Ang Mabuting Balita |
Ang Ebanghelyo ni Juan, ang mabuting balita para sa iyo
Ang buhay sa makabagong mundong ito ay maraming maiaalok.
Sa modernong panahon na ito, halos hindi mauubos ang daloy ng impormasyon na makukuha sa pamamagitan ng media gaya ng telebisyon at internet. Kakaunti na lang ang mga liblib na sibilisasyon at ang modernong tao ay maaari nang makapaglakbay sa buong mundo sa iba't ibang mga destinasyon. Kahit na ang kaalaman sa pamamaraan at agham ay mabilis na sumulong na nagdulot ng maraming kaginhawahan at kadalian sa buhay. Kayat sa panahong ito, kadalasan ay maririnig na hindi na kailangan ng modernong tao ang Diyos, na ang paniniwala sa isang Maylikha ay lipas nang kaisipan.
Ang Diyos o relihiyon ay iniuugnay sa primitibong pananalig sa isang mas Mataas na Puwersa na kinailangan ng mga sinaunang sibilisasyon. Iniisip ng modernong tao na kaya na niyang pamahalaan nang mag-isa ang kanyang sarili. Ang mga negatibong (tutoong) balita tungkol sa simbahan ay hindi nakakahikayat sa mundo at natural na gamiting argumento na ang relihiyon ay hindi nagpapabuti sa sangkatauhan.
Sa kabilang banda, nakikita din natin ang lumalaking pagnanais sa modernong tao sa paghahanap ng katuparan sa buhay. Parang may kahungkagan (emptiness) na hindi kayang punan ng pera o materyales, kahit ng pagkakaibigan at relasyon. Ang kahungkagan na ito ay mahirap isalarawan ngunit ito ay may kinalaman sa mga kasagutan na nagbibigay ng kahulugan sa buhay; Saan ako nanggaling? Bakit ako naririto? Saan ako papunta?
SINO AKO? ANO ANG DAHILAN KUNG BAKIT AKO NARIRITO? WAKAS NA BA PAGKATAPOS NG KAMATAYAN, WALA NANG KASUNOD?
Bilang mga Kristiyano naniniwala tayo na ang Diyos Mismo, na lumikha sa atin at nagkaloob ng buhay, ay nagbigay rin ng pagnanais na hanapin Siya at ang kahulugan ng buhay.
Kapag sinuri natin, makikita pa rin na ang tao kahit gaano pa kamoderno ay sensitibo sa mga espirituwal na bagay at mapag-usisa sa mga kahima-himalang kababalaghán. Tutoo ito sa tao, primitibo man o moderno. Ang mga halimbawa ay horoskopo, astrolohiya, pamahiin, kathang-isip, alamat, atbp.
Ano ang pinaniniwalaan ng mga Kristiyano at bakit ito napaka-eksklusibo?
Naniniwala ang mga Kristiyano na ang Bibliya ay ang tanging kapahayagan ng nag-iisang Diyos, kung sino Siya at kung ano ang Kanyang kalooban. Na ang tao ay likas na makasalanan, at hindi niya kayang iligtas ang kanyang sarili mula sa poot ng isang Banal na Diyos. Samakatuwid, dahil sa Kanyang habag, Siya din ang gumawa ng paraan para iligtas ang tao kaya Niya ipinadala ang Kanyang Anak na si Hesukristo. Si Hesus ang Kanyang tinalagang tanging TAGAPAGLIGTAS, nagkatawang-Tao, nabuhay ng walang kasalanan, inalay ang Kanyang sarili't pinatay Siya sa krus para bayaran ang kaparusahan ng kasalanan ng tao. Subalit nabuhay Siya mula sa mga patay pagkaraan ng tatlong araw bilang patunay na nabayaran Niya ang utang ng sanlibutan dahil napagtagumpayan Niya Mismo ang kamatayan. Sa gayon, ang sinumang magsisi sa kanyang mga sala at manalig sa (tapos na) ginawa ni Hesukristo ay maliligtas at tatanggap ng buhay na walang hanggan. Kapag binasa natin ang Bibliya at siyasatin ang mga pananaw nito, makikita natin na ang Diyos ay isang Persona na may mga katangiang bukod-tanging sa Kanya lamang. At dahil ang tao ay nilikha sa Kanyang wangis, hindi Siya isang puwersa lamang, kundi nag-iisang Persona (Being) na nais magkaroon ng relasyon sa Kanyang nilikha. Ang Diyos na ito ang Maylikha ng buong sansinukob (Creator), Makapangyarihan sa lahat (Omnipotent), sumasalahat ng dako (Omnipresent), alam ang kalahat-lahatan (Omniscient) at walang hanggan (Eternal). At sa mga unang pahina ng Bibliya, mababasa na ginawa ng Diyos ang pinaka-espesyal na nilalang Niya; ang tao (Genesis 1:26-28), na nilikha Niya ayon sa Kanyang wangis.
