Ang pagpapahayag ng Ebanghelyo ay hindi dapat maganap sa loob ng bahay, ngunit sa labas, sa mga palengke, sa mga liwasan, sa simbahan, nang buong katotohanan.

Talata 28 Tingnan ang talata 22, ang Diyos lamang ang makakapatay ng katawan at kaluluwa. Kung saan pupunta ang tao, ang Diyos LAMANG ang nakakaalam. Ang mananampalataya kay Hesus ay papapasukin sa Langit. Ang tumanggi kay Hesus ay itatapong una sa impiyerno at pagkatapos sa Lawa ng Apoy.

Mga Talata 29-31 Ang maya ay ang pinakamurang nakakain na karne. Kung sila'y pinangangalagaan ng Diyos, paano pa kaya ang isang Kristiyano na anak Niya? Ang isang sentimo ay katumbas ng 1 dolyar ngayon.

Mga Talata 32-33 Nais ni Hesus na ang mananampalataya ay manatiling matatag, kahit na sa pag-uusig, pagpapahirap at kamatayan (pagbabanta).

Mga Talata 34-37 Gusto ni Hesus na ibigin natin Siya una sa lahat. Kung ang isang miyembro ng pamilya ay hindi sumangayon sa pagpunta sa gawain ng Diyos (halimbawa: misyon), ang mananampalataya ay kailangang piliin si Hesus at tumuloy sa pinagagawa ng kanyang Panginoon. Oo, ito'y maaaring magdulot ng hindi pagkakasundo sa isang pamilya, pero kailangan mong pumili kung sino ang mas mahal mo.

Mga Talata 38-39 Ang pagsunod kay Hesus ay nangangahulugan ng paghakbang sa yapak ni Niya. Namatay si Hesus sa Krus. Itinuring Niya na sulit ang mamatay sa krus para sa mga kaligtasan ng tao, kahit na Siya Mismo ay walang kasalanan. Bilang isang tagasunod ni Kristo, matatagpuan mo ang tunay na buhay, kung isusuko mo ang iyo sa Kanya.

Mga Talata 40-42 Tignan ang Mateo 25:31-46.

Balik sa MenuBalik sa Itaas