Kahulugan ng Pag-akyat sa Langit? Kahulugan ng Pentekostes?
Gawa 2:2-3
Isang napakalakas na hangin at mga dila ng apoy at pagsasalita ng mga wika
Kahulugan ng Pag-akyat sa Langit?
Gawa 1:8-9; "'Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.' Pagkasabi nito, si Hesus ay iniakyat sa langit habang ang mga alagad ay nakatingin sa kanya, at natakpan siya ng ulap."
Pagkatapos ng muling pagkabuhay ni Hesukristo mula sa mga patay, nagpakita Siya sa loob ng 40 araw sa maraming mananampalataya. Natapos na Niya ang layunin at misyon sa lupa at pumaroon na sa Langit:
Juan 14:1-3; "Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon."
Pinangako ng Panginoong Hesukristo na ipaghahanda Niya ng matitirhan sa langit ang Kanyang mga alagad. Kapag naipaghanda na ang lugar para sa lahat ng mananampalataya, sa utos ng Kanyang Ama, tutunog ang trumpeta at magaganap ang Pagsundo ni Kristo sa Kanyang iglesiya.
Si Hesukristo ay hindi maaaring manatili sa lupa para ipadala ang Banal na Espiritu. Ang Espiritu ng Diyos ay Siyang kumikilos sa panahon ng Bagong Tipan upang udyukin ang taong magsisi't sumampalataya sa Panginoong Hesus. Tanging ang Banal na Espiritu lamang ang maaaring manahan sa mananampalataya upang ipaalam, gabayan at bigyan siya ng kailangang kapangyarihan sundin ang kalooban ng Panginoong Hesukristo.
BIGAYANG PANSIN. Ang panahon pagkatapos ng muling pagkabuhay ni Hesukristo at ang panahon ng mga Apostoles ay isang PANIBAGONG YUGTO kaya mayroon tayong BAGONG TIPAN. Noong panahon ng Lumang Tipan, ang Banal na Espiritu ay HINDI permanenteng makapanirahan sa mga mananampalataya dahil hindi iyon itinakda ng Diyos sa Kanyang dakilang plano para sa kaligtasan. Pansamantalang pinagkalooban ng pananahan ng Espiritu ang iilan tulad nina haring Saul at David, ang mga propeta at piling manggagawa (Exodo 31:1-5).
Ayon sa mga Hudyo, ang Banal na Espiritu ay para lamang sa kanila at hindi para sa mga Hentil. Iyan ay isang mahalagang paniniwala sa Lumang Tipan kaya makikita natin kung paano kinailangan ng Diyos na kumbinsihin ang mga apostoles na ang Ebanghelyo ay para sa lahat, kabilang ang pagkakaloob ng Espiritung Banal sa lahat ng mananampalataya anumán ang lahi, kaya ito naging panibagong yugto sa kasaysayan. Sinagad ng Diyos ang pagbuka ng pinto ng kaligtasan sa buong mundo. Mula noon malayang tumugon ang sinuman sa paanyaya ng Diyos sa Kanyang kaharian sa pamamagitan ni Hesus. Ang mga pangyayari sa panibagong yugto na ito ay kailangang suriin kung naaangkop sa ating kasalukuyang panahon.
Bago ang pag-akyat ni Hesukristo sa langit, hinabilin Niya sa mga alagad na maghintay sa bautismo ng Banal na Espiritu.
Sabi ni Kristo sa Gawa 1:5; "makalipas lang ang ilang araw ay babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu."
Para saan ang bautismo ng Banal na Espiritu? Kakaunting mananampalataya lamang sa Lumang Tipan ang nakaranas ng (di-permanenteng) pagpuspos ng Banal na Espiritu. Ito ay patikim o anino ng pangako sa mga magiging mananampalataya sa Bagong Tipan (Ezekiel 11:19, 36:26). Ayon sa plano ng Diyos, unang iaalay ni Kristo ang Kanyang buhay para sa kasalanan ng tao at mapagtatagumpayan ang kamatayan nang bumangon Siya mula sa mga patay. Dahil sa ginawa ng Anak ng Diyos, ang dugo Niya ang ganap na naglilinis sa mananampalataya at naging daan na maipagkasundo muli ang Diyos sa tao. Ang nakamit ni Hesus ang naging daan para mangyari ang pananahanan ng Banal na Espiritu sa bawat Kristiyano na unang naganap noong gabi ng Kanyang pagkabuhay-muli (Juan 20:22, Lucas 24:45).