Maaaring makipagtalo tungkol sa paglikha at ebolusyon, ngunit maging sa mga pínakahulíng tuklas ng agham ay tumutukoy at nagpapatunay na mayroong Matalinong Disenyo (Manlilikha) sa likod ng lahat ng sangkalibutan.
Bakit nilalang ng Diyos ang tao?
Dahil ang Diyos ay "Diyos ng pag-ibig" (ang buong Bibliya ay saksi niyan), ang Kanyang pagnanais ay magkaroon ng kaugnayan sa tao kaya nga nilikha Niya ang tao sa Kanyang wangis.
Ibig sabihin, nilikha tayong may napakalaking potensyal, pansinin ang kakayahan ng taong mag-imbento o lumikha ng iba't ibang mga bagay. Bukod dito, sa atin din ipinagkatiwala ng Diyos ang Kanyang kalikasan. Nilikha ng Diyos ang tao upang magkaroon ng kaugnayan sa Kanya at pamahalaan ang mundo.
Sinulat nga sa Bibliya ukol sa mga tao; "Nilikha mo siyang mababa sa iyo nang kaunti" (Awit 8:5). Sa Genesis mababasa din na ang Diyos ay lumalakad kasama ng tao.
Bagamat nilikha ng Diyos ang mga tao para direktang makipagugnayan sa Kanya, sa kasamaang palad, pinili ng taong sumuway (nagkasala) sa kalooban ng Diyos na nagdulot ng lamat (pakikipaghiwaláy) sa pagitan ng Diyos at sa kanya.
Ano ang nangyari?
Alam ng karamihan ng tao ang kasaysayan ng paraisong Eden, nina Adan at Eba, at ang ipinagbabawal na prutas. Sa madaling salita, ito ay nagmula sa kasaysayan na ang tao ay nagpasyang sumuway sa Diyos, sa ang kanyang Maylikha. Pinagkatiwalaan ng Diyos ang tao at binigyang layang mamahala nang may nag-iisang utos (ipinagbawal) lamang. Sa halamanan ng Eden, malayang kumuha't kumain ng anumang prutas o gulay ang ating mga ninuno maliban sa isang ipinagbabawal. Nakakalungkot na nagpasya sina Adan at Eba na sumalungat sa kalooban ng Diyos sa pagpili nilang kainin ang bawal na prutas. Ang unang kasalanang ito ay palatandaan (indication) ng pagkiling ng ating lahi na maging suwail laban sa ating Tagapaglikha. Ang pagkain ng bunga, ang kasunod na pagtatago (sa Diyos) at sisihan sa harap Niya ay mga palatandaan ng palalang epekto ng kasalanan sa tao.
Dahil sa pagkakasala, pumasok ang malisya sa kanilang kamalayan kayat napagtanto nina Adan at Eba na nakakahiyang humarap sa Banal na Diyos nang hubad (guilt).
Ang direktang pakikipag-ugnayan sa Diyos ay nasira, napalitan ng mga sumpa, pinalayas sila sa paraiso at sa kinalaunan ay nagaabang sa kanila ang kamatayan (Roma 6:23).
Ang pagbabagong ito ay tinatawag na "ang pagbagsak ng tao".
Ang salitang "kasalanan" sa kasalukuyan ay hindi madalas gamitin pero sa labas ng Kristiyanismo ito'y nangangahulugang hindi mo naggawa ang inaasahan.
Ito ay isang kataga para sa lahat ng mali sa pag-iisip, pagsasalita at pagkilos ng tao. Bilang mga Kristiyano naniniwala tayo na ang kasalanan ay higit pa kaysa sa pagmumura, pagsisinungaling, pagnanakaw o pagpatay. Sa katunayan, likas sa lahat ng tao ang pagiging makasalanan, ito'y katibayan ng ating tahasang paglabag sa kalooban ng Diyos. Palatandaan ng ating pagiging mga rebelde bilang sukli sa kabutihan ng Diyos. Alam natin ito sa kaibuturan, kaya nga ng hinamon ni Hesus; "Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya." (Juan 8:7), walang nangahas bumato sa babae dahil alam ng lahat na sila'y makasalanan.
Mula noong Pagkahulog, nawasak ang dalisay na ugnayan ng Banal na Diyos at ng tao dahil sa likas nating panghuhumaling sa kasalanan.
Bakit hindi maipikit ng Diyos ang Kanyang mga mata?
Ang Diyos ay pag-ibig. Ang buong Bibliya ay nagpapatotoo tungkol diyan, gayundin ang mga karanasan ng hindi mabilang na tao. Maaari kang magtanong kung bakit hindi kayang ipikit ng Diyos ang kanyang mga mata at hayaang palampasin ang ating mga pagkakamali upang sa gayon ay maibalik ang kalagayan ng paraiso?
Kailangan ang pag-aaral ng katangian ng Diyos upang masagot ng ganap ang tanong na iyan. Ang Diyos ay walang bahid ng sala. Siya ay perpekto. Ang salitang ginagamit natin para diyan ay ang "Kabanalan". Dahil ang Diyos ay Banal, walang sinumang may bakas ng kasalanan (gaano man kaliit) ang makakapanatili sa Kanyang presensiya. Ang taong iyon ay mamamatay. Sinulat sa Habakuk 1:13; "Napakabanal ng inyong paningin upang masdan ang kasamaan. Hindi ninyo matitiis ang mga taong gumagawa ng mali." At sa Awit 34:16 ito ang babala; "Ngunit kinakalaban ng Panginoon ang mga gumagawa ng masama. Silaʼy kanyang nililipol hanggang sa hindi na sila maalala ng mga tao sa mundo."
Kinamumuhian ng Diyos ang kasalanan nang may lubos na pagkapoot. Kaya sa Hebreo 12:29 nagpaalala ang may-akda na; "tunay nga na ang ating Diyos ay apoy na tumutupok."
Ano nga ba ang Mabuting Balita? Kapatawaran ng mga kasalanan
Napopoot ang Diyos sa kasalanan, ngunit mahal Niya ang tao, ang Kanyang nilikha.
Sinasabi ng Bibliya na nais ng Diyos na ang bawat tao ay maligtas at muling magkaroon ng kaugnayan sa Kanya (1 Timoteo 2:4). Subalit di-masusukat ang agwat ng pagitan ng Diyos at ng tao dahil sa pagkakasala, kaya dapat mayroong maging tulay. Ang Diyos mismo ang nagbigay ng solusyon dito, sapagkat hindi kayang tawirin ng tao ang puwang na ito.
Ano kaya ang solusyon? Ang Tulay sa Diyos o ang 4 na Batas para sa pagpapatawad
Sa Lumang Tipan (unang bahagi ng Bibliya, bago ang kapanganakan ni Hesus), makikita natin na pumili ang Diyos ng isang lipi (na si Abraham ang patriyarka) para sa Kanyang sarili. Ito ay naging isang bansa na binigyan Niya ng Kanyang Kautusan, alituntunin at batas. Ang lahi ng Israel ay tinakdang maging isang bansang bukod-tanging sa Diyos na sumasamba at naglilingkod sa Kanya lamang. Bahagi ng kanilang pagsamba ay ang pag-aalay ng mga piling hayop (na kinakatay at sinunog sa altar ng mga pari) bilang kahalili nila at simbolo ng paghingi ng kapatawaran sa Panginoon.
Malinaw na tinuturo ng Bibliya na ang parusa sa kasalanan ay kamatayan (Roma 6:23), kaya itinatag ng Diyos sa Kanyang Kautusan na ang alay na hayop ang tatayong kapalit (substitute) ng nagkasala upang siya'y mapatawad. Syempre ang paghahain ng hayop ay hindi lubos na nakapagaalis ng kasalanan. Ang isang layunin nito ay magsilbing paalala sa Israel ng kanilang kakapusang mapanatiling malinis sila sa harap ng Diyos.
Ang buong Lumang Tipan ay puno ng mga sanggunian at propesiya tungkol sa Mesiyas na darating at ililigtas ang bansa. Ngunit hindi nila namalayan na sa una Niyang pagdating ay gagampanan Niya ang pagliligtas sa paghahandog ng Kanyang sariling buhay, tulad ng hayop na kanilang inaalay para pangbayad-sala.
Subalit ang kaligtasan nakamit ni Kristo ay hindi lamang para sa mga Israelita, ito'y para sa lahat ng lahi ng tao sa buong mundo. Si Hesus na Anak ng Diyos ay nagkatawang-Tao, nabuhay ng tutoo't dalisay para ialay ang sarili bilang Kordero ng Diyos at nang mabuhay muli'y naging Mesiyas ng sangkatauhan upang iligtas ang mga magsisipag-tiwala sa Kanya. Ito ang Mabuting Balita.
2000 taon na ang nakalilipas, ang propesiyang ito ay nagkatotoo sa pagsilang kay Hesus. Tuwing Pasko ay ipinagdiriwang natin ang Kanyang kapanganakan. Maraming kuwento ng Pasko ang matamis at maganda, ngunit ang epekto ng pagdating ng Anak ng Diyos sa lupa ay nakapagbago ng kasaysayan. Opo, nagkatawang-Tao ang Diyos na Maylikha ng lahat. DUMATING SIYA SA LUPA, iniwan ang trono Niya sa langit upang ipanganak na Tao para isakatuparan ang plano ng Diyos sa ikaliligtas ng sangkatauhan.
Sa simula pa lang, wala nang lugar para sa Kanya (puno ang mga taberna sa Bethlehem at ayon sa Bibliya ang kanyang duyan (sabsaban) ay kasama ng mga hayop). Lumaki si Jesus sa isang pangkaraniwan na pamilya at lantad ang Kanyang buhay sa buong sambayanan, ngunit binanggit ng Bibliya ang pangunahing kaibahan Niya kumpara sa lahat ng tao; Siya ay ganap na walang bahid ng sala.