Kahulugan ng Pentekostes?
Gawa 2:1-4; "Nagkakatipon silang lahat sa isang lugar nang sumapit ang araw ng Pentecostes. Walang anu-ano'y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu."
Sa pagbautismo kay Hesus, ang Banal na Espiritu ay bumaba kay Hesus sa anyo ng isang kalapati.
Sa mga disipulo ni Kristo, ang Banal na Espiritu ay bumaba sa anyo ng APOY.
MANGYARING MAGBIGAY NG PANSIN, ang anyong nakita sa unang bautismo ng Banal na Espiritu ay parang mga dilang APOY. Sa aking pagkakaalam, ang kababalaghang pagbautismo ng Espiritu na may pangitaing (dilang) apoy ay hindi na nagaganap sa kasalukuyan, na ito'y nangyari lamang sa mga unang disipulo ni Hesus.
Ito ang pinakaunang pagpuspos ng Espiritu Santo sa mga mananampalataya kay Kristo. Ayon sa salaysay sa ikalawang kabanata ng Gawa tungkol sa pangangaral ni Pedro noong Pentekostes, tatlong libong katao ang naniwala sa Ebanghelyo (Gawa 2:38) at nagpabautismo pero walang nabanggit na nakita muli ang mga dilang apoy. Kayat ang paniniwala ko, ngayon WALA nang umiiral na bautismo ng Banal na Espiritu, DAHIL DIREKTA na sa pagtanggap kay Hesukristo ng makasalanan, agad na nananahan ang Banal na Espiritu sa kanya.
Acts 2:38; "Sumagot si Pedro, 'Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Hesukristo upang kayo'y patawarin; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.'"
Ang Diyos Ama, ay pinakita rito sa araw ng Pentekostes, sa pamamagitan ng simbolo ng (dilang) apoy na dumapo sa mga disipulo ay ibinibigay Niya ang Banal na Espiritu sa bawat sumampalataya sa pagliligtas ng Kanyang Anak na si Hesukristo.
Ang gawain ng Banal na Espiritu ay ipinamalas. Ipinakita ng mga propetang sina Moses, Elijah at Eliseo ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Salita at mga pambihirang himala. Narito ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa mga alagad na "hindi nag-aral o nagsanay sa ibang wika" na makapagsalita ng iba't ibang lengguwahe ng tao. Hindi sa wika ng mga anghel o wikang makalangit, kundi mga wikang banyaga na naiintindihan ng mga dayuhan. Tulad ng isang Brazilian na bigla na lang nakapagsalita ng wikang Ingles nang walang anumang pagsasanay.
Gawa 2:5-11; "May mga debotong Hudyó noon sa Jerusalem na nagmula sa bawat bansa sa buong mundo. Nang marinig nila ang ugong, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa wika ng mga nakikinig. Sa pagkamangha at pagtataka ay kanilang nasabi, 'Hindi ba taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakapagsasalita sa ating wika? Tayo'y mga taga-Partia, Media, Elam, Mesopotamia, Judea at Capadocia, Ponto at Asia. Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Pamfilia, Egipto at sa mga lupain ng Libya na malapit sa bayan ng Cirene, at mga nagmula sa Roma, mga Hudyó at mga Hentil na nahikayat sa pananampalatayang Hudyó. May mga taga-Creta at Arabia rin. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos?'"
Noong Pentekostes ay may mga Hudyo na naroroon sa Jerusalem na nanggaling sa Mesopotamia, Judea at Cappadocia, Ponto at Asia, Frigia at Pamfilia, Ehipto at mga bahagi ng Libya na kabilang sa Cyrene, Roma, at iba pang mga bansa. Ang bawat isa sa kanila ay narinig ang kapahayagan ng mga kamangha-manghang ginawa ng Diyos sa kanilang sariling wika mula sa mga bibig ng mga disipulo sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu!