Ipina-alam ng Kasulatan na hindi itinuring ng Kanyang lipi na si Hesus ang pinangakong Mesiyas, ang inaasahan nilang Tagapagligtas ay isang mandigmang Hari na palalayain sila sa paniniíl ng Roma.
Sa Kanyang buhay sa lupa, Siya ay pumunta sa bawat lungsod at nayon upang ihayag ang tungkol sa kaharian ng Diyos at kapatawaran ng kasalanan, nagpagaling Siya ng mga maysakit at binangon ang ilan mula sa mga patay. Gayunpaman, Siya ay patuloy na inatake ng mga iskolar (mga eskriba, Pariseo at Saduceo) at inakusahan ng kalapastanganan.
Si Hesukristo ay ipinagkanulo ng isa sa kanyang mga tagasunod (si Hudas) sa mga pinuno ng mga Hudyo sa edad na 33. Siya ay inaresto at pinaratangan ng mga maling patotoo sa harap ng mga awtoridad. Ang gobernador ay walang mahanap na anumang sala at kawalang-katarungan sa Kanya. Sa kabila ng katotohanang walang nakitang balidong akusasyon, ang awtoridad ng Roma ay nagbigay ng pahintulot na patawan Siya ng kamatayan; ipinako si Kristo ng mga sundalong Romano sa krus.
Si Hesus ay ipinako sa krus sa labas ng Jerusalem. Ang pagpapako sa krus ay isang uri ng pagbitay ng Romano na lubos ang pagpapakahirap at naaangkop sa mga masahol na kriminal. Gayunpaman, ito'y naganap para sa katuparan ng mga propesiya ukol sa Pinahirapang Lingkod (Isaias 53). Ang Kanyang mga tagasunod ay nabigong tantuhin na ang mga hula sa Lumang Tipan ay natupad at ang Kanyang kamatayan ay kinakailangan upang mabayaran ang kanilang mga kasalanan. Hindi nila napagtanto na si Hesus ay kailangang mamatay at tanggapin ang kaparusahan ng Diyos para sa ating kasalanan upang tayo ay mapatawad.
Nang namatay si Hesus, sumigaw Siya; "Tapos na!" Ang kamatayan ni Hesus ay ang perpektong sakripisyo dahil wala Siyang sala dahil sumunod Siya nang lubusan sa kalooban ng Kanyang Ama sa langit upang maging Kordero ng Diyos. Hindi tulad ng pag-aalay ng piling handog kada taon para mapawalang-sala, ito ang ganap na kabayaran para tubusin tayo sa ating mga kasalanan.
Sa krus, inako ni Hesus ang kaparusahan ng ating mga kasalanan upang tayo ay ganap na lumaya mula sa kaparusahan ng Diyos sa kasalanan.
Upang matanggap ang amnestiyang ito, kinakailangang manalig kay Hesukristo at tanggapin Siya bilang Panginoon at Tagapagligtas mo. Nangangahulugan din ito ng iyong pagamin na hindi mo kayang pasanin ang iyong mga utang at ang kaparusahan nito, humingi ng awa't kapatawaran sa Kanya at paghariin Siya sa iyong buhay.
"Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak [Hesukristo], upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."
Ang talatang nasa itaas na galing sa Juan 3:16 ay naaangkop sa iyo! Anuman ang iyong sitwasyon, anuman ang iyong nagawa sa nakaraan (o hinaharap) o anuman ang iyong naranasan, tinatawag ka ng Diyos. Ang Anak ng Diyos ay namatay din para sa iyong mga kasalanan, ngunit naghihintay Siya ng iyong tugon sa Kanyang pagtawag. Hindi ka Niya pinipilit, sarili mong desisyon ang tanggapin o tanggihan ang Kanyang libreng alok. Tinatawag ka ng Diyos.
Uulitin ko lang po; namatay din ang Anak ng Diyos para sa iyo ngunit naghihintay ang Diyos sa iyong tugon. Hindi ka Niya pipilitin, ang kaligtasan ay isang libreng regalo. Ngunit tulad ng anumang regalo, kailangan mong tanggapin ito upang makuha mo. Kung hindi mo tatanggapin ang regalo, hindi mo makukuha ito. Ang pagtanggi sa regalo ng Diyos sa iyo ay nangangahulugan ng sariling pag-ako sa parusa ng Diyos sa kasalanan.
Pagkatapos mong basahin ito. Pagmuni-munihan at timbangin mong maigi itong katotohanang inihain sa iyo. Huwag mong balewalain dahil ang iyong kinabukasan at walang hanggan ang nakataya. Dalangin ko na paniwalaan at tanggapin mo ang kapahayagan ng Mabuting Balita na binasa mo dito para sa iyong kapakanan. Isang katotohanan na talagang nagpapalaya sa iyo mula sa paghahatol ng Diyos sa kasalanan. Hindi dahil ikaw ay tinatakot, kundi dahil nagmamalasakit at nagmamahal sa iyo. Ika'y ginawa ng Diyos sa Kanyang wangis at ang utos Niya ay mahalin ka.
Ang mga espirituwal na bagay sa labas ng Kristiyanismo tulad ng okultismo at paganismo ay hindi nagpapalaya, sa kabaligtaran ay itinatali ka nito sa kadiliman, takot at sumpa. Subalit kay Kristo Hesus, talagang pinalalaya ka gapos ng kasinungalingan at inaalis ang kaparusahan ng Diyos sa kasalanan!
Pagkalipas ng tatlong araw, nabuhay si Hesus mula sa mga patay bilang patunay ng Kanyang kapangyarihan sa kamatayan at lubosan Niyang nabayaran ang demanda ng kasalanan. Pagkatapos ay nagpakita Siya sa ilang daang taong pinagpalang makaulayaw Siya bago bumalik sa langit. Maraming mga katibayan sa loob at labas ng Bibliya at sa kasaysayan na nagpapatunay na si Hesus ay nabuhay sa mundo, pinako sa krus, namatay, muling nabuhay at umakyat sa langit.
Ang katawan ni Kristo pagkabuhay Niya muli ay hindi tulad ng dati. Iyon ay bagong niluwalhating (glorified) katawan na hindi na muling mamamatay at wala ng hadlang maging oras, bagay o espasyo. Kung susunod at magpapasakop ka kay Hesukristo bilang iyong Diyos, ipagkakaloob Niya rin sa iyo ang bagong niluwalhating katawan bilang Kanyang alagad sa Pagsundo Niya sa Kanyang iglesiya.
Kung gayon nasaan si Hesukristo ngayon?
Si Hesus ay hindi na muling mamamatay pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay. Pagkaraan ng 40 araw, umakyat Siya sa langit, sa lugar kung saan nakatira't namamahala ang Kanyang Ama. Ipinangako Niya sa atin na isang araw ay babalik Siyang muli at titipunin ang Kanyang mga tagasunod at dadalhin sila sa Langit. Pagkatapos nito, ang mundo ay panandaliang ipapaubaya kay satanas at sa kanyang mga kampon, at ang mga taong natitira sa lupa ay haharap sa matinding kakila-kilabot na panahon.
Sa panahong iyon, ang Dakilang Kapighatian, hahayaan ng Diyos na dumaan ang suwail na sandaigdig sa Kanyang paghahatol. Ang mga mananampalataya kay Hesukristo ay may katiyakan na hindi sila parurusahan ng Diyos alang-alang sa Kanyang Anak. Nakasulat nga sa 1 Tesalonica 5:9; "Hindi tayo pinili ng Diyos upang bagsakan ng kanyang poot, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo."
Ang mga tao sa panahon ng kanilang buhay na kusang-loob na tumatanggi kay Kristo ay susuklian ng kanilang nais; ang walang hanggang mawalay sa Diyos na kanilang Maylikha dahil mas pinili nila ang kadiliman kaysa sa liwanag. Ito'y pakakatandaan!
Pagkatapos ng Pag-akyat sa Langit, ipinadala ni Hesus ang Banal na Espiritu upang tulungan ang mga mananampalataya. Ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa Kanyang mga tagasunod at Siya ay tumutulong, umaalíw (comfort) at gumagabay sa mananampalataya.
Sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay nabuo ang simbahang Kristiyano, ang pamilya ng Diyos.
Isang samahan kung saan maaaring matuto at umunlad sa relasyon at pananampalataya sa Panginoon, at sama-samang ipakita ang Kaharian ng Diyos sa iba.
Buod ng Plano ng Kaligtasan ng Diyos:
- Ang tao ay nilikha ng Diyos, natatangi at kapaki-pakinabang
- Sa kasamaang-palad dahil sa ating pagka-makasalanan ay hindi tayo direktang nakakapag-ugnay sa Diyos
- Ang Diyos ay napopoot sa kasalanan ngunit mahal Niya ang tao. Kasama dito ikaw at ako
- May plano ang Diyos para sa kaligtasan ng tao at nais Niyang ialok sa atin na
- si Hesus ay Siyang namatay bilang kapalit natin, tinanggap Niya sa Kanyang sarili ang kaparusahan na para sa atin
- Sa pamamagitan ng paniniwala kay Hesus, ganap kang makakalaya mula sa parusang ito sa kasalanan
- Kilalanin na kailangan mo si Hesus at tanggapin Siya
- Humingi ng tawad sa tuwing nakakagawa ng mali at subukang iwasan ang mga ito
- Humayo, makipag-usap sa Diyos (manalangin) at simulan ang pagbabasa ng Bibliya
- Ugaliing makipag-ugnayan sa mga kapwa Kristiyano at umanib sa isang tunay na Kristiyanong simbahan
- Pagtibayin ang iyong espirituwal na buhay sa ilalim ng patnubay ng Banal na Espiritu ng Diyos
Ang Diyos ang nagbigay na ng solusyon, kailangan mo lang itong tanggapin. Bilang tagasunod ni Hesus, ikaw ay ginawang anak na ng Diyos at samakatuwid ay maaari kang makipag-usap sa Kanya bawat sandali. Bagamat sa ngayon ay hindi mo pa rin nakikita ang Diyos, at hindi mo rin Siya literal na maririnig, maniwala kang kasama mo Siya. Ngunit maaari nating malaman na Siya ay kasama natin sa lahat ng mga araw ng ating buhay.