Ito ay iba kaysa sa pagsasalita ng wika ng mga anghel (1 Corinto 13:1, 1 Corinto 14:2-5); tongues of angels). Kung saan ang wikang hindi maintindihan ay binibigkas at kailangan pa ang pagpapaliwanag upang maunawaan ng tao (1 Corinto 14:27-28).
Ang pagsasalita ng ibang mga wika ay hindi na natin mababasa sa mga liham ng mga Apostoles maliban kay Apostol Pablo na nagsulat tungkol dito sa kanyang mga liham, na babalikan ko mamaya.
Ang Ebanghelyo ay pinalawak sa mga Hentil
Sa Gawa 10, ang Ebanghelyo ay pinalawak sa mga Hentil. Si Cornelius, isang senturyon na may lahing Italyano, ay isang taong banal na sumasamba sa Diyos kasama ang kanyang sambahayan, nagbibigay ng limos (pag-aalaga sa mga mahihirap), iginagalang ng mga Hudyo at nananalangin sa Diyos ng Israel. Sa kabila ng lahat ng mabubuting niyang gawa at pagiging mabuting tao, hindi ito sapat para sa kanyang kaligtasan at makapasok sa kaharian ng Diyos. Tulad ng lahat, siya ay isang makasalanan na nangangailangan ng magliligtas sa kanya, at ito'y sa pamamagitan lamang ng dugo ni Hesukristo.
Binigyan si Pedro ng isang pangitain at doon ay inutusan siya ng Diyos na kumain ng maruruming hayop, mga bawal sa Hudyo. Tatlong ulit na nangyari ito.
Si Cornelius, na inutusan ng anghel ng Diyos, ay nagpadala ng mga tao kay Pedro upang anyayahan siya. Sa pagaabang ng kanyang pagdating, inimbitahan ng senturyon ang kanyang buong pamilya at malalapit na mga kaibigan upang makinig sa sasabihin ni Pedro. Hindi siya makasarili, ninais niya na ang iba'y makarinig din ng mahalagang mensahe ni Pedro.
Sa talata 28, napagtanto ni Pedro na ang Mabuting Balita ay para DIN sa mga Hentil.
Gawa 10:43-48; "Siya [si Hesukristo] ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.' Nagsasalita pa si Pedro, nang bumabâ ang Espiritu Santo sa lahat ng mga nakikinig. Namangha ang mga mananampalatayang Hudyó na kasama ni Pedro sapagkat ibinigay din sa mga Hentil ang kaloob ng Espiritu Santo. 46 Narinig nila ang mga ito na nagsasalita sa iba't ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya't sinabi ni Pedro, 'Tulad natin, sila'y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino ang makakapagbawal na bautismuhan sila sa tubig?' At iniutos niyang bautismuhan sila sa pangalan ni Hesukristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili pa roon nang ilang araw."
Sa talata 43 ang pangunahing punto ng mensahe ni Pedro; "ang bawat sumampalataya sa kanya [kay Kristo Hesus] ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan." Si Cornelio, ang kanyang pamilya at mga kaibigan ay tinanggap ito at ang katibayan ay malinaw sa mga talatang 44-46. Ang pananahan ng Banal na Espiritu ay patunay ng pagtanggap at pananampalataya kay Kristo ng isang tao. Ito ang pangalawang pagkakataon kung saan ang mga Hentil ay niligtas ng Diyos para mapabilang sa iglesiya ni Hesukristo. Ang unang pagkakataon ay ang bating, isang Etiope, bagamat may bautismong naganap hindi nabanggit kung nagkaroon ng pangitain ng Banal na Espiritu tulad ng kay Cornelio. Ang pagkilos ng Espiritu Santo na pinamalas kay Pedro ay maliwanag ang mensahe; ang kaligtasan kay Hesus ay di lamang para sa mga Israelita kundi para sa mga Hentil din. Ang mga mananampalatayang Hudyong kasama ni Pedro mula Jopa ay namangha dahil ipinagkaloob din ng Diyos ang Banal na Espiritu sa mga hindi Hudyo. Sabi sa talata 46; "Dahil narinig nilang nagsasalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan at nagpupuri sila sa Diyos." Sa aking palagay; itong pagsasalita nila ng iba't ibang wika ay NAUNAWAAN nila, na ito'y mga wika ng tao dahil sabi'y narinig nilang dinakila ang Diyos. Ito ay iba kaysa kapag ang mga mananampalataya ay nagsalita ng wikang anghel na walang nakakaintindi sa kanilang sinasabi.