Hindi ipinangako sa atin ng Diyos na aayusin Niya ang lahat ng ating mga problema sa mundo o lulutasin ang mga ito sa anumang kaparaanan. Gumagamit Siya ng mahihirap na sitwasyon para subukin ang ating paniniwala sa Kanya at hubugin tayo sa wangis ni Hesukristo. Ang Diyos ay hindi isang mitolohikong 'genie' na binibigay ang lahat ng hinihiling. Kung taimtim kang mamuhay kasama't pinangungunahan Niya, mapapansin mo na Siya ang pagmumulan ng panloob na kapayapaan, kaunawaan at karunungan. Matututo kang unawain Siya at ang Kanyang pagpapatnubay.
Nang nabasa mo ito at naantig ang iyong kalooban, napagtanto mo bang malayo ka sa Diyos? Inaamin mo bang ikaw ay makasalanan? Gusto mo bang patawarin ka ng Diyos? Nais mo makipagkasundo sa Panginoong Hesukristo ngunit hindi mo alam kung paano?
Magagawa mo ang dalawang bagay:
- Makipag-ugnayan sa isang Kristiyanong kilala mo at ibahagi kung paano inaantig ng Diyos ang iyong kalooban upang manumbalik sa Kanya. O kaya'y sumulat ng email sa EZBB info@ezbb.org. Tingnan din Madalas na Itanong na mga Katanungan.
- Maaari mo rin ngayon, kung gusto mo, lumapit kay Hesus at hilingin sa Kanya na mag-Hari sa iyong buhay bilang iyong Tagapagligtas. Sa sandaling iyon, ikaw din ay naging anak ng Diyos at tatanggap ng buhay na walang hanggan.
Maaari mong sabihin ang sumusunod na panalangin, o maaari kang manalangin gamit ang iyong sariling mga salita.
Ang panalangin ay maaari mong sabihin saanman, sa bahay, sa iyong silid, sa sasakyan, atbp. Sa katahimikan ng iyong puso, tumuon sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Hesukristo nang buong katapatan:
"Panginoong Hesus, hindi pa kita lubusang kilala, ngunit kilala mo akong lubos at itinuturing mo akong mahalaga. Nagpapasalamat ako na namatay ka para sa lahat ng aking pagkakasala at ninanais na palayain ako. Gusto ko po iyon, nais kong tanggapin ka bilang aking sariling Tagapagligtas at Panginoon. Mangyaring dumating sa aking buhay at punan ito ng kapayapaan. Turuan mo akong gumawa ng mga tamang hakbang at tulungan akong lumago sa paniniwala, pagmamahal at sa isang taos-pusong ugnayan sa Iyo, aking Maylikha at Diyos."
Pagkatapos ng panalanging ito, maaari mo talagang pag-usapan ang lahat sa Diyos. Siya ang iyong Amang nasa langit. Kilala ka niya nang lubusan, kaya hindi mo kailangang matakot at ilihim ang anumang bagay sa iyong buhay. Walang masyadong maliit, o hindi mahalaga sa iyong Ama, maaari mong idulog sa Kanya ang anumang saloobin mo. Tandaan na Siya ang Pinaka-Makapangyarihan sa lahat at walang imposible sa Kanya.
Bumili ka ng Bibliya. Mayroong ilang mga magagandang pagsasalin sa Tagalog. Ang "Magandang Balita Biblia" o "Ang Salita ng Dios" ay madaling unawain at makabago ang pagsalin. Humingi ng payo sa isang Kristiyanong tindahan ng libro. Magugulat ka kung gaano katotoo at kapana-panabik ang nilalaman ng Bibliya.
Humanap ka ng mga kapatiran na tutulong at gagabay sa iyo, yoong magtuturo at magpaliwanag ng Salita ng Diyos at kung ano ang buhay Kristiyano. Dapat matutunan mo kung paano mabuhay bilang isang Kristiyano, ito'y hindi laging madali. Maraming mga pamantayan ang Salita ng Diyos na angkop sa pang-araw-araw na buhay. Gayunpaman, huwag kalimutan ang pangako ng Panginoong Hesus sa iyo:
"Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon." (Mateo 28:20). Palalakasin ka ng Diyos at bibigyan ka ng kapangyarihang labanan ang kasamaan at mga kaaway. Si Hesus ang DAAN patungo sa Diyos na nagkaloob ng buhay na walang hanggan sa Kanyang mga alagad.
ANG EBANGHELYO
Nagsimula ang lahat sa paglikha ng sansinukob ng Diyos. Sinasabi ng Genesis 1:1; "Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa".
Nilikha ng Diyos ang mga puno, halaman, hayop, ibon at mga isda.
Sinabi sa Genesis 1:27;
"Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila'y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae".
Ang dalawang taong ito ay binigyan ng mga pangalan:
Adan at Eba
Sila ay walang kasalanan at lumakad kasama ng Diyos.
Nilikha ng Diyos ang napakaraming punong may bunga.
Sa kanila ay inutos ng Diyos;
"Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka." (Genesis 2:16-17)
May nilikha ang Diyos, si satanas na isang anghel, ngunit naghimagsik siya laban sa Diyos dahil gusto niyang maging kapantay ng Diyos. Hindi niya gusto ang magandang daigdig dahil lahat ito ay gawa ng Diyos.
Kaya, iminungkahi ni satanas kay Eba na kumain ng ipinagbabawal na bunga upang magkasala. Genesis 3:1-6;
“Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?” 2 Sumagot ang babae, “Maaari naming kainin ang anumang bunga sa halamanan, 3 huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Sinabi ng Diyos na huwag naming kakainin ni hihipuin man ang bunga nito; kung kami raw ay kakain nito, mamamatay kami.” 4 Ngunit sinabi ng ahas, “Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay! 5 Sinabi lang iyan ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon ay makakaunawa kayo. Kayo'y magiging parang Diyos at malalaman ninyo ang mabuti at masama.” 6 Ang punongkahoy ay napakaganda sa paningin ng babae at sa palagay niya'y masarap ang bunga nito. Naisip din niya na kahanga-hanga ang maging marunong, kaya't pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan niya ang kanyang asawa, at kumain din ito.
Nagsinungaling si satanas sa babae, kalahating katotohanan, at naloko si Eba at kinain ang ipinagbabawal na prutas, pagkatapos ay inalok ito sa kanyang asawang si Adan. Mayroon siyang konsensya na pumili; Sundin ang kanyang asawa't kainin o sundin ang Diyos at huwag kumain? Mali ang pinili ni Adan, lumabag sa utos ng Diyos at kumain ng bunga. Dahil dito, pumasok ang kasalanan at kamatayan sa mundo.
Bilang resulta, inalis ng Diyos sa paraiso ang masuwaying mag-asawa. Sa kanilang pagsuway sa Diyos, ang tao ay hindi na namuhay ng walang pasakit, ang kahirapan, sumpa at sakit ay dumating sa mundo. Gayundin, ang tao ay nilimitahan ang buhay sa lupa, noong una ang tao ay nabubuhay ng halos isang libong taon. Ngunit sa karunungan ng Diyos, ngayon ay limitado na lang sa 120 taon.
Ilang taon pagkatapos ng unang kasalanan ng mga unang tao, binigay ng Diyos ang Kanyang Kautusan upang malaman ng tao ang batas ng Diyos. Nakasaad sa Exodo 20 ang:
"Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin. Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos."
"Huwag mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos."
"Lagi mong tandaan at ilaan para sa akin ang Araw ng Pamamahinga. Anim na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na ito'y huwag magtrabaho ang sinuman sa inyo"
"Igalang mo ang iyong ama at ina."
"Huwag kang papatay. Huwag kang mangangalunya. Huwag kang magnanakaw."
"Huwag kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa. Huwag mong pagnanasaang maangkin ang sambahayan ng iyong kapwa".
Sa madaling salita; kailangan mo munang mahalin ang Diyos higit sa lahat, at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili. (Mateo 22:36-40)
Pagkatapos, may babala sa Galacia 5:19-21; "Hindi maikakaila ang mga gawa ng laman: pakikiapid, kahalayan at kalaswaan; pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi, pagkainggit, [pagpatay] paglalasing, walang habas na pagsasaya, at iba pang katulad nito. Muli ko kayong binabalaan: ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos." Sa ebanghelyo ni Marcos 7:21-22 sinulat naman; "Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan."
Ito at ang pag-iisip din ng pagsisinungaling, pagnanakaw, pagpatay, pagkapoot, kawalan ng pag-ibig ay lahat likas sa tao at dahilan ng kanyang pagsuway sa Diyos.
Maaari nating subukang mamuhay nang mabuti't tuwid, ngunit siguradong mabibigo tayo. Alalahaning pagkatapos ng kamatayan ay may walang hanggang naghihintay sa bawat nilalang. Ang tanong ay saan 'walang hanggan' ka mapupunta?
Kasama ng Diyos, o hiwalay sa Diyos.