Ang mga talatang 47 at 48 ay malinaw na sinasabing si Cornelio at ang kanyang mga kasama ay sumampalataya kay Hesukristo sa pagpapatunay ng Banal na Espiritu mismo na kumilos sa kanilang pagtitipon na nasaksihan ni Pedro at mga mananampalatayang Hudyo. Kayat lohikal lamang na sila'y mabinyagan din sa tubig.
Tandaan: Ang opinyon ko, hindi totoo na ang Banal na Espiritu ay nananahan sa tao pagkatapos ng bautismo niya sa tubig! Una muna ang pagsampalataya, na sinusundan ng pagpuspos ng Banal na Espiritu, tulad ng sa mga talatang 43 at 44, pagkatapos ay kasunod ang bautismo sa tubig.
Pagsasalita ng mga wika
Hindi tulad ng mga sulat ng iba pang mga Apostol, si Pablo lamang, ang sumulat tungkol sa pagsasalita ng mga wika at malawakan sa 1 Corinto 14. Dito ay malinaw si Pablo.
Talata 2; "Ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay sa Diyos nakikipag-usap at hindi sa tao, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, ngunit nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Espiritu Santo."
Kaya ayon kay Pablo, ang pagsasalita ng mga wika ay ang pakikipag-usap sa Diyos at HINDI kung ano ang klase ng pag-uusap sa publiko. Ang pagsasalita ng mga wika, nang walang paliwanag, ay parang tunog ng plauta o alpa na walang pagkakaiba sa mga nota.
Sa mga talatang 5 at 18 sinulat ni Pablo na nakapagsasalita siya maraming wika, ito'y hindi nakakagulat. Pananaw ko, si Pablo ay napuspos ng Banal na Espiritu upang ihayag ang Ebanghelyo sa mga Hentil, sa mga taong malamang ay banyaga ang wika. Isang halimbawa ay nang mapadpad siya sa isang isla makatapos mawasak ang barkong sinasakyan at doon ay naihayag niya ang Ebanghelyo. Ngunit maaari ngang tinutukoy niya dito ay ang papuri sa Diyos nang nagsasalita sa wika ng mga anghel na hindi naiintindihan ng tao.
Pero malinaw ang talata 19; "Ngunit sa pagtitipon ng iglesya, MAS GUSTO KO PANG MAGSALITA NG LIMANG KATAGANG MAUUNAWAAN AT MAKAKAPAGTUTURO SA IBA, kaysa libu-libong salitang wala namang nakakaunawa." Bakit? Dahil ito ay hindi tunay na nakakatulong at nakakapangusap sa mga nakakarinig, walang silbi sa mga miyembro ng simbahan dahil nga hindi ito naiintindihan. Malinaw ito sa payo ng apostol sa talata 27-28. KINAKAILANGAN MAYROONG MAKAPAGPAPALIWANAG, kung hindi ay dapat manatiling tahimik. Higit na mahalaga sa pagtitipon ng mga mananampalataya ang maunawaan ang kapahayagan, kaya binibigyang halaga ang propesiya kaysa sa pagsasalita ng mga wika. Gayunpaman, ang pagsasalita ng mga wika ay ipinagkaloob ng Banal na Espiritu upang pagyamanin ang pakikipag-usap ng Kristiyano sa Diyos.
Alamin kung sino ang nagsasalita ng mga wika
Ang kaloob ng pagsasalita ng mga wika ay hindi dapat pinangangalandakan. Nararamdaman ko na may ilang mananampalataya na nagsasalita ng mga wika sa publiko upang ipakita ang kanilang kaloob ng Espiritu sa iba. Kadalasan ay nagsasalita lamang ng mga wika nang walang nakakaalam kung ano ang sinabi ng tao kaya walang nakapagbibigay ng paliwanag sa mga sinalita. Iyon ang dahilan kung bakit may panganib ang pagsasalita ng mga wika nang walang nakakaintindi. Saksi ang sumusunod na artikulo.
Pinagmulan: Internet Bijbelschool (Dutch) Isang halimbawa ng isang kapatid na babae sa isang simbahan. Siya ay nasiil sa okultismo matapos ang isang babaeng-madasal ay nanalangin kasama niya gamit ang ibang wika. Nangyari iyon sa walang-denominasyon karismatikong pagpupulong ng "Woman Aglow" na isang kilusang kababaihan. Sa pulong na iyon, ang kapatid na babae ay nalinlang ng isang propesiya na sinabi ng babaeng-madasal sa kanyang panayam. Sinabi ng babaeng-madasal; "Sinasabi sa akin ng Panginoon na mayroong isang tao dito na dumaraan sa paghihirap, ngunit sinabi daw ng Panginoon na: 'Ako ay kasama mo.'" Iyon ay, siyempre, isang malawakang bitag dahil sa ganoong pagpupulong ay tiyak may ilang dumaraan sa hirap. Ngunit ang kapatid na babae mula sa aming simbahan na noo'y naghihirap ay naisip na siya ang tinutukoy sa "propesiya". Pagkatapos ay hinanap niya ang nagsalita't sinabi ang tungkol sa propesiya at iyon ay para sa kanya. Ipinaalam rin sa babaeng lektor ang tungkol sa kanyang mga problema. Iminungkahi ng babaeng-madasal na ipanalangin siya't kanya namang pinayagan. Habang nagdadasal ang lektor, ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa balikat ng kapatid na babae (pagpapatong ng mga kamay!) at pagkaraan ng ilang sandali ay nagpalit siya ng panalangin gamit ang mga wika (nang walang pagsasalin). Mula ng gabing iyon, sa bahay ng kapatid na ito ay sari-saring kababalaghan ng okultismo ang naranasan niya. Siya ay ginugulo ng kakaibang tunog at pangitain ng mga multo na nagdulot sa kanya ng matinding takot. Humingi siya ng tulong sa mga pinuno ng aming simbahan. Pagkatapos ng paghahanda sa panalangin, binisita siya ng ilang kapatiran. Sinabi niya na sa kanila na ipinagtapat na niya sa Panginoon ang pagkakasala na pinahintulutan niyang ilagay ang mga kamay sa kanya at hayaang manalangin sa mga wika. Pagkatapos ay inutusan ng mga kapatid - sa Makapangyarihang Pangalan ni Hesus - ang mga kampon ng kadiliman na lumayas at huwag nang guluhin ang babae. Naglaho ang panggugulo ng mga masasamang espiritu mula noon. Ang ipinadala ng babaeng-madasal sa pagsasalita ng mga wika ay hindi pagpapala ng Banal na Espiritu, kundi ang panggugulo ng mga demonyo.
Noong nakaraan, isang naghahanap ng asilo (asylum) mula sa Aprika ang nagkuwento tungkol sa isa sa aming dating pinuno sa simbahan. Isa siya sa mga dumalo sa isang malaking simbahang Pentecostal sa Rotterdam. Ang pinunong ito ay nagsalita sa mga wika ng kahila-hilakbot na paninirang-puri na kinalabasan ay isa palang kilalang wika sa Africa. Ang hindi inakala ng pinuno ay ang pagsasalita niya ng mga wika ay naiintindihan pala ng mga dumalong Kristiyano doon at paninirang-puri ang kanilang narining. Katapusan ng pinagmulan.
Sumulat si Johann Sebastian Bach ng tatlong cantata para sa unang araw ng Pentekostes: BWV 34, 74 at 173, para sa ikalawang araw ng Pentekostes dalawang cantata: BWV 68 at 174, at para sa ikatlong araw ng Pentekostes dalawang cantata: BWV 175 at 184.
BWV 34: Play