Hindi maaaring aprubahan ng Diyos ang kasalanan. Kung paanong ang isang kriminal ay hindi mapapawalang-sala ng isang makalupang hukom, gayundin ang Diyos na hindi kayang palampasin (parusahan) ang kasalanan. Dahil hindi na masukat ang paglabag ng tao sa batas ng Diyos, napakabigat na ng ating pananagutan sa Kanya.
Kaya ang Diyos mismo ang gumawa ng solusyon. Halimbawa, may isang tao na sinentensiyahan ng korte na magbayad ng multa na 100,000 dolyares, pero hindi siya makabayad kayat itinapon siya sa bilangguan. Tapos, dumating ang isang tao na nagsabing babayaran ko ang multa ng may sala. Ngayon ang taong sinentensiyahan ay may pagpipilian: tanggapin o tanggihan ang alok?
Ang ginawa ni Hesukristo sa Kalbaryo ay parang yoong taong nag-alok magbayad. Nagdusa Siya sa krus 2000 taon na ang nakalipas upang bayaran ang multa para sa iyong KASALANAN.
Si Hesus ay ang Anak ng Diyos na nabuhay ng walang kasalanan. Siya ay isinilang 2000 taon na ang nakaraan at ipinagdiriwang natin ang Kanyang kapanganakan tuwing Pasko.
Ang sabi ng Bibliya sa Juan 3:16;
"Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak [Hesukristo], upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."
Ano ang ibig sabihin nito? Ngayon ang bawat tao ay may dalawang pagpipilian:
Tanggapin ang alok na makipagkasundo ng Diyos sa pagsasampalataya sa Anak Niya na si Hesukristo na namatay kapalit mo para sa kapatawaran ng iyong KASALANAN. Siya ang nagtanggal ng hidwaan sa pagitan ng Diyos at ng tao upang maging katanggap-tanggap ang sinumang nakipag-isa kay Kristo at makapasok sa kaharian ng Diyos.
O tanggihan ang alok na ito at sa gayon "ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay. Sa halip, mananatili sa kanya ang poot ng Diyos." (Juan 3:36). Kayat pagdating ng kamatayan, ang umayaw ay mananagot sa Diyos, itatapon sa impiyerno (bilangguan) at magpawalang hanggang hiwalay sa Diyos.
Puwede mong sabihin na ang buhay mo sa mundo ay wala rin namang saya, puno ng sakit, paghihirap, kahirapan, kalungkutan. Tutoo, mayroon mga taong dumaranas ng pagdurusa't pighati sa mundong ito, at tunay na mahirap ang mga pinagdadaanan. Ngunit kung magpapatuloy ka sa iyong buhay na wala ang Diyos sa iyo, kay lungkot ng iyong wakas pagdating ng kamatayan; walang hanggang pagkawalay sa Diyos. Subalit kung magtitiwala ka kay Kristo, kaya Niyang bigyang liwanag at saya ang buhay mo sa gitna ng paghihirap. At bilang Tagapagligtas mo, maaari kang manikluhod sa Diyos na iahon ka sa iyong situwasyon. Sagutin man ang iyong panalangin o hindi sa mundong ito, makaka-asa ka na sa huli, masaya kang papapasukin sa Kanyang kaharian buo at nilualhati ang katawan na hindi na daranas muli ng karamdaman, kapighatian at kamatayan dahil magpakailanmán mong makakapiling sa langit ang Siyang lumikha't nagligtas sa iyo.
Kayat babala sa mga tumatanggi sa biyayang ito ng Diyos kay Kristo Hesus, sila'y hindi makakatanggap ng bagong nilualhating katawan at magpakailanman ay daranas ng kaparusahan.
Ang alok na ito ay may bisa ngunit huwag ipagpaliban ang iyong desisyon. Hindi mo tiyak ang bukas o kahit na susunod mong segundo. Kung magkagayon ay maaaring huli na, kaya gawin ang iyong desisyon sa lalong madaling panahon para hindi ka magsisi.
Kung maaari, lumuhod ka, itupi ang iyong mga kamay, iyuko ang ulo, ipikit ang mga mata at manalangin. Itong dasal ay isang halimbawa lamang, puwede mong gamitin ang sarili mong salita sa paglapit mo sa Diyos.
O Panginoong Diyos na nasa langit, patawarin Niyo po ako. Inaamin ko na ako'y makasalanan at hindi ko sinusunod ang Inyong mga utos. Alam ko pong hindi ko kayang bayaran ang kaparusahan para sa aking mga sala, kayat salamat sa pagbayad ni Kristo ng Kanyang buhay para sa akin. Naniniwala akong ganap Niyang binayaran ang parusang dapat ay sa akin, kaya po tinatanggap ko si Hesus, ang Inyong Anak, sa aking buhay bilang aking Panginoon at Tagapagligtas. Mangyaring tulungan Niyo po akong isabuhay ang kalooban Niyo mula ngayon, gabayan at hubugin po Ninyo ako para sa Inyong layunin at kaluguran.
Salamat po. Amen.
